Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 4/22 p. 20-23
  • Ngayon ay Natutuwa Akong Ako’y Buháy!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ngayon ay Natutuwa Akong Ako’y Buháy!
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagnanais Para sa Mas Mabuting Bagay
  • Minsan Pa’y Nais Kong Mamatay
  • Pagharap sa Krisis
  • Ginipit Upang Magpasalin ng Dugo
  • Operasyon​—Isang Tagumpay
  • Tulong Mula sa Ating Kapatiran
  • Pinalakas ng Isang Tiyak na Pag-asa
  • Hindi mga Mahiko ni mga Diyos
    Gumising!—1994
  • Pagharap sa Isang Medikal na Kagipitan
    Gumising!—1996
  • Kapag Mahirap ang Buhay
    Gumising!—1994
  • Isang Bala na Nagpabago sa Aking Buhay
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 4/22 p. 20-23

Ngayon ay Natutuwa Akong Ako’y Buháy!

“Batid mo na mamamatay ka, di ba?” tanong ng doktor. Balintuna nga, dalawang beses bago nito, naisip kong mabuti pang mamatay. Ngunit hindi gayon sa pagkakataong ito. Hayaan mong ipaliwanag ko.

AKO’Y lumaki sa Long Island, New York, isang lugar sa labas ng lunsod, kung saan ang aking ama ay isang kilalang karerista ng kotse. Siya’y perpeksiyonista na nabubuhay sa kompetisyon. Siya rin ay sumpungin at napakahirap palugdan. Si Inay naman, sa kabilang panig, ay mas mapayapa, tahimik na tao, na takot na takot sa pangangarera ni Itay anupat hindi niya kayang panoorin siya na nakikipagkarera.

Natutuhan naming magkapatid sa maagang gulang na maging tahimik sa bahay, isang bagay na nakaugalian nang gawin ni Inay. Subalit hindi ito madali. Lahat kami’y takot kay Itay. Nakaapekto ito sa akin sa bagay na nadama kong kailanma’y wala akong magawang tama. Bumaba pa nga ang aking paggalang-sa-sarili nang, katutuntong ko pa lamang sa pagiging tin-edyer, ako’y seksuwal na minolestiya ng isang “kaibigan” ng pamilya. Palibhasa’y hindi ko nakayanan ang aking mga damdamin, nagtangka akong magpakamatay. Iyan ang unang pagkakataon na naisip kong mabuti pang mamatay.

Para bang ako’y walang halaga at walang nagmamahal sa akin at nagkaroon ako ng sakit na nauugnay sa pagkain na karaniwan sa mga kabataang babae na may mababang paggalang-sa-sarili. Ang buhay ko’y uminog sa paghahanap ng katuwaan, pag-abuso sa droga, pakikiapid, at mga pagpapalaglag. Nakahiligan ko ang pagmomotorsiklo, pangangarera ng kotse, at scuba diving, at paminsan-minsan’y nagpupunta ako sa Las Vegas para magsugal. Humihingi rin ako ng payo sa isang manghuhula at gumamit ako ng Ouija board para sa katuwaan, na hindi natatalos ang mga panganib ng espiritismo.​—Deuteronomio 18:10-12.

Bukod pa riyan, ang paghahangad ng katuwaan ay humantong sa pagkasangkot sa ilegal na mga gawain na gaya ng pagbebenta ng droga at pangungupit sa tindahan. Ang paghahanap ko ng pag-ibig at pagsang-ayon ay nagbunga rin ng pagkakaroon ng maraming nobyo at mga katipan. Lahat ng salik na ito ay nagsama-sama upang lumikha ng isang istilo ng buhay na lubhang mapanganib kaysa natatalos ko.

Isang gabi, pagkatapos uminom ng alak at droga sa gilid ng karerahan ng kotse, may kamangmangang hinayaan ko ang aking nobyo na siyang magmaneho at iuwi ako sa bahay. Pagkatapos kong mawalan ng malay sa upuan sa harap, nawalan din siya ng malay. Nagulantang na lamang ako dahil sa lakas ng pagbangga. Ako’y naospital na maraming pinsala, ngunit sa wakas ako’y gumaling na mayroon lamang pinsala sa kanang tuhod.

Pagnanais Para sa Mas Mabuting Bagay

Bagaman wala akong gaanong pagpapahalaga sa aking sariling buhay, lubha akong nababahala sa kaligtasan at mga karapatan ng bata at mga hayop at tungkol sa pangangalaga sa kapaligiran. Nananabik akong makita ang isang mas mabuting daigdig at, sa pagsisikap na makatulong sa paglikha ng gayong daigdig, aktibo ako sa maraming organisasyon. Ang pagnanais na ito para sa mas mabuting daigdig ang sa simula’y siyang nakaakit sa akin sa mga bagay na sinasabi ng isang katrabaho ko na isa sa mga Saksi ni Jehova. Lagi niyang binabanggit ang “sistemang ito” sa nakasisiphayong paraan kailanma’t hindi mabuti ang mga bagay-bagay sa trabaho. Nang tanungin ko siya kung ano ang ibig niyang sabihin, ipinaliwanag niya na balang araw sa malapit na hinaharap ay mawawala na ang lahat ng kabalisahan sa buhay. Yamang mataas ang aking paggalang sa kaniya, nakinig ako taglay ang malaking interes.

Nakalulungkot nga, hindi na kami nagkita, subalit hinding-hindi ko nalimutan ang mga bagay na sinabi niya. Natanto ko na balang araw ay kakailanganin kong gumawa ng malaking pagbabago sa aking istilo ng buhay upang maging kalugud-lugod sa Diyos. Ngunit hindi pa ako handa. Gayunman, sinasabi ko sa mga napipisil kong mapangasawa na balang araw ako’y magiging isang Saksi at kung ayaw nila iyon, ngayon na ang panahon para magkasira.

Bunga nito, gustong malaman ng aking huling nobyo ang higit pa, anupat sinasabi niyang kung ako’y interesado, baka maging interesado rin siya. Kaya hinanap namin ang mga Saksi. Sa halip, nasumpungan nila kami nang sila’y dumalaw sa aking bahay. Isang pag-aaral sa Bibliya ang nasimulan, subalit sa wakas, pinili ng aking nobyo na huminto sa pag-aaral at nagbalik sa kaniyang asawa.

Ang pag-aaral ko sa Bibliya ay malimit na hindi regular. Nangailangan ng panahon upang mapahalagahan ko ang pangmalas ni Jehova tungkol sa kabanalan ng buhay. Gayunman, minsang nabago ko ang aking pag-iisip, nakita ko ang pangangailangan na ikansela ang paglalakbay para mag-skydiving at ihinto ang paninigarilyo. Habang ang buhay ay nagiging lalong mahalaga sa akin, handa na akong isaayos ang aking buhay at huwag nang isapanganib ito. Noong Oktubre 18, 1985, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Wala akong kamalay-malay na di-magtatagal ay manganganib ang aking buhay.

Minsan Pa’y Nais Kong Mamatay

Pagkalipas ng ilang buwan​—noong gabi ng Marso 22, 1986​—nasa harap ako ng aking bahay at inilalabas ko ang mga nilabhan sa aking kotse, nang ako’y mahagip ng isang rumaragasang kotse at kaladkarin ako ng mahigit na tatlumpung metro! Biktima ako ng isang aksidenteng hit-and-run. Bagaman ako’y nagkaroon ng mga pinsala sa ulo, hindi ako nawalan ng malay.

Nakadapa sa gitna ng isang madilim na daan, naiisip ko lamang ang malaking takot na masagasaang muli. Napakatindi ng kirot, higit kaysa mababata ko. Kaya patuloy akong nanalangin kay Jehova na hayaan na akong mamatay. (Job 14:13) Isang babae ang lumitaw na nagkataon namang isang nars. Hiniling ko sa kaniya na ayusin ang posisyon ng aking mga paa, yamang ito’y napilipit. Gayon nga ang ginawa niya, at gumawa rin siya ng isang tourniquet mula sa bahagi ng kaniyang damit, upang huminto ang pagdurugo dahil sa mga bali sa isang paa. Ang aking mga bota ay nasumpungan na isang bloke ang layo, na puno ng dugo!

Palibhasa’y hindi talos na ako ang taong naglalakad, lagi akong tinatanong ng mga nagdaraan kung nasaan ang aking kotse. Dahil sa hindi ko alam kung gaano ako kalayo nakaladkad, akala ko’y nasa tabi ko lang ito! Nang dumating ang mga paramedik, akala nila’y mamamatay na ako. Kaya tinawag nila ang mga detektib na pulis, yamang ang omisidyo sa pamamagitan ng sasakyan ay maaaring maging isang krimen. Ang tsuper sa wakas ay nadakip. Nilagyan nila ng tali ang lugar bilang ang pinangyarihan ng krimen at sinamsam ang aking kotse bilang ebidensiya. Ang dalawang pinto sa isang panig ng aking kotse ay nawasak.

Pagharap sa Krisis

Samantala, pagdating ko sa lokal na trauma center, paulit-ulit kong sinasabi, kahit na may maskara ako ng oksiheno: “Walang dugo, walang dugo. Isa ako sa mga Saksi ni Jehova!” Ang huling bagay na natatandaan ko ay ang naramdaman kong malaking gunting sa aking likod habang ginugupit ng mga nars ang aking damit at ang pagkarinig sa pangkat sa trauma na gulung-gulo sa pag-uutos.

Nang magising ako, labis ang aking pagtataka na ako’y buháy. Nagkakamalay ako at pagkatapos ay nawawalan ng malay. Tuwing nagigising ako, hinihiling ko sa aking pamilya na hanapin ang mag-asawang nakipag-aral sa akin ng Bibliya. Hindi natutuwa ang pamilya ko na ako’y naging isang Saksi, kaya madali nilang “nakalimutan” na ipagbigay-alam ito sa kanila. Subalit nagpumilit ako​—ito ang unang bagay na itinatanong ko tuwing didilat ang aking mga mata. Sa wakas, nagbunga rin ang aking pagtitiyaga, at isang araw nang magising ako, naroon ang mag-asawang Saksi. Anong laking ginhawa! Nalalaman ng bayan ni Jehova kung nasaan ako.

Subalit, sandali lamang ang aking kagalakan, sapagkat bumaba ang bilang ng aking dugo at ako’y inaapoy ng lagnat. Ang mga butong pinaghihinalaang sanhi ng impeksiyon ay inalis, at apat na bakal ang inilagay sa aking paa. Subalit di-nagtagal ay bumalik ang mataas na lagnat, at ang aking paa ay nangitim. Nagkaroon ng ganggrena, at ang kaligtasan ay depende sa pagputol ng paa.

Ginipit Upang Magpasalin ng Dugo

Yamang bumaba nang husto ang bilang ng aking dugo, imposible na operahan ako nang walang pagsasalin ng dugo. Ang mga doktor, nars, miyembro ng pamilya, at dating mga kaibigan ay tinawag upang gipitin ako. Pagkatapos, nagkaroon ng bulung-bulungan sa aking silid. Naulinigan ko na may binabalak ang mga doktor, subalit hindi ko maunawaan kung ano ito. Mabuti na lang, naulinigan ng isang Saksing dumadalaw nang panahong iyon ang balak ng mga doktor na sapilitan akong salinan ng dugo. Agad niyang pinuntahan ang lokal na Kristiyanong matatanda, na tumulong sa akin.

Isang saykayatris ang inupahan upang tasahin ang kalagayan ng isip ko. Ang maliwanag na layunin ay ipahayag na ako’y walang-kakayahan at sa gayo’y pawalang-bisa ang aking mga kahilingan. Nabigo ang planong ito. Pagkatapos, isang miyembro ng klero, na tumanggap mismo ng pagsasalin ng dugo, ay dinala upang kumbinsihin ako na puwedeng magpasalin ng dugo. Sa wakas, ang pamilya ko ay kumuha ng utos mula sa hukuman upang sapilitan akong salinan ng dugo.

Nang bandang alas dos ng madaling-araw, isang pangkat ng mga doktor, isang takigrapo ng korte, isang bailiff, mga abogadong kumakatawan sa ospital, at isang hukom ang pumasok sa aking silid sa ospital. Nagsimula na ang sesyon sa korte. Wala akong patiunang abiso, walang Bibliya, walang abogado, at marami akong nainom na gamot para sa kirot. Ang kinalabasan ng sesyon? Ipinagkait ng hukom ang utos ng hukuman, na sinasabing siya’y lalong humanga sa integridad ng mga Saksi ni Jehova kaysa dati.

Isang ospital sa Camden, New Jersey, ang sumang-ayon na hawakan ang aking kaso. Yamang galit na galit ang administrasyon ng ospital sa New York, ipinagkait nila sa akin ang lahat ng paggamot, pati na ang mga pamatay-kirot. Ayaw rin nilang pumayag na lumapag ang helikopter na magdadala sa akin sa ospital sa New Jersey. Mabuti na lang, nakaligtas ako na sakay ng ambulansiya mula roon. Sa aming pagdating, narinig ko ang mga salitang nabanggit sa simula ng salaysay na ito: “Batid mong ikaw ay mamamatay, di ba?”

Operasyon​—Isang Tagumpay

Napakahina ko anupat kailangan pang tulungan ako ng isang nars upang isulat ko ang X sa pormularyo ng pagsang-ayon upang magbigay ng pahintulot para sa operasyon. Kailangang putulin ang aking kanang paa sa itaas ng tuhod. Pagkatapos, ang bilang ng aking hemoglobin ay bumaba ng mababa pa sa 2, at nagsuspetsa ang mga doktor ng matinding pinsala sa utak. Ito’y dahil sa hindi ako tumutugon nang ibulong nila sa aking tainga, “Virginia, Virginia”​—ang pangalan na nasa mga papeles ko nang ako’y pumasok sa ospital. Subalit nang marinig ko ang, “Ginger, Ginger,” na marahang ibinulong sa akin nang dakong huli, idinilat ko ang aking mga mata at nakita ko ang isang lalaking hindi ko pa kailanman nakita noon.

Si Bill Turpin ay mula sa isa sa mga lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa New Jersey. Nalaman niya ang palayaw kong Ginger​—na siyang tawag sa akin sa buong buhay ko​—mula sa mga Saksi sa New York. Gumawa siya ng mga tanong na masasagot ko sa pamamagitan ng pagkurap, yamang ako’y nasa respirator at hindi ako makapagsalita. “Gusto mo bang patuloy kitang dalawin,” ang tanong niya, “at ibalita sa mga Saksi sa New York ang tungkol sa iyo?” Gayon na lamang ang dalas ng aking pagkurap! Si Brother Turpin ay naglakas-loob na pumasok nang palihim sa silid ko, yamang ipinag-utos ng aking pamilya na huwag magpapapasok ng bisitang Saksi.

Pagkaraang maospital ng anim na buwan, ang nagagawa ko lamang ay ang mahalagang araw-araw na mga gawain, gaya ng pagpapakain sa aking sarili at pagsisipilyo ng ngipin. Sa wakas, nakabitan ako ng artipisyal na paa at nakalalakad-lakad ako nang kaunti sa tulong ng isang walker. Nang lumabas ako ng ospital noong Setyembre 1986 at nagbalik sa aking apartment, sa loob ng mga anim na buwan o mahigit pa, isang nars ang kasama ko sa bahay upang tumulong sa akin.

Tulong Mula sa Ating Kapatiran

Kahit na bago pa umuwi ng bahay, talagang napahalagahan ko ang kahulugan ng pagiging bahagi ng Kristiyanong kapatiran. (Marcos 10:29, 30) Maibiging inasikaso ng mga kapatid hindi lamang ang aking pisikal na mga pangangailangan kundi ang aking espirituwal na mga pangangailangan din naman. Dahil sa kanilang maibiging tulong, ako’y nakadalong muli sa pulong Kristiyano at, nang maglaon, ay nakabahagi pa nga ako sa paglilingkod na tinatawag na pag-a-auxiliary pioneer.

Ang demanda laban sa tsuper ng kotse, na karaniwang inaabot ng di-kukulangin sa limang taon para sa mga pagdinig sa hukuman, ay nalutas sa loob ng ilang buwan​—na ikinagulat ng aking abogado. Dahil sa nalikom mula sa kabayaran, ako’y nakalipat sa isang bahay na madaling marating. Bukod pa riyan, bumili ako ng isang sasakyan na may kagamitan upang buhatin ang silyang de gulong at mga kontrol para sa kamay. Kaya, noong 1988, pumasok ako sa ranggo ng regular pioneer, na nag-uukol ng di-kukulanging 1,000 oras sa gawaing pangangaral sa isang taon. Sa nakalipas na mga taon, nasiyahan ako sa paggawa sa mga teritoryo sa mga estado ng North Dakota, Alabama, at Kentucky. Nakapagtala ako ng mahigit na 150,000 kilometro sa aking sasakyan, ang karamihan dito ay sa ministeryong Kristiyano.

Nagkaroon ako ng maraming nakatatawang karanasan sa paggamit ng aking tatlong-gulong na iskuter. Makalawang ulit akong bumaligtad samantalang gumagawang kasama ng mga asawa ng mga naglalakbay na tagapangasiwa. Minsan, sa Alabama, may kamaliang inakala kong matatalon ko ang isang maliit na sapa na kasama ang iskuter at bumagsak ako sa lupa, na punung-puno ng putik. Gayunman, ang pagpapanatiling mapagpatawa at hindi pagiging masyadong seryoso ay nakatulong sa akin na panatilihin ang isang positibong saloobin.

Pinalakas ng Isang Tiyak na Pag-asa

Kung minsan ang mga problema sa kalusugan ay halos nakapanlulumo. Kailangan kong huminto sa pagpapayunir sa dalawang pagkakataon mga ilang taon na ang nakalipas sapagkat wari bang ang aking kabilang paa ay baka kailanganing putulin. Madalas ngayon ang banta na mawala ko ang aking paa, at sa nakalipas na limang taon, ako’y lubusang napirme sa isang silyang de gulong. Noong 1994, nabali ang aking kamay. Kailangan ko ang tulong sa paliligo, pagbibihis, pagluluto, at paglilinis at kailangan ko ang transportasyon saanman. Gayunman, dahil sa tulong ng mga kapatid, nagagawa kong magpatuloy sa pagpapayunir sa kabila ng balakid na ito.

Sa buong buhay ko ay hinangad ko kung ano sa wari’y mga katuwaan, ngunit ngayon ay talos ko na malapit na ang pinakakapana-panabik na panahon. Ang aking pananalig na pagagalingin ng Diyos ang lahat ng kasalukuyang mga karamdaman sa kaniyang mabilis na dumarating na bagong sanlibutan ay nagpapaligaya sa akin na ako’y buháy ngayon. (Isaias 35:4-6) Sa bagong sanlibutang iyon, inaasam-asam kong lumangoy na kasama ng mga balyena at lampasot, galugarin ang kabundukan na kasama ng leon at ng kaniyang mga kuting, at basta maglakad sa dalampasigan. Nakalulugod isipin ang paggawa ng lahat ng bagay na nilalang ng Diyos upang ating tamasahin sa Paraisong iyon sa lupa.​—Gaya ng inilahad ni Ginger Klauss.

[Larawan sa pahina 21]

Nang ang pagsusugal ay bahagi pa ng aking buhay

[Larawan sa pahina 23]

Pinalakas ako ng mga pangako ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share