Pagmamadali sa Paglaki ng Tubig
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britanya
HALOS sampung milyong ibon ang nagpapalipas ng taglamig sa hilagang-kanlurang Europa taun-taon. Ang mga ito’y hindi lamang nagmumula sa pagkalamig-lamig na pinamumugaran nito kundi mula rin sa pagkalayu-layong Canada at gitnang Siberia. Habang patungo ang mga ito sa Aprika, maraming iba pa ang nagtatagpu-tagpo sa East Atlantic Flyway, isang rutang dinaraanan kapag nandarayuhan sa British Isles.
Nailalaan ng mahigit na 30 magkakasunod na malalaking wawa sa tubigan ng Britanya ang pagkain at mapagpapahingahang lugar. Bawat isa sa mga kainang ito ay para sa mahigit na 20,000 ibon, subalit ang pinakamalaki ay ang The Wash, na nasa silangang baybayin ng Inglatera, na napagkukulumpunan ng mahigit na sangkapat ng isang milyong ibon—kasali na ang mga curlew (balankawitan), dunlin, godwit, knot, oystercatcher, plover (talingting), redshank, at turnstone. Anong uri ng pagkain ang inilalaan ng mga wawa, at bakit gayon na lamang kahalaga ang mga ito?
Ang Kahalagahan ng mga Wawa
Ang mga wawa ay mga lugar na bahagyang sarado kung saan ang tubig-dagat ay humahalo sa tubig-tabang. Dito ang mainit na tubig, na sagana kapuwa sa mineral at organikong mga sangkap, ay nagsusustine sa kalahati ng mga buháy na nilalang sa karagatan sa daigdig. Ang mga hipon, sand hopper, at iba pang anyo ng buhay ay matatagpuan sa buhanginan, subalit ang putikan ng wawa ang nagsusustine sa mas marami pang kinapal.
Ang putik ay nagkakaiba-iba ayon sa sukat ng latak na bumubuo nito. Ang bawat uri ng putik ay may sarili nitong pantanging mga hayop sa dagat, ang pagkaing kinakain ng mga wader.a Halimbawa, sa isang metro parisukat ng isang uri ng putik, may milyun-milyon itong pagkaliliit na suso na wala pang tatlong milimetro ang haba! Karagdagan pa, sa putik nabubuhay ang mga mollusk, lugworm, at rag worm, kasama ng iba pang hayop na walang gulugod.
Paglaki ng Tubig Kung Kabilugan ng Buwan
Bagaman may libu-libong wader sa isang wawa, maaaring mahirap hanapin ang mga ito sapagkat karaniwang nakapangalat ito sa napakalawak na lugar. Gayunman, biglang-biglang nagbabago ang mga kalagayan kapag lumaki na ang tubig sa pagsapit ng kabilugan ng buwan. Ang biglang paglaki ng tubig ang nagiging sanhi ng pag-apaw ng tubig sa mga latian at buhangin, anupat sapilitang napupunta ang mga wader sa mga lupang inaapawanb at iba pang matataas na lugar. Higit na madaling panoorin ang mga ito habang sila’y nag-iipun-ipon, na nakahapon sa isang malaking haluang kawan.
Sa maaliwalas at mainit na umagang ito ng Abril ay tataas ang tubig sa kabilugan ng buwan. Humihihip ang malamig na hangin mula sa hilagang-silangan habang kami’y patungo sa maliit, magandang wawa kung saan ang ilog Alde ay paikut-ikot sa bayan ng Suffolk ng Inglatera sa North Sea. Dito, umaabot sa mahigit-higit na 11,000 ang pinakamalaking bilang ng wader na nagpapalipas ng taglamig at kung saan mas madali naming mapagmamasdan ang kanilang ginagawa, yamang ang wawa ay kalahating milya lamang ang lapad.
Ang kalipunan ng bukud-bukod na pangharang sa dagat ay nakasunod sa daloy ng ilog. Ang ilang pampang ay natatabunan ng mga tambo, ang iba naman ay damong marram. Ang natitirang bahagi ay maitim na kahoy at bato lamang. Matatagpuan naman sa paitaas ng ilog, sa gitna ng pagkaganda-gandang kalipunan ng mga gusali noong panahon ni Victoria, ang Snape Maltings Concert Hall, ang bayan ng kapistahan sa musika sa Aldeburgh. Subalit kailangan naming lumusong pababa ng ilog at magtungo sa mapagkukublihang lugar. Malakas na ngayon ang hangin at nanunuot sa laman, at madaling humahapdi ang aming mga mata.
Pagdating na pagdating namin sa gilid ng ilog, (tingnan ang larawan, lugar A), sinalubong kami ng malinaw at napakatamis na huni ng mag-asawang ibong avocet. Wala pang 40 dipa ang layo ng mga ito, sa ating panig ng wawa, na sa kasalukuyan ay nag-aayusan ng kanilang balahibo. Tinutuka-tuka ng bawat ibon ang tagiliran ng itaas na bahagi ng dibdib nito sa pamamagitan ng makitid at patikwas na tuka nito. Nakatutuwa itong pagmasdan, subalit kailangan naming magpatuloy, yamang marami pang dapat na makita.
Ang Pagtaas ng Tubig
Mabilis na ngayon ang pagtaas ng tubig, kaya agad kaming nagtungo sa napili naming lugar na panonooran. (Tingnan ang larawan, lugar B.) Sa daan isang ibong redshank—na sumusunod sa reputasyon nito bilang bantay sa wawa—ang lumipad mula sa lupang inaapawan kapag lumalaki ang tubig, na may pumapalahaw na nagbababalang huni na, “tuhuhu-tuhuhu!” Kitang-kita ang kulay pulang mga binti nito mula sa puting-puting gilid sa dulo ng mga pakpak nito na kumikinang sa sinag ng araw. Nang makarating kami sa aming patutunguhan, agad naming sinuri ang mabilis na lumulubog na mga latian ng buhangin at putik.
Sa malayu-layo ay walang katinag-tinag na nanginginain ang maraming redshank, na naghahanap-hanap sa putikan, samantalang ang iba naman ay naghahanap ng pagkain sa mas nakakubling sapa. Ang mga ibong dunlin naman, na kilala sa kanilang tuka na papasok ang pagkakabaluktot, ay magkakasama, sa maliliit na grupo. Sa kalat-kalat na hanay ay nagmamadali ang mga ito sa paglalakad samantalang patuka-tuka sa putikan, na palaging nasa gilid ng tubig. Ang nakapangalat na mga ibong curlew ay marahang naglalakad, habang maingat na naghahanap sa malambot at madulas na burak. Sa gawi pa roon sa paitaas ng ilog, naghahanap naman ng pagkain ang dalawang ibong turnstone sa pamamagitan ng kanilang maikli, bahagyang nakatikwas na tuka na siyang ipinambubungkal sa mga natira sa gilid ng pinagtaasan ng tubig sa dating pampang ng dagat.
Walang anu-ano, umalingawngaw sa kapaligiran ang maingay, sabik na sabik, at may tatlong pantig na huning “tlee-oo-ee” ng ibong gray plover. Habang ito’y lumilipad sa itaas, kitang-kita ang itim na kilikili ng ibon na nasa mapusyaw na bahagi ng tagiliran nito. Ang apat na raang ibong golden plover, na magkakadikit sa isang biluhabang ayos, ay nagpapahinga na nakasuksok ang ulo sa ilalim ng pakpak, na nakaharap lahat sa hangin. Paminsan-minsa’y nagkakaroon ng pagtatalo ang ilan sa mga ito habang tinitiyak ang kaayusan sa pagtuka. Ang karamihan ay mayroon pa ring kalat-kalat na balahibo ng taglamig—na may ginintuan at matingkad na kulay sa dibdib; may mapusyaw na kulay sa palibot ng mata, mukha, at sa tagiliran sa ilalim ng katawan; at isang itim na tuka. Habang pinipihit-pihit namin ang teleskopyo, namataan din namin ang mga ibong ringed plover.
Biglang dumating ang napakalaking kawan ng halos 1,000 ibong lapwing. Dumating ang mga ibon na masayang-masaya, pumapagakpak sa kaitaasan sa natatangi nilang paraan. Ang mga ibong lapwing at golden plover ay nanggaling sa nasasakahang lugar sa kanluran, ang mas gusto nilang lugar na pinanginginainan. Sila’y pumupunta sa wawa hindi lamang upang manginain kundi upang maligo at mag-ayos ng kanilang mga balahibo.
Ang nangingibabaw na ingay na maririnig sa kapaligiran ay mula sa gumagaralgal na huni ng mga curlew, ang mas masayang musikal na sipol ng mga redshank, at ang pagputak ng mga golondrinang itim ang ulo. Ang dalawang ibong bar-tailed godwit ay naghahanap nang husto sa putikan. Sa pamamagitan ng makapal na tuka nito na kulay mamula-mulang kahel, nakakakuha ng mga lugworm ang ilang ibong oystercatcher. Ang nag-iisang gray plover ay maringal na humahakbang nang kaunti, humihinto, ipinapagpag ang kanang paa, pagkatapos ay tinutugis ang sinisila nito, at nilululon ito. Subalit inaabutan silang lahat ng dumarating na paglaki ng tubig!
Nagsisimula ang Pagmamadali
Karaka-raka, ang mga ibon ay nagliliparan para magpangkat-pangkat, ayon sa kani-kanilang mga uri. Ito’y isang kahanga-hangang tanawin, sapagkat ang mga wader ay sama-samang lumilipad sa ayos. Habang kumikiling ang mga ito sa kaliwa’t kanan, nag-iiba ang kulay ng mga kawan kapag tinatamaan ng sinag ng araw ang mga ito—mula sa matingkad na kulay kape tungo sa nagniningning na puting-pilak—na sa isang saglit ay kitang-kita ito at sa susunod naman, ay halos mapasama sa putikang tanawin ng dumarating na paglaki ng tubig. Matingkad na kulay na nagiging kulay pilak, kulay pilak na nagiging matingkad na kulay, sa eksaktong ritmo at, kasabay nito, patuloy na nagbabago ang hugis—mula sa bahagyang biluhaba hanggang sa pabilog na hugis, pagkatapos ay sa paikot na hugis, at sa wakas ay sa paitaas na linya. Ang karamihan ay lumalapag sa mga latian ng putik na hindi pa natatabunan ng tubig.
Hindi magtatagal, ang latian ng putik at buhangin sa palibot namin ay aapawan ng tubig, kaya nagmamadali kaming paitaas sa ilog, kasama ng patuloy na paglipad ng mga wader. Ang naunang lumusot sa amin ay ang maliit na kawan ng munting mga dunlin, na napakabilis ng pagkampay ng mga pakpak, na pinananatili ang ugnayan ng paminsan-minsang maikli at matinis na paghuni ng mga ito. Pagkatapos, lumampas naman ang mas malaking mga redshank, na ang kawan ay mas nakapangalat at napakaringal. Sumibad naman ang mga curlew na kasinlaki ng golondrina, na tila nagpaplawta ng kanilang malambing, gumagaralgal at malamig na huni habang ang mga ito’y lumilipad. Sumunod naman ang mga avocet sa isang malaking kawan, na kitang-kita ang pagkakaiba ng itim at puting kulay sa bughaw na kalangitan. Lumapag ang mga ito sa tuktok ng wawa, samantalang ang kanilang mahabang abuhing bughaw na mga binti ay nakikita naman sa tubig.
Ang Paghapon
Nagmamadali kami sa paglalakad upang maabutan ang mataas na lugar kung saan pakipot ang wawa. (Tingnan ang larawan, lugar C.) Ang iba’t ibang uri ng ibon ay may hilig na magpangkat-pangkat, bagaman maliwanag na ito’y hindi isang alituntunin. Habang patuloy na tumataas nang mabilis ang tubig, mas maraming ibon ang sumasama sa karamihan. Ito ang sanhi ng patuloy na pagsasalitan yamang mas mahirap makasumpong ng matatayuang lugar sa mga pampang, na nagsisikip sa pagdating ng mga nahuhuli.
Inabutan na kami ng paglaki ng tubig. Ang mga lapwing at golden plover ay lumipad nang pabalik sa nasasakahang lupa. Ang lahat ng natitirang ibon ay napilitang umalis sa putikan upang dumapo sa dati nang mga pampang ng ilog. Ang patuloy na paghuni ng oystercatcher ay napakalakas kung ihahambing sa dami nila. Nakaragdag pa sa kaguluhan sa paligid ang mga redshank at curlew, na ngayo’y pinangingibabawan ng pag-aawitan ng skylark sa kaitaasan—isang tunay na kahanga-hangang kapaligiran.
Umalis na kami habang nasisiyahan ang mga wader sa pinakaaasam-asam na paghapon ng mga ito, na pinagmamasdan ang paglaki ng tubig. Sa kabila ng bagay na ang ilan ay nasa likod ng pader ng dagat at hindi nakikita ang tubig, alam ng mga ibon kung kailan babalik sa kanilang latian ng putik o mabuhanging dalampasigan. Palibhasa’y ganap na tagapag-ingat ng oras, likas na matalino, alam nila ang kilos ng tubig.
Oo, nakatutuwang panoorin ang pagmamadali sa paglaki ng tubig, lalo na sa kauna-unahang pagkakataon!
[Mga talababa]
a Sa Estados Unidos at Canada, ang mga ibong wader (uring Charadriiformes) ay mas kilala bilang mga shorebird (ibong dalampasigan).
b Lupa na laging inaapawan sa pagkilos ng tubig.
[Kahon/Larawan sa pahina 26]
Masiyahan sa Pagmamadali
Upang masiyahan sa pagmamadali kapag lumalaki ang tubig, humanap muna ng isang kombinyenteng lugar sa wawa. Kailangan mong malaman kung gayon ang ilang impormasyon tungkol sa lugar, gaya ng kung saan nagpupunta ang mga wader at kung saan mapanonood ang mga ito. Tingnan sa talaan ng kilos ng tubig kung kailan nagaganap ang paglaki ng tubig pagkatapos na pagkatapos ng kabilugan o bagong buwan. Karagdagan pa sa oras ng paglalakbay, magpalugit ng tatlong oras para mapanood na mabuti ang mga ibon, at dumating nang di-kukulangin sa dalawang oras bago lumaki ang tubig.
Anong kagamitan ang kakailanganin mo? Kung hindi mo kilala ang mga wader, magdala ng aklat na makatutulong upang makilala ang mga ito. Ang largabista ay makatutulong din nang malaki. Malalaman mo rin na ang bawat uri ng wader ay may kani-kaniyang katangian at tumutuka ng pagkain sa paraang ayon sa pagkalikha ng mga tuka nito. Hindi naman kinakailangan ang teleskopyo—subalit ang damit na nakapagpapainit at hindi tinatagos ng tubig ay kailangan! Maging maingat sa mga panganib. Huwag basta maglakad sa latian ng putik maliban kung kabisado mo ito. Napakadaling abutan ng napakabilis na pagtaas ng tubig. Isa pa, madaling mawala kapag inabot ka ng ambon sa dagat. Isaalang-alang din ang hangin. Ang unos ay maaaring maging sanhi ng pagdaluyong ng tubig, na totoong napakapanganib sa anumang wawa.
[Kahon/Larawan sa pahina 27]
Ang Malalaking Wawa sa Daigdig
Ang Wadden Zee, sa Netherlands, ang pinakamalawak na lugar sa Europa kung saan kumakati at lumalaki ang tubig at kung minsa’y kinaroroonan ng mahigit na apat na milyong wader. Ito’y humahangga mula sa dakong hilaga hanggang sa timog-kanluran ng Jutland. Ang tatlong magagandang lugar upang madalaw ang napakalawak na lugar na ito ay sa lansangang patungong Rømø, sa Denmark; ang wawa ng Weser River, isang napakalaking lugar na pinamumugaran kapag tumataas ang tubig, sa Alemanya; at ang Lauwers Zee malapit sa Groningen, sa Netherlands. Sa Iberian Peninsula, ang pinakakilalang wawa ay ang Tagus River ng Portugal.
Ang mga wawa sa kahabaan ng dalampasigan ng Pasipiko sa Hilaga at Timog Amerika ay naglalaan ng pagkain sa halos anim hanggang walong milyong nandarayuhang wader. Kabilang sa malalaking lugar ay ang dalampasigan ng San Francisco at Humboldt, sa California; ang 200 kilometro kudrado sa Canada mula sa Boundary Bay ng Vancouver sa palibot ng Iona Island, British Columbia; at ang wawa ng Stikine at delta ng Copper River sa Alaska.
Ang magagandang lugar para sa mga wader ay masusumpungan din sa Bolivar Flat at Galveston, sa Texas, E.U.A.; sa Tai-Po, sa Hong Kong; sa Cairns, sa hilagang-silangan ng Australia; at malapit sa Mombasa, Kenya.
[Larawan sa pahina 24]
Limang oystercatcher
[Larawan sa pahina 25]
Ang mga ibong knot na nagmamadali mula sa kanilang pinamumugaran
[Larawan sa pahina 25]
WAWA NG ALDE, SUFFOLK
Snape Maltings Concert Hall
Lugar na panooran B
Lugar na tanawan C
Unang lugar na panooran A
[Credit Line]
Snape Maltings Riverside Centre
[Larawan sa pahina 26]
Knot
[Larawan sa pahina 26]
Redshank
Curlew
[Larawan sa pahina 27]
Itaas: Mga Curlew