Mga Dantaon ng Pagkakabahagi
ANG salitang “schism” (iba’t iba ang bigkas na sizm, skizm, o shizm) ay binigyan kahulugan bilang “ang proseso kung saan ang isang lupon ng relihiyon ay nahahati at nagiging dalawa o higit pang natatangi, independiyenteng mga lupon.”
330 C.E. “Ang pagkakabahagi sa pagitan ng Griego at Latin na Sangkakristiyanuhan. . . . Ang pagtatatag sa Constantinople, ang ‘bagong Roma’ (330), hinahalinhan ang ‘dating Roma’ bilang kabisera ng imperyo, ay naghasik ng mga binhi ng isang labanang eklesiastiko sa hinaharap sa pagitan ng Griego sa Silangan at ng Latin sa Kanluran.”—The Encyclopedia of Religion.
330-867 C.E. “Mula sa simula ng Diyosesis ng Constantinople hanggang sa malaking pagkakabahagi noong 867 ang listahan ng pansamantalang pagtatalusirâ na ito ng komunyon ay mahirap pagtagumpayan. . . . Sa 544 na mga taóng ito (323-867) hindi kukulangin sa 203 ang ginugol sa Constantinople sa kalagayang hiwalay [sa Roma dahil sa mga pagtatalo sa teolohiya na nauugnay-sa-Trinidad at sa pagsamba sa mga imahen].”—The Catholic Encyclopedia.
867 C.E. “Pinanatili ng diyosesis ng Constantinople ang paninindigan nito laban sa Roma noong panahon ng tinatawag na Photian Schism. Nang tutulan ni Papa Nicholas I ang pagtataas kay Photius sa pagkapatriarka, . . . ang patriarkang Byzantine ay tumangging yumukod. . . . Ineskomulga . . . ni Nicholas si Photius; isang konseho naman sa Constantinople ang tumugon (867) sa pag-eskomulga kay Nicholas bilang ganti. Ang kagyat na mga isyu sa pagitan ng dalawang diyosesis ay mga bagay may kaugnayan sa eklesiastikong kahigitan, ang liturhiya, at disiplina ng klerigo.”—The New Encyclopædia Britannica.
1054 C.E. “PAGKAKABAHAGING SILANGAN-KANLURAN, ang pangyayaring nagpadali sa pangwakas na paghihiwalay sa pagitan ng mga iglesya Kristiyana sa Silangan [Orthodoxo] . . . at sa Iglesya [Katolika Romana] sa Kanluran.”—The New Encyclopædia Britannica.
1378-1417 C.E. “[DAKILANG] PAGKAKABAHAGI SA KANLURAN—Ang panahon . . . kung saan ang Sangkakristiyanuhan sa Kanluran ay nahati sa dalawa, at nang maglaon sa tatlo, na mga pagtalima sa papa [na may karibal na mga papa sa Roma, Avignon (Pransiya), at sa Pisa (Italya)].”—New Catholic Encyclopedia.
Ika-16 na siglo C.E. “Kung tungkol sa Repormasyong Protestante, . . . karaniwang ginagamit ng Iglesya Katolika ang katagang erehiya sa halip na pagkakabahagi.”—Théo—Nouvelle encyclopédie catholique.
1870 C.E. “Ang Unang Konsehong Vaticano, na nagtaguyod sa ‘hindi pagkakamali’ ng papa, ang nagdala ng paghiwalay ng ‘Dating mga Katoliko.’ ”—La Croix (Pahayagan sa Paris, Katoliko).
1988: Paghiwalay ni Arsobispo Lefebvre, na “nagsimula ng pagkakabahagi sa Iglesya Katolika sa pamamagitan ng paglaban niya sa Papa at sa diwa ng ikalawang Konseho ng Vaticano . . . na itinuturing ang mga Protestante na hidwang paniniwala, na nakikita ang ekumenismo bilang gawa ng diyablo, at na handang mamatay na eskomulgado kaysa makipagkasundo sa isang ‘makabagong’ Simbahan.”—Catholic Herald.