Ang Pinakamalaking Puno ng Kasoy sa Daigdig
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL
ANG pinakamalaki sa daigdig? Ayon sa Guinness O Livro dos Recordes 1994, maaaring ito nga. Masusumpungan malapit sa baybayin ng Rio Grande do Norte, ang puno ng kasoy na nakalarawan dito ay tiyak na ang pinakamalaki sa Brazil. Oo, ang nag-iisang punong ito ay kasalukuyang sumasaklaw sa isang malaking bloke sa lungsod—katumbas ng 70 katamtamang-laki na mga puno ng kasoy!
Ang puno ng kasoy ay isang laging luntiang puno na ang laki ay karaniwang mula sa isang maliit na palumpon hanggang sa isang puno na mga 20 metro ang taas. Ang maliliit na bulaklak ng punong kasoy ay kabaligtaran ng malalaki at makakapal na dahon nito. Ang buto nito na nakakain ay ang masarap na buto (nuwes) ng kasoy, na para bang sapilitang inilubog sa hugis-peras na prutas na tinatawag na cashew apple. Kataka-taka nga, ang punong kasoy ay nauugnay sa poison ivy, at yaong mga humahawak nito ay kailangang mag-ingat. Ang buto ay may dalawang balat (shell), at sa pagitan ng mga balat na ito ay isang langis na nakakapaltos sa balat. Mabuti na lang, inaalis ng pag-iihaw ang nakalalasong mga katangian ng buto.
Kakatwa nga, ang buto na hugis-bató ay para bang tumutubo sa labas ng prutas, para bang nakalimutan ng Maylikha ang buto at saka ito idinikit. Inaalalayan ng kasoy ang buto. Kaya nga, tinatawag ng ilan ang buto ng kasoy na ang tunay na bunga ng puno. Sa paano man, isipin lamang, sa susunod na kumain ka ng mga buto ng kasoy, maaaring kinakain mo ang bunga ng pinakamalaking puno ng kasoy sa daigdig!