Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 8/8 p. 20-21
  • “May Pilak sa Potosí!”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “May Pilak sa Potosí!”
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pang-aalipin
  • Babilonya
  • Sinayang na Kayamanan
  • Pinayaman Ako ng Pagpapala ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Pilak
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kung Paano Naiwala ng mga Inca ang Kanilang Ginintuang Imperyo
    Gumising!—1998
  • Mga Indian ng Brazil—Nanganganib Maubos?
    Gumising!—2007
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 8/8 p. 20-21

“May Pilak sa Potosí!”

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BOLIVIA

Taóng 1545 noon, 12 taon pa lamang pagkatapos na sakupin ni Francisco Pizarro ang napakalawak na Imperyo ng Inca. Natuklasan ng mga Kastila ang isang kabataang Indian na lihim na naghuhukay ng inang-batong pilak mula sa isang lihim na lugar sa Kabundukan ng Andes na sa ngayo’y Bolivia. Ang lugar ay tinawag na Potosí. Walang anu-ano, kumalat ang balita: “May pilak sa Potosí!” Sa kabila ng papalapit na taglamig, sumugod ang mga tao upang patunayan ang sinasabi sa lugar na iyon. Hindi nga kapani-paniwala ang dami ng inang-batong pilak​—50 porsiyentong lantay na pilak! Sa loob ng 18 buwan 14,000 katao ang nakatira sa Potosí.

ANG deposito ng inang-bato ay nasa gilid ng bundok na may taas na 4,688 metro mula sa antas ng dagat. Iyon ay isang di-kaayaayang lugar, halos walang tanim, at nasa pagkataas-taas na lugar ng kakahuyan. Ang napakasaganang inang-bato ay tinunaw sa nabibitbit na mga hurno na nagsasamantala sa hangin upang paypayan ang uling sa tamang temperatura. Isang tagaulat ng pangyayari ng panahong iyon ang nagsabi na nakakita ng 15,000 hurno na sabay-sabay na ginagamit. Kung gabi ang mga ito ay gaya ng galaksi ng mga bituin.

Ang bayan sa paanan ng bundok ay magulong naitatag na may makitid, paikut-ikot na mga lansangan upang magbigay ng proteksiyon mula sa napakalamig na hangin. Ganito ang isinulat ng istoryador na si R. C. Padden: “Wala man lamang iyon plano o regulasyon, pangunahin na, mapag-iisip-isip ng isa, dahil sa ang pilak ay hindi inaasahang tatagal.” Subalit ito’y tumagal. Ang bundok, tinawag na Cerro Rico (Mayamang Bundok), ay lumabas na nagtataglay ng isa sa pinakamalaking deposito ng pilak na kailanman ay natuklasan.

Pang-aalipin

Pinagtiisan ng mga Kastila ang katakut-takot na hirap sa kanilang paghahanap ng pilak. Kalimitan, kakaunti ang pagkain, marumi ang tubig, at mapanganib ang minahan. Ang ubod nang lamig na panahon ay isang napakalaking problema. Yaong nagsisikap na magpainit ng kanilang sarili sa pamamagitan ng uling kung minsan ay nakararanas ng pagkalason dahil sa carbon monoxide.

Hindi nagtagal nakasumpong ang mga Kastila ng isang paraan upang mabawasan ang kanilang paghihirap. Bilang mga tagalupig, sapilitan nilang inalipin ang mga katutubong Indian. Ganito ang sabi ng Bolivian Times ng La Paz: “Diumano walong milyong Indian na mga alipin ang pumanaw,” nasawi, sa mga minahan sa Potosí noong panahong kolonyal. Ang kalupitan, labis na pagtatrabaho, at sakit ang sanhi ng kakila-kilabot na pag-unti ng populasyon. Hindi nakapagtataka na noong 1550 isang tagaulat ng pangyayari ang nagtaguri sa Potosí na “ang bibig ng impiyerno”!

Babilonya

Noong 1572, ang Potosí ay mas malaki na kaysa anumang lunsod sa Espanya. Noong 1611, diumano ito’y nagkaroon ng 160,000 naninirahan at kasinlaki na ng Paris at London. Ito rin ang isa sa pinakamayamang lunsod sa daigdig. Ang usong isinusuot noon ay seda na nagagayakan ng ginto at pilak na puntas. Ang anumang luho, sa wari, ay mabibili kung makakayanan: mga seda mula sa Tsina, mga sumbrero mula sa Inglatera, medyas mula sa Naples, pabango mula sa Arabia. Pinalamutian ng mga nakatira roon ang kanilang mga tahanan ng mga alpombra mula sa Persia, muwebles na mula sa Flanders, mga pinta mula sa Italya, gamit na yari sa kristal mula sa Venice.

Subalit ang Potosí ay marahas kung gaano ito kayaman. Ang madudugong basag-ulo ay pang-araw-araw na tanawin sa mga liwasan. Naglipana ang mga bahay-sugalan at bahay-aliwan. Ang Potosí ay naging kilala bilang Babilonya.

Isa sa pangunahing layunin ng mga mananakop na Kastila ay itatag ang kanilang relihiyong Katoliko sa mga lupain sa Amerika. Paano naman binibigyang-katuwiran ng nag-aangking mga Kristiyanong ito ang kanilang malakihang kita mula sa pang-aalipin? Bagaman ang ilang klero ay nagsalita laban sa kawalang-katarungan, binigyang katuwiran ng iba ang pang-aalipin sa pamamagitan ng pagsasabi na ang paniniil ng mga Kastila ay bahagya lamang kung ihahambing sa paniniil ng mga Inca. Sinasabi nila na ang mga Indian ay mas nakabababa at likas na mabibisyo​—kaya, mas makabubuting sila ang magtrabaho sa mga minahan. Nagsabi pa ang iba na ang pagpapatrabaho sa mga Indian sa mga minahan ay isang mahalagang hakbang sa pagkumberte sa kanila sa Katolisismo.

Gayunman, ipinakikita ng kasaysayan na ang mga klerigo ay kabilang sa pinakamayayamang tao sa Potosí. Ganito ang sabi ng istoryador na si Mariano Baptista: “Ang Simbahan bilang isang institusyon, at ang indibiduwal na mga kinatawan nito, ang bumuo ng bahagi ng nakaaangat sa grupo ng nagsasamantala” sa mga Indian. Sinipi ng istoryador na ito ang isang viceroy na noong 1591 ay nagreklamo na ang klero ay “sumisipsip ng dugo ng mga Indian taglay ang higit na kasakiman at ambisyon kaysa mga lego.”

Sinayang na Kayamanan

Ang Espanya ay naging isang mahirap na bansa, subalit sa loob ng ilang dekada, ang kayamanan nito ang nagpangyari rito na maging ang pinakamakapangyarihan sa lupa. Subalit ang gayong may pribilehiyong kalagayan ay hindi nagtagal. Nagkokomento tungkol sa kung bakit nabigong magbigay ang kayamanan nito ng namamalaging bentaha sa Espanya, ganito ang sabi ng aklat na Imperial Spain​—1469-​1716, ni J. H. Elliott: “Ang minahan ng Potosí ang nagdulot sa bansa ng pagkarami-raming kayamanan; kung ang salapi ay kulang ngayon, darami muli ito kinabukasan kapag ang plota ng kayamanan ay dumating sa Seville. Bakit pa magpaplano, bakit mag-iipon, bakit magtatrabaho?”

Sinayang ang kayamanan ng Potosí; ang yugtong iyon ay sinalit-salitan ng maharlikang pagkabangkarote. Ayon sa isang kasabihan noong panahong iyon, ang pagdating ng mga plota ng kayamanan ay gaya ng mga ambon sa tag-araw na bumabasa sa bubungang tisa nang panandalian at pagkatapos ay naglalaho. Angkop na angkop naman, isang nagmamasid noong ika-17 siglo ang nagsabi nang ganito tungkol sa pagbagsak ng Espanya: “Hindi ito mayaman, dahil na rin sa lahat ng kayamanan nito.”

Noong ika-18 siglo, bumagsak ang Potosí dahil sa naubos ang pilak nito, subalit nakabangon ito yamang ang lata ay naging mahalaga. Ngayon, hindi na gayong kahalaga ang lata, bagaman ang Potosí ay isa pa ring sentro ng industriya para sa paggawa at pagmimina. Subalit maraming turista ang bumibisita sa Potosí upang masiyahan sa kolonyal na kagandahan nito. Napapansin din nila ang labis na napalalamutian at nagtataasang mga simbahan nito, marami sa mga ito ang nakatayo na walang laman na patotoo ng humupang interes sa Katolisismo.

Sa ngayon ang Potosí ay kumakatawan bilang isang mapanglaw na alaala ng napakalaking paghihirap ng tao na dulot ng kasakiman, pulitikal na intriga, at maling pag-akay ng relihiyon, isang paalaala ng isang kabanata sa kasaysayan ng Bolivia na nagpasimula sa isang sigaw: “May pilak sa Potosí!”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share