Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 12/22 p. 9-13
  • Pagtatagumpay sa Laban!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtatagumpay sa Laban!
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtutuon ng Pansin sa Tunay na Kagandahan
  • Tanggihan ang “Hungkag na Kaluwalhatian”
  • Pakikipagkaibigan sa Diyos
  • Paglutas sa Masakit na mga Damdamin
  • Humingi ng Tulong!
  • Pagkamakatuwiran at Pag-asa
  • Sino ang Nagkakaroon ng mga Sakit na Kaugnay ng Pagkain?
    Gumising!—1990
  • Mga Sakit na Nauugnay sa Pagkain—Ano ang Makatutulong?
    Gumising!—1999
  • Pagtulong sa mga May Sakit na Kaugnay ng Pagkain
    Gumising!—1992
  • Bakit Isang Modernong-Panahong Salot?
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 12/22 p. 9-13

Pagtatagumpay sa Laban!

Kapag una mong makikita si Lee, isang matatas magsalita, palakaibigan, at isang dalagang may katabaan nang kaunti, mahirap maniwala na limang taon ang nakalipas siya ay halos mamatay dahil sa anorexia. Subalit kapag nakausap mo siya, hahanga ka sa mga pagbabago ng isip na ginawa niya​—ang ilan ay napakahirap—​upang daigin ang nakamamatay na sakit na ito na kaugnay ng pagkain. “Hindi lamang ito basta isang pakikipagbaka sa pagkain,” sabi niya.

Yamang ang mga sakit na kaugnay ng pagkain ay bunga ng emosyonal na mga suliranin, ang laban upang pagtagumpayan ito ay ipinakikipagbaka sa isip. Ang pagkakaroon ng kakaibang set ng mga pagpapahalaga ay isa sa unang mga hakbang upang gumaling. Lahat tayo ay may ilang tatag na mga pagpapahalaga, mga bagay na itinuturing nating mahalaga. Hinuhubog nito ang ating pangmalas sa ating sarili at inuugitan ang ating pagtugon sa maiigting na problema. Dapat baguhin niyaong may mga sakit na kaugnay ng pagkain ang kanilang mga pagpapahalaga, na nangangahulugan ng pagkakaroon ng naiibang saloobin ng isip.

“Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip,” payo ng Bibliya, “upang malaman ninyo kung ano ang kalooban ng Diyos​—kung ano ang mabuti, kaaya-aya, at sakdal.” (Roma 12:​2, An American Translation) Oo, ang saloobin ng isa ay dapat na hubugin ng pangmalas ng Diyos sa kung ano ang kaaya-aya. Tayo ay personal na nakikilala ng Diyos. Alam niya kung ano ang magdudulot sa atin ng walang-hanggang kaligayahan. Ano ba ang itinuturing niyang mahalaga?

Pagtutuon ng Pansin sa Tunay na Kagandahan

Pinahahalagahan ng Diyos kung ano ang nasa loob. “Ang lihim na pagkatao sa puso,” kapag nagagayakan ng tahimik at mahinahong espiritu, “ay siyang napakahalaga sa paningin ng Diyos.” (1 Pedro 3:4) Gayunman, tayo’y nabubuhay sa isang daigdig kung saan ang mga babae ay karaniwang pinahahalagahan sa pamamagitan ng kanilang hitsura. Subalit anong kamangmangan nga na kunin ang pamantayang ito, sapagkat ano kung magbago ang kaisipan ngayon na uso-ang-payat? Isang daang taon ang nakalipas sa Estados Unidos, ang mabilog na katawan ang uso. Noong 1890 isang anunsiyo ang nagsasabi: “Magalang na sabihin sa mga dalaga na magpabilog ng katawan sa pamamagitan ng . . . ‘Fat-Ten-U’ na mga pagkain na GARANTISADONG Magpapabilog at Magpapaganda sa Payat.”

“Sa tuwina’y sinusukat ko ang iba sa kanilang pisikal na hitsura,” sabi ni Lee, na pagkatapos ay gumawa ng ilang pagbabago sa kaniyang saloobin. “Subalit ngayon natutuhan kong pahalagahan ang mga katangiang Kristiyano sa iba at sa aking sarili. Sinisikap ko ngayong magkaroon ng kaibig-ibig na mga katangian. Natanto ko kung gaano kababaw na hatulan ang aking sarili at ang iba sa pamamagitan ng pisikal na hitsura.”

Ang pagpapanatili ng tamang saloobin tungkol sa mga hitsura ay hindi madali. Baka kailanganin nating iwasan ang palaging pakikisama sa mga taong walang iniisip kundi ang kanilang timbang o yaong wala nang sinabi kundi ang tungkol sa pisikal na hitsura. “Ito’y isang patuloy na pakikipagbaka upang labanan ang panggigipit ng lipunan at panatilihin ang tamang saloobin,” sabi ni Lynn, na matagumpay na gumaling mula sa sakit na bulimia. “Hindi ako agad nagkaroon ng tamang saloobin, subalit pinag-isip ko ang aking sarili sa tamang paraan.” Ang pagbabagong ito sa pag-iisip ay nakaapekto rin sa uri ng mga bagay na mapagtatayuan natin ng ating pagpapahalaga-sa-sarili.

Tanggihan ang “Hungkag na Kaluwalhatian”

Maraming tao na may mga sakit na kaugnay ng pagkain ang nagtatayo ng kanilang halaga-sa-sarili sa pagsisikap tungo sa kasakdalan o sa pamamagitan ng ganap na pagsupil ng kanilang gutom. Ang makasariling papuri na nasusumpungan nila sa kanilang sarili ay sa katunayan walang saysay o hungkag. Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi sa atin na huwag gawin ang anuman ‘sa pamamagitan ng pagpapalalo, kundi sa kababaan ng pag-iisip na itinuturing ang iba’y nakahihigit sa inyo.’ (Filipos 2:3) Ang orihinal na Griegong salita para sa “egotismo” ay literal na nangangahulugang “hungkag na kaluwalhatian,” o papuri na walang kabuluhan. Kaya yaong gumagawa ng mga bagay dahil sa pagpapalalo o egotismo ay tinatawag ang pansin sa kanilang sarili sa mga kadahilanang walang anumang tunay o nagtatagal na halaga. Sila’y napapabantog sa mga bagay na walang kabuluhan.

Halimbawa, sabi ni Lee: “Inaakala ko na ako’y natatangi sapagkat walang makapilit sa akin na kumain.” Gayunman inamin niya: “Naniniwala ako na kung mas mapayat sana ako, mas mabuti sana ang pakiramdam ko sa aking sarili. Ngunit nang magpapayat pa ako, hindi pa rin mabuti ang palagay ko sa aking sarili.”

Pagkatapos ay isiniwalat ni Lee ang malaking pagbabago sa kaniyang paggaling. “Natalos ko,” sabi niya, “na sa Diyos ako’y parang isang munting patak lamang sa isang timba, kaya bakit ko hahangarin ang maging pinakamagaling? Hindi naman kinakailangang maging pinakamagaling. Ayos lang kung ang iba ay mas mahusay kaysa iyo sa ilang bagay.”

Oo, natutuhan ni Lee na ‘ituring ang iba na nakahihigit.’ Sa katunayan, ang iba ay may ilang kakayahan at katangian na higit kaysa atin, kung paanong tayo ay maaaring nakahihigit sa ilang bagay. Gayunman, iyan ay hindi nangangahulugan na tayo ay mas mahalaga kaysa kanila.

Yamang yaong may mga sakit na kaugnay ng pagkain ay may marubdob na pagnanais na makadama ng mabuti tungkol sa kanilang sarili, dapat nilang ituon ang pansin sa kung ano ang nagdudulot ng tunay na pagpapahalaga-sa-sarili. “Sa halip na magtiwala sa aking hitsura para sa papuri,” sabi ni Melissa, isang bulimic na gumaling na, “nasumpungan ko na ang pagtanggap sa mga bagay na pinahahalagahan ng Diyos at ang paggalang sa kaniyang palagay ay nagbigay sa akin ng mas matinding pagkadama ng halaga-sa-sarili.” Oo, gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang alindog ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan; ngunit ang babaing natatakot kay Jehova ang siyang nagdadala ng [tunay, hindi hungkag,] na kapurihan sa kaniyang sarili.”​—Kawikaan 31:30.

Pakikipagkaibigan sa Diyos

Ang wastong “takot kay Jehova” ay hindi isang masamang pangamba sa hatol ng Diyos kundi isang takot na hindi palugdan ang Diyos sapagkat siya ay naging Kaibigan natin. “Maligaya ang tao na natatakot kay Jehova, na naliligayahang mainam sa kanilang mga utos,” sabi ng Awit 112:1. Bilang kaibigan ng Diyos, ang isa ay makasusumpong ng kaligayahan sa pagsunod sa Kaniyang mga utos. Ito’y nagbibigay sa atin ng malakas na pangganyak. Subalit paano ba minamalas ng Diyos ang tungkol sa mga sakit na kaugnay ng pagkain?

Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi sa atin na igalang ang ating mga katawan, isang mahalagang kaloob buhat sa Diyos. (Roma 12:1) Itinala ni apostol Pablo ang ‘lahat ng uri ng karumihan at kasakiman’ bilang mga bagay na kasuklam-suklam sa Diyos, binabanggit na may ‘mga bagay na ginagawa sa lihim ng mga hindi mananampalataya na nakahihiyang salitain man lamang.’ Kabilang sa mga bagay na ito ay malamang na ang kaugalian ng ilang mga Romanong dumadalo sa mga piging na pinagiginhawa ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsuka sa panahon ng piging at saka bumabalik upang patuloy na kumain nang may kasakiman. (Efeso 5:​3, 5, 12) Ang apostol ay sumulat: “Hindi ako pasasakop sa kapangyarihan ng anuman.” (1 Corinto 6:12) Kaya, upang tamasahin ang kagandahang-loob ng Diyos, hindi natin maaaring hayaan na pangibabawan ng pagkain at pagdidiyeta ang ating buhay.

Yamang may ilang uri ng mga sakit na kaugnay ng pagkain at iba’t ibang antas ng pagkasangkot dito, ang kahalagahan ng paggawi ng isa sa paningin ng Diyos ay maaaring iba-iba. Gayunman, ang pagnanais na maging kaibigan ng Diyos ay magpapakilos sa isa na daigin ang mga sakit na kaugnay ng pagkain. “Ang pinakamalaking bagay sa aking paggaling,” sabi ni Ann, “ay ang pagkatanto na hindi ko maaaring gawin ang bisyong ito at palugdan ang Diyos.” Ngunit kumusta naman kung magkaroon ng ilang hadlang sa pakikipagbaka ng isa?

“Ang pagkadama ng pagkakasala dahil sa bulimia ay hindi mailarawan,” inamin ni Melissa. “Gabi at araw kapag walang nakakakita sa akin, iyak ako nang iyak, nagsusumamo ako sa Diyos para sa kaniyang tulong at kapatawaran.” Anong laking kaaliwan na malaman na ang Diyos “ay saganang magpapatawad” at magpapakita ng “awa sa mga natatakot sa kaniya.” (Isaias 55:7; Awit 103:13) Kahit na kung tayo’y hinahatulan ng ating puso, “ang Diyos ay lalong dakila kaysa ating puso at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay.” (1 Juan 3:20) Higit pa ang nakikita niya kaysa ating mga kahinaan. Alam niya ang sidhi ng pagsisikap na ating ginagawa upang makaalpas at ang pagsulong na ating ginagawa.

Huwag maghimagod sa masikap na pagbaling sa Diyos, hinihingi ang kaniyang kapatawaran gaano man kadalas kayong lumalapit sa kaniya tungkol sa iyon ding mga kahinaan. Kung taimtim ka, bibigyan ka niya ng isang nilinis na budhi dahil sa kaniyang di-nararapat na kabaitan. (Roma 7:​21-25) “Sa lahat ng ito,” sabi ni Melissa, “ang Diyos ay isang tunay at maaasahang Kaibigan na dumirinig ng aking mga panalangin.” Ang hindi pagsuko ay mahalagang bagay sa pagtatagumpay sa laban!

Paglutas sa Masakit na mga Damdamin

Upang magtagumpay sa laban, dapat matutuhan ng isa na lutasin ang negatibong mga damdamin sa halip na bumaling sa pagkain bilang isang trangkilayser o pampahinahon. Kadalasan, ang pagtatamo ng ginhawa ay nangangailangan ng pagsasabi sa isa tungkol sa mga damdaming iyon. Halimbawa, ang panunukso ng kaniyang ama tungkol sa kaniyang timbang ang umakay sa pagkakaroon ni Mary ng bulimia. “Kasalanan ko ito sapagkat hindi ko sinabi kaninuman kung gaano ako nasasaktan sa pagtukso niya sa akin,” paliwanag ni Mary. “Basta ako magkukulong sa aking kuwarto at iiyak.”

Subalit ang pagsasabi ng mga damdaming iyon ay hindi madali para sa isang tao na gustung-gustong palugdan ang iba. Gayunman, ang aklat na Bulimia: A Systems Approach to Treatment ay nagsasabi: “Ang pagkilala sa mga damdamin ng galit at ang matutong ipahayag ito sa ligtas at angkop na paraan ay malaking bagay sa paggaling buhat sa bulimia.” Anong pagkaangkup-angkop nga ng payo ng Bibliya: “Kayo’y magalit, subalit huwag magkakasala; huwag lubugan ng araw ang inyong galit”! (Efeso 4:26) Kapag ginagalit o ginigipit na magsabi ng oo kung inaakala mong dapat mong sabihin ay hindi, tanungin ang sarili: ‘Paano ba ako magiging tapat at prangka nang hindi nakasasakit?’

Tandaan din na hindi inilalarawan ng Bibliya ang papel ng babae bilang isang tagapagpalugod lamang sa tao. Ang tapat na mga babaing lingkod ng Diyos, samantalang nagpapasakop sa kanilang mga asawa, kung magkaminsan ay nagtatapat ng kanilang damdamin. Sila’y nagpakita ng pangunguna at piniling magbakasakali na hindi laging madali. (Kawikaan 31:​16-18, 29) Mangyari pa, may panganib na mabigo kapag nagsisikap magtamo ng di-pamilyar na pagpupunyagi. Yaong may mga sakit na kaugnay ng pagkain ay kadalasang takot na takot na magkamali at magmukhang mangmang. Ngunit ang lahat ay nagkakamali! “Ang matuwid ay nabubuwal na makapito, at tiyak na babangon uli,” sabi ng Kawikaan 24:16. Ang matuto ka mula sa mga pagkakamali at mga kabiguan mo ay mahalaga sa paggaling at sa pag-iingat.

Kung minsan, kasangkot sa masasakit na damdamin ang nangyari noon. Bagaman ang mga alaala ng mga karanasang iyon ay nakasasakit pa sa iyo, sikaping ‘magbigay-pansin sa mga kagandahang-loob ni Jehova.’ (Awit 107:43) Tunay, may mabubuting panahon na makikita mo ang katibayan ng kabutihan at pag-ibig ng Diyos. Sikapin mong ituon ang pansin dito. Kahit na kung ikaw ay masyadong nabiktima, hindi ito nangangahulugan na karapat-dapat ka sa gayong maltrato, ni sinusukat man nito ang iyong halaga bilang isang tao.

Humingi ng Tulong!

Ang isang taong nagsisikap madaig ang isang sakit na kaugnay ng pagkain ay nangangailangang magtapat sa isa na kaniyang mapagkakatiwalaan. Huwag mong kayanin ito na mag-isa. Ipinaliliwanag ni Lynn kung ano ang mahalagang pangyayari sa kaniyang paggaling: “Isang gabi dinala ko ang aking nanay sa kuwarto ko. Pagkatapos umiyak sa loob ng sampung minuto, nasabi ko sa wakas na ako’y isang bulimic.” Sabi pa niya: “Napakamaunawain ng aking mga magulang. Tinulungan ako ng aking Inay na maging matiisin at huwag aasa ng paggaling sa magdamag. Binigyan ako ni Itay ng praktikal na mga mungkahi at nanalangin na kasama ko. Kung hindi ako nagtapat, hindi ko sana natanggap ang lahat ng tulong na ito.”a

Ang pagsuporta ng iba ay kadalasang mahalaga para sa ganap na paggaling. Iwasang ihiwalay ang iyong sarili, lalo na kung nadarama mong ikaw ay mahina. (Kawikaan 18:1) Kapag siya’y nababalisa, hindi na ito sinasarili ni Lynn. Ganito ang sabi niya tungkol sa kaniyang paggaling: “Kami ni Inay ay maglalakad at mag-uusap tungkol sa nakababalisang problema. Sa halip na magbalik sa bulimic na ugali, gagawa ako ng isang bagay, tulad ng pagtawag sa isang kaibigan, sa halip na ibukod ang aking sarili.”

Sa loob ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova may mga taong nakatulong sa ilan na nagsisikap makaalpas sa isang sakit na kaugnay ng pagkain. “Hindi ko na matulungan ang aking sarili,” sabi ni Ann, na naabot ang pinakamababang punto sa kaniyang pagpupunyagi sa bulimia. “Kaya inilabas ko ang aking niloloob, isinisiwalat ang problemang pinakaingat-ingatan ko sa loob ng sampung taon.” Ang mga kaibigang Kristiyano ay sumuporta nang husto. “Ang aking pagmamataas ang humadlang sa akin na humingi ng tulong, at ito halos ay nangahulugan ng aking buhay. Ang ginhawa ay hindi mailarawan. Sa tulong ng aking mga kaibigan, lubusan akong gumaling.”

Sa ibang mga kaso kinakailangan ang tulong ng mga propesyonal na nagpapakadalubhasa sa paggamot sa mga sakit na kaugnay ng pagkain. Karaniwan na, ang unang hakbang ay ang medikal na pagtantiya. Maaaring kabilang sa tulong na makukuha ay ang iba’t ibang uri ng terapi sa pag-uusap, pagpapayo tungkol sa pagkain, at marahil ang paggamit ng medikasyon. Sa grabeng mga kaso baka kailanganin ang pagpasok sa ospital. Malamang na malalaman ng isang doktor o ng isang ospital ang anumang gayong espesyalista sa inyong pamayanan.

Pagkamakatuwiran at Pag-asa

“Tiniyak sa akin ng doktor na kung ako’y kakain ng timbang na pagkain, ang aking metabolismo ay babalik sa normal na kalagayan, at hindi na ako tataba,” sabi ni Lynn. “At iyan nga ang nangyari.” Kaya, anong inam nga ng rekomendasyon ng Bibliya: “Makilala nawa ang iyong pagkamakatuwiran ng lahat ng tao.”​—Filipos 4:5.

Ang tagumpay sa pag-aalis ng sobrang timbang ay matatamo sa pamamagitan ng laging pagbabawas sa dami ng taba at repinadong pagkain, gaya ng asukal at arinang puti, at dagdagan ang pagkain ng mga prutas, gulay, at buong butil. Mahalaga rin ang katamtamang ehersisyo.b Gayunman, dahil sa genetiks, edad, at iba pang salik, ang ibang tao ay mas mataba kaysa kung ano ang maaaring uso.

Narating ni Lisa, na napagtagumpayan ang matagal na pakikipagbaka sa pagdidiyeta at bulimia, ang matinong konklusyon: “Hindi ko ipinalalagay na ang tagumpay ay nasa pagpapapayat. Sa palagay ko ang tagumpay ay sa pagiging katamtaman sa lahat ng bagay, kahit iya’y nangangahulugan ng pagtaba nang kaunti kaysa idinidikta ng uso ng daigdig na ito.” Gayunman, habang ang isa’y nagkakaroon ng makatuwirang pangmalas sa pisikal na hitsura, baka hangarin ng isa na pumayat, hindi lamang dahil sa magandang hitsura, kundi upang iwasan ang mga panganib sa kalusugan na nauugnay sa sobrang taba.

Sa halip na laging sikaping magpapayat upang magkasiya sa mas maliliit na size, ang isang tao ay maaaring magsuot ng mga damit na nababagay at na komportable rin ang lapat. Sikaping maging abala sa kaaya-ayang mga gawain sa halip na timbangin at sukatin ang sarili araw-araw. Kung nakikipagpunyagi ka sa bulimia, tiyakin na alisin ang lahat ng ekstrang pagkain na maaaring itinabi mo, at kapag namimili, magsama ng isa. Sikaping kumain na kasama ng iba. Sikaping mapanatili ang isang makatuwirang iskedyul, at magkaroon ng panahon sa mga gawain sa malayang panahon.

Higit sa lahat, magkaroon ng layunin sa buhay. Ituon ang pansin sa pag-asa ng Bibliya tungkol sa isang dumarating na bagong sanlibutan ng katuwiran. Malapit nang alisin ng Diyos sa lupa ang maraming kabiguan na humahantong sa mga sakit na kaugnay ng pagkain at wakasan magpakailanman ang salot ng ika-20 siglong ito.​—2 Pedro 3:13.

Subalit ano ang magagawa ng isang magulang o isang kabiyak upang tulungan ang isa sa pamilya na may sakit na kaugnay ng pagkain? Tatalakayin ito ng aming labas ng Gumising! sa hinaharap.

[Mga talababa]

a Sa ibang kaso ng mga sakit na kaugnay ng pagkain, ang isang magulang ay maaaring maging ang pangunahing bahagi ng problema. Kaya, ang mga magulang ay maaaring humingi rin ng tulong. Kung ang payo ay ibibigay nang pribado, mas madali sa bata na panatilihin ang paggalang sa magulang. Sa gayon ang magulang ay patuloy na makagaganap ng bahagi sa paggaling.

b Tingnan ang artikulong “Natatalo ba ang Pagpapapayat?” sa aming labas ng Mayo 22, 1989.

[Mga larawan sa pahina 10]

Pag-aralang tanggihan ang propaganda ng sanlibutan na ang iyong halaga ay depende sa iyong hitsura

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share