Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 5/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ipinaliwanag ng Kardinal ang Sinabi ng Papa
  • Payo Para sa Papa
  • Mga Katuwaan na Pumapatay
  • Muling Dinalaw ang Sinaunang Alexandria
  • Kailan Nagsisimula ang Milenyo?
  • Hindi Kaayaayang Ulat
  • Paghahanap sa Malinis na Antartiko
  • Nahigitan ng mga Loterya ang mga Simbahan
  • Hindi Para sa mga Lamok
  • Kailan Magsisimula ang Ikatlong Milenyo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Alejandria
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Napakaaga ba o Napakahuli?
    Gumising!—1999
  • Nabuhay-Muli ang Aklatan ng Alejandria
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 5/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Ipinaliwanag ng Kardinal ang Sinabi ng Papa

Karagdagan pa sa sinabi ni Papa John Paul na ang teoriya ng ebolusyon ay “higit pa sa haka-haka lamang,” sinabi ni Kardinal O’Connor ng New York na sina Adan at Eva ay maaaring “ibang anyo” lamang, hindi lalaki at babae. Gaya ng iniulat sa Daily News ng New York, sinabi ni O’Connor: ‘ang Simbahang Katoliko ay nananatiling bukas sa makasiyentipikong pagsusuri, at iyan ay totoo sa kaso ng biyolohikal na ebolusyon.’ Sa isang sermon na ibinigay sa St. Patrick’s Cathedral, ganito ang sinabi ng kardinal: “Posible ba na nang lalangin ang dalawang tao na tinatawag nating Adan at Eva, ito’y nasa ibang anyo lamang, at hiningahan sila ng Diyos ng buhay, hiningahan sila ng kaluluwa​—iyan ay isang makasiyentipikong katanungan.” Isang ulong balita sa konserbatibong pahayagan ng Italya na Il Giornale ang tuwirang nagsabi: “Sinabi ng Papa na Maaaring Nagmula Tayo sa mga Unggoy.”

Payo Para sa Papa

Ang peryodistang Italyanong Katoliko na si Vittorio Messori ay naniniwala na ang mga miyembro ng herarkiya ng makabagong Simbahang Katoliko ay masyadong masalita. Iminungkahi niya sa kanila na ‘gawing simple at paikliin’ ang kanilang mga mensahe. Sa isang panayam na iniulat ng Katolikong news agency na Adista, kaniyang sinabi: “Isinisiwalat ng mabilisang pagtaya na ang simbahan sa lahat ng antas ay mas maraming sinabi sa nakalipas na 20 taon kaysa naunang 20 dantaon. Mientras mas masalita ang isa, mas lalong hindi siya pinakikinggan. Iminungkahi ko ang pitong-taóng pamamahinga na sa panahong ito ay dapat na tumahimik ang simbahan, mula sa pangalawang pari ng parokya hanggang sa Papa. . . . Ang lahat ng pagkarami-raming talumpating ito at ensiklistang sulat . . . ay binabasa ko, subalit gaano karaming iba pang nakababasa? Dapat tayong magsakripisyo na ibalik ang kaugalian ng mga papa sa nakaraang ilang dekada. Tatlo lamang ang pinakamaraming nagagawa nilang ensiklista.”

Mga Katuwaan na Pumapatay

Ang bungee jumping, pag-akyat sa bundok na walang gamit, skydiving, base jumping​—mapanganib na mga isport​—ay nauuso sa Pransiya. Tinanong ng pahayagang Le Monde sa Paris ang ilang dalubhasa kung bakit nagiging popular ang mapanganib na mga isport sa Pransiya. Sinabi ni Alain Loret, direktor ng study center sa mga pagpapasulong sa isport, na ang isang dahilan ay na ang tradisyonal na isport, kalakip na ang may kahilingang alituntunin nito, disiplina, at pagsasanay, ay hindi na bumabagay sa mga alituntunin sa asal ng mga kabataan sa ngayon, na higit na nagpapahalaga sa kalayaan at kasiyahan kaysa pangangailangan para sa disiplina. Ayon sa Pranses na sosyologong si David Le Breton, “ang lumalagong kausuhan ng mapanganib na isport ay pagpapabanaag ng krisis sa pamantayang moral. Ang totoo, hindi na talaga natin alam kung para sa ano pa tayo nabubuhay. Hindi sa atin sinasabi ng lipunan na mahalaga ang buhay. Kaya, ang paghahanap ng katuwaan . . . ay mauunawaan na isang paraan upang bigyan ng kahulugan ang buhay.” Gayunman, parami nang paraming kabataan ang nagsasapanganib ng kanilang mga buhay at naiwawala ito.

Muling Dinalaw ang Sinaunang Alexandria

Una, ipinahayag ng mga arkeologo ang pagkatuklas sa Pharos, isang parola na 2,200 taon na ang tanda, isa sa pitong kababalaghan ng sinaunang daigdig, sa katubigan ng Alexandria, Ehipto. Ngayon ay sinasabi nila na kanilang natuklasan ang “labi ng sinaunang korte ng Alexandria sa ilalim ng halos anim na metro [20 talampakan] ng tubig sa silangang bahagi ng sinaunang daungan ng Alexandria,” ang sabi ng The Vancouver Sun. Ayon sa Pranses na arkeologo sa tubig na si Franck Goddio, ang lugar ay nagtataglay ng mga labi ng bahay at templo ni Mark Antony at ng palasyo ni Cleopatra, kasali na ang banga ng alak, mga haliging granito, patag na mga lansangan, at iba pang labi ng sinaunang lunsod. Natuklasan ng mga mananaliksik ang “isang magandang daungan na protektado ng isang mahabang piyer na maganda pa rin ang kondisyon pagkalipas ng 2,000 taon, subalit nasa ilalim ng tubig,” ang sabi ni Goddio. Pinanganlan ang Alexandria kay Alejandrong Dakila, na nang kaniyang makita ang maringal na daungan noong 332 B.C.E ay nagpasiyang iyon ang maging lugar ng lunsod. Iyon ang naging sentro ng kultura at negosyo na naging karibal ng Atenas at Roma. Doon matatagpuan ang kilalang aklatan ng Alexandria. Subalit noong Edad Medya, ang kalakhang bahagi ng sinaunang lunsod ay naglaho na, nasira ng mga lindol at sunog at nilamon ng dagat.

Kailan Nagsisimula ang Milenyo?

Sa pagsapit ng hatinggabi, sa Disyembre 31, 1999, ipagdiriwang ng maraming tao sa palibot ng globo ang pasimula ng bagong milenyo, at ang mga plano para sa marangyang mga parti ay nagawa na. Subalit bagaman “natural para sa isang taon na may gayong buong numero” na ipagdiwang, sabi ng isang pahayag mula sa Royal Greenwich Observatory, sa Cambridge, Inglatera, “sa tumpak na pananalita, ating ipagdiriwang ang ika-2,000 taon, o ang huling taon ng milenyo, hindi ang pasimula ng bagong milenyo.” Ang kalituhan ay bumangon sa pagbabago mula sa B.C.E. tungo sa C.E. na tiniyak ni Bede, isang mananalaysay at teologo noong ikapitong siglo, na nagsikap na petsahan ang mga pangyayari ayon sa pagsilang ni Jesus. Hindi inilakip ang taóng zero, kaya ang panahon sa pagitan ng unang araw ng 1 B.C.E. at ng unang araw ng 1 C.E. ay isang taon lamang. Kaya, ang unang milenyo ay nagpasimula sa unang araw ng 1 C.E. at natapos sa huling araw ng 1000 C.E. Ang ikalawang milenyo ay nagpasimula noong Enero 1, 1001. “Kaya maliwanag na ang pasimula ng bagong milenyo ay sa ika-1 ng Enero 2001,” ang sabi ng mga mananaliksik. Sa anumang kalagayan, ang mga pagdiriwang ay ibabatay lamang sa kalendaryong Gregorian at hindi sa aktuwal na pagsilang ni Jesus, na ngayo’y alam na isinilang ng panahong mas maaga rito.

Hindi Kaayaayang Ulat

“Ang Estados Unidos ang may pinakamataas na bilang ng mga sakit na naililipat ng pagtatalik sa anumang maunlad na bansa sa daigdig at walang anumang mabisang pambansang sistema upang sugpuin ang epidemya [ang sabi] ng isang panel ng mga dalubhasa sa kalusugan,” gaya ng iniulat sa The New York Times. Ayon sa isang komite ng Institute of Medicine, isang sangay ng National Academy of Sciences, ang napakaraming mga sakit na naililipat ng pagtatalik na taglay ng mga Amerikano ay maiiwasan subalit patuloy na nagiging sanhi ng malulubhang sakit, gaya ng kanser, at libu-libo ang namamatay taun-taon. Pagkalipas ng 18-buwang pagsusuri, natuklasan ng 16 na miyembro ng komite na sa bawat $43 na ginugol sa paggamot at iba pang gastusin, tanging $1 ang ginugol upang maiwasan ang mga sakit. Sinasabi ng ulat na sangkapat ng tinatayang 12 milyong bagong mga kaso sa bawat taon ay nagsasangkot ng mga nagdadalaga at nagbibinata. Kapag hindi ginamot, ang mga sakit​—kasali na ang herpes, hepatitis B, chlamydia, gonorea, at sipilis​—ay maaaring maging sanhi ng pagkabaog, mga depekto sa pagsilang, pagkalaglag, kanser, at kamatayan. Huwag nang ibilang pa ang halaga ng HIV na naililipat ng pagtatalik, ang virus na sanhi ng AIDS, ang mga sakit na ito ay ginugugulan ng bansa ng di-kukulanging $10 bilyon sa isang taon.

Paghahanap sa Malinis na Antartiko

Sa kabila ng temperatura ng tag-araw na -10 digri Celsius, ang dami ng mga bisita sa Antartiko ay nadoble sa nakaraang sampung taon. Sampung libo katao ang nagpareserba para sa mga bakasyon na nagkakahalaga ng $9,000 upang pagmasdan ang kontinenteng ito na nasa kadulu-duluhang dako sa timog na may mga penguin, seal, at ang magandang nagyeyelong tanawin na may lawak na limang milyong milya kudrado. Subalit ang mga manlalakbay na ito na malalakas ang loob ay agad na nagreklamo sa mga basura na iniwan ng mga bansang nagtrabaho roon​—pinabayaang mga kubo, mga dram ng langis, basura, at mga lumang computer pa nga, ang ulat ng The Independent ng London. Si Dr. Bernard Stonehouse, ng Scott Polar Institute, sa Cambridge, Inglatera, na naglathala ng kauna-unahang giya sa paglalakbay sa lugar na iyon, ang nagsabi tungkol sa mga nagparuming ito: “Hindi man lamang nila naisip na maglinis noon, subalit ngayon ay saka sila nababahala. Nagrereklamo ang mga turista at mga bisita na hindi sila nagbayad upang makakita ng tambakan ng basura.”

Nahigitan ng mga Loterya ang mga Simbahan

Mas maraming ginugugol ang mga Amerikano sa mga loterya kaysa kanilang naiaabuloy sa kanilang mga simbahan, ang sabi ng Associated Baptist Press. Gaya ng iniulat sa Christian Century, ipinakita ng paghahambing sa bilang mula sa ulat ng U.S. Census Bureau at ng Yearbook of American and Canadian Churches na noong 1994, gumugol ang mga Amerikano ng $26.6 bilyon sa mga loterya ng pamahalaan subalit nakapag-abuloy lamang ng $19.6 bilyon sa kanilang mga simbahan.

Hindi Para sa mga Lamok

Ang mga bug zapper, ang elektronikong mga kagamitang nakasabit sa labas ng pinto na umaakit sa mga insekto kung gabi at maingay na kumukuryente sa mga ito, ay hindi mabisa sa mga lamok. “Ang mga kagamitang ito ay totoong walang-kabuluhan,” ang sabi ni George B. Craig, Jr., isang propesor ng pag-aaral sa mga insekto. Ang karamihan ng lamok ay hindi naaakit sa liwanag at kapag pinupuntirya ang isang pagkain, pinaghahanap ng mga babae​—na siyang kumakagat​—ang ammonia, carbon dioxide, init, at ibang bagay na inilalabas ng balat na hindi inilalabas ng mga bug zapper. Kapag hindi nasumpungan ang mga ito, sila’y lalayo. Isa pa, ang pagpatay sa mga lamok sa pamamagitan ng mga zapper ay gaya ng “paglilinis ng dagat sa pamamagitan ng kutsarita,” ang sabi ni Dr. Craig. Ang isang babaing lamok ay makapaglalabas ng mahigit na 60,000 babaing mga lamok sa loob lamang ng ilang buwan sa panahon ng tag-araw. Ipinakita ng tatlong buwang pagsusuri na sa pangkaraniwang gabi, 3 porsiyento lamang sa napapatay na mga insekto ng bug zapper ang babaing lamok. Ang mga zapper, sabi ni Craig, “ay dapat na ipagbili sa home-entertainment section ng tindahan, hindi sa seksiyon ng paghahalaman.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share