Ang Momya na Galing sa Yelo
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA
Sa unang tingin ito ay parang isang eksena ng krimen. Isang tuyô nang bangkay ang nakataob, ang kalahati ng bangkay ay nasilo sa yelo. Isang aksidenteng kamatayan? Isang paghihiganting pagpatay? O basta isa pang biktima ng pag-akyat sa bundok? Sa paano man, ano ang ginagawa niya rito sa katahimikan ng Tirolean Alps na 3,200 metro sa ibabaw ng antas ng tubig? Sino siya? At paano siya namatay?
ANG “Iceman,” gaya ng agad na itinawag dito, o Homo tyrolensis, gaya ng tawag sa kaniya ng mga siyentipiko, ay di-sinasadyang natagpuan noong Setyembre 1991 ng isang mag-asawang Aleman na nagha-hiking sa Bundok Similaun (sa Ötztaler Alps), sa may hangganan ng Austria-Italya. Tinunaw ng partikular na mainit na tag-araw ng taóng iyon ang karamihan ng niyebe, isinisiwalat ang mga labí ng kung ano ang maaaring nakatago—sinong nakaaalam kung gaano katagal? Pagkatapos malutas ng mga imbestigador ang ilang pag-aalinlangan tungkol sa tuklas, ang katawan ay basta sinibak mula sa yelo, anupat ito’y napinsala noong ito’y kinukuha. Gayunman, di-nagtagal ay naging maliwanag na ito ay hindi isang ordinaryong bangkay. Malapit sa bangkay ay ang kinaroroonan ng ilang bagay na lubhang kakaiba sa karaniwang nakikita ng modernong mga hiker na nakikipagsapalaran sa taas na iyon.
Natanto ng ilan na ang bangkay ay napakatanda na. Pagkaraan ng unang mga pagsubok, si Konrad Spindler, ng Innsbruck University, sa Austria, ay gumawa ng isang nakagugulat na pahayag—na ang naging momyang bangkay na natagpuan sa Bundok Similaun ay mga libu-libong taóng gulang na! Ang higit pang pagsusuri at pananaliksik sa dako kung saan natuklasan ang bangkay ay umakay sa mga iskolar na maghinuhang ang bangkay na kanilang sinusuri ay “sa paano man ang pinakamatandang tao na kailanma’y nasumpungan na talagang buo.” (Time, Oktubre 26, 1992) Ang mga arkeologo ay naniniwala na ang Iceman, na binansagang Ötzi (mula sa Ötztal, ang Alemang pangalan ng kalapit na libis), ay namatay noong mga 3000 B.C.E.
Nang makilala ang kahalagahan ng tuklas, ang mga arkeologo ay nagbalik nang ilang ulit sa Bundok Similaun upang maghanap ng iba pang mga bagay na makatutulong sa pagsisikap na maunawaan kung ano ang nangyari sa taong iyon sa nakalipas na mga dantaong iyon. Ano ang natuklasan nila? Bakit gayon na lamang ang interes sa isang momya na nalibing sa yelo? Posible bang isiwalat ang anumang hiwaga tungkol sa kaniya?
[Larawan sa pahina 3]
Si Ötzi, ang Iceman
[Credit Line]
Larawan: Archiv Österreichischer Alpenverein/Innsbruck, S.N.S. Pressebild GmbH