Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang Bunga ng Digmaan Ako’y tuwang-tuwa nang buksan ko ang labas ng Oktubre 8, 1989. Naroon sa loob ang larawan ng aking asawa nang siya ay nasa U.S. Marines noong 1944. Bagaman ang larawan ay dati nang inilathala mga 45 taon na ang nakalipas, hindi namin malaman kung saan ito kuha. Nilinaw ito sa amin ng inyong paliwanag. Binasa ng aking asawa ang mga artikulo at sinabi niya na ito ay tamang-tama. Sa aking kaalaman, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakabasa siya ng Gumising!
H. S., Estados Unidos
Natapong Langis Bilang isang tagapagrasyon ng mga pagkaing-dagat, pinahahalagahan ko ang artikulo sa labas ng Setyembre 22, 1989, tungkol sa natapong langis sa Alaska. Tiyak na naapektuhan nito ang mga buhay ng mga taong naninirahan doon, gayundin ang kapaligiran. Talagang kailangan natin ang patnubay mula sa ating Maylikha upang gabayan ang ating mga hakbang. Subalit kung ang pagkaing-dagat sa Alaska ang pag-uusapan, hindi tayo dapat matakot na bumili ng gayong mga produkto, yamang isang programa ng lubus-lubusang pagsisiyasat ang isinasagawa ngayon.
A. C., Estados Unidos
Mapaniniwalaang Kinabukasan Ako’y talagang naliwanagan ng sanaysay na iyon ng isang 16-anyos na babaing sumulat tungkol sa kinabukasan. (Oktubre 22, 1989) Nagustuhan ko lalo na ang tulang sinipi niya: “Dalawang lalaki ang tumingin sa labas ng bilangguan, nakita ng isa ang butas na punô ng putik, nakita naman ng isa ang mga bituin.” Napakabisa nitong pasimula para sa isang pag-uusap sa Bibliya.
D. B., Canada
Bilang isang tin-edyer, hangang-hanga ako na isinali ng batang babaing ito ang kaniyang sanaysay sa isang paligsahan. Iyan ay isang papuri sa kaniyang pananampalataya at pag-ibig sa kaniyang Maylikha. Inilarawan ng kaniyang sanaysay ang isang magandang kinabukasan niyaong mga umaasa sa Diyos na Jehova.
S. G., Estados Unidos
Pantanging Pangangailangan Binanggit ng inyong artikulo (Agosto 22, 1989) ang tungkol sa pagbasa ng labi. Gayunman, hindi lahat ng bingi ay nakababasa ng labi. Mga 30 porsiyento lamang ang nauunawaan ng karaniwang taong bingi, at ang iba pa ay hinuhulaan lamang niya. (Subukan mong manood ng TV nang walang tunog, at makikita mo na hindi gayon kadali.) Kadalasang pinipilit kami ng mga tao na basahin ang labi sa halip na isulat ang mga ito sa papel para sa amin. O kaya’y magsasalita sila sa aming tainga o magsasalita nang malakas o sisigaw pa nga. Hindi ito umuubra. Nasasaktan din kami nang labis kapag ang mga taong may pandinig ay tinatrato kami na para bang kami’y kulang-kulang sa isipan.
F. B., Estados Unidos
Ang mga paalaalang ito ay pinasasalamatan. Ang pagbasa ng labi ay binanggit lamang bilang isang mapagpipilian ng mga indibiduwal na naging bingi sa dakong huli ng buhay at nasusumpungang napakahirap pag-aralan ang “sign language.” Hindi namin ibig sabihin na ang lahat ng taong bingi ay maaaring bumasa ng labi.—ED.
Suwail na mga Anak Nais ko kayong pasalamatan sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Nila Magagawa Iyon sa Akin?” (Nobyembre 8, 1989) Ang aking kapatid na babae ay natiwalag sa kongregasyong Kristiyano dalawang taon na ang nakalipas, at marami sa mga kaisipan na inilabas sa artikulong iyon ay naglalarawan ng akin mismong mga damdamin. Noon para bang hindi mapagtatagumpayan ng aming pamilya ang malungkot na karanasang ito, subalit napagtagumpayan namin ito. At naipamalas namin ang aming katapatan kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.
K. L., Estados Unidos
Pananatiling Magkaibigan Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Napakahirap Manatiling Magkaibigan?” (Setyembre 22, 1989) ay tumulong sa akin na matanto kung sa anong antas sinasakal ko ang aking pakikipagkaibigan. Nagseselos pa nga ako kapag ang iba ay nakikipag-usap sa ilan sa aking mga kaibigan! Ako ngayon ay gumagawa ng mga pagbabago. Inaasahan kong ang mahalagang bahaging ito ay hindi mawawala sa magasing ito.
G. Z., Brazil