Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 4/1 p. 27-29
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Iyong Medikal na Kalayaan—Ang mga Hukuman ay Nagsasaysay!
    Gumising!—1986
  • Natatandaan Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Ang Kabayaran ng Pandaraya
    Gumising!—1990
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 4/1 p. 27-29

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ano ang dapat gawin ng isang Kristiyano kapag tinawag para manungkulan sa hurado?

Sa ilang lupain, ang hudisyal na sistema ay gumagamit ng mga hurado na pinili buhat sa mga mamamayan. Kapag umiiral ang ganito, kailangang magpasiya ang isang Kristiyano kung paano tutugon sakaling tawagin upang manungkulan sa hurado. Maraming Kristiyano ang naghinuha taglay ang malinis na budhi na hindi ibinabawal ng mga simulain sa Bibliya ang pagharap, kung paanong sina Sadrac, Mesac, at Abednego ay sumunod sa utos ng pamahalaan ng Babilonya na pumaroon sa kapatagan ng Dura at gayundin sina Jose at Maria na nagtungo sa Betlehem sa utos ng mga Romanong awtoridad. (Daniel 3:1-12; Lucas 2:1-4) Gayunman, may mga salik na maaaring isaalang-alang ng taimtim na mga Kristiyano.

Ang mga hurado ay hindi ginagamit sa buong daigdig. Sa ilang lupain, ang mga kasong sibil at kriminal ay pinagpapasiyahan ng isang propesyonal na hukom o lupon ng mga hukom. Sa ibang dako, umiiral ang tinatawag na common law (isang uri ng kalipunan ng mga batas), at ang mga hurado ay bahagi ng hudisyal na sistema. Gayunman, karamihan sa mga tao ay kaunti lamang ang nalalaman tungkol sa kung paano pinipili ang mga hurado at kung ano ang papel nila. Kaya ang pagkakaroon ng pangkalahatang pagkaunawa ay makatutulong mapaharap ka man o hindi sa panunungkulan sa hurado.

Kinikilala ng bayan ng Diyos na ang Kataas-taasang Hukom ay si Jehova. (Isaias 33:22) Sa sinaunang Israel, ang mga makaranasang lalaki na matutuwid at hindi nagtatangi ay naglingkod bilang mga hukom upang lutasin ang mga alitan at pagpasiyahan ang mga tanong tungkol sa batas. (Exodo 18:13-22; Levitico 19:15; Deuteronomio 21:18-21) Nang nasa lupa si Jesus, ang hudisyal na tungkulin ay hawak ng Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio. (Marcos 15:1; Gawa 5:27-34) Walang paglalaan para sa pangkaraniwang Judio na maging bahagi ng huradong sibil.

Ang ibang lupain ay gumagamit ng mga hurado na binubuo ng mga mamamayan. Si Socrates ay nilitis ng 501 kagawad ng hurado. Ang paglilitis sa pamamagitan ng hurado ay umiral din sa Romanong Republika, bagaman ito ay itinigil noong panahon ng mga emperador. Nang maglaon, pinahintulutan ni Haring Henry III ng Inglatera na ang nasasakdal ay hatulan ng kaniyang mga kapitbahay. Inakala na yamang kilala nila ang nasasakdal, magiging mas makatarungan ang kanilang paghatol kaysa sa mga pamamaraan na kung saan patutunayan niya ang kaniyang kawalang-sala sa pamamagitan ng pakikipagtunggali o pananagumpay sa isang mahigpit na pagsubok. Sa paglipas ng panahon, ang huradong sistema ay binago tungo sa isang kaayusan na kung saan ang isang lupon ng mga mamamayan ang siyang didinig sa isang kaso at bubuo ng isang hatol salig sa katibayan. Pinapatnubayan sila ng isang propesyonal na hukom sa mga saligan ng katibayan.

Iba’t iba ang uri ng mga hurado, ang bilang ng mga kagawad ng hurado, at kung ano ang nasasangkot sa paggawa ng hatol. Halimbawa, sa Estados Unidos, ang isang grand jury (isang uri ng hurado) na may 12 hanggang 23 miyembro ang nagpapasiya kung may sapat na ebidensiya para ihabla ang isang tao dahil sa ginawang krimen; hindi nito tinitiyak ang pagkakasala o kawalang-sala. Sa katulad na paraan, sa isang coroner’s jury (hurado ng mga tagapagsiyasat), tinitimbang ng mga kagawad ng hurado ang katibayan upang pagpasiyahan kung mayroong ngang nagawang krimen.

Kapag iniisip ng mas nakararaming tao ang isang hurado, nakikini-kinita nila ang isang lupon ng 12 mamamayan na nasa paglilitis​—ito man ay isang alitang sibil o isang kasong kriminal​—na siyang dumirinig sa patotoo upang pagpasiyahan kung may pagkakasala o wala. Ito ay isang petit (maliit) na hurado, kung ihahambing sa grand jury. Karaniwan, nagpapadala ang hukuman ng mga paunawa upang humarap para manungkulan sa hurado ang mga indibiduwal na napili buhat sa talaan ng mga botante, mga lisensiyadong tsuper, o gaya ng mga ito. Ang ilan ay agad na nagiging di-kuwalipikado, gaya ng mga nahatulang kriminal at mga mahina ang isip. Depende sa lokal na batas, ang iba​—gaya ng mga doktor, klerigo, abogado, o mga may-ari ng maliliit na negosyo​—ay maaaring makakuha ng eksemsiyon. (Maaaring makakuha ng eksemsiyon ang ilan dahil sa sila’y may masidhing personal, udyok-ng-budhing pagtutol sa paglilingkod sa hurado.) Gayunman, unti-unting inaalis ng mga awtoridad ang mga eksemsiyon upang ang lahat ay maging obligado na humarap para manungkulan sa hurado, marahil ay nang ilang ulit sa loob ng mga taon.

Hindi lahat ng humaharap para manungkulan sa hurado ay laging nauupo bilang mga kagawad sa hurado sa isang paglilitis. Buhat sa isang grupo ng mga tao na tinawag para manungkulan sa hurado, ang ilan ay palambang na pinipili bilang posibleng mga kagawad ng hurado para sa isang partikular na kaso. Pagkatapos ay ipinakikilala ng hukom ang magkabilang panig at ang kanilang mga abogado at ipinaliliwanag ang uri ng kaso. Siya at ang mga abogado ang nagsusuri sa bawat posibleng maging kagawad ng hurado. Ito ang panahon upang magsalita kung ang isa ay inuudyukan ng budhi na tumutol na maglingkod dahil sa uri ng kaso.

Ang grupo ay kailangang bawasan hanggang sa bilang na siyang aktuwal na uupo sa paglilitis sa kasong iyon. Aalisin ng hukom ang sinuman na kahina-hinalang magtatangi dahil sa posibleng interes sa kaso. Gayundin, may karapatan ang mga abogado ng bawat panig na alisin ang ilang kagawad ng hurado. Sinuman na inalis sa lupon ng huradong iyon ay babalik sa grupo ng mga hurado upang hintayin ang palambang na pagpili para sa ibang kaso. Ginamit ng ilang Kristiyano ang panahon sa ganitong situwasyon upang magpatotoo nang impormal. Pagkalipas ng mga ilang araw, natatapos ang panunungkulan ng isang tao sa hurado, siya man ay aktuwal na umupo o hindi umupo bilang kagawad sa hurado.

Sinisikap ng mga Kristiyano na ‘asikasuhin ang kanilang sariling gawain,’ anupat hindi nakikialam sa “mga bagay-bagay ng ibang tao.” (1 Tesalonica 4:11; 1 Pedro 4:15) Nang hilingin ng isang Judio kay Jesus na humatol sa isang bagay tungkol sa mana, sumagot siya: “Lalaki, sino ang nag-atas sa akin na hukom o tagapagbahagi sa inyo?” (Lucas 12:13, 14) Pumarito si Jesus upang ipahayag ang mabuting balita ng Kaharian, hindi upang pagpasiyahan ang legal na mga bagay. (Lucas 4:18, 43) Ang sagot ni Jesus ay maaaring nagpakilos sa lalaki na gamitin ang pamamaraan ng paglutas sa mga sigalot na nakasaad sa Batas ng Diyos. (Deuteronomio 1:16, 17) Bagaman tama ang gayong mga dahilan, ang pagtugon sa utos na humarap para manungkulan sa hurado ay iba sa pakikisangkot ng isa sa gawain ng iba. Mas nakakatulad nito ang situwasyon ng tatlong kasamahan ni Daniel. Inutusan sila ng pamahalaan ng Babilonya na magtungo sa kapatagan ng Dura, at ang paggawa nila ng gayon ay hindi paglabag sa Batas ng Diyos. Ang kanilang ginawa pagkatapos ay ibang bagay naman, gaya ng ipinakikita ng Bibliya.​—Daniel 3:16-18.

Nang ang mga lingkod ng Diyos ay wala na sa ilalim ng Mosaikong Batas, kinailangan nilang makitungo sa sekular na mga hukuman sa iba’t ibang lupain. Hinimok ni apostol Pablo ang “mga banal” sa Corinto na lutasin ang mga di-pagkakaunawaan sa loob ng kongregasyon. Bagaman tinutukoy ang mga hukom ng mga sekular na hukuman bilang “mga taong di-matuwid,” hindi itinanggi ni Pablo na may dako ang mga ito sa pangangasiwa sa sekular na mga gawain. (1 Corinto 6:1) Ipinagtanggol niya ang kaniyang sarili sa hukumang Romano, anupat nag-apela pa nga ng kaniyang kaso kay Cesar. Ang mga sekular na hukuman ay hindi naman minamalas na parang mali sa kabuuan.​—Gawa 24:10; 25:10, 11.

Ang mga sekular na hukuman ay tungkulin ng “nakatataas na mga awtoridad.” Ang mga yaon ay “inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon,” at ang mga ito ay lumilikha at nagpapatupad ng mga batas. Sumulat si Pablo: “Ministro ito ng Diyos sa iyo para sa iyong kabutihan. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, matakot ka: sapagkat hindi nito taglay ang tabak nang walang layunin; sapagkat ministro ito ng Diyos, isang tagapaghiganti upang magpahayag ng poot sa nagsasagawa ng masama.” Ang mga Kristiyano ay hindi “sumasalansang sa awtoridad” habang isinasagawa nito ang gayong legal na mga tungkulin, sapagkat hindi nila nais na ‘manindigan laban dito’ at tumanggap ng hatol.​—Roma 13:1-4; Tito 3:1.

Sa pagtitimbang-timbang sa mga bagay-bagay, dapat na isaalang-alang ng mga Kristiyano kung maaari silang sumunod sa ilang kahilingan ni Cesar. Nagpayo si Pablo: “Ibigay sa lahat [ng nakatataas na mga awtoridad] ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis; sa kaniya na humihiling ng tributo, ang tributo; sa kaniya na humihiling ng takot, ang gayong takot.” (Roma 13:7) Ito ay tuwiran kung tungkol sa buwis na salapi. (Mateo 22:17-21) Kung sabihin ni Cesar na ang mga mamamayan ay dapat na gumugol ng panahon at lakas upang linisin ang mga lansangan o gumanap ng isang gawain na kasali sa mga tungkulin ni Cesar, bawat Kristiyano ay dapat na magpasiya kung susunod.​—Mateo 5:41.

Minalas ng ilang Kristiyano na ang panunungkulan sa hurado ay pagbabayad kay Cesar ng mga bagay na kay Cesar. (Lucas 20:25) Ang atas ng mga hurado ay ang makinig sa mga ebidensiya at magbigay ng tapat na opinyon sa mga kahulugan ng katibayan o batas. Halimbawa, sa isang grand jury, ang mga kagawad ng hurado ay nagpapasiya kung ang ebidensiya ay sapat upang ang isa ay litisin; hindi nila tinitiyak ang pagkakasala. Kumusta naman ang isang karaniwang paglilitis? Sa isang kasong sibil, maaaring magpataw ang hurado ng bayad-pinsala o kabayaran. Sa isang kasong kriminal, titiyakin nila kung sinusuhayan ng ebidensiya ang hatol na nagkasala. Kung minsan ay inirerekomenda nila kung aling hatol na nakasaad sa batas ang nararapat ipataw. Pagkatapos ay ginagamit ng pamahalaan ang awtoridad nito “upang magpahayag ng poot sa nagsasagawa ng masama,” o “upang magpataw ng kaparusahan sa mga manggagawa ng kasamaan.”​—1 Pedro 2:14.

Ano kung nadarama ng isang Kristiyano na tinututulan ng kaniyang budhi ang paglilingkod sa isang partikular na hurado? Hindi tinutukoy ng Bibliya ang panunungkulan sa hurado, kaya hindi niya masasabi, ‘Labag sa aking relihiyon na maglingkod sa alinmang hurado.’ Depende sa kalagayan, maaari niyang sabihin na ang paglilingkod sa hurado para sa isang partikular na kaso ay labag sa kaniyang budhi. Maaaring gayon nga kung ang isang kaso ay may kinalaman sa seksuwal na imoralidad, aborsiyon, pagpaslang ng tao, o iba pang isyu na kung saan ang kaniyang pag-iisip ay nahubog ng kaalaman sa Bibliya, hindi lamang ng sekular na batas. Gayunman, sa katunayan ay malaki ang posibilidad na ang paglilitis na doo’y napili siyang makibahagi ay walang kinalaman sa gayong mga isyu.

Dapat ding nilay-nilayin ng isang may-gulang na Kristiyano kung siya ba ay magkakabahagi sa pananagutan sa hatol na iginawad ng mga hukom. (Ihambing ang Genesis 39:17-20; 1 Timoteo 5:22.) Kung ang hatol na nagkasala ay mali at ipinataw ang parusang kamatayan, magkakasala ba sa dugo ang isang Kristiyano na kabilang sa hurado? (Exodo 22:2; Deuteronomio 21:8; 22:8; Jeremias 2:34; Mateo 23:35; Gawa 18:6) Nang litisin si Jesus ay hinangad ni Pilato na maging “inosente sa dugo ng taong ito.” Agad namang sinabi ng mga Judio: “Ang kaniyang dugo ay mapasaamin at sa aming mga anak.”​—Mateo 27:24, 25.

Kung ang isang Kristiyano ay humarap para manungkulan sa hurado, gaya ng iniutos ng pamahalaan, subalit dahil sa kaniyang budhi ay tumanggi na maglingkod sa isang partikular na kaso sa kabila ng pagpilit ng hukom, dapat na maging handa ang isang Kristiyano na harapin ang anumang ibubunga​—ito man ay multa o pagkabilanggo.​—1 Pedro 2:19.

Sa pangwakas na pagsusuri, dapat tiyakin ng bawat Kristiyano na napaharap para manungkulan sa hurado kung anong landasin ang susundin, salig sa kaniyang pagkaunawa sa Bibliya at sa kaniyang sariling budhi. Ang ilang Kristiyano ay humarap para manungkulan sa hurado at naglingkod sa ilang hurado. Ang iba naman ay napipilitang tumanggi kahit na maparusahan. Kailangang magpasiya sa ganang sarili ang bawat Kristiyano kung ano ang kaniyang gagawin, at hindi dapat punahin ng iba ang kaniyang pasiya.​—Galacia 6:5.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share