Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 12/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Pagkidnap sa Latin Amerika
  • Nakapagpapalusog ang Pagiging Optimistiko
  • Napakatabang mga Bata
  • Masamang Hangin
  • Biglang Paglitaw ng Meninghitis sa Kanlurang Aprika
  • Walang Pagbabawal sa Mina sa Lupa
  • Ang Mabilis na Pagdami ng Populasyon sa mga Lunsod
  • “Ang Kalikasan ang Talagang Nakaaalam”
  • Walang-ingat na Pagmomotorsiklo sa Tubig
  • Natuklasan​—Isang Bangkang 2,000-Taóng-Gulang
  • Pagtiyak sa Normal na Paglaki
  • Kung Paano Sinisira ng Digmaan ang mga Bata
    Gumising!—1997
  • Mga Nakatanim na Bomba—Tinataya ang Nagagawang Pinsala Nito
    Gumising!—2000
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2001
  • Pagkidnap—Kinakalakal na Pananakot
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 12/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Mga Pagkidnap sa Latin Amerika

Ang pagkidnap ay nagiging isang multimilyon-dolyar na negosyo sa Latin Amerika, ayon sa pahayagang Ámbito Financiero sa Argentina. Noong 1995 halos 6,000 kaso ang iniulat doon. Isiniwalat kamakailan ng isang pagsusuri na ang Colombia sa kasalukuyan ang may pinakamataas na bilang, na may 1,060 pagkidnap na naganap noong 1995, na sinundan ng Mexico, Brazil, at Peru, na ang bawat isa ay may daan-daang kaso sa panahon ding iyon. Taun-taon, ang mga kidnaper sa Colombia ay binabayaran ng halos 300 milyong dolyar bilang pantubos. Sa Brazil tatlong ulit ang kahigitan ng halagang ibinayad sa mga kidnaper noong 1995, umaabot ng kabuuang halaga na halos isang bilyong dolyar. Ang mga biktima ay maaaring mayayaman at kilala o sila’y pangkaraniwang mga turista o mga maybahay mula sa pamilyang mahihirap. Sa ilang kaso ang mga kidnaper ay handang tumanggap ng pantubos na hulugan. Dahil sa takot na masundan ng mga pagkidnap pa, ang mga biktima sa pana-panahon ay patuloy na naghuhulog maging pagkatapos na mapalaya ang nabihag.

Nakapagpapalusog ang Pagiging Optimistiko

Tiniyak na muli ng kamakailang pagsusuri na isinagawa sa Finland ang paniniwala na ang pagiging pesimista ay nakadaragdag sa panganib ng pagkakasakit sa mental at pisikal, samantalang nakapagpapalusog naman ang pagiging optimistiko. Halos 2,500 lalaki sa pagitan ng edad na 42 at 60 ang inobserbahan sa mahigit na 4 hanggang 10 taon. Ayon sa magasing Science News, iniulat ng mga siyentipiko na ang mga lalaki na “may katamtaman hanggang sa may labis-labis na pagkadama ng kawalang-pag-asa ay namamatay . . . nang dalawa hanggang sa tatlong ulit ang kahigitan kaysa iniulat na may mababa o hindi nakadarama ng kawalang-pag-asa; ang naunang grupo ay mas madalas ding magkaroon ng kanser at atake sa puso.”

Napakatabang mga Bata

Ayon sa pahayagang The Weekend Australian, ipinabatid kamakailan ni Dr. Philip Harvey, isang dalubhasa sa nutrisyon para sa kalusugan ng publiko, na “ang mga bata sa Australia ay pataba nang pataba at mas mabilis ang kanilang pagtaba.” Ang kaniyang pagkabahala ay nakasalig sa kamakailang pagsusuri na nagpapakita na ang katumbasan ng mga batang napakataba sa Australia ay nadoble sa nakalipas na sampung taon. Halos 10 porsiyento ng mga bata sa pagitan ng mga edad na 9 at 15 ay nangangailangang gamutin dahil sa kanilang problema sa timbang. Ipinalalagay ni Dr. Harvey na ang porsiyento ng napakatabang mga bata ay maaaring madoble muli sa susunod na sampung taon. Katulad ng kaso ng mga nasa hustong gulang, ang kawalan ng ehersisyo ang pangunahing sanhi ng pagtindi sa sobrang katabaan sa mga bata, ang sabi ng pahayagan, at ang mga pagkain na mataas sa taba ay isa ring salik.

Masamang Hangin

Ang World Wildlife Fund (WWF) ay naghinuha na ang Roma ay pinarurumi ng benzene, isang bagay na nagpaparumi na nagmumula sa sasakyan na pinaghihinalaang sanhi ng kanser. Nilagyan ng mga mananaliksik ng WWF ang 400 kabataang boluntaryo sa pagitan ng mga edad na 8 at 18 ng mga benzene sensor. Isiniwalat ng pagsusuri na sa Roma ang isang “metro kubiko [35 piye kubiko] ng hangin ay nagtataglay ng katamtamang 23.3 microgram ng benzene,” na mataas na bilang kaysa legal na takda na 15 microgram sa bawat metro kubiko. Salig sa pagsusuring ito, ipinaliwanag ng mga siyentipiko na ang paglanghap lamang sa isang araw ng maruming hangin sa Roma ay katumbas ng paghitit ng 13 sigarilyo, ulat ng pahayagang La Repubblica sa Italya.

Biglang Paglitaw ng Meninghitis sa Kanlurang Aprika

Mahigit na 100,000 katao ang nagkasakit at mahigit na 10,000 ang namatay sa isa sa pinakamalubhang biglang paglitaw ng nakahahawang sakit sa Kanlurang Aprika ayon sa natatandaan, ulat ng International Herald Tribune. Ang meninghitis na sanhi ng baktirya ay matinding sumalot sa tuyo, maalikabok na rehiyon na nasa timog lamang ng Sahara Desert, kung saan napakakaraniwan ng impeksiyon sa palahingahan. Ang sakit ay sanhi ng pamamaga ng pinakasapin ng utak at gulugod. Ito’y kumakalat sa hangin​—maaaring mailipat ito ng ubo o bahin. Ang sakit ay maiiwasan sa pamamagitan ng bakuna at maaaring magamot, lalo na sa pinakamaagang yugto nito, sa pamamagitan ng antibayotik. “Ang epidemya ng meninghitis noong 1996 ang pinakamalubha sa kasalukuyan na naganap sa timog ng Sahara sa Aprika,” sabi ng tagapagsalita para sa Doctors Without Borders. “Ang bilang ng namamatay ay basta patuloy na dumarami,” ang sabi pa niya.

Walang Pagbabawal sa Mina sa Lupa

Pagkalipas ng dalawang taon ng pag-uusap sa Geneva, Switzerland, nabigo ang internasyonal na mga tagapag-ayos na sumang-ayon sa pandaigdig na pagbabawal sa mga mina sa lupa. Bagaman kanilang ipinasiya na ipagbawal ang ilang uri ng mina at higpitan ang iba, ang lubusang pagbabawal sa lahat ng minang laban sa tauhan sa militar ay hindi muling isasaalang-alang hanggang sa susunod na komperensiya, na itinakda sa taóng 2001. Samantala, ayon sa isang pagtantiya, sa loob ng limang taon, malamang na makapatay ang mga mina sa lupa ng 50,000 pang katao at makapipinsala sa 80,000​—na ang karamihan ay sibilyan. Ganito ang hinaing ng isang editoryal sa The Washington Post sa desisyon, na nagsasabi: “Itinuturing ng mga bansang may malalaking imbentaryo ng mina ang mga armas na ito na may kalugud-lugod na kabuktutan sa kabila ng malupit at patuloy na pagkitil ng mga ito sa sibilyan pagkatapos ng labanan sa pagbabaon sa mga ito.” Ayon sa pagtaya ng United Nations, sa kasalukuyan ay may humigit-kumulang 100 milyon minang nakabaon sa 68 bansa.

Ang Mabilis na Pagdami ng Populasyon sa mga Lunsod

Parami nang paraming tao ang nagpupuntahan sa mga lunsod, ang ulat ng babasahing The State of World Population 1996 ng United Nations. Sa susunod na sampung taon, ang mga nakatira sa mga lunsod sa daigdig ay darami ng 3.3 bilyon, halos kalahati ng tinatayang populasyon ng daigdig na 6.59 bilyon. Noong taóng 1950, ang bilang ng mga lunsod na may populasyong mahigit sa isang milyon ay may bilang na 83. Sa ngayon ito’y mahigit na 280, ang bilang na inaasahang halos madodoble sa taóng 2015. Noong 1950, ang New York City lamang ang may mahigit na 10 milyong naninirahan; sa ngayon, may 14 na lunsod na gayon, kung saan ang Tokyo ang nangunguna sa listahan na may 26.5 milyon.

“Ang Kalikasan ang Talagang Nakaaalam”

“Ang kalikasan ang talagang nakaaalam kung paano maglilinis pagkatapos ng pagtapon ng langis,” ang ulat ng magasing New Scientist. Ikinatakot ng mga tagapangalaga ng kalikasan ang sakuna sa kapaligiran noong 1978 nang mawasak ang tanker ng langis na Amoco Cadiz sa baybayin ng Britanny, sa hilagang Pransiya. Gumugol ng anim na buwan ang mga lokal na awtoridad sa pag-aalis ng libu-libong tonelada ng putik at latian na pinarumi ng langis mula sa isang lugar. Ang isang lugar pang labis na nadumhan ay nananatiling hindi nalilinis. Isinisiwalat ng paghahambing sa dalawang ito na maraming nalinis na putikan at latian ang mga pangkat na naglilinis anupat 39 na porsiyento ng pananim sa latian ay hindi na tumubong muli. Gayunman, sa mga lugar na hindi ginalaw, nilinis ng mga alon sa dagat ang putik ng gayon na lamang anupat ngayon ay mas nadagdagan pa ng 21 porsiyentong tanim na tumubo kaysa bago ng pagtapon ng langis. Lubusang nakabawi ang latian, at walang tanda ng polusyon ng langis ang nakita sa loob ng ilang taon.

Walang-ingat na Pagmomotorsiklo sa Tubig

Ang personal watercraft, kilala sa tawag na mga motorsiklo sa tubig, ay patuloy na nauuso sa Estados Unidos. Ang maliliit na bangkang ito ay may bilis na umaabot hanggang sa 100 kilometro bawat oras at napatatakbong gaya ng motorsiklo. Ang labis na ikinababahala ay ang dumaraming malulubha, kung minsa’y nakamamatay, na mga aksidente na nagsasangkot sa mga bangkang ito. Ayon sa The Wall Street Journal, tinataya na “kasindami ng 60% ng aksidente ay dahil sa mga umaarkila nito.” Bagaman ang karamihan ng mga sumasakay rito ay may salbabidang isinusuot bilang pagsunod sa batas, marami ang may kaunting karanasan sa alituntunin sa pamamangka at nagiging walang-ingat sa paghawak sa mga sasakyan. Ipinaliwanag ng isang opisyal ng Coast Guard na “kapag ang isang sumasakay ay nagpatakbo sa bilis na 80 kilometro bawat oras, ang pagsalpok sa tubig ay tulad ng pagsalpok sa isang gusali.”

Natuklasan​—Isang Bangkang 2,000-Taóng-Gulang

Isiniwalat ng napakababang antas ng pagkati ng tubig sa Dagat ng Galilea noong 1986 ang isang bangka mula sa panahon ni Jesus. Sapol noon, ang bangka ay ibinabad sa isang preserbatibo upang mapabagal ang pagkasira nito. Sa ngayon, ayon sa ulat ng National Geographic, inalis na ito sa preserbatibo at nakatanghal malapit sa bayan ng Magdala. “Ito’y may haba na halos 8 metro, na ginamitan ng dala (isang uri ng lambat), at maaaring may apat na gumagaod at isang nasa timon,” ang paliwanag ni Shelley Wachsmann, na siyang nanguna sa paghuhukay. Ganito pa ang kaniyang sabi: “Humigit-kumulang pitong uri ng kahoy ang ginamit, kasali na ang mga pinagtabasan mula sa mas luma nang mga bangka. Alin sa kakaunti ang kahoy o napakadukha ng may-ari nito.”

Pagtiyak sa Normal na Paglaki

Ang paglaki ng bata ay apektado ng higit pa sa basta namamanang katangian, ang sabi ng ulat sa Jornal do Brasil. “Ang mabuting nutrisyon ang pangunahing garantiya sa wastong paglaki,” sabi ng pahayagan, na nagsasabi pa na ang di-mabuting nutrisyon ay karaniwan maging sa katamtamang uri ng mga pamilya. “Ang isa pang mahalagang bagay na gumaganyak sa paglaki ay ang regular na ehersisyo,” ang sabi ng propesor ng endocrinology na si Amélio Godoy Matos. “Ang mga oras ng mahimbing na tulog ay dapat ding tiyakin ng mga magulang dahil ang hormone sa paglaki ay inilalabas lamang kapag ang bata ay natutulog,” aniya. Ang mga problema sa emosyon ay nakapagpapabagal din naman sa paglaki ng bata. Ayon sa isang endocrinologist na si Walmir Coutinho, “ang panonood ng telebisyon sa loob ng mga oras nang patuluyan, lalo na ang mararahas na palabas, ay nakasisira sa pagtulog ng bata at maaaring hindi makabuti sa paglaki.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share