Pag-unawa sa Isip at Daigdig ng “Iceman”
ATIN muling isaalang-alang si Ötzi. Siya ba’y hindi sibilisado, mangmang, at wala man lamang kabatiran tungkol sa kagandahan? Ano ang isinisiwalat ng kaniyang mga kagamitan, ng kaniyang mga sandata, at ng kaniyang mga pananamit?
Ang kaniyang mga sandata ay nagsisiwalat na si Ötzi ay may mahusay na kaalaman tungkol sa mga ballistic. Ang dalawang tapos na mga palasô ay may mga palatandaang plumahe sa dulo nito. Ang mga plumahe ay idinikit sa isang anggulo upang ang palasô ay umikot habang ito ay lumilipad, nagpapangyari ng mataas na antas ng pag-asinta hanggang sa layo na mga 30 metro. Ang kaniyang damit na balat (balat ng iba’t ibang hayop) ay nagpapahiwatig sa atin ng tungkol sa mga kinagigiliwang istilo noong panahong iyon. Sa ngayon, ang isang damit ay hindi lamang para pantakip kundi rin naman upang bigyan-kasiyahan ang ilang kahilingang pangkagandahan. Kumusta naman ang pananamit noong panahon ni Ötzi? Inilalarawan ang mga tuklas, ang magasing Time ay nagsasabi: “Ang mahabang damit ay may kahusayang itinahi sa pamamagitan ng mga sinulid na mula sa litid o hibla ng halaman, na animo’y isang mosayko.” Kapuwa ang mga piraso at ang sadyang paraan ng pagkakatahi nito ay lumikha ng isang “mosaykong epekto,” sabi ng aklat na Der Mann im Eis (Ang Tao sa Yelo). Sa ibabaw ng tunika, ang Iceman ay nakasuot ng “isang hinabing balabal na yari sa damo, tamang-tama para proteksiyon mula sa lamig, upang sa panahon ng pamamahinga ay maaaring gamitin bilang isang ‘kutson’ nang huwag sumayad ang kaniyang katawan sa lupa.”—Focus.
“Isang di-inaasahang antas ng kasalimuutan” sa kaniyang kagamitan ay napansin din, komento ng Time. Ang punyal, halimbawa, ay kompleto na may “mahusay ang pagkakagawa na kaluban, na yari sa hinabing pananim.” Ang Iceman, kung gayon, ay maliwanag na nabuhay sa isang panahon na talagang “sagana at matindi sa kultura,” gaya ng pagkakasabi rito ni Giovanni Maria Pace sa kaniyang aklat na Gli italiani dell’Età della pietra (Mga Italyano nang Panahon ng Bato).
Maaari ring banggitin ang tungkol sa mga kabuti na nasumpungan malapit kay Ötzi. Ang mga ito’y maaaring ginamit upang magsiga ng apoy, ngunit mas malamang, sabi ng mga dalubhasa, na taglay ito ng Iceman dahil sa mga katangian nitong antibayotiko at terapeutiko, bahagi ng isang uri ng nabibitbit na “pangunang-lunas na kit.”
Maibigin sa maganda, intelektuwal na kakayahan, kaalamang terapeutiko, at kaalaman sa mga larangan ng paggawa ng bakal, agrikultura, at sining—ang mga ito’y nagpapahiwatig, kabaligtaran ng larawan na laging inihaharap, na ang mga kapanahon ng Iceman ay may kabatiran at mahusay sa iba’t ibang larangan. Ang Britanong arkeologong si Dr. Lawrence Barfield ay nagsabi: “Iilan sa atin ngayon ang may anumang kasanayan na taglay ng karamihan ng mga tao noong ikaapat na milenyo [B.C.E.].” Halimbawa, ang kanilang kagalingan ay nakikita sa artistikong mga paglalarawan at mga bagay na yari sa metál at seramik na nakuha sa mga libingan.
Ang Relihiyosong Kapaligiran
“Batay sa mga natuklasan ng mga iskolar, hindi umiral kailanman ang anumang tao, saanman, sa anumang panahon, na hindi relihiyoso,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica. Binabanggit ang tungkol sa prominenteng bahagi na ginampanan ng relihiyon noong sinaunang panahon, ang Dizionario delle religioni (Diksyunaryo ng mga Relihiyon) ay nagsasabi na “kung ihahambing sa mga ginagamit sa araw-araw na buhay, sobrang dami ng mga paninda at lakas ay ginamit sa relihiyosong mga proyekto.”
Ang relihiyosong damdamin noong panahon ni Ötzi ay maliwanag na napakapalasak. Sa maraming dako, ang sinaunang mga dakong libingan ay nasumpungan na nagpapatunay sa pagkasari-sari at dami ng mga ritwal sa libing. Nasumpungan din ang maraming piguring yari sa luwad na naglalarawan sa mga diyos na kabilang sa sinaunang mga pantiyon.
Sinaunang Kasaysayan ng Tao at ang Bibliya
Kung gayon, ang mga sibilisasyon na lumitaw mula sa pananaliksik sa sinaunang mga panahon ay lubhang masalimuot. Ang larawan ay hindi isang saunahing mga sibilisasyon na nagpupunyagi, sa gitna ng napakaraming kahirapan, upang gumawa ng halos hindi makitang pagsulong tungo sa isang ganap na maunlad na lipunan. Kung ang mga mananalaysay ang tatanungin, ang mga pamayanan ay may iba’t ibang laki subalit ganap na maunlad.
Ito ay makabuluhan para sa sinumang nag-aaral ng Bibliya. Ang aklat ng Genesis ay nagpapahiwatig na sa pasimula ng kasaysayan ng tao—at lalo na habang ang sangkatauhan ay ‘nangalat sa lahat ng ibabaw ng lupa’—lumitaw ang masalimuot at ganap na maunlad na sibilisasyon, ang mga taong bumubuo sa mga sibilisasyong ito ay may intelektuwal at espirituwal na mga kakayahan.—Genesis 11:8, 9.
Pinatutunayan ng Bibliya na ang teknikal at artistikong kakayahan ay taglay ng tao kahit na noong pinakamaagang panahon, gaya ng pagpapanday “ng lahat ng uri ng kagamitang tanso at bakal.” (Genesis 4:20-22) Ayon sa ulat ng Bibliya, ang mga tao ay lagi nang nagnanais sumamba sa isang diyos. (Genesis 4:3, 4; 5:21-24; 6:8, 9; 8:20; Hebreo 11:27) Bagaman ang kaniyang pagiging relihiyoso ay sumamâ sa paglipas ng panahon, ang tao ay nananatiling “sa tuwina’y relihiyoso,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica.
Ang Paghahanap sa mga Pinagmulan
Bagaman hindi masagot ng arkeolohikal na pananaliksik ang lahat ng mga tanong na ibinangon ng pagkatuklas kay Ötzi, gayunman ay pinangyari nitong tayo’y magkaroon ng pagkaunawa sa daigdig na pinamuhayan niya—isang masalimuot na daigdig, ibang-iba sa karaniwang larawan ng tinatawag na mga panahon bago ang kasaysayan. Ito ay mas moderno kaysa inaakala ng marami.
Bilang konklusyon, bukod sa mga bagay na nakuha buhat sa hitsura at mga pag-aari ng Iceman, gaya ng sabi ng National Geographic, “halos lahat ng iba pang bagay tungkol sa kaniya ay bahagyang hiwaga, bahagyang haka-haka.” Samantala, si Ötzi ay nakahimlay sa loob ng isang malamig na silid sa Innsbruck, Austria, habang ang mahigit na 140 awtoridad sa iba’t ibang larangan ay nagpupunyaging lutasin ang higit na mga hiwaga tungkol sa Iceman na nanggaling sa yelo.
[Larawan sa pahina 8]
Sinusuri ng mga dalubhasa sa forensic ang bangkay ng Iceman sa Innsbruck
[Credit Line]
Larawan: Archiv Österreichischer Alpenverein/Innsbruck, S.N.S. Pressebild GmbH