Mula sa Aming mga Mambabasa
Burnout Salamat sa inyong serye na “Nararanasan Mo ba ang ‘Burnout’?” (Enero 8, 1995) Bagaman ako ay naglilingkod bilang isang payunir, sa loob ng ilang buwan nakadama ako ng panghihina at nawalan ng sigla. Ang artikulo ay nagbigay sa akin ng ilang punto na dapat na personal kong ikapit, lalo na ang mungkahi na iwasang punahin ang iba.
M. S., Alemanya
Ang mga ito ay pantanging mga artikulo para sa akin sapagkat sa wakas ay nakilala ko ang aking problema. Ako’y isang asawang babae, ina ng apat na anak, at napakaraming gawaing-bahay. Nakalulungkot naman, hindi ako gaanong pinahahalagahan ng aking pamilya. Mas mabuti ang nadama ko sa pagkaalam na ito’y karaniwang problema sa gitna ng sensitibong mga tao. Huwag nawa kayong huminto sa paglalathala ng mga artikulong gaya nito!
J. M., Italya
Ako’y nakararanas ng labis na panghahapo, kawalang sigla, kawalang kaya, kawalang pag-asa, at pagkalungkot. Pagkatapos na mabasa ang artikulo, naunawaan ko ang ilang salik na umaakay sa mga damdaming ito. Ibig kong malaman ninyo kung anong buti ng pakiramdam na maunawaan at malaman na si Jehova at ang kaniyang organisasyon ay totoong nagmamalasakit para sumulat ng nakapagpapatibay-loob na mga artikulo.
Z. L., Estados Unidos
Ang burnout ang naging sanhi ng pagbibitiw ko sa paglilingkuran sa Bethel at bandang huli sa aking pagpapayunir. Halos muntik na rin akong bumaba sa aking pagiging elder! Ngayon ay nauunawaan ko kung anong bagay ang nabigo kong ipakipag-usap noon. Napasulong ko na ang bagay na ito, at ang paraan ng aking pag-iisip ay mas mabuti na.
E. R., Estados Unidos
Nakapagpapatibay-loob na malaman na ang ibang mga ministrong Kristiyano ay nakapagtiis sa ganitong problema at kanilang napagtagumpayan ito.
C. L., Switzerland
Mga Dalagang-Ina Salamat sa inyong artikulo na “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Magagawa ng mga Dalagang-Ina ang Pinakamainam sa Kanilang Kalagayan?” (Oktubre 8, 1994) Kinilala ninyo na ang pagdadalang-tao ay nangyayari dahil sa maling gawa. Subalit sa halip na idetalye ito nang husto at palubhain pa ang nadarama ng batang babae, kayo ay nagbigay ng praktikal, nakatutulong na mga patnubay.
J. D., Estados Unidos
Ako ay naging isang nagsosolong magulang sampung taon na ang nakalipas. Subalit sa tulong ni Jehova at ng aking mga magulang na Kristiyano, ako’y napabuti. Pagkatapos ko ng aking pag-aaral, ako’y naglingkod bilang isang buong-panahong ministro sa loob ng anim na taon at nakapag-asawa ng isang Kristiyanong lalaki na naglilingkod ngayon bilang isang elder. Ako’y nakinabang nang husto mula sa awa at kabaitan ni Jehova at nagagamit ko ang mismong karanasan ko upang tulungan ang iba.
A. M., Estados Unidos
Hindi ko mapigilang mapaluha habang binabasa ko ang artikulo. Naranasan ko mismo ang kalagayan na inyong inilarawan. Ngayon na ako’y isang Kristiyano na, natutuwa ako na mapalaki ang aking anak na babae taglay ang matalinong-unawa.
C. R. S., Brazil
Paghilik Ang artikulo na “Ikaw ba’y Naghihilik?” (Setyembre 8, 1994) ay nagbabala ng posibilidad na mga panganib sa paghilik. Subalit ipinahiwatig ninyo na kung ang isa’y malakas maghilik, ikaw ay may sakit na apnea. Hindi naman gayon. Ang tendensiya na maghilik ay nagaganap habang tayo ay nagkakaedad. Maaari rin itong mangyari sanhi ng mga alerdyi at mga problema sa sinus. Subalit kung ang malakas na paghilik ay may kasamang mga yugto ng hindi paghinga, kasunod ng pangangapos ng hininga at pagsinghal, at ang pag-aantok sa araw o pagkahapo, ang sakit na apnea ang malamang na may kagagawan nito. Ang pinakakaraniwang paggamot ay, hindi operasyon, kundi mga kagamitan na gumagamit ng compressed air upang alisan ng bara ang daanan ng hangin kung natutulog.
C. S., Estados Unidos
Pinahahalagahan namin ang mga komentong ito at ipagpaumanhin ninyo kung ang aming tudling ay naging sanhi ng anumang kalituhan. Sumasang-ayon ang mga dalubhasa sa medisina na ang paminsan-minsang paghilik ay normal naman. Kung may kinalaman sa lahat ng problema sa paggamot, ang pagpapasuri sa isang manggagamot ay mahalaga para sa isang angkop na paggamot.—ED.