Mula sa Aming mga Mambabasa
Panalangin sa Isports Salamat sa “Ang Pangmalas ng Bibliya: Panalangin sa Isports—Nakikinig ba ang Diyos?” (Mayo 8, 1990) Gawí kong manalangin nang taimtim sa Diyos bago ang isang handball na laro. Sa panahon ng laro, nananalangin ako para sa lakas upang manalo. (Kailanman ay hindi kami nanalo sa mga larong iyon.) Ngayon alam ko nang ang gayong mga panalangin ay hindi kasuwato ng kalooban ng Diyos.
M.A.L.S., Brazil
Kabataan—Hamon ng ‘90’s Nabasa ko ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas nang una kong matanggap ito. Ang inyong mga artikulo tungkol sa kabataan (Setyembre 8, 1990) ay nagpasigla sa akin na basahin itong muli. At sabihin pa, lalo ko itong naibigan sa ikalawang pagbasa!
B. B., Estados Unidos
Ako po’y isang 13-anyos na babae, at nais ko pong sabihin sa inyo na talagang nagugustuhan ko ang mga artikulo tungkol sa mga kabataan. Mayroon po akong suskripsiyon sa Gumising! Ngunit kapag tinatanggap ko ang mga magasin buhat sa koreo, itinatabi ko ito. Ang isang ito ay nakatawag ng aking pansin, kaya binasa ko ito at talagang nasiyahan ako rito. Pagkatapos, inilabas ko ang iba ko pang mga sipi ng Gumising! at binasa ang ilan sa mga artikulo. Ngayon hiniling ko sa aking inay na aralan ako sa Bibliya.
A. P., Estados Unidos
Pagpapatiwakal Ang aking nanay, isang tapat na lingkod ng Diyos, ay nagpatiwakal pagkatapos ng isang buwan na matinding panlulumo. Ang kaniyang kamatayan ay nag-iwan ng di-mailarawang pasanin at dalamhati sa lahat sa amin na nagmamahal sa kaniya. Ang kaisipan na baka hindi ko na siya muling makita ay lalo pang nagpahirap sa aking damdamin. Ang inyong artikulo (“Ang Pangmalas ng Bibliya: Pagpapatiwakal—May Pagkabuhay-muli?” Setyembre 8, 1990) ay nagpangyari sa akin na makadama na mas “normal” at maligaya sa loob ko, sa pagkaalam na maaari kong asahan ang kaniyang pagkabuhay-muli.
T. M., Estados Unidos
Ang artikulo ay maawain. Subalit hindi kaya malasin ng mga may matinding pagkabalisa ang gayong awa bilang pagbibigay-matuwid sa pagkuha ng “madaling lunas sa problema”?
N. G., Estados Unidos
Ang mga damdamin ng masidhing kawalan ng pag-asa ay maaaring gumawa sa kamatayan na magtinging kaakit-akit sa isang lubhang nanlulumo. (Ihambing ang Job 10:1.) Subalit yamang ang pagpapatiwakal ay pagpatay-sa-sarili, ito’y paglabag sa utos ng Diyos at hindi tinatanggap na mapagpipilian para sa isang Kristiyano. Kung ang mga kaisipan ng pagpapatiwakal ay nagpapahirap sa isang tao, hindi niya dapat samantalahin ang awa ng Diyos kundi humingi ng tulong upang labanan niya ang simbuyong magpatiwakal. (Santiago 1:14, 15) Maaari niyang isipin ang masakit na kawalan na idudulot ng kaniyang kamatayan sa buhay ng kaniyang mga mahal sa buhay. Dapat niyang tandaan na si Jehova “ay malapit sa mga bagbag ang puso” at ilagay niya ang kaniyang mga pasan sa Kaniya. (Awit 34:18; 55:22) Dapat din niyang ipaalam sa kaniyang kapuwa mga Kristiyano ang kaniyang kawalan ng pag-asa at tanggapin ang kanilang pagtaguyod. Gayumpaman, kung ang isang tao ay napadadaig sa damdaming pagpapatiwakal, ang mga naulila ay maaaring magkaroon ng kaaliwan sa pagkaalam na ang kinabukasan ng kanilang mahal sa buhay ay nasa mga kamay ng isang maibiging Diyos.—ED.
Pakikitungo sa Paralisis Pagkatapos basahin ang “Ginagawa ang Lahat Upang Tulungan ang Iba” (Setyembre 22, 1990), nais ko kayong pasalamatan sa gayong nakapagpapatibay at positibong artikulo. Palibhasa’y malakas ang aking pangangatawan, kung minsan ay naiisip ko kung paano ko makakayanan ito sa ilalim ng gayunding mga kalagayan. Tayong lahat ay nasa ilalim ng matinding panggigipit mula sa sanlibutang ito, subalit nakakayanan ito ni Tony Wood lalo na sa pagtitiwala kay Jehova.
P. G., Inglatera
Mga Pelikula Maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Makapipili ng Isang Desenteng Pelikula?” (Agosto 8, 1990) Hindi nalalaman ng karamihan ng mga kabataan ngayon kung anong uri ng pelikula ang angkop na panoorin ng isang Kristiyano, ni nagtatanong man kaya sila sa kanilang mga magulang kung dapat ba nilang panoorin ang isang pelikula o hindi. Naibigan ko ang ideya na kung nagkataong pinanonood ng isang tao ang isang hindi angkop na pelikula, dapat niyang patayin ito.
J. N. S., Brazil