Mga Himaton sa Hiwaga ng “Iceman”
SA LOOB ng mga dantaon, si Ötzi ay nasa isang mabuting pahingahang-dako. Siya’y namahinga mahigit na 3,200 metro sa ibabaw ng antas ng dagat sa isang makitid, punô-ng-niyebeng bangin sa isang hukay na nagsanggalang sa kaniya mula sa mga kilos ng kalapit na glacier. Kung ang kaniyang katawan ay nagyelo sa malaking tipak ng yelo ng glacier, ito’y lubusang magkakadurug-durog at matatangay. Malamang, ang kaniyang nakukubling posisyon ang nagpanatili sa kaniyang buo.
Mga ilang metro lamang mula sa bangkay ay ang mga bagay na maliwanag na naging bahagi ng kaniyang pang-araw-araw na buhay: isang kalas na pana na yari sa kahoy na yew, isang sisidlan ng palasô na yari sa balat ng usa na may 14 na palasô (2 handa nang gamitin, ang iba ay tatapusin pa), isang batóng punyal, isang palakol, isang bagay na inaakalang balangkas para sa isang saunahing balutan, isang supot na yari sa balat, isang sisidlan na yari sa balat ng kahoy na birch, at mga piraso ng damit, gayundin ng iba pang kagamitan at mga bagay.
Nang siya’y matagpuan, suot pa ng Taong Similaun (isa lamang sa kaniyang mga pangalan) ang ilan sa kaniyang kasuutan at may panyapak na yari sa balat na may dayami para proteksiyon sa lamig. Malapit sa ulo niya ay isang “banig” ng hinabing dayami. Para bang, nadaig ng pagod at lamig isang gabi, ang Iceman ay mahimbing na nakatulog upang “masilayan” ang liwanag ng araw libu-libong taon pagkaraan. Ang tuklas ay “isang larawan ng isang panahon, ng isang lipunan at ng isang biyolohikal na populasyon,” sabi ng arkeologong si Francesco Fedele, na nagbigay-kahulugan sa Taong Similaun bilang “isang time capsule” (makasaysayang ulat o bagay na naingatang nakatago hanggang sa matuklasan ito sa hinaharap na panahon).
Paano Siya Napreserba?
Hindi lahat ay sumasang-ayon sa paraan ng pagpapanatiling buo kay Ötzi nang napakatagal sa ilalim ng gayong mga kalagayan. “Ang pagkakapreserba niya ay halos makahimala, kahit na kung isasaalang-alang ng isa ang pagkasumpong sa kaniya mula sa hukay,” sabi ng Nature. Ang kasalukuyang teoriya na inaakalang pinakamalamang na nangyari ay na ang pagkakapreserba ay nangyari dahil sa kombinasyon ng “tatlong malayong mangyaring pangyayari”: (1) isang mabilis na proseso ng likas na pag-iimbalsamo (pagpapatuyo), ang resulta ng mga epekto ng lamig, araw, at ng foehn (isang mainit, tuyóng hangin); (2) isang mabilis na pagtabon ng niyebe na nagkubli sa katawan mula sa mga maninila; at (3) ang proteksiyon mula sa kumikilos na mga glacier na siyang lumikha ng hukay. Gayunman, hindi inaakala ng ilan na ang paliwanag na ito ay kapani-paniwala, nagpapatunay na ang foehn ay hindi nakaaabot nang napakataas sa bahaging ito ng Alps.
Gayunman, may ilang bagay na tiyak tungkol sa Iceman. Posibleng tiyakin na siya ay nasa pagitan ng 25 at 40 taóng gulang, mga limang talampakan at dalawang pulgada ang taas, at tumitimbang ng halos 50 kilo. Siya ay payat at maskulado, at ang kaniyang kayumangging buhok ay maayos na maayos at maliwanag na palaging ginugupit. Napatunayan ng mga pag-aaral ng DNA kamakailan tungkol sa mga sampol ng himaymay na siya ay may henetikong kayarian na katulad ng kapanahong mga maninirahan sa sentral at hilagang Europa. Ang kaniyang pudpod na ngipin ay nagsisiwalat na siya’y kumain ng karaniwang tinapay, nagpapahiwatig na siya ay maaaring kabilang sa isang agrikultural na pamayanan, gaya ng pinatutunayan ng mga butil ng trigo sa kaniyang damit. Kawili-wili, posibleng matiyak na siya’y namatay noong pagtatapos ng tag-araw o pasimula ng taglagas. Paano? Sa loob ng kaniyang bag ay nasumpungan ang mga labí ng sari-saring ligaw na plum na nahihinog sa dakong huli ng tag-araw; marahil, ito ang bahagi ng kaniyang huling mga panustos.
“Isang Kabalyero Noong Edad Medya na May Dalang Riple”
Ngunit ano ang isinisiwalat ni Ötzi? Ang babasahing Italyano na Archeo ay bumuod ng maraming tanong na ibinangon dahil sa pagkatuklas sa ganitong paraan: “Siya ba’y isang mandirigma o isang mangangaso? Siya ba’y isang nabubukod na indibiduwal, siya ba’y naglalakbay na kasama ng kaniyang pangkat, o minsan pa, siya ba’y nagdaraan sa mga bundok na iyon na kasama ng isang maliit na piling bahagi ng kaniyang grupo? . . . Siya ba’y nag-iisa, napaliligiran ng lahat ng yelong iyon, o makaaasa ba tayong makasusumpong ng iba pang bangkay?” Ang mga iskolar ay nagsikap na tiyakin ang mga sagot pangunahin na sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga bagay na nasumpungan sa Bundok Similaun at nagsisikap na unawain ang kahulugan nito. Iba’t ibang teoriya kung bakit si Ötzi ay naglalakbay sa taas na mahigit na 3,200 metro ang iminungkahi, subalit ang bawat isa rito ay sinalungat ng iba pang detalye. Ating isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Ang pana, na hindi kailanman naikabit, at ang mga palasô ay agad na magpapahiwatig na siya ay isang mangangaso. Nilulutas ba nito ang palaisipan? Marahil, subalit ang pana, na may haba na halos anim na talampakan, “ay napakalaki para sa isang tao na kasinlaki niya,” sabi ng arkeologong si Christopher Bergman, at “lubhang napakalaki upang mangaso sa karaniwang Alpinong pangangaso.” Bakit siya magmamay-ari ng isang pana na hindi naman niya magagamit? Isa pa, kailangang alisin ng isang taong naglalakbay sa kabundukan ang lahat ng labis na pabigat, “na gumagawa ritong lalo nang nakalilito na ang pana ng lalaki at ang 12 sa kaniyang 14 na palasô ay hindi tapós, samantalang ang kaniyang iba pang sandata (ang punyal at palakol) ay pudpod na dahil sa matagal na gamit,” sabi ng Nature.
Kumusta naman ang palakol na nasumpungan mga ilang metro lamang ang layo? Sa umpisa, inaakalang ito ay bronse, subalit isinisiwalat ng mga pagsubok na, sa katunayan, ito ay yari sa tanso. Dahil dito at sa iba pang dahilan, maraming arkeologo ang nahihilig na petsahan si Ötzi pabalik noong pasimula ng tinatawag na Panahon ng Tanso, yaon ay, noong ikaapat-ikatlong milenyo B.C.E. “Ang mga pagsubok sa Carbon 14 . . . ay nagpapatunay na siya ay nabuhay sa pagitan ng 4,800 at 5,500 taon ang nakalipas,” sabi ng magasing Audubon.a Gayunman, ang iba pang bagay ay humihimok sa ilang dalubhasa na ipalagay ang Iceman sa mas matandang panahon. Maliwanag, hindi posibleng itakda ang Taong Similaun sa isang partikular na sinaunang sibilisasyon. Tinutukoy ang palakol na tanso, isang arkeologo ang naniniwala na si Ötzi ay “nagtataglay ng isang sandata na maunlad sa teknolohiya para sa panahong kinabuhayan niya. Inaakalang tayo’y nakasumpong ng isang kabalyero noong Edad Medya na may dalang riple. Sa katunayan, noong panahong iyon, ang tanso ay kilala lamang sa mga kultura sa Silangan.”
Isa pa, gaya ng nakita na natin, ang palakol ay maaaring isang napakahalagang bagay sa mga kapanahon ng Iceman. Ang iba pang bagay, gaya ng kaluban para sa kaniyang punyal, ay napakakinis din at maliwanag na “prestihiyosong mga bagay.” Subalit kung si Ötzi ay isang mataas-ang-ranggong tao, isang pinuno, bakit siya nag-iisa noong kaniyang kamatayan?
Ayon sa magasing Popular Science, ganito ang sabi ni Konrad Spindler, ng University of Innsbruck: “Ang dati-rati’y ipinalalagay na nakalilitong mga tatu ay tumutugma sa sugat sa tuhod at sa mga hugpong ng bukung-bukong at humihinang buto sa kaniyang gulugod. Malamang na ginamot ng doktor ng Iceman ang kalagayan sa pamamagitan ng pagpaso sa balat sa ibabaw ng dakong sumasakit, pagkatapos ay papahiran ng abo ng damong-gamot ang sugat.”
Kamakailan, ang idea ay iminungkahi para sa konsiderasyon, sa isang pulong ng mga dalubhasa sa forensic medicine sa Chicago, na si Ötzi ay maaaring binugbog at duguang takas na namatay sa pagtatago samantalang ang iba ay tumutugis sa kaniya. Natiyak na siya’y nagkaroon ng ilang baling tadyang at isang basag na panga. Gayunman, hindi masasabi nang tiyak kung kailan siya dumanas ng mga pinsalang ito—bago o pagkatapos mamatay. Gayunman, kung siya’y biktima ng karahasan, “bakit taglay pa rin niya ang lahat ng kaniyang mga kagamitan, pati na ang ‘mahahalagang’ kagamitan?” gaya ng palakol na tanso, tanong ng Archeo.
Ipinalalagay ng mga imbestigador na ang nakukuhang mga katotohanan ay hindi sapat upang magbigay ng isang kompleto at tumpak na larawan ng kung ano ang nangyari, at maraming katanungan ang hindi pa rin nasasagot. Subalit maliwanag na ang sibilisasyong kinabibilangan ni Ötzi ay lubhang matatag at masalimuot.
Si Ötzi at ang Kaniyang Daigdig
Sa paglalarawan sa daigdig ng Taong Similaun, binabatay ng mga iskolar ang kanilang mga opinyon sa mga tuklas mula sa mga lugar sa Alpino na inaakalang tinirhan ng kaniyang mga kapanahon. Noon pa man, sinasabi sa atin ng mga arkeologo, ang ilang dako ay mas maunlad kaysa iba, at ang karamihan ng teknikal na mga pagbabago, gaya ng paggawa sa tanso, ay nagmula sa Gitnang Silangan.
Ayon sa pinagsama-samang impormasyon, si Ötzi ay maaaring nabuhay sa isa sa agrikultural na mga nayon ng lunas ng Ilog Adige. Ang ilog na ito ay isang mahalagang ruta ng kalakal na nag-uugnay sa Peninsula ng Italya sa Sentral Europa. Maraming pamayanan ang natatag sa iba’t ibang dako sa bahaging iyon ng Alps, kahit na sa taas na mga 2,000 metro. Ang agrikultural na mga nayon nang panahong iyon ay karaniwang binubuo ng tatlo o apat na mga bahay, marahil ilang dosena sa pinakamarami. Anong uri ng mga bahay? Ang mga paghuhukay ay nagsiwalat lamang ng mga sahig, halos karamihan ay pinitpit na lupa. Ang mga tirahan ay may iisang silid, karaniwang may apuyan sa gitna at kung minsan isang hurno. Ang bubong ay maaaring yari sa gable, kahawig ng mga tirahan ng mga panahong iyon na itinayo sa mga pilote na nasumpungang malapit sa maraming lawa ng Alpino. Bawat isang-silid na kubo ay malamang na tinutuluyan ng isang yunit ng pamilya.
Anong uri ng mga kaugnayan mayroon sa pagitan ng mga pamayanang iyon ng mga naghahayupan at mga magsasaka? Walang alinlangan, ang kalakal. Halimbawa, ang palakol na nasumpungan sa Bundok Similaun ay kahawig niyaong ginagawa sa dulong timog, sa mga baybayin ng Lawa ng Garda, at maaaring ang sentro ng isang komersiyal na kalakalan. Kabilang din sa mga kagamitan ni Ötzi ang ilang bato, mga bagay na mahalaga sa kalakalan sa kahabaan ng ruta ng Libis ng Adige. Ang isa sa mga gawain na nangangailangan na ang mga tao’y maglakbay mula sa isang dako tungo sa ibang dako ay ang pana-panahong pandarayuhan ng mga alagang hayop. Gaya ng ginagawa pa rin nila sa Tirol ngayon, inaakay ng mga pastol ang kanilang kawan sa mga daanan sa Alpino sa paghahanap ng sariwang damuhan. Ano pang ibang konklusyon ang narating tungkol sa pinagmulan ng Iceman?
[Mga talababa]
a Para sa impormasyon tungkol sa di-pagkamaaasahan ng pagsubok na carbon-14, tingnan ang Awake! ng Setyembre 22, 1986, pahina 21-6, at Life—How Did It Get Here?—By Evolution or by Creation?, pahina 96, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mapa sa pahina 5]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Iceman ay nasumpungan sa loob lamang ng Italyanong hangganan sa Similaun Glacier
ALEMANYA
AUSTRIA
Innsbruck
SWITZERLAND
SLOVENIA
ITALYA
Bolzano
Similaun Glacier
Dagat Adriatiko
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang X ang nagtatanda sa dako kung saan nasumpungan si Ötzi. Nakasingit: 1. Palakol na tanso, 2. Batong punyal, 3. Malamang na isang agimat, 4. Sungay ng usa sa tatangnang kahoy
[Credit Lines]
Larawan: Prof. Dr. Gernot Patzeit/Innsbruck
Mga larawan 1-4: Archiv Österreichischer Alpenverein/Innsbruck, S.N.S. Pressebild GmbH