Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Tuklaw ng Ahas Bilang isang propesyonal na herpetologo, ako ang may pananagutan sa pangangalaga at pangangasiwa sa mga ahas gayundin sa pagkuha ng kanilang kamandag. Ang mga artikulong “Gusto Mo Bang Makatagpo ng Kobra?” (Marso 22, 1996), “Habu—Isang Ahas na Dapat Igalang” (Hulyo 8, 1996), at “Mag-ingat! Ako’y Makamandag” (Agosto 22, 1996) ay pawang nagpakita ng isang positibong saloobin sa mga lalang ni Jehova. Gayunman, ibig ko sanang banggitin na ang mga tourniquet ay hindi inirerekomenda sa mga tuklaw ng ahas. Karamihan sa mga tao ay hindi marunong maglagay nang tama, at dahil dito’y hindi na napakinabangan ang mga paa’t kamay ng ilan. Mahigpit kong iminumungkahi ang paggamit ng pressure bandage upang itali sa buong paa’t kamay na ang higpit ay gaya ng pagkakatali sa napilayang bukung-bukong o pulsuhan. Habang ang kamandag ay naroroon sa lugar ng nakagat na paa’t kamay, ang suplay ng dugo ay patuloy pa rin, anupat napananatiling “buháy” ang paa’t kamay.
P. R., Inglatera
Nagkakaisa ang ilang bagong aklat-aralin sa medisina sa puntong ito, at kami’y nagpapasalamat sa aming mambabasa dahil sa paglilinaw na ito.—ED.
Ang “Raven” May sakit ako noon nang lumabas ang artikulong “Ang ‘Raven’—Bakit Ito Naiiba?” (Enero 8, 1997) Wala halos makapagpangiti sa akin noon. Pero napatawa ako dahil sa katalinuhan ng raven. Pagkaraan nito, naghanda ako ng report sa paaralan tungkol sa mga ibon, na ginagamit ang impormasyon mula sa mga artikulo ng Gumising! Nakakuha ako ng napakataas na marka rito!
J. B., Slovakia
Kapansanan sa Pagkatuto Salamat sa mga seryeng “Tulong sa mga Batang May Kapansanan sa Pagkatuto.” (Pebrero 22, 1997) Ako’y namamahala ng isang pribadong paaralan at gumawa ako ng mga kopya para sa aking mga guro. Ibinatay ko rin ang mga newsletter sa impormasyong nasa inyong magasin. Salamat sa inyong timbang na paraan ng pagtalakay sa mga paksang ito.
E. G., Honduras
Ako ang namamahalang patnugot ng di-pinagkikitaang pinakamalaking pambansang organisasyon na aktibong pinatatakbo para sa mga bata at adultong may ADD. Dapat kayong papurihan sa mapagmalasakit na labas ng inyong magasin hinggil sa Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD) at Attention Deficit Disorder (ADD). Ang mga ito’y mga karamdamang sumasalanta at madalas na mali ang pagkakaunawa. Pinasasalamatan namin ang inyong pagkilala na ang wastong pagsusuri at ang napatunayang paggamot ay pinakikinabangan ngayon ng maraming indibiduwal na naghahangad ng tulong. Ang inyong pagdiriin hinggil sa pag-ibig at pang-unawa ng mga magulang ay nagbigay rin ng mahalagang mensahe.
L. R., Estados Unidos
Ang anak ko’y may ADHD, at naging napakahirap para sa akin na tanggaping siya’y hindi lamang isang basagulerong bata. Maraming masasakit na salita ang nabanggit na, gaya ng, “Bakit hindi nila ito dinidisiplina?” Ang mga pangungusap na ito’y totoong masakit sapagkat ang totoo’y wala na akong ginagawa kundi ang disiplinahin siya. Umaasa akong ang inyong paliwanag hinggil sa karamdamang ito’y tutulong sa iba na mapagtantong talagang may problema at na ang iba’y maaari sanang makapagpalakas ng loob.
M. T., Estados Unidos
Maguguniguni ninyo kung paanong kami, bilang mga magulang ng isang may kapansanan-sa-pagkatutong bata, ay nasiyahan sa labas na ito. Lalo nang pinahahalagahan namin ang inyong pagbanggit kung paano naaapektuhan ang mga magulang at na sapat na ang bigat ng dalahin namin upang dagdagan pa ng masasakit na salita mula sa iba.
J. C. at B. C., Canada
Kaibigan ng Diyos Maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Magiging Kaibigan ng Diyos?” (Pebrero 22, 1997) Napakalaki ng naitulong nito sa akin. Ngayo’y kontento na ako, sapagkat ngayo’y alam ko nang kaibigan ko pala si Jehova! Sabik na sabik na ako para naman sa artikulo kung paano mapananatili ang pagkakaibigang ito.a
T. E., Italya
[Talababa]
a Tingnan ang Gumising! ng Mayo 22, 1997.