Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 6/22 p. 6-7
  • Bakit ang Matinding “Pagkabalisa?”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit ang Matinding “Pagkabalisa?”
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nag-aalala ang Liberal na mga Katoliko
  • Disidenteng mga Teologo
  • Maraming Katoliko ang Nalilito
  • Ang Bagong Pagkakabahagi
    Gumising!—1990
  • Ang Rebeldeng Arsobispo
    Gumising!—1987
  • Bakit ang mga Pagkakabaha-bahagi?
    Gumising!—1990
  • Mga Biták sa Gusali
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 6/22 p. 6-7

Bakit ang Matinding “Pagkabalisa?”

SI Papa John Paul II ay nagpahayag ng “kawalang-pag-asa” sa paghiwalay ng tradisyunalistang kilusang Katoliko ni Arsobispo Lefebvre. Ang simbahan, sabi niya, ay kumilos na may “matinding pag-aalala.”

Ikinalungkot nang labis ng paring Katoliko na si Joaquín Ortega, kinatawan na kalihim sa komperensiya ng mga obispong Romano Katoliko sa Espanya, ang kalagayan: “Tayo ay nahulog sa isang ‘supermarket na Katolisismo.’ Ang mga tao’y pumupulot at pumipili ng naiibigan nila na para bang ang ating mga doktrina ay mga de-latang gulay.”

Ipinahayag ni Arsobispo Lefebvre na ipinagkanulo ng Ikalawang Konsehong Vaticano ang tradisyunal na Iglesya Katolika, binubuksan ang simbahan sa mga pagbabago. Kaya, inaakala niya, na niyanig ng konseho ang paniniwala ng mga Katoliko na sila’y kabilang sa isang tunay na simbahan.

Binubuod ang mga argumento ni Lefebvre at ng kaniyang mga tagasunod, ang International Herald Tribune ay sumulat: “Ang mga tradisyunalista ay nangangatuwiran na alin sa ang simbahan ay nagkamali bago ang konseho, o na ito ay nagkakamali ngayon, subalit hindi maaaring nagkamali ito noon at ngayon. Kung ito’y nagkamali bago ang konseho, sabi nila, kung gayon ay maaaring nagkamali ito sa iba pang doktrina. ‘Naririto tayo upang ipakita ang ating pagmamahal sa simbahan sa lahat ng panahon,’ sabi ng arsobispo.”

Gayunman, maraming taimtim na Katoliko ang nagtatanong kung ang itinuro at isinagawa kaya ng simbahan bago ang Vatican II ang katotohanan o ito kaya ay mali.

Nag-aalala ang Liberal na mga Katoliko

Maraming liberal-ang-kaisipang Katoliko ang nag-aalala na ang ipinalalagay nilang progresibong mga hakbang na kinuha sa Vatican II ay sinasabotahe dahil sa pangyayari tungkol kay Lefebvre. Natatakot sila sa opisyal na mga pahayag ng Vaticano kamakailan, gaya niyaong sinabi ni Cardinal Ratzinger, ang bantay ng ortodoxong Katoliko. Siya ang pinuno ng ahensiya ng Vaticano na sa loob ng apat na siglo ay kilala bilang ang Kongregasyon para sa Sagradong Inkisisyon.

Si Cardinal Ratzinger, prepekto ng Sagradang Kongregasyon para sa Doktrina ng Pananampalataya, sa Roma, ay nagsabi: “Ang pagkakabahagi ay dumarating lamang kapag ang mga tao ay huminto na ng pamumuhay at pagmamahal sa ilang katotohanan at mga pamantayan ng pananampalatayang Kristiyano.” Ikinatatakot ng progresibong mga Katoliko na ang nasa isip ng kardinal na “mga katotohanan at mga pamantayan” ay yaong makikita sa Iglesya Katolika Romana noong panahon bago ang Vatican II.

Ipinahahayag ang gayong takot, isang artikulong pinamagatang “Ang Kabayaran ng Pagkakabahagi,” inilathala sa pahayagang Pranses na Le Monde, ay nagsabi: “Sino ang nakakaalam kung ang Vaticano ay hindi​—sa di-nalalaman o di-inaamin—​nagsisimula nang isagawa ang ‘tradisyunalismo nang wala si Lefebvre’? . . . Hindi kaya sinisikap [ng Vaticano] na mabawi ang nahihilig-sa-tradisyong mga klero at lego at higit sa lahat ay igiit-muli ang autoridad at mga pamantayang Katoliko kung saan ito lubhang lantarang hinahamon, lalo na sa Kanlurang Europa at Hilagang Amerika?”

Disidenteng mga Teologo

Noong Enero 1989, 163 teologong Katoliko mula sa Kanlurang Alemanya, Netherlands, Austria, at Switzerland ang naglabas ng isang pahayag na ngayo’y kilala bilang ang Deklarasyong Cologne. Noong sumunod na mga linggo, nakisama sa kanila ang daan-daang teologong Katoliko mula sa ibang bansa, kasali na ang Italya. Ang daluyong ng pagtutol ay sinimulan ng di-makatuwirang paghirang ng Vaticano sa isang konserbatibong prelado bilang arsobispong Katoliko sa Cologne, Alemanya, laban sa kagustuhan ng herarkiya roon. Subalit ang pagtutol ay hindi lamang sa paghirang ng makakanang mga obispo. Kasali rito ang disiplinaryong mga hakbang ng Vaticano upang patahimikin ang mga teologong nagpapabanaag ng “teolohikal na pag-iisip na idiniin sa Ikalawang Konsehong Vaticano.” Kinuwestiyon din ng mga teologo ang karapatan ng papa na ipatupad ang kaniyang mga palagay “sa larangan ng pagtuturo ng doktrina,” lalo na tungkol sa birth control.

Bilang pagtugon sa deklarasyong ito, tahasang binanggit ni Cardinal Ratzinger na yaong tumatanggi sa katayuan ng Vaticano tungkol sa birth control at diborsiyo ay nagbibigay ng maling interpretasyon sa “budhi” at “kalayaan” at lumalabag sa tradisyunal na turo ng simbahan. Ipinaalaala niya kamakailan sa mga prelado sa E.U. na hindi nila dapat hayaan maimpluwensiyahan ng “di-nagkakaisang ideya” ng mga teologo ang kanilang turo.

Maraming Katoliko ang Nalilito

Isang Pranses na teologong Katoliko ang nagsabi sa isang panayam sa Le Monde: “Isang pagkakamaling sabihin . . . na ang krisis na ito ay nakakaapekto lamang sa mga teologo. Ipinahahayag lamang nila ang matinding pagkabalisa ng maraming Katoliko.”

Maraming taimtim na Katoliko ang nagtatanong kung ang rebeldeng arsobispo Lefebvre, bagaman eskomulgado, ay maaaring hindi ‘natalo sa isang labanan at nanalo sa digmaan.’ Sa katunayan, gumagawa ng mga pagpapahinuhod sa mga tagasunod ni Lefebvre sa pagsisikap na mapabalik sila sa kawan. Ang Misa ay muli na namang binibigkas sa Latin sa maraming simbahang Katoliko, at mga obispong konserbatibo ang hinihirang sa puwesto. Kapansin-pansin, ang tradisyunalistang mga Katoliko ay nagtatanong: ‘Bakit si Monsenyor Lefebvre ay ekskomulgado gayong ang mga paring Katoliko sa Holland na nagbabasbas sa “mga pag-aasawang” homoseksuwal at ang mga pari sa Timog Amerika na nagtataguyod ng rebolusyunaryong teolohiya ng pagpapalaya ay bahagi pa rin ng simbahan?’

Lahat ng ito ay nag-iiwan sa maraming Katoliko na nalilito. Isang Katolikong Pranses ang sumulat sa pahayagang Katoliko na La Croix (Ang Krus): “Ang simpleng mga Kristiyano, gaya ko, ay nagdurusa dahil sa yaong mga nasasangkot [sa awayan ng simbahan] ay hindi pinag-uusapan ang mga bagay-bagay at sumasapit sa isang kasunduan. Ang ibang mga tao ay dahan-dahang lumalayo sa relihiyosong mga gawain, kung hindi man sa Simbahan.”

Walang alinlangan, hindi maunawaan ng mga taong iyon kung bakit ang ipinalalagay nilang isang tunay na simbahan ay lubhang nababaha-bahagi. Kahit na ang paring Katolikong si René Laurentin ay nagtanong: “Bakit ang pagkakabaha-bahaging ito sa gitna ng mga Kristiyano?” Isaalang-alang nating sandali ang ilang dahilan nito.

[Blurb sa pahina 7]

“Ang mga tradisyunalista ay nangangatuwiran na alin sa ang simbahan ay nagkamali bago ang konseho, o na ito ay nagkakamali ngayon, subalit hindi maaaring nagkamali ito noon at ngayon.”​—International Herald Tribune.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share