Ang Paghihirap ni Maggy at ang Aking Pagpapala
Martes, Mayo 2, 1995, nang isilang ang aking anak na babae at nang mamatay ang aking maybahay. Nakalulungkot nga, hindi kailanman nakita ni Maggy ang hitsura ng kaniyang sanggol. Ngayon ang inaasam-asam ko na lamang ay ipakilala si Tamara sa kaniyang ina kapag siya’y binuhay-muli.
PAGKATAPOS na kami’y makasal nang 16 na taon, ang aking maybahay, si Maggy, ay sinabihan ng kaniyang doktor na siya’y may kanser sa suso at ilang buwan na lamang siya mabubuhay. Iyan ay limang taon na ang nakararaan. Mabuti na lamang, si Maggy ay nakapamuhay nang normal noong mga huling taon ng kaniyang buhay. Noon na lamang sa dakong huli na ang kirot ay naging napakatindi.
Dahil sa pagkalat ng kaniyang kanser, sinabi ng mga doktor na maliit ang pagkakataon niyang magdalang-tao. Kaya maiisip mo ang aming pagkabigla nang sa panahon ng regular na pagpapa-ultrasound upang suriin ang pagkalat ng kanseros na mga tumor, nakita nila ang isang sanggol sa kaniyang bahay-bata! Ito’y isang batang babae. Si Maggy ay apat at kalahating buwan nang nagdadalang-tao. Tigib siya ng kagalakan sa pag-asang maging ina sa kauna-unahang pagkakataon.
Ginawa ni Maggy ang lahat ng magagawa niya upang tiyakin na kaniyang maisisilang nang malusog ang sanggol. Iningatan niya ang kaniyang pagkain, at maging sa huling dalawang linggo ng kaniyang buhay, nang ang kirot ay naging napakatindi, uminom lamang siya ng pamatay ng kirot nang hindi na niya makayanan ang kirot.
Pinagpala ng Isang Malusog na Sanggol
Noong Sabado, Abril 29, bumilis ang tibok ng puso ni Maggy at ang sabi niya: “Sa palagay ko’y mamamatay na ako.” Nasa tabi niya ako nang buong Sabado’t Linggo. Pagkatapos na ipatawag ang doktor noong Lunes, agad ko siyang dinala sa ospital sa Montreal, Canada, na hindi naman kalayuan sa aming tahanan sa St. Jérôme.
Halos 5:30 ng sumunod na umaga, dumaan ang isang nars sa silid ni Maggy at napansin na siya’y nababalisa. Sa wari, siya’y inaatake sa puso. Kagyat na ipinatawag ang doktor sa katabing silid. Bagaman namatay si Maggy, nagawang iligtas ng pangkat ng manggagamot ang aming sanggol. Si Tamara ay isinilang nang dalawa-at-kalahating buwan na mas maaga at tumimbang lamang ng 1.1 kilo.
Yamang mababa ang bilang ng dugo ni Tamara, ibig magsalin ng dugo ang mga doktor. Gayunman, sila’y nahimok na gumamit sa halip ng sintetikong hormone na erythropoietin. Ginawa nila ito, at nang napatunayang matagumpay ang paggamit nito sa pagpapataas ng bilang ng kaniyang dugo, sinabi ng nars: “Bakit hindi nila gamitin iyan sa lahat ng sanggol?”
Si Tamara ay nagkaroon ng iba pang problema kaugnay ng maagang pagsilang, subalit ang lahat ay nalutas. Sa katunayan, nang suriin siya ni Dr. Watters, isang neurologo, sa dakong huli, sinabi ng doktor sa nars: “Sa palagay ko’y maling sanggol ang ibinigay mo sa akin para tingnan ko; normal na normal ang tingin ko sa kaniya.”
Pagharap sa Kamatayan at Pagbabata Sa Dakong Huli
Ang makita na mamatay si Maggy ay napakahirap para sa akin. Nadama kong ako’y walang-kaya. Napakahirap ipakipag-usap ang pagkamatay ni Maggy. Subalit, ginawa ko ito kapag dumadalaw ang aking mga Kristiyanong kapatid na lalaki at babae sa ospital. Unti-unting naibsan ang kirot ng damdamin mientras ipinakikipag-usap ko ito. Sa tuwing ako’y nakababasa ng artikulo ng Bantayan o Gumising! na partikular na patungkol sa akin, itinatabi ko ito sa isang lugar sa aking aklatan at kinukuha ko ito at binabasa ko kung inaakala kong kailangan ko ito.
Ang isa pang hamon ay ang pag-uwi ng bahay na walang dinadatnan. Napakahirap batahin ang pangungulila. Lumilitaw pa rin ang damdaming ito, bagaman ako’y nakikinabang sa nakapagpapatibay na samahang Kristiyano. Dati-rati’y magkasama kaming gumagawa ni Maggy, at napag-usapan namin ang magiging problema ko hinggil sa kalungkutan. Ibig niyang mag-asawa ako muli. Subalit, hindi ganiyan kasimple ang mga bagay-bagay.
Tulong Mula sa Kapuwa mga Kristiyano
Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung walang tulong ng Hospital Liaison Committee (HLC) ng mga mga Saksi ni Jehova. Nang umagang mamatay si Maggy, isang may kaalamang Saksi mula sa HLC ang naroroon sa ospital at nagbigay ng tulong na kinakailangan ko.
Humanga ang kawani ng ospital sa tulong na tinanggap ko mula sa aming Kristiyanong kongregasyon sa St. Jérôme gayundin mula sa iba pang kongregasyon sa lugar na iyon. Nang ipatalastas ang pagkamatay ni Maggy noong gabi ng aming Kristiyanong pulong, mahigit na 20 malalapit na kaibigan ang kumilos sa pamamagitan ng pag-aalok ng tulong. Ang tulong ay talagang labis-labis.
Ang mga kaibigan ang naghanda ng pagkain para sa akin; ang freezer ng aking repridyeretor ay punung-puno sa loob ng mga buwan. Ang aking pamilya at ang mga Kristiyanong kapatid na lalaki at babae ang nag-asikaso pa nga sa damit ng aking anak na babae. Napakarami nilang dinala sa akin na mga bagay-bagay anupat wala na akong sapat na paglagyan ng lahat ng ito.
Mga Kaluguran sa Ngayon at mga Inaasahan sa Hinaharap
Natulungan ako ni Tamara na kalimutan ang aking pangungulila. Lubusan siyang napamahal sa akin. Sa bawat araw na masaya ko siyang binabati ng “magandang umaga,” ngingiti naman siya nang pagkatamis-tamis, at magsisimulang “magsalita,” at ikakawag ang kaniyang mga braso at binti, nang masayang-masaya.
Bilang isang baguhang astronomo, inaasam-asam ko na makandong si Tamara at masilip niya sa aking teleskopyo ang kamangha-manghang mga gawa sa kalangitan ng ating Dakilang Manlalalang, si Jehova. Ang pagbubulay-bulay sa walang-hanggang buhay sa Paraiso sa lupa ay talagang tunay na pinagmumulan ng kaaliwan. At ang malaman na ito ang pag-asa bago pa man nagbigay ng karagdagang kaligayahan si Tamara sa akin.—Awit 37:9-11, 29.
Sa paggunita sa mga nangyari sa nakalipas na limang taon, talagang masasabi ko na ang mga ito’y kapuwa mapait at maligayang karanasan. Marami akong natutuhan tungkol sa aking sarili at sa buhay mismo. Nananabik ako sa paghihintay sa kinabukasan kapag, gaya ng inilarawan ng Bibliya, “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Pagkatapos, sa pagkabuhay-muli, makahihinga nang malalim si Maggy nang walang kirot. Higit sa lahat, ang aking lubusang inaasam-asam at ninanais ay maging naroroon upang ipakilala si Tamara kay Maggy, upang kaniyang makita ang munting batang babae na kaniyang pinaghirapan nang lubos.—Gaya ng inilahad ni Lorne Wilkins.
[Larawan sa pahina 26]
Kasama ng aking asawa
[Larawan sa pahina 26]
Ang aming anak na babae, si Tamara