Ang Banyan—Isang Puno na Nagiging Gubat
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA INDIA
ANG isang kagubatan ay kalimitang binubuo ng maraming puno. Subalit may isang kagubatan na binubuo ng isa lamang puno. Ang banyan ang pinakakakaibang puno sa lahat, na maaaring lumawak hanggang sa masaklawan nito ang isang lugar na mahigit na dalawang ektarya! Paano ba ito lumalaki? Paano nito napalalawak ang sarili mismo nito hanggang sa ito’y totoong matatawag na isang kagubatan?
Ang banyan ay kabilang sa uri ng mga halamang namumulaklak na tinatawag na Urticales at ang pamilya ng Moraceae, o ang pamilya ng mulberi, na kasama ang halos 800 uri ng halamang igos. Nagsisimula ang matagal na buhay ng banyan, o Bengal fig, mula sa isang binhi na nasa mga dumi ng mga unggoy, ibon, o paniki na nakakain ng bunga ng banyan.
Sa mga sanga ng pinakamagulang na puno, tumutubo ang mga buto, at ang mga ugat ay lumalago nang husto dahil sa nabubulok na mga bagay na natitipon sa mga bitak. Ang mahalumigmig na kapaligiran ang tumutulong sa mga ugat ng bagong puno na lumaki nang mabilis; ang mga ito’y kumakapal sa katawan ng “biktimang” puno at bumababa’t nag-uugat sa lupa. Habang ang mga ito’y tumatatag at lumalaki, para bang sinasakal ng mga ito ang biktimang puno, kung kaya tinagurian ang halamang ito na bumibigting igos.
Ngayon ang banyan ay handa nang magpalawak. Hindi lamang ang mga ugat nito ang gumagapang mula sa pinakapuno ng katawan ng pinakamagulang na puno kundi ang mga sanga ay humahaba nang pahalang, ang mga ugat na nakabitin ay lumalawit mula sa mga ito patungo sa lupa at nag-uugat mismo sa lupa. Nagpasimula nang lumawak ang kagubatan.
Matatagpuan sa tropikal na lugar sa Aprika at India, ang banyan, na may malalaki, malalapad na dahon, ang nagsisilbing pinakapayong na lumililim sa mga tao at mga hayop. Isang puno sa India ay pagkalaki-laki anupat sinasabing maaaring lumilim dito ang mahigit na 20,000 katao! Ang bunga ay hindi mabuting kainin ng tao, at ang kahoy ng banyan ay malambot at tadtad ng maliliit na butas; gayunman, ang puti, malagkit na bagay na tinatawag na birdlime, na nagmumula sa kahoy, ay ginagamit upang hulihin ang mga ibon.
Gaano katagal nabubuhay ang banyan? Isang puno sa estado ng Andhra Pradesh ay tinatayang mahigit na 600 taóng gulang na; ang iba pang kapansin-pansin, iniingatang mga puno ay mahigit na 250 taóng gulang na. At ang paglaki at paglawak ng banyan ay nagpapatuloy nang walang katapusan.
Ang diumano’y pinakamalaking kilalang banyan ay matatagpuan sa Sri Lanka. Ito’y may 350 pagkalalaking katawan at mahigit na 3,000 mas maliliit na katawan na pawang nakakabit sa pinakamagulang na puno. Sa India ang isang puno na may mahigit na 1,100 sumusuhay na mga ugat at kulandong na mahigit sa dalawang ektarya ang sinukat kamakailan at natuklasan na pinakamalaki sa bansang iyan. Ito’y patuloy na binabantayan ng apat na armadong lalaki upang ingatan itong huwag mapinsala. Kasali sa iba pang kilalang mga banyan sa India ay ang isa na malapit sa Bangalore na sumasaklaw ng mahigit na 1.2 ektarya at ang paboritong lugar para sa piknik ng mga tagalunsod. Nariyan din ang kagila-gilalas na puno na matatagpuan sa parke ng buhay-iláng sa Ranthambhore. Binabanggit sa mga akda ng isang emperador na Mogul 500 taon na ang nakalilipas, ang punong ito ang nagbibigay ng malililiman ng mga ibon, paniki, ahas, squirrel, at kawan ng maliliit na hayop at mga insekto, maliban pa sa palaruan at lugar ng pangangaso para sa mga tigre at iba pang maninila sa parke.
Gayunman, marahil ang pinakakilalang banyan sa India, ay ang 240-taóng-gulang na puno sa National Botanical Gardens sa Calcutta. Mahigit na 24.5 metrong taas, sumasaklaw ito ng 1.2 ektarya at mayroong mahigit na 1,800 ugat na nakabitin at pagkalaki-laking pinakaputong na may sirkumperensiya na 420 metro. Totoong gubat nga!
Relihiyon at ang Banyan
Mula nang sinaunang panahon sinasamba na ng mga tao ang mga puno. Ang banyan ay kasama rito; itinuturing ito na sagrado sa India magpahanggang sa ngayon. Ang sagradong mga puno ay ipinalalagay na kumakatawan sa pantanging mga diyos—sa kaso ng banyan, ang diyos na si Vishnu. Minamalas na isang pagsamba sa diyos ng puno kapag ang isang puno ay itinanim, dinilig, at inalagaan.
Gayundin sa sinaunang mga lipunan sa Polynesia, ang banyan ay itinuturing na sagrado. Ang relihiyosong mga seremonya ay nagaganap sa parihabang liwasan, o tohua, na sa paligid nito’y may mga bahay na nakatayo. Sa isang dulo ng liwasan ay karaniwang matatagpuan ang templo na may sagradong banyan, na sa mga sanga nito ay nakasabit ang mga nakabalot na mga buto ng namatay nang mga prominenteng miyembro ng tribo.
Ang pangalan ng ubod nang laking punong ito ay unang-unang ibinigay ng mga Europeo. Sa Persian Gulf at sa India, nakita ng sinaunang mga naglalakbay na Europeo na ang malaki, tulad-payong na kulandong na puno ang nagbibigay ng lilim kung saan inilalatag ng mga negosyante ang kanilang mga paninda upang maingatan ang mga ito sa nagbabagang init ng araw. Sa sistemang caste ng Hindu, ang mga negosyante ay mula sa pangunahing pangkat na tinatawag na Vaisya, at ang nakabababa rito, ang mga banya, ay kilalang mga nagtitinda ng butil at iba pang mga panindang groseri. Palibhasa’y napapansin ang isang banya na nagtitinda ng kaniyang mga kalakal sa ilalim ng malilim na puno ang siyang umakay sa mga banyaga na tawagin ang puno na banyan.
Noong mga kaarawang iyon ang mga banya ay karaniwang nakasuot ng tsalekong koton na may nakatagong mga bulsa para sa kanilang mga pera. Malamig at madaling labhan, ang tsaleko ay naging pangkaraniwan sa mga negosyanteng banya anupat ang pangalang banyan ay ibinigay sa kasuutan, at nang maglaon ang pangalan ay ginamit para sa anumang panlalaking tsaleko o kamiseta. Ang pangalang ito ay ginagamit pa rin para sa kamiseta ng lalaki sa India, at ang kaugalian ng pagsusuot ng mga banya ng uri ng kasuutang ito kapag nagtatrabaho ay nananatili hanggang sa ngayon.
Tayo Nang Umakyat sa Banyan
Ibig mo bang umakyat sa pinakagitna ng banyan? Magagawa mo ito kung makadadalaw ka sa Hyderabad sa timog India. Malapit sa Begumpet Airport, at malapit sa pinakapusod ng lunsod, ay ang Machan, isang restawran na nasa tuktok ng puno na itinayo sa matitigas na sanga ng banyan at sa katabi nitong pipal, isa ring igos. Aakyat ka sa makakapal na lubid na hagdan at daraan ka sa ginawang mga pinakaplataporma na pinagsalit-salit. Ang kayarian na tinutuntungan mo ay yari sa kawayan, dahon ng niyog, at mga lubid. Ang hugis-piramide na kawayang bubungan ang nag-iingat sa iyo mula sa araw at ulan habang ikaw ay pumapasok sa mas mataas na silid ng dalawang silid-kainan na nasa magkaibang taas. Ikaw ngayon ay nasa 9 na metrong taas mula sa lupa. Ang kaayaayang kagamitan na yari sa ratan at mga palamuti mula sa mga tribo na nakasabit sa dingding ang nakaragdag pa sa pakiramdam na parang nasa kagubatan.
Habang ikaw ay nakaupo, bibigyan ka ng talaan ng mga pagkain na tinatawag na Mowgli, isang pangalan na pamilyar sa mga mambabasa ng mga kuwento ni Rudyard Kipling na matatagpuan sa The Jungle Book. Ito rin ay nakadaragdag sa kagubatang kapaligiran. Ngayon ay ayos na ang lahat para sa kakaibang karanasan ng pagkain sa pinakapusod ng banyan. Masiyahan sa ilang masasarap na pagkaing Indian, gaya ng malasang biriyani kung saan kilala ang Hyderabad, ang mga kebab, at iba pang uri ng pagkain.
Tapos ka nang kumain, maingat kang bumaba sa lubid na hagdan, tingnan ang munting talon at ang lawa ng lotus, at lumabas ka sa pambihirang restawran sa taas ng puno na nakahapon sa pagkalaki-laking kulandong ng banyan—ang puno na maaaring lumawak nang lumawak nang lumawak hanggang sa ang isang puno ay maging isang kagubatan.
[Mga larawan sa pahina 15]
Isang banyan ang lumaki na naging isang gubat
Sa itaas: Malapitang tingin sa isang banyan sa loob ng National Botanical Gardens, Calcutta
[Larawan sa pahina 16]
Punong Banyan sa National Botanical Gardens, Calcutta
[Larawan sa pahina 16]
Machan, isang restawran sa isang punong banyan, Hyderabad