Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagpapapayat Salamat sa inyong artikulo tungkol sa pagpapapayat. (Mayo 22, 1989) Noong nakaraang Abril, ako ay isang 80-kilo, 58-anyos, babaing may diabetis at alta presyon. Labis din akong nanlulumo. Ngayon ako ay 72 kilo, hindi gaanong nangangailangan ng insulin, at ang presyon ng aking dugo ay mahusay. Nawala rin ang panlulumo. Nagawa ko ito sa pagbabantay sa kinakain kong matamis at taba at sa paglalakad ng limang kilometro tuwing umaga na may mahigit na apat na guhit na pabigat sa bawat pulso. Maaaring magtinging katawa-tawa ako samantalang naglalakad, subalit napagtagumpayan ko na ang ilang mga pakikipagbaka, at naniniwala ako na mapagtatagumpayan ko ang laban sa pagpapapayat. Muli, maraming salamat.
E. P., Canada
Malungkot na Sakuna sa Lockerbie Ako’y nabalisa sa inyong komento tungkol sa Obispo ng Galloway sa artikulo tungkol sa sakuna sa Lockerbie. (Hulyo 22, 1989) Sa pagsasabing siya’y bumigkas ng ‘mapapait na salita sa Diyos’ sa pamamagitan ng pagtatanong na, ‘Bakit pinayagan ng Diyos na mangyari ito?’ ay may kamaliang inilalarawan ninyo siya.
A. W., Britaniya
May kawastuang iniulat namin ang mga salita ng obispo na sinipi sa “The New York Times” ng Disyembre 26, 1988. Gayunman, mula noon, tumanggap kami ng isang kopya ng sermon ng obispo, at lumalabas na ang kaniyang mga salita ay aktuwal na nilayon upang ulitin ang mga kaisipan ng iba, hindi ang kaniyang sariling kaisipan. Gayumpaman, ang mga salita ng obispo ay sinipi upang ipakita na hindi siya nagbigay ng salig-Bibliyang sagot sa katanungang iyon, ni binanggit man niya ang pag-asang binabanggit ng Bibliya para sa mga patay. (Juan 5:28, 29)—ED.
Pagmumura Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Mapipigil ang Simbuyo na Magmura?” ay tamang-tama ang dating! (Setyembre 8, 1989) Palibhasa’y salansang sa Kristiyanismo ang aking asawa, kung minsan iyon na lang ang magagawa ko upang pigilin ang aking dila. Ang mga kaisipan ng pagmumura ay nagpangyari sa akin na mahiya at madama kong hindi ako karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos. Ang kahanga-hangang artikulong ito ay nagbigay sa akin ng patnubay na kailangan ko upang labanan ang tuksong magmura.
C. D., Estados Unidos
Pag-iwas na Magahasa Ang babaing sinipi sa inyong artikulo (Agosto 22, 1989) ay nagsabi na “naiwasan [niya] ang magahasa sa tulong ni Jehova.” Nangangahulugan ba ito na yaong mga nahahalay ay hindi tinulungan ng Diyos? Bakit niya tutulungan ang isa at ang iba’y hindi?
V. R., Estados Unidos
Hindi sinasabi ng Bibliya na makahimalang iniingatan ng Diyos ang kaniyang bayan mula sa panganib. Ipinakikita ng batas ng Diyos sa Israel na ang panggagahasa ay maaaring mangyari sa tapat na mga lingkod ng Diyos. (Deuteronomio 22:23-27) Gayunman, tayo ay binigyan ng Diyos ng maka-Kasulatang patnubay na maaari nating pakinabangan kung ikakapit natin ito. At ang salig-Bibliyang payo tungkol sa paglaban sa panggagahasa ay napatunayang isang proteksiyon sa babaing nasasangkot. Angkop kung gayon, pinasalamatan niya ang Diyos sa pagbibigay ng nakatutulong na impormasyong ito.—ED.
Paninigarilyo Ang pabalat ng labas tungkol sa “Kamatayang Ipinagbibili” (Hulyo 8, 1989) ay talagang nakatawag ng pansin ng mga tao. Regular kong dinadalaw ang isang may edad nang babae na malakas manigarilyo. Sa loob ng maraming taon siya ay may suskripsiyon sa Gumising! subalit bihira niyang basahin ang mga artikulo. Kamakailan, dinalaw ko siya at napansin ko na sa wakas ay nakahihinga na ako sa kaniyang bahay. Oo, sinisikap niyang ihinto ang paninigarilyo. Nang makita niya ang labas na iyon, binasa niya ito mula sa simula hanggang sa wakas at ngayon nais niyang mag-aral ng Bibliya at pumunta sa Kingdom Hall. Salamat sa pagiging kaakit-akit ng ating mga magasin!
C. P., Estados Unidos