Mula sa Aming mga Mambabasa
Nanganganib na Planeta Sumulat ako tungkol sa serye na “Ang Ating Nanganganib na Planeta—Maililigtas ba Ito?” (Enero 8, 1996) Mabuti na makabasa ng isang bagay na nakapagpapatibay. Ang ikatlong artikulo sa serye ay nagbibigay sa atin ng pag-asa sa Paraiso, kung saan hindi na tayo mababahala tungkol sa sistema ng ekolohiya o mga butas sa suson ng ozone! Umaasa ako na mabuhay sa Paraisong iyan kasama ng aking pamilya at mga kaibigan.
A. C., Estados Unidos
Nagustuhan namin ang nagbibigay-kaalaman na kahon sa mga pahina 8 at 9 na tumalakay sa mga problemang gaya ng pagkalbo sa kagubatan, kakulangan ng tubig, at nanganganib na species. Ipinaunawa sa amin ng mga artikulo ang malubhang kalagayang kinakaharap ng ating planeta. Nakadama kami ng katiwasayan sa pagkaalam na ang tanging solusyon sa malubhang problemang ito ay nakasalalay sa ating Maylikha.
O. P. at F. J. O., Espanya
Ulat ni Jessica Katatapos ko pa lamang na basahin ang “Ulat ni Jessica” sa labas ng Enero 8, 1996. Talagang nakapagpatibay-loob sa akin ito! Nang makita ko ang masiglang kabataan na naglilingkod kay Jehova nang gayon na lamang kasaya at katapat, ipinagmapuri ko ito. Ipinagunita sa akin ng salaysay ni Jessica ang pangangailangan na magpatotoo sa bawat pagkakataon.
A. H., Estados Unidos
Nasumpungan ang Layunin sa Buhay Ang artikulong “Wala Akong Patutunguhan Noon Ngunit Nasumpungan Ko ang Layunin sa Buhay” (Enero 8, 1996) ay talagang nakabagbag ng aking puso. Habang binabasa ko ito, nakita ko ang aking sarili. Ako rin ay walang patutunguhan na may madilim na pangmalas sa kinabukasan. Subalit ako’y inanyayahan sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova at nagsimula akong mag-aral ng Bibliya. Ngayon ako’y masayang nakikibahagi sa buong-panahong pangangaral, na tumutulong sa iba na maunawaan ang kahanga-hangang pag-asa na ipinakita sa akin ni Jehova.
C. R., Estados Unidos
Kagamutan sa Pagiging Baóg Nakatawag ng pansin sa akin ang “Pagmamasid sa Daigdig” na may tudling na “Bagong Pag-asa Para sa mga Mag-asawang Baóg?” (Setyembre 22, 1995) Ipinakita ko ito sa isang biyologo, at sinabi niya na hindi niya kailanman nabalitaan ang binanggit na pamamaraan, kung saan ang ubod-liit na pag-iniksiyon ng nag-iisang semilya ng lalaki ay ituturok sa itlog “sa loob ng babae.”
E. K., Alemanya
Ang aming tudling ay salig sa ulat ng isang Pranses na ahensiya ng balita na France-Presse na tumalakay sa isang lektyur na ipinahayag ng manggagamot na taga-Denmark na si Anders Nyboe Andersen. Nakalulungkot naman, hindi tama ang pagkakaulat ng ilang bagay. Sinabi ni Dr. Andersen sa “Gumising!” na ang ubod-liit na pag-iiniksiyon ng semilya ay ginagawa sa isang salamin, alalaong baga’y, sa labas ng katawan ng babae. Sa gayon ang pertilisadong itlog ng babae ay ipinapasok sa loob ng babae. Tama ang aming pagkakasabi na maaaring magamit sa pamamaraang ito ang “semilya ng kaniyang asawa kaysa yaong sa isang di-kilalang nagkaloob—sa gayo’y naiiwasan ang sensitibong moral at relihiyosong mga isyu.” Sa gayong kaso, ang isang mag-asawang Kristiyano ay dapat na gumawa ng personal na pagpapasiya hinggil sa pamamaraang ito. (Tingnan “Ang Bantayan” ng Disyembre 1, 1981, pahina 30.)—ED.
Napariwarang Kaibigan Sumulat ako dahil sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Dapat Kong Gawin Kung Masangkot sa Gulo ang Isang Kaibigan?” (Enero 22, 1996) Isa sa aking matatalik na kaibigan ang natiwalag isang taon na ang nakaraan. Gayon na lamang ang pagkasiphayo ko. Nadama ko na para bang wala akong masyadong nagawa para sa kaniya, na nawalan ako ng panahon para sa kaniya, at hindi ako naging napakabuting kaibigan. Nang mabasa ko na hindi ko kasalanan na iwan niya ang katotohanan, nadama ko na para bang isang napakabigat na bagay ang naalis sa aking mga balikat!
L. T., Estados Unidos
Sa aking kaso ang taong malapit sa akin na nagsimulang “sumunod sa isang nakapag-aalinlangang istilo ng buhay” ay hindi lamang aking kaibigan kundi ang aking di-mapapalitan at mapagmahal na ina. Ako sa wakas ang nagsabi sa mga elder sa kongregasyon hinggil sa kaniyang kalagayan, at siya’y natiwalag. Sinisi ko ang aking sarili dahil sa pagsasabi sa mga elder. Ngayon ay ibig kong paglabanan ang mali kong damdamin ng pagkadama ng pagkakasala sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga mungkahi sa artikulo.
I. Y., Hapón