Kumusta Na ang Ating Daigdig Ngayon?
IKAW ba na may sapat nang gulang upang matandaan ang 1945 ay nakakita na ng anumang pagbabago sa mga pamantayan at kagandahang-asal? Tinanggap ng milyun-milyon ang “bagong moralidad,” na diumano’y nag-aalok ng higit na kalayaan. Subalit ano ang kabayaran?
Isang 70-anyos na lalaki na naglingkod sa U.S. Navy noong ikalawang digmaang pandaigdig ang nagsabi: “Noong dekada ng 1940, may higit na pagtitiwala, at ang mga magkakapitbahay ay nagtutulungan sa isa’t isa. Sa tinitirhan namin sa California, hindi pa nga kami nagkakandado ng aming mga pinto. Walang krimen sa lansangan, at tiyak na walang karahasan dahil sa sandata sa mga paaralan. Mula nang panahong iyon ang pagtitiwala ay halos naglaho na.” Ano ang kalagayan ngayon sa inyong lugar? Iniulat na sa New York City, kalahati ng mga tin-edyer na mahigit 14 na taóng gulang ay nagdadala ng mga sandata. Ang mga metal detector ay ginagamit sa ilang paaralan sa pagsisikap na huwag maipasok ang mga kutsilyo, mga kutsilyong pambukas ng kahon, at mga baril. Taun-taon halos isang milyong tin-edyer sa Estados Unidos ang nagdadalang-tao, at 1 sa 3 sa mga ito ay nagpapalaglag. Ang mga batang tin-edyer ay mga ina na—mga bata na nagkakaanak.
Ang malakas na pag-impluwensiya ng mga bakla at mga tomboy sa batasan ay napakabisang nakapagtaguyod sa istilo ng buhay nito anupat kinunsinti at tinanggap ito ng parami nang paraming tao. Ngunit, kasama ng iba, sila’y nagbayad ng malaking halaga sa sakit at kamatayan dahil sa mga sakit na naililipat ng pagsisiping na gaya ng AIDS. Ang epidemya ng AIDS ay kumalat na sa populasyon ng mga heteroseksuwal at sa mga nag-aabuso sa droga. Ito ang halos pumalis sa Aprika, Europa, at Hilagang Amerika dahil sa sakit at kamatayan. At wala pang nakikitang wakas.
Ganito ang sabi ng A History of Private Life: “Ang karahasan, alkoholismo, droga: ito ang pangunahing mga anyo ng lisyang paggawi sa lipunan ng Sweden.” Ang pananalitang iyan ay totoo rin sa karamihan ng mga bansa sa Kanluraning daigdig. Dahil sa gumuhong relihiyosong mga pamantayan, naging palasak ang pagsamâ ng moral, kahit na sa gitna ng maraming klero.
Pag-abuso sa Droga—Noon at Ngayon
Noong dekada ng 1940, ang pag-abuso sa droga ay halos di-kilala ng mga tao sa Kanluraning daigdig. Oo, narinig na ng mga tao ang tungkol sa morpina, opyo, at cocaine, subalit isang maliit na grupo lamang ang nag-abuso sa mga drogang ito. Walang mga drug lord o mga nagbebenta ng droga na gaya ng pagkakilala natin sa kanila ngayon. Walang mga sugapa sa droga sa mga kanto. Ano ang kalagayan ngayon sa 1995? Alam ng marami sa aming mga mambabasa ang sagot mula sa kanilang mga karanasan sa kanila mismong mga pook. Ang mga pagpatay na nauugnay sa droga ay nagiging pang-araw-araw na pangyayari sa maraming malalaking lungsod sa daigdig. Ang mga pulitiko at mga hukom ay nagiging bihag ng makapangyarihang mga drug lord na nakapag-uutos at nakapagpapaligpit sa sinumang maimpluwensiyang tao na hindi nakikipagtulungan. Ang kasalukuyang kasaysayan ng Colombia at ang mga kaugnayan nito sa droga ay patotoo nito.
Ang salot ng droga ay kumikitil ng 40,000 buhay sa isang taon sa Estados Unidos lamang. Ang problemang iyan ay tiyak na hindi umiral noong 1945. Hindi kataka-taka na pagkatapos ng mga dekada ng pagsisikap ng mga pamahalaan na sugpuin ang pag-abuso sa droga, si Patrick Murphy, isang dating komisyonado ng pulisya ng New York City, ay sumulat ng isang artikulo para sa Washington Post taglay ang pamagat na “Tapós Na ang Pakikipaglaban sa Droga—Nanalo ang Droga”! Sinabi niya na “ang kalakalan ng droga . . . ay kabilang sa pinakamatagumpay na negosyo sa [Estados Unidos], na ang kita ay maaaring umabot ng kasintaas ng $150 bilyon sa taóng ito.” Ang problema ay malaki at tila walang lunas. Dumarami ang parokyano ng pag-abuso sa droga, at tulad ng maraming iba pang bisyo, ang mga parokyano nito ay nagugumón. Isa itong industriya na nagtataguyod at nagpapalakas sa ekonomiya ng ilang bansa.
Si John K. Galbraith, propesor ng ekonomiks, ay sumulat sa kaniyang aklat na The Culture of Contentment: “Ang kalakalan ng droga, walang pinipiling barilan, iba pang krimen at magulo’t watak-watak na pamilya ay pawang bahagi ngayon ng araw-araw na pamumuhay.” Sinabi niya na ang mga pamayanan ng minoridad sa maraming malalaking lungsod sa Amerika “ay mga sentro ngayon ng kakilabutan at kawalan ng pag-asa.” Isinulat niya na “dapat asahan ang higit pang paghihinanakit at kaguluhang panlipunan.” Bakit gayon? Sapagkat, aniya, ang mayaman ay lalo pang yumayaman at ang mahirap, “ang mababang uri,” na dumarami, ay lalo pang humihirap.
Ang mga Galamay ng Internasyonal na Krimen
Dumarami ngayon ang katibayan na lumalawak ang impluwensiya ng kriminal na mga grupo sa buong daigdig. Sa loob ng mga taon ang organisadong krimen, kasama ang “mga sindikato” nito, ay nagkaroon ng mga kaugnayan sa pagitan ng Italya at ng Estados Unidos. Subalit ngayon ang Panlahat na Kalihim ng UN na si Boutros Boutros-Ghali ay nagbabala na ang “organisadong krimen na sa buong mundo ang lawak . . . ay nagwalang-bahala sa mga hangganan at nagiging isang pansansinukob na puwersa.” Sabi niya: “Sa Europa, sa Asia, sa Aprika at sa Amerika, ang mga puwersa ng kasamaan ay aktibo at walang pinatatawad na lipunan.” Sinabi rin niya na ang “internasyonal na krimen . . . ay sumisira sa pundasyon mismo ng internasyonal na kaayusang demokratiko. Nilalason [nito] ang kapaligiran sa negosyo, ginagawang tiwali ang pulitikal na mga lider at sinisira ang mga karapatang pantao.”
Nagbago ang Mapa
Si Vaclav Havel, pangulo ng Republika ng Czech, ay nagsabi sa isang talumpati na binigkas sa Philadelphia, E.U.A., na ang dalawang pinakamahalagang pangyayari sa pulitika sa ikalawang hati ng ika-20 siglo ay ang pagguho ng kolonyalismo at ang pagbagsak ng Komunismo sa Silangang Europa. Ang paghahambing ng mapa noong 1945 sa mapa sa 1995 ay agad nagpapakita ng mga kaguluhan na nangyari sa mga bansa sa daigdig, lalo na sa Aprika, Asia, at Europa.
Ihambing ang pulitikal na kalagayan ng dalawang petsa. Sa pagitan ng 50 taon, naabot ng Komunismo ang tugatog nito at pagkatapos ay gumuho ito mula sa karamihan ng dating Komunistang mga bansa. Sa mga bansang iyon ang totalitaryong pamamahala ay nagbigay-daan sa ilang anyo ng “demokrasya.” Subalit, maraming tao ang naghihirap sa mga epekto ng pagbabago ng kanilang lipunan tungo sa isang ekonomiya na market-based. Palasak ang kawalan ng trabaho, at kadalasang walang halaga ang pera. Noong 1989 ang ruble ng Russia ay nagkakahalaga ng $1.61 (U.S.). Sa panahon ng pagsulat nito, kailangan mo ng mahigit na 4,300 ruble upang tumbasan ang isang dolyar!
Iniulat ng magasing Modern Maturity na sa ngayon halos 40 milyong Ruso ang nabubuhay na mahirap pa sa daga. Isang Ruso ay nagsabi: “Hindi namin kayang mamatay. Hindi namin kaya ang libing.” Kahit ang murang palibing ay nagkakahalaga ng halos 400,000 ruble. Ang di-mailibing na mga bangkay ay nagpapatung-patong sa mga morge. Kasabay nito, kapansin-pansin na mahigit 36 na milyong Amerikano ang namumuhay na mahirap pa sa daga sa Estados Unidos!
Ang kabalitaan sa pananalapi ng Guardian Weekly, si Will Hutton, ay sumulat tungkol sa mga problema sa Silangang Europa. Sa ilalim ng pamagat na “Pagpasok sa Panahon ng Kabalisahan,” sinabi niya: “Ang pagbagsak ng komunismo at ang pagliit ng Russia sa pinakamaliit na sukat o laki nito mula noong ika-18 siglo ay mga pangyayari na ang mga kahulugan ay hindi pa rin halos maunawaan.” Mga 25 bagong mga estado ang humalili sa dating imperyong Sobyet. Sabi niya na “ang pagsasaya na bumati sa pagbagsak ng komunismo ay nagbago na ngayon tungo sa lumalagong pagkabalisa tungkol sa hinaharap. . . . Ang pagbaba tungo sa anarkiya sa ekonomiya at pulitika ay mas malamang mangyari—at hindi maaasahang manatiling hindi maapektuhan ang kanlurang Europa.”
Taglay ang gayong negatibong pangmalas, hindi kataka-taka na niwakasan ni Hutton ang kaniyang artikulo sa pagsasabing: “Ang daigdig ay nangangailangan ng isang giya na mas maigi kaysa basta yakapin lamang ang demokrasya at ekonomiya ng malayang-pamilihan—subalit wala namang gayon.” Kaya saan babaling ang mga bansa para sa isang lunas? Ang susunod na artikulo ay magbibigay ng isang sagot.
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
Ang UN Mula Noong 1945
Bakit hindi kayang hadlangan ng UN, na itinatag noong 1945, ang napakaraming digmaan? Ganito ang binanggit ng Panlahat na Kalihim Boutros Boutros-Ghali sa kaniyang talumpating “Isang Agenda Para sa Kapayapaan”: “Ang United Nations ay nawalan ng kapangyarihan upang lutasin ang marami sa mga krisis na ito dahil sa mga beto—279 nito—na ibinigay sa Security Council, na maliwanag na kapahayagan ng mga pagkakabahagi ng panahong iyon [ng Malamig na Digmaan sa pagitan ng mga pamahalaang kapitalista at Komunista].”
Ito kaya’y dahilan sa ang UN ay hindi nagsikap na panatilihin ang kapayapaan sa pagitan ng mga bansa? Sinubok nito, ngunit malaki ang gastos. “Labintatlong operasyon sa pagpapanatili-ng-kapayapaan ang itinatag sa pagitan ng mga taóng 1945 at 1987; 13 pa mula noon. Tinatayang 528,000 tauhang militar, pulisya at sibilyan ang naglingkod sa ilalim ng watawat ng United Nations hanggang noong Enero 1992. Mahigit na 800 sa kanila mula sa 43 bansa ang namatay sa paglilingkod sa Organisasyon. Ang gastos sa mga kilusang ito ay tumaas tungo sa humigit-kumulang $8.3 bilyon hanggang noong 1992.”
[Credit Line]
Tangke at missile: Kuha ng U.S. Army
[Kahon sa pahina 11]
Ang Telebisyon
Tagapagturo o Tagaakay sa Kasamaan?
Iilang tahanan ang may telebisyon noong 1945. Nasa sinaunang pagpapasimula pa ito ng itim at puting mga larawan. Sa ngayon, ang TV ay isang kinukunsinting magnanakaw at mapanghimasok sa halos lahat ng tahanan sa maunlad na mga bansa at sa bawat nayon sa nagpapaunlad na mga bansa. Bagaman kakaunting mga programa lamang ang nakapagtuturo at nakapagpapatibay-loob, ang karamihan ay nakasasama sa mga pamantayang moral at nagbubuyo tungo sa pinakamababang pamantayan ng madla. Ang popularidad ng mga pelikula sa video, ang pagsasamantala sa pornograpya at mga pelikulang para lamang sa mga may sapat na gulang ay isa pang salik sa pagkamatay ng mabuti at makatuwirang mga simulaing moral.
[Larawan sa pahina 9]
Ang mga digmaan na gaya niyaong sa Vietnam ay kumitil ng mahigit na 20 milyong buhay mula noong 1945
[Picture Credit Line sa pahina 8]
Patrick Frilet/Sipa Press
[Picture Credit Line sa pahina 8]
Luc Delahaye/Sipa Press