Makipagkilala sa Isang Maapoy na Karakter
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Italya
KUNG minsan naiisip ko na ako ay isang tunay na pambihirang karakter—payat, tuyo, at madaling magliyab. Mainitin ang ulo ko anupa’t nangangailangan lamang ng ilang sandali upang ako’y mag-apoy. Nalalaman ng iba ang mga bagay na ito at sinasamantala ako. Gayunman, ang hilig ko na mag-init ay bahagi ng aking kalikasan. Sa katunayan, ang mga tao ay waring nayayamot kung hindi ako magliyab. Ngunit may dahilan naman—ako’y isang posporo.
Hindi ba totoo na marahil kung minsan ay binabale wala mo ako at napapansin mo lamang ako kapag hindi ako nagsindi o kapag ang bahay ng posporo ay wala nang laman? Gayunman, nais kong makita kang sumubok na magsindi ng apoy na gaya ng paggawa nila noong sinaunang panahon, ikinikiskis ang dalawang patpat upang sigahan ang tuyong mga dahon o pagkikiskis ng bato sa bakal, na may panganib na masaktan mo ang iyong mga daliri! Sa alinman kaso pasasalamatan mo ang hamak na posporo.
Pag-iimbento ng Isang Posporo Upang Magsindi
Ang kasaysayan ng aking pamilya ay punô ng mga pag-eeksperimento upang matuklasan ang praktikal na paraan upang magsindi ng apoy. Kahit na noong ika-17 siglo, pagkatapos na matuklasan ng Alemang kemikong si Hennig Brand ang phosphorus, pinag-isipan na ang posibilidad ng pag-imbento ng isang gamit na magpapadali sa pagsisindi ng apoy. Kumuha ng mahabang panahon kaysa inaasahan ng mga siyentipiko.
Sa pasimula ng ika-19 na siglo, ang Pranses na si Jean Chancel ay nag-imbento ng isang madaling magliyab na pandikit na yari sa potassium chlorate, asukal, at kola. Upang sindihan ito, kaunti nito ay inilalagay sa dulo ng isang patpat na may asupre, at ikinikiskis sa asbestos na ibinabad sa asido sulpuriko. Hindi ito ang bagay na ilalagay mo sa iyong bulsa!
Lumilitaw na ang unang ikinikiskis na posporo, o “friction light,” ay inimbento noong 1826 ni John Walker, isang parmaseutikong Ingles. Nang maglaon ang posporong ito ay nakilala bilang posporo-ni-Lucifer, o Lucifer. Bakit “Lucifer”? Sapagkat ito’y saling Latin ng salitang Griego para sa “tagapagdala-ng-liwanag”—phosphorus! At ang salitang Griegong iyon ang ginamit para sa “tagapagdala ng liwanag,” o “tala sa umaga,” sa 2 Pedro 1:19! Aba, sa ibang mga wika, gaya ng Kastila at Portuges, ako ay tinatawag pa ring fosforo!
Halos kasabay ng panahon na imbentuhin ni Walker ang kaniyang posporo, lumitaw sa eksena ang “Prometheans” (mula sa Prometheus sa mitolohiyang Griego, isang Titan na nagnakaw ng apoy sa Olympus at ibinigay ito sa tao). Sila’y nasa kalagitnaan na sa pagitan ng imbensiyon ni Chancel at ng modernong posporo. Ang potassium chlorate, asukal, at kola ay pinaghahalo at binabalot sa isang rolyo ng pinong papel. Sa isang dulo ay may maliit na kapsulang kristal na punô ng asido sulpuriko. Kapag nabasag ang kristal, ang asido at ang madaling magdingas na pandikit ay naghahalo, na nagpapangyari ng pagniningas. Sa kaniyang mga paglalakbay sa Timog Amerika sakay ng Beagle, si Charles Darwin ay nakatawag ng pansin sa Uruguay sa pamamagitan ng pagkagat sa kapsulang kristal ng isang Promethean, na naging sanhi ng pagdingas. Ito ay hindi mga posporong ikinikiskis kundi mga posporong nagniningas dahil sa reaksiyon sa kemikal.
At halos kasabay nito, isang kemikong Italyano, si Domenico Ghigliano, ay nagkainteres din sa aking pamilya. Pagkatapos ng ilang eksperimento, inihanda niya ang isang madaling magdingas na pandikit na yari sa antimony sulfide at iba pang elemento na pinamuo sa dulo ng maliliit na patpat. Kapag ikiniskis sa magaspang na panig, ang pandikit ay agad na nagniningas.
Ang potassium chlorate at ang puting phosphorus, na pansamantalang naging pangunahing sangkap ng pandikit, ay kapuwa mapanganib at nakalalason. Sa wakas, ang mga ito ay pinalitan ng lead dioxide (o pulang tingga kasama ng manganese dioxide) at ng pulang phosphorus. Nakatulong din ito upang alisin ang mga problema sa paggawa at paggamit nito.
Mula sa Katawan ng Punungkahoy Hanggang sa Posporo
Ano ang pagkakayari sa akin ngayon? Ang aking maiksi, payat, tuyong katawan ay maaaring yari sa punong fir, pine, o white poplar. Ang ulo ko ay pangunahin nang yari sa phosphorus sulfide, chlorate, iron o zinc oxide, pinulbos na bubog, at goma o kola.
Mangyari pa, kaming mga posporo ay iba’t ibang pamilya, at ang mga kahon namin ay lalo ng magkakaiba. Ako ang karaniwang posporo, subalit mayroon ding cerino, o wax match (isang tipikal na produktong Italyano na ang palito ng posporo ay yari sa binilot na waxed paper). Nariyan din ang posporong gawa sa Sweden (ginawang walang phosphorus sa ulo nito at napakasalimuot anupa’t nagniningas lamang ito kapag ikiniskis sa pilas ng phosphorus sa kahon nito).
Sa maikli, ang paggawa sa amin ay nahahati sa tatlong yugto: una sa lahat, nariyan ang paghahanda ng katawan ko, ang palito ng posporo; pagkatapos nariyan ang paghahalo ng madaling magningas na pandikit; at, ang kahulihan, ang pagsasama ng dalawang elemento.
Sa unang yugto, ang mga katawan ng punungkahoy ay binabalatan at pinaliliit hanggang sa milyun-milyong pinong mga palito ng posporo na may kudrado o parihabang cross section. Sa kabilang dako, sa paggawa naman ng mga wax match, isang mahabang pisi ng pinilipit na waxed paper ang hinihila buhat sa isang panghubog. Pagkatapos ito ay pinaliliit sa haba na dalawa’t kalahating centimetro ng isang pamutol.
Ang pandikit ay yari sa iba’t ibang kemikal, at ang mga ulo ay sarisari mula sa isang uri ng posporo tungo sa ibang uri ng posporo. Ang pangwakas na yugto ay ang pagsasama ng dalawang bahagi. Kaming mga posporo ay inilalagay na nakababa ang ulo sa isang balangkas, at ang aming ulo ay pinararaanan ng isang roller na punô ng pandikit. Kami ngayon ay pinatutuyo, at sa wakas ay ikinakahon. Ang magaspang na panig na pinagsisindihan mo ay isang pahid ng kola na may halong pulpos na bubog na ikinabit sa gilid ng kahon ng posporo. Noong minsan ang buong proseso ng produksiyon ay ginagawa sa pamamagitan ng kamay; ngayon, mangyari pa, ito ay ginagawa ng mga makina. Ginagawa nila kami nang angaw-angaw.
Isang babala lamang—huwag ninyo kaming iwan sa dakong naaabot ng mga bata. Mausyoso sila at nais nilang tularan ang matatanda—kamukat-mukat mo ikinikiskis na nila ang ulo ko sa gilid ng kahon, at dahil sa aking maapoy na karakter, ang munting liyab ay maaaring pagmulan ng isang malaking sunog. Kaya pakisuyong pag-ingatan ako!