Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 3/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Mahulaan ang Lindol
  • Pagkaligtas sa Paglubog sa Nagyeyelong Tubig
  • Isport at Haba ng Buhay
  • Walang Pananagutang Magsabi ng Totoo
  • Bagong mga Alituntunin sa Asal
  • Bigong Dekada
  • Walang Takot na Panghoholdap
  • Balita Tungkol sa mga Buwaya
  • Lumalalang Kaigtingan
  • Agwat sa Kalusugan
  • Mag-ingat sa ‘mga Mata ng Ilog’!
    Gumising!—1996
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Isang Masusing Pagmamasid sa Buwaya
    Gumising!—1995
  • Mangingitian Mo ba ang Isang Buwaya?
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 3/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Hindi Mahulaan ang Lindol

Sa loob ng maraming taon inakala ng mga siyentipiko na maaari nang mahulaan ang mga lindol. Pinagmasdan nila ang mga antas ng pinakahangganan ng tubig, ang marahang pagkilos ng pinakabalat ng lupa, ang sumisingaw na radon gas mula sa mga balon, at iba pang nagbibigay ng mga tanda. “Marami sa kilalang mga dalubhasang nagsusuri ng lindol ay nag-iisip ngayon na ang lindol ay likas na hindi mahulaan,” sabi ng isang artikulo sa The New York Times. “Sinasabi nila na ang paghahanap ng mga paraan upang babalaan ang mga tao mga ilang araw, oras o minuto bago ang lindol ay waring walang-kabuluhan. . . . Bagaman ipinakikita ng kamakailang pananaliksik na ang ilang lindol ay maaaring magdulot ng patiunang mga tanda kasali na ang mga bitak sa balat ng lupa, ang mga tandang iyon ay napakaliit, napakahina at natatago mula sa lugar na maaari itong makita anupat ang pagtutop sa mga ito sa anumang pratikal na paraan ay waring imposible.” Ang mga tao ngayon ay humihiling sa pamahalaan na alisin ang mga pondo sa pananaliksik sa lindol at gamitin ang mga ito sa pagbabawas ng ibinungang mga aksidente. Kaya, ang mga siyentipiko ay sumasang-ayon na higit pang kaalaman ang kailangan sa kung paano kumikilos ang lupa at kung paano tumutugon ang mga gusali sa mga lindol.

Pagkaligtas sa Paglubog sa Nagyeyelong Tubig

Natuklasan ng mga siyentipikong nagsusuri kung bakit ang mga taong nahuhulog sa nagyeyelong tubig ay mabilis na namamatay na ang likas na pagtugon ng katawan ng tao sa biglang paglamig ay ang hyperventilation (labis na pagsinghap). “Ang biglang pagsinghap ay nasusundan ng pagpasok ng tubig​—at pagkalunod,” sabi ng magasing New Scientist. Ang labis na pagsinghap ay hindi maiiwasan. Kaya ang pagkaligtas ay nakasalig sa pagpapanatiling nakalitaw ng ulo sa tubig hanggang sa ang pagsinghap ay humupa, karaniwang sa loob ng dalawa o tatlong minuto.

Isport at Haba ng Buhay

Ang mga Aleman ay gumugugol ng katumbas ng $25 bilyon sa bawat taon sa isport, o mahigit na $300 bawat tao. Ang salaping ito ay ibinabayad sa “mga kasuutan, kagamitan, pagsasanay, pag-upa sa laruan, at bayad sa klub,” ulat ng Nassauische Neue Presse. Mahigit na tatlong milyon katao ang nag-eehersisyo sa mga gusaling pang-ehersisyo, at milyun-milyon pa ang nagjo-jogging. Kaya ang mahihilig ba sa isport ay mas mahaba ang buhay o mas mabuti ang kalagayan kaysa mga nasa bahay lamang? Hindi naman. Ganito ang sabi ng aklat na Physiologie des Menschen (Human Physiology): “Ang pangkalahatang sabihin na ang isport ang pinakamabuting gamot ay tiyak na mali.” Bakit? Dahil sa mahigit na 1.5 milyong Aleman ang nagpapatingin sa doktor taun-taon na may mga pinsalang nauugnay sa isport sa panahon ng paglilibang kung dulo ng sanlinggo at mga bakasyon. Ipinapayo ng aklat na ang ehersisyo at isport ay mabuti lamang sa kalusugan “hangga’t ang pag-unlad para sa kapakanan ay hindi napipinsala ng mga aksidente o malalang mga pinsala dahil sa isport.”

Walang Pananagutang Magsabi ng Totoo

Inagaw kamakailan ng mga korte ng paglilitis sa Estados Unidos ang pansin ng publiko at ginitla ang mga manonood sa buong mundo. “Samantalang ang mga tagausig ay may pananagutan na iharap ang katotohanan, ang mga abogadong nagdedepensa ay gumagawa naman ng ibang layunin,” sabi ng The New York Times. “Ang trabaho ng abogadong nagdedepensa ay mapawalang-sala ang kliyente, magawang di-makapagpasiya ang hurado (sa pamamagitan ng pagtitimo ng makatuwirang pag-aalinlangan sa isipan maging ng nag-iisang hurado) o makakuha ng isang paghatol sa pinakamababang paghatol.” “Wala silang pananagutan na tiyakin na ang hatol na walang sala ay tama,” sabi ni Stephen Gillers, isang guro ng mga etika sa batas sa New York University na paaralan sa batas. “Sinasabi namin sa hurado na ang paglilitis ay isang pagsasaliksik ng katotohanan, at hindi namin sinasabi sa kanila na ang abogadong nagdedepensa ay obligado na sila’y linlangin.” Kapag “napaharap sa mga katotohanan na harap-harapang nadadawit ang kliyente, ang mga abogado ay kalimitang gumagawa ng mga kuwento para ito ang pagtuunan ng pansin ng hurado upang huwag mapansin ang mga bagay na totoo at sumang-ayon para sa pagpapawalang-sala,” sabi ng Times. Ano ang nangyayari kapag nalaman ng mga abogado na ang kanilang kliyente ay may kasalanan subalit iginigiit pa rin ng kliyente ang kaniyang kaso sa hurado? “Kung gayon ang mga abogado ay magpapanggap na gaya ni Uriah Heep, tigib ng huwad na pagpapaimbabaw, at ipahahayag ang kanilang taimtim na paniniwala sa katapatan ng salaysay ng kanilang kliyente bagaman nalalaman nila na ito’y 100 porsiyentong mali,” sabi ni Gillers.

Bagong mga Alituntunin sa Asal

Nakararanas ang mga kabataang Ruso gayundin ang lipunang Ruso ng krisis sa alituntunin sa asal. Natuklasan ng isang surbey na isinagawa sa St. Petersburg, Russia, na ang saloobin ng mga kabataan ay nagdiriin sa “mga alituntunin ng asal na karaniwan sa sangkatauhan​—iyon ay, kalusugan, buhay, pamilya, at pag-ibig gayundin ang pansariling mga alituntunin, gaya ng tagumpay, karera, kaalwanan, at materyal na kasiguruhan,” ulat ng pahayagang Sankt-Peterburgskiye Vyedomosti sa Russia. Iba pang mahalagang alituntunin ang nakatuon sa mga magulang, salapi, kapakanan, kaligayahan, pakikipagkaibigan, at kaalaman. Kapuna-puna, ang pagkakaroon ng mabuting reputasyon at pagtatamasa ng pansariling mga kalayaan ang sumasaklaw sa dalawa sa pinakahuling lugar na nasasaisip ng mga kabataan. Ano ang nasa pinakahuling lugar? Katapatan. Ganito ang pagtatapos ng ulat: “Kung ang pagsisinungaling ay nakapaligid sa kanila, kung gayon sa kaisipan ng henerasyon ng lumalaking mga kabataan ang [katapatan] ay walang-halaga.”

Bigong Dekada

Ipinahayag ito ng mga simbahan sa Britanya na “Dekada ng Pag-eebanghelyo.” Subalit, ngayon na nasa kalahati na ng dekada, ano ang naisagawa nito? Ang tagapagsalita na si Michael Green ay nagsabi nang ganito sa Church Times: “Halos hindi natin maibagay ang ebanghelyo upang masagot ang ibinabangong mga katanungan ng karaniwang mga tao. Wala akong makitang palatandaan ng mga simbahan na kumikilos nang lampas at sa labas ng kanilang gusali na may mabuting balita sa kanilang pamayanan. . . . Halos hindi natin napasimulang makaimpluwensiya sa mga kabataan sa ngayon na hindi palasimba, at iyan ay bumubuo ng 86 na porsiyento ng lahat ng ating kabataan sa bansa.” Bakit hindi nagtagumpay? “Hinihimok natin ang ating mga sarili na ang ating istilo ng buhay ang siyang gagawa nito nang walang salita. Natatakot tayong masaktan ang damdamin ng sinuman,” sabi ni Green.

Walang Takot na Panghoholdap

Sa Canada, 1 sa 7 bangko ang pinasok ng mga magnanakaw noong 1994​—mas maraming panloloob sa bawat sangay ng bangko kaysa alinmang bansa. Gayunman, sa Italya, kung saan 1 sa 13 tanggapang pansangay ng bangko ang nilooban, ang mga magnanakaw ay wari bang mas matatapang ang loob kaysa saanmang lugar. Iilang magnanakaw sa bangko sa Italya ang nag-aabalang magpanggap o gumamit ng mga armas. Ang ilan ay basta tinatakot ang mga teller ng bangko sa salita at nabibigyan ng salapi. Dalawang magnanakaw ang bumaling pa nga sa hipnotismo, ulat ng The Economist. Ang mga magnanakaw sa bangko sa Italya ay napakatiyaga rin: 165 sangay ng bangko ang nilooban nang makalawang ulit, 27 ang tatlong ulit na nilooban, at 9 na tig-aapat na ulit sa loob ng isang taon. Ang katamtamang halaga na ninakaw noong 1994? Animnapu’t isang milyong lira ($37,803, U.S.), ang pinakamababang halaga sapol noong 1987.

Balita Tungkol sa mga Buwaya

Ang pinakahuling nahukay na mga pangang fossil ng sinaunang buwaya “ay maaaring kumatawan sa kauna-unahang nakilalang kabilang sa mga kumakain ng halaman” sa pamilya ng buwaya, ulat ng magasing Nature. Sa halip na mahaba’t matutulis na ngipin ng buwaya sa kasalukuyan, na labis na kinatatakutan ng mga tao sa ngayon, ang sinaunang ninuno na ito ay may pipis na mga ngipin na iniulat na mas mabuti sa pagnguya ng damo. Ipinakikita na ang nilalang na ito​—natuklasan ng mga mananaliksik na Intsik at taga-Canada sa Lalawigan ng Hupeh sa Tsina sa isang burol malapit sa bandang timog ng pampang ng Yangtze River​—ay isa ring nakatira sa lupa, hindi isang nilalang na nakatira sa tubig at dagat. Ang laki nito? Ito’y may haba na halos isang metro.

Lumalalang Kaigtingan

Natuklasan ng pinakahuling ulat sa Rio de Janeiro, Brazil, na mahigit na 35 porsiyento ng mga tao na nagpapagamot ay nakararanas ng iba’t ibang anyo ng kaligaligan sa isip, ulat ng Veja. Tinanong ng magasin si Dr. Jorge Alberto Costa e Silva, direktor ng kalusugang pangkaisipan ng World Health Organization (WHO) nang ganito: “Paano maipaliliwanag ang bilang na ito? Sumamâ ba nang husto ang daigdig o naging mas mahina ba ang isip ng mga tao?” Aniya: “Tayo’y nabubuhay sa panahon na ubod ng bilis ang mga pagbabago, na humahantong sa kabalisahan at kaigtingan sa antas na hindi kailanman nakita sa kasaysayan ng tao.” Isang karaniwang pinagmumulan ng kaigtingan, sabi niya, ay ang lumalaganap na karahasan sa Rio de Janeiro. Ito’y kalimitang humahantong sa posttraumatic stress, na, ang paliwanag niya, “ay nakaaapekto sa mga tao kapag sila sa paano man ay nasa kalagayang nagsasapanganib ng buhay. Kung araw sila’y nagpapamalas ng kawalan ng seguridad sa lahat ng bagay. Kung gabi naman sila’y may masamang mga panaginip kung saan ang tagpo na nagsasapanganib ng kanilang buhay ay nabubuhay-muli.”

Agwat sa Kalusugan

Ang agwat sa kalusugan ay lumalawak sa pagitan ng mayayaman at mahihirap na bansa. Tinataya ng World Health Organization (WHO) na ang katamtamang haba ng buhay ng mga tao na nakatira sa mga bansang maunlad at isinilang doon ay 76 na taon​—kung ihahambing sa 54 na taon para sa mga taong nasa di-gaanong maunlad na mga bansa. Noong 1950, ang bilang ng mga sanggol na namatay sa mahihirap na bansa ay tatlong ulit na mas mataas kaysa mga bansang mayayaman; ngayon ito’y 15 ulit na mas mataas. Noong dakong huli ng dekada ng 1980, ang bilang ng kamatayan sa mga bansang mahirap dahil sa mga komplikasyon sa panganganak ay 100 ulit ang kahigitan kaysa mayayamang bansa. Nagpapalala pa sa problema, sabi ng WHO, ay ang bagay na wala pang kalahati ng mga tao na nakatira sa mahihirap na bansa ang may malinis na tubig at malinis na kapaligiran. Ayon sa United Nations, ang bilang ng “pinakamahirap na mga bansa” ay tumaas mula 27 noong 1975 tungo sa 48 noong 1995. Sa buong mundo may 1.3 bilyong mahihirap na tao, at ang kanilang bilang ay tumataas.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share