Ang Paraan Upang Makaiwas sa Utang
SA NAGBABAGONG panahong ito, ang pagsasaayos ng pananalapi ng pamilya ay maaaring maging isang hamon. Paano mo matagumpay na mahaharap ang hamon?
Ang sagot ay hindi kinakailangang mas maraming kita. Sinasabi ng mga eksperto sa pananalapi na ang kasagutan ay may kinalaman sa pagkakaroon ng kabatiran sa kung saan nanggagaling ang salapi at kung saan ito napupunta gayundin sa pagkukusang gumawa ng may kabatirang mga pasiya. Upang magawa ito, kailangan mo ng isang badyet.
Daigin ang Paglaban sa Isang Badyet
Subalit, ang mga badyet “ay lumilikha ng lahat ng uri ng nakalulungkot na mga impresyon sa isipan ng mga tao,” sabi ng tagapayo sa pananalapi, si Grace Weinstein. Kaya, maraming tao ang basta hindi gumagawa nito. Iniuugnay ng ilan ang pangangailangan para sa isang badyet sa mababang kita o sa kakulangan ng edukasyon. Subalit kahit na ang mga propesyonal na may malalaking kita ay may problema sa pananalapi. Ganito ang sabi ng isang tagapayo sa pananalapi: “Isa sa unang mga kliyente ko ang kumikita ng $187,000 isang taon . . . Ang utang nila sa kredit kard lamang ay mababa nang kaunti sa $95,000.”
Si Michael, na nabanggit kanina, ay atubiling humingi ng payo may kinalaman sa pananalapi sa iba pang kadahilanan. Aniya: “Takot ako na ako’y ituring ng iba na walang-muwang at mangmang.” Subalit ang gayong takot ay walang-batayan. Ang pagsasaayos ng pananalapi at pagkita ng salapi ay nangangailangan ng ibang uri ng kasanayan, at karamihan ng mga tao ay hindi nasanay na mangasiwa ng pananalapi. Ganito ang sabi ng isang social worker: “Tayo’y nagtatapos sa haiskul na nakaaalam nang higit tungkol sa isang isosceles triangle kaysa kung paano makatitipid ng salapi.”
Gayunman, ang pagbabadyet ay madaling pag-aralan. Nagsasangkot ito ng paggawa ng isang listahan ng kita at listahan ng mga gastusin—at ang pagpapanatili ng mga gastusin na hindi higit sa kinikita. Sa katunayan, ang paggawa ng badyet ay maaaring maging kasiya-siya, at ang pamumuhay ayon dito ay maaaring maging nakalulugod.
Pag-umpisa
Umpisahan natin sa pamamagitan ng paggawa ng isang listahan ng kinikita. Para sa karamihan sa atin, ito ay madali sapagkat karaniwang nagsasangkot lamang ito ng ilang bagay—suweldo, interes mula sa kuwenta ng perang ibinabangko, at iba pa.
Subalit huwag mong bilangin ang kita na di-tiyak, gaya niyaong mula sa bayad sa obertaym, mga bonus, o regalo. Ang mga kasangguni sa pananalapi ay nagbababala na ang pagpaplano ng di-tiyak na mga pinagmumulan ng kita ay aakay sa iyo na mangutang. Kung magkatotoo ang mga kikitaing iyon, maaaring gamitin mo ang pera upang handugan ng kasayahan ang iyong sarili at ang pamilya, o tulungan ang iba na nangangailangan, o mag-abuloy sa isang kapaki-pakinabang na layunin.
Subalit, ang paggawa ng isang listahan ng mga gastusin ay maaaring maging mas mapanlinlang. Hindi maunawaan nina Robert at Rhonda, na nabanggit sa naunang mga artikulo, kung saan napupunta ang kanilang salaping pinaghirapang kitain. Ipinaliliwanag ni Robert kung paano nila nilutas ang problema: “Sa loob ng isang buwan ang bawat isa sa amin ay nagdala ng isang piraso ng papel at isinulat namin ang bawat sentimo na ginasta namin. Isinulat pa nga namin ang pera na ginasta namin sa isang tasang kape. At sa katapusan ng bawat araw, ipinapasok namin ang halaga sa aklat ng badyet na binili ko.”
Ang maingat na pagtatala ng lahat na ginagasta mo ay tutulong sa iyo na makita ang anumang ‘mahiwagang salapi’ na para bang nawawala. Subalit, kung alam mo ang iyong ugali sa paggasta, maaaring magpasiya ka na huwag gumawa ng detalyadong talaan ng ginasta mo sa bawat araw at gumawa ka ng listahan ng buwanang gastos.
Pagtatala ng Buwanang mga Gastusin
Baka naisin mong gumawa ng isang tsart na nahahawig sa isa na ipinakikita sa itaas. Sa hanay ng “Aktuwal na Gastos,” ipasok mo ang halaga na kasalukuyang ginagasta mo para sa bawat bagay. Takdaan ang bilang ng mga kategorya, ginagamit ang mga titulo na gaya ng “pagkain,” “bahay,” at “pananamit.” Subalit, huwag kaligtaan ang mahalagang mga kategorya sa ilalim nito. Para kina Robert at Rhonda, malaking bahagi ng kanilang pera ang nagtutungo sa pagkain sa labas, kaya ang paghiwalay ng “pagkain sa labas” mula sa “mga groseri” ay nakatulong. Kung nasisiyahan kang magpakita ng pagkamapagpatuloy sa iba, ito man ay maaaring maging isang kategorya sa ilalim ng “pagkain.” Ang ideya ay gumawa ng tsart na nagpapabanaag ng iyong katangian at mga naiibigan.
Kapag gumagawa ng iyong tsart, huwag kaligtaan ang gastusin tuwing ikaapat na buwan, tuwing ikaanim na buwan, taunan, at iba pang pana-panahong gastusin, gaya ng bayad sa seguro at mga buwis. Gayunman, kung isasali ang mga ito sa buwanang tsart, dapat mong hatiin ang halaga sa angkop na bilang ng mga buwan.
Isang mahalagang bagay sa listahan ng mga gastusin ay ang “perang ibinabangko.” Bagaman maaaring hindi iniisip ng marami ang perang ibinabangko bilang isang gastusin, makabubuting badyetin mo ang ilan sa iyong buwanang kita para sa mga biglang pangangailangan o pantanging mga layunin. Idiniriin ni Grace Weinstein ang kahalagahan ng pagsasama ng mga perang ibinabangko sa iyong listahan ng mga gastusin: “Kung hindi ka makapag-iipon ng kahit na 5 porsiyento ng iyong kita pagkatapos maalis ang buwis (at iyan ang ganap na pinakamababa), kakailanganin mong gumawa ng mas mahigpit na mga hakbang. Alisin ang pangungutang, baguhin mo ang iyong istilo ng pamumuhay, at isaalang-alang kung ano ang iyong pangunahing mga pangangailangan.” Oo, tandaan na isama ang perang ibinabangko sa iyong buwanang badyet.
Bilang palugit sa panahon na maaaring mawalan ka ng trabaho, karaniwan na ngayong iminumungkahi na sikaping magsimulang magkaroon ng handang makukuhang perang ibinabangko na katumbas ng di-kukulanging anim na buwang kita. “Kung tumaas ang sahod mo,” sabi ng isang tagapayo sa pananalapi, “itago mo ang kalahati nito.” Inaakala mo bang imposible para sa iyo ang mag-impok?
Isaalang-alang si Laxmi Bai, na gaya ng marami sa lalawigan ng India ay napakahirap. Sinimulan niyang magtabi sa isang banga ng sandakot na bigas mula sa araw-araw na iniluluto niya para sa kaniyang pamilya. Sa pana-panahon, ipinagbibili niya ang bigas at idinedeposito ang pera sa bangko. Ito ang isang hakbang upang makautang sa bangko nang matulungan niya ang kaniyang anak na lalaki na magtayo ng isang tindahan para sa pag-aayos ng bisikleta. Ang gayong munting perang ibinabangko ay malaki ang nagagawa sa buhay ng marami, ulat ng India Today. Ginawa nitong magkatotoo ang pagsasarili sa kabuhayan ng ilan.
Subalit, ang pagbabalanse ng isang badyet ay higit pa sa paggawa ng listahan ng kinikita at mga gastusin. Nagsasangkot ito ng pagpapanatili ng mga gastusin na hindi higit sa kinikita, na maaaring humiling ng pagbawas sa iyong mga pinagkakagastahan.
Mahalaga ba Ito?
Pansinin ang pamagat na “Mahalaga?” sa pormularyo sa pahina 9. Ang hanay na ito ay mahalagang isaalang-alang, lalo na kung masumpungan mong ang kabuuan sa hanay ng “Halagang Binadyet” ay mas malaki kaysa sa iyong kinikita. Subalit, ang pagpapasiya kung baga ang isang bagay ay mahalaga at kung gaano kalaking pera ang ilalaan dito ay maaaring maging isang hamon. Totoo ito lalo na sa nagbabagong panahong ito kung saan tayo ay pinauulanan ng patuloy na panustos ng mga produkto na iniaanunsiyo bilang kinakailangang mga bagay. Ang pag-iisip ng bawat gastos bilang tiyak na pangangailangan, malamang na kailangan, o magandang-magkaroon na luho ay makatutulong.
Tingnan ang bawat gastusin na nasa listahan mo, at pagkatapos ng maingat na pagtatasa, ipasok ang “O” sa hanay ng iyong “Mahalaga?” kung ito ay tiyak na mahalaga; “?” kung ito ay di-tiyak na pangangailangan; at “M” kung magandang-magkaroong luho. Tandaan, ang kabuuang halaga na nakalista sa hanay ng “Halagang Binadyet” ay hindi maaaring mas malaki kaysa sa iyong buwanang kinikita!
Ang mga bagay na minarkahang “?” at “M” ay maliwanag na siyang dapat alisin. Ang mga gastusing ito ay maaaring hindi naman kailangang lubusang alisin. Ang ideya ay suriin ang bawat bagay upang makita kung ang gastusin ay sulit sa kasiyahan na idinudulot ng gastusin at alisin ang kinakailangang alisin. Nakita nina Robert at Rhonda sa kanilang listahan na sila’y gumugugol ng $500 isang buwan sa pagkain sa labas. Nakaugalian na nila ito dahil sa wala ni isa man sa kanila ang marunong magluto. Subalit si Rhonda ay kumilos upang matuto at sabi niya: “Ngayon ang pagluluto ay naging kasiya-siya, at mas madalas kaming kumain sa bahay ngayon.” Ganito pa ang sabi ni Robert: “Ngayon ay kumakain lamang kami sa labas kung mga pantanging okasyon o kung kinakailangan.”
Ang pagbabago sa iyong kalagayan ay magpapangyari sa iyo na lubusang tasahing-muli kung ano ang mahalaga. Gaya ng nabanggit sa unang artikulo, ang kita ni Anthony ay bumagsak. Ito’y mula sa $48,000 isang taon tungo sa wala pang $20,000 at nanatili sa antas na iyon sa loob ng dalawang taon. Kung mangyari ito sa iyo, baka kailanganin mong gumawa ng isang pansalbang badyet, inaalis ang lahat ng di-kinakailangang paggasta.
Ganiyan nga ang ginawa ni Anthony. Sa pagbabawas sa mga perang ginugugol sa pagkain, pananamit, transportasyon, at paglilibang, napagsikapan niyang hindi mailit ang kaniyang bahay.a “Bilang isang pamilya kailangang matiyak namin ang aming tunay na mga pangangailangan at mga kagustuhan,” aniya, “at nakinabang kami mula sa karanasang ito. Alam na namin ngayon kung paano maging kontento taglay ang kakaunti.”
Alisin ang Pangungutang
Maaaring biguin ng walang-taros na pangungutang ang iyong mga pagsisikap na mamuhay nang hindi higit sa iyong kinikita. Bagaman ang pangmatagalang utang na ginagamit para sa pagbili ng mga pag-aari na gaya ng isang bahay na tumataas ang halaga ay maaaring maging kapaki-pakinabang, ang pangungutang sa pamamagitan ng kredit kard na ginagamit upang tustusan ang araw-araw na pamumuhay ay maaaring maging kapaha-pahamak. Kaya “huwag magbayad ng isang kusing sa pamamagitan ng kredit kard,” sabi ng Newsweek.
Hinihimok ng mga dalubhasa sa pananalapi ang pagbabayad ng mga utang sa kredit kard kahit na kailangang kunin mo ito sa iyong perang ibinabangko. Hindi nga matalinong mangutang na may mataas na interes samantalang nag-iipon sa bangko na may maliit na interes. Natatalos ito, binayaran nina Michael at Reena ang kanilang mga pagkakautang sa kredit kard sa pamamagitan ng pagbabayad ng kanilang mga savings bond, at sila’y nagpasiyang hindi na muling papasok sa kalagayang iyon.
Sina Robert at Rhonda, palibhasa’y walang gayong salapi, ay namuhay ayon sa pansalbang badyet. Sabi ni Robert: “Gumawa ako ng isang bar graph sa isang puting pisara na nagpapakita kung paanong ang aming utang ay bababa buwan-buwan at isinabit ang pisara sa aming silid-tulugan kung saan makikita namin ito tuwing umaga. Ito ang nagbigay ng araw-araw na pangganyak.” Sa katapusan ng taon, gayon na lamang ang katuwaan nila na maging malaya sa kanilang $6,000 na utang sa kredit kard!
Sa ilang bansa kahit na ang pagsasangla ay hindi mabuting puhunan na gaya ng dati. At ang pagbili ng bahay ay maaaring mas magastos dahil sa mga interes na ibabayad. Ano ang magagawa mo upang mabawasan ang halaga ng pagkakasangla? “Alin sa dagdagan ang unang hulog kaysa sa hinihiling ng bangko o bumili ng hindi gaanong mahal na bahay,” mungkahi ng Newsweek. “Kung may bahay ka na, labanan mo ang simbuyo na bumili ng mas malaki o mas magandang bahay.”
Mababawasan mo nang husto ang halaga ng isang pagkakautang sa kotse sa pamamagitan ng pagbibigay ng malaking unang hulog. Subalit kakailanganin mong pag-ipunan ito nang patiuna sa pagpapasok nito sa iyong badyet ng pamilya. At kumusta naman ang pagpili ng magandang segunda-manong kotse?b Ang mababang halaga nito ay maaaring mangahulugan ng mas mababang pinansiyal na pagkakautang. Maaari ka pa ngang makabili ng isa nang hindi mo na kailangan pang mangutang.
Magtagumpay Ka Kaya?
Kung ikaw ba ay magtatagumpay sa pagpapagana ng iyong badyet ay depende sa malaking bahagi sa kung gaano katotoo ito. “Ang badyet ay hindi gagana kung ang halagang itinabi mo para sa sambahayan ay napakaliit anupat hindi mo mapagkasiya sa isang buwan,” sabi ng isang mag-asawa na matagumpay na namuhay ayon sa isang badyet.
Ang isa pang napakahalagang salik upang magtagumpay ang isang badyet ay ang mabuting komunikasyon sa gitna ng mga miyembro ng pamilya. Yaong mga apektado ng badyet ay dapat na magkaroon ng pagkakataon na ipahayag ang kanilang mga palagay at mga damdamin nang hindi tinutuya. Kung nauunawaan ng mga miyembro ng pamilya na nasasangkot ang mga pangangailangan at mga kagustuhan ng isa’t isa at matalos kung ano talaga ang kalagayan sa pananalapi ng pamilya, malamang na magkaroon ng mas mabuting pagtutulungan at mas mabuting tsansa na ang badyet ng pamilya ay magtatagumpay.
Sa mapanganib na panahong ito, habang ang tanawin sa daigdig ay patuloy na nagbabago, tumitindi ang panggigipit sa pananalapi ng pamilya. (2 Timoteo 3:1; 1 Corinto 7:31) Kailangang magkaroon tayo ng “praktikal na karunungan” sa pagharap sa mga hamon ng makabagong buhay. (Kawikaan 2:7) Ang paggawa ng badyet ang siyang bagay na tutulong sa iyo na gawin iyan.
[Mga talababa]
a Para sa mga ideya sa pagbabawas ng gastusin sa araw-araw, tingnan ang Gumising! ng Oktubre 22, 1985, pahina 26-7, at Oktubre 8, 1984, pahina 28.
b Tingnan ang Gumising! ng Abril 8, 1996, pahina 16-19.
[Blurb sa pahina 11]
Suriin ang bawat bagay upang makita kung ang gastusin ay sulit sa kasiyahang dulot nito
[Blurb sa pahina 12]
Mag-ingat sa mga sinisingil na interes sa kredit kard!
[Chart sa pahina 9]
BUWANANG GASTUSIN AT TSART SA PAGTATASA Buwan
MGA GASTUSIN Aktuwal na Gastos Mahalaga? Halagang Binadyet
Pagkain:
Mga groseri
Pagkain sa labas
Pagkamapagpatuloy
Bahay:
Sangla o upa
Mga kagamitan
Pananamit
Transportasyon
Mga regalo
•
•
•
Perang ibinabangko
Buwis
Seguro
Iba pa
KABUUAN (ihambing sa kita)
BUWANANG KITA
Suweldo
Pinauupahang pag-aari (kung mayroon)
Interes sa perang ibinabangko
KABUUAN (ihambing sa mga gastusin)
[Larawan sa pahina 10]
Ang mabuting komunikasyon sa pamilya ay mahalaga upang magtagumpay ang isang badyet