Ang Quebec ay Nagpapakita ng Paggalang sa Kalayaan
ISANG brodkaster sa radyo sa Montreal, Quebec, ay bumanggit kamakailan sa balitang panggabi na ang Saksi ni Jehova ay malaon nang niligalig sa lalawigang iyon ng Canada “sapagkat sila’y naiiba.” Itinuon niya ang pansin sa pagbatikos na ginawa kamakailan sa pamamagitan ng radyo ni Yvon Picotte, ang ministro sa mga bagay na pangmunisipyo. Iniulat ng brodkaster na “tinawag [ni Picotte] ang mga Saksi na ‘mga parasito sa lipunan’ na, sa maraming kaso, ay umaasa lamang sa welfare o tulong ng gobyerno. Sa gayon, ininsulto ni Picotte hindi lamang ang mga Saksi ni Jehova kundi ang sinuman na umaasa sa tulong na panlipunan.”
Pinasinungalingan ng brodkaster ang paratang ni Picotte sa pagbanggit na ang katumbasan ng mga Saksi na nasa welfare ay mababa kaysa katumbasan ng anumang iba pang relihiyon. “Sila’y hindi karapat-dapat na tawaging ‘mga parasito’ na gaya ni Mr. Picotte na gayon nga,” sabi niya. “Sa katunayan, pag-isipan ito, may mga nagsasabing ang tunay na sosyal na mga parasito sa ating lipunan ay ang mga pulitiko.”
“Ang nakapukaw ng aking interes sa katawa-tawang pagbatikos ni Picotte,” patuloy pa ng brodkaster, “ay ang ‘flashback’ o ‘déjà vu’ nito. Noong dakong huli ng ‘40’s, ipinabilanggo ni Maurice Duplessis, ang autokratikong punong ministro ng Quebec at sariling-hirang na tagapagtanggol ng pananampalatayang Romano Katoliko, ang mga 400 Saksi ni Jehova, hindi dahil sa pagdalaw sa bahay-bahay—na ikinagagalit nang husto ni Picotte—kundi sa paratang na ‘sedisyon.’ Sa batas ayon kay Duplessis, ang pamamahagi ng relihiyosong mga pulyeto ay isang gawaing laban sa pamahalaan! Ang mga dakong pinagtitipunan ng mga Saksi ay kinandado at ang mga Saksi ay dumanas ng malupit na pag-uusig sa mga pulis sa lalawigan.”
Ang pahayag ni Duplessis noong 1946 na “Labanang Walang Awa ang mga Saksi ni Jehova” ay tinuligsa rin ng pahayagan. Sigaw ng mga paulong-balita: “Ang Panahon ng Kadiliman ay Nagbabalik sa Quebec,” “Ang Pagbabalik ng Inkisisyon,” at “Ang Alingasaw ng Pasismo”!
Ngayon, pagkalipas ng 50 taon, ang brodkaster na ito sa Montreal ay naghinuha: “Bagaman mayroon pa rin tayong ilang saunahing mga pulitiko, ang kanilang kapansin-pansing pagsisisigaw ay hindi na ipinahihintulot. Sa katunayan, si Picotte, na maaaring palakpakan ni Duplessis, ay inutusan ni Mr. Bourassa [ang kasalukuyang punong ministro ng Quebec] na humingi ng paumanhin dahil sa kaniyang mga sinabi sa Pambansang Kapulungan ngayon. Magpakatibay-loob kayong mga maibigin sa kalayaan ng mamamayan. Malayu-layo na ang narating natin mula nang ang mga tao sa lalawigang ito ay ibinilanggo dahil sa pagpapalaganap ng kanilang pananampalataya.”