Kung Bakit Nababahala ang mga Obispo sa Italya
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA
NOONG Nobyembre 1993, ang komperensiya ng Italyanong mga obispong Katoliko, ay gumawa ng maraming negatibong mga komento tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Sinasabing sila’y hindi mga Kristiyano at na ang kanilang pangangaral sa bahay-bahay ay “hindi sibilisadong pangungumberti.”
Gayunman, hindi lahat ng awtoridad sa relihiyon ay sumasang-ayon. Halimbawa, inilalarawan ni Attilio Agnoletto, propesor ng kasaysayan ng Kristiyanismo sa Milan State University, ang mga Saksi ni Jehova bilang “isang malakas, seryoso, maka-Bibliya, lubusang lehitimong kilusan na doo’y walang di-kristiyano.”
At kumusta naman ang tungkol sa kanilang “hindi sibilisadong pangungumberti”? “Ang katagang ‘hindi sibilisado’ ay ganap na hindi matatanggap,” sabi ni propesor Agnoletto sa Gumising! “Iyan ay mangangahulugan na ang pangungumberti ni Jesu-Kristo ay ‘hindi [rin] sibilisado.’ ”
Bakit may gayon na lamang maling palagay ang mga obispo laban sa mga Saksi ni Jehova? Inaakala ni propesor Agnoletto na ang kanilang pagtutol ay “dahil sa mismong bilang at tagumpay ng mga Saksi ni Jehova sa Italya ngayon,” na, susog pa niya, “kasabay ng isang krisis sa pagiging relihiyoso ng Katoliko.”
Ang klero sa ngayon ay nagsisikap na siraan at hadlangan ang mga sumusunod sa utos ni Jesus na mangaral. (Mateo 28:19, 20; ihambing ang Mateo 5:11, 12.) Ang pahayagang La Stampa ay nag-uulat na sa kabila ng pagsalansang, ang mga Saksi ni Jehova ang ikalawang pinakamalaking denominasyon sa Italya, ngayo’y may bilang na mahigit 200,000 at patuloy na dumarami.
Sa kabaligtaran, ang Iglesya Katolika ay dumaranas ng umuunting dumadalo sa nakalipas na mga taon. Kaya sa pasimula ng 1994, hinimok ni Papa John Paul II ang Italyanong mga Katoliko na maging aktibong mga ebanghelisador, mangaral pa nga sa bahay-bahay—gaya ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova!a
[Mga talababa]
a Tingnan ang pahina 15.