Kabkáb o Palaka—Ano ang Pagkakaiba?
SA LOOB ng mga dantaon ang mga kabkáb at mga palaka ay may masamang reputasyon. “Ang mga ito’y pinagmumulan ng mga kulugo.” “Maaaring gawing mga kabkáb o palaka ng mga mangkukulam ang mga tao.” Sino ang hindi nakarinig ng kuwentong ada tungkol sa isang pangit na palaka na naging makisig na prinsipe nang ito’y hagkan ng isang prinsesa? Gayunman, simula nang maging popular si Kermit the Frog sa programang pambata sa TV na “Sesame Street” at sa “The Muppet Show,” ang mga palaka ay naging kaayaaya sa maraming tao. Ano ba ang katotohanan tungkol sa mga palaka at mga kabkáb? Ano ang kanilang pagkakaiba?
Ating liwanagin ang anumang maling idea—ang mga virus, hindi ang mga kabkáb, ang sanhi ng mga kulugo. At ang mga kuwentong ada ay gayon nga—mga kuwentong ada, likhang-isip at alamat. At bagaman may mga mangkukulam, hindi nila mababago ang isang tao tungo sa isang palaka o isang kabkáb.
Ang mga palaka at mga kabkáb ay masusumpungan sa karamihan ng bahagi ng daigdig, ngunit walang palaka sa Antártikó, ni may mga kabkáb man sa Artikó at Australia. May mga 3,800 uri ng mga palaka at mga kabkáb, kung saan mahigit na 300 ay mga kabkáb. Kaya paano mo makikilala ang isang kabkáb sa isang palaka? Ang The World Book Encyclopedia ay sumasagot: “Ang karamihan ng tunay na mga kabkáb ay mayroong mas malalapad, sapád na katawan at mas maitim, mas tuyo ang balat kaysa karamihan ng tunay na mga palaka. Ang tunay na mga kabkáb ay karaniwang punô ng mga kulugo, subalit ang tunay na mga palaka ay makinis ang balat. Di-gaya ng karamihan ng tunay na mga palaka, ang karamihan ng tunay na mga kabkáb ay nakatira sa lupa. Ang mga adulto ay nagtutungo lamang sa tubig upang magparami.” Ang mga palaka ay karaniwang masusumpungang malapit sa tubig, handang lumukso kapag narinig kang dumarating. Karamihan ng mga palaka ay may ngipin lamang sa kanilang itaas na panga. Ang mga kabkáb ay walang ngipin. Kaya, pareho nilang nilulunok ang kanilang mga nasilà nang buo.
Maraming palaka at kabkáb ang gumagawa ng matatapang na lason. Ang kulay-pulang poison arrow na palaka (Dendrobates pumilio) ng Costa Rica ay isang halimbawa. Ang lason ng ilang palaka ay maaaring madaling makapatay ng isang tao. Ang aklat na Biology ay nagsasabi: “Ang mga katutubong tribo sa mga tropiko ay kadalasang naglalagay ng lason sa mga dulo ng kanilang mga pana sa pamamagitan ng pagkukuskos nito sa mga palakang ito.” Sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, ang “di-malilinis na kinasihang pahayag” ay itinulad sa mga palaka. Bakit gayon? Sapagkat sa Batas Mosaiko, ang mga palaka ay hindi malinis na kainin. Ang mga kabkáb ay hindi binabanggit sa Bibliya.—Apocalipsis 16:13; Levitico 11:12.
[Mga larawan sa pahina 31]
Kanan: Kabkáb. Ibaba: Palaka