Pagmamasid sa Daigdig
Mapanganib Kung Mali ang Pagkaunawa
Noong 1977 ang isang maling pagkaunawa may kinalaman sa kahulugan ng isang maigsing salita ay naging bahagi ng pinakamalubhang sakuna sa eroplano sa daigdig, ayon sa ulat ng pahayagang The European. Ang Olandes na piloto ng 747 ay nagradyo na siya’y “palipad na,” anupat sa Tenerife, Canary Islands, ang pagkaunawa ng tagakontrol ng trapiko sa himpapawid ay nakatigil pa ang eroplano. Ngunit, ang ibig sabihin pala ng piloto ay na ang kaniyang eroplano ay matulin nang tumatakbo sa nagdidilim sa ulap na runway at kasalukuyang palipad na. Bilang resulta, ang eroplano ay bumangga sa isa pang 747, na kumitil sa 583 katao. Sa katulad na pangyayari, ang kakulangan sa kasanayan sa wika ay naging isa pang dahilan sa naganap na banggaan sa himpapawid noong 1996 malapit sa Delhi, India, na doo’y 349 ang namatay. Bagaman bihira lamang ang malulubhang pagkakamali at ang mga tauhan sa eroplano ay tumatanggap naman ng napakahigpit na pagsasanay sa pamantayang Ingles sa abyasyon, may ilang tauhan na ang alam lamang ay ang mga salitang pantanging ginagamit sa abyasyon. Kapag biglang napalagay sa kagipitan, maaaring mawala ang kanilang nalalaman sa wika. Inirerekomenda ng mga eksperto na ilakip ang teknolohiya ng computer sa kinalalagyan ng piloto upang matiyak ang tamang komunikasyon sa abyasyon.
Pinatatag nga ba ang Nakahilig na Tore ng Pisa?
Makalipas ang ilang siglong pagkakatagilid na para bang babagsak na, ang nakahilig na Tore ng Pisa sa wakas ay waring pinatatag na rin—sa tulong ng kontra-bigat ng isang libong tonelada ng molde ng tingga na inilagay sa pinakapuno nito. Ito’y ipinatalastas ni Propesor Michele Jamialcowsky, presidente ng komisyong internasyonal upang tiyakin ang kaligtasan ng tore. “Gayunman, ang problema ng pagiging matatag ay malubha pa rin,” sabi ng pahayagang Italyano na La Stampa, “yamang ang limang metro [16 na piye] na pagkakakiling mula sa patindig na posisyon na padagdag nang padagdag sa nakalipas na pitong daang taon ng pagkakatayo ay nasa dulung-dulo na ng hangganan.”
Pandaigdig na Paggamit ng Ipinagbabawal na Droga
Walong porsiyento ng lahat ng internasyonal na komersiyo ay binubuo ng mga ipinagbabawal na droga at ito’y kumikita, ng $400 bilyon bawat taon, sabi ng isang ulat ng UN. Ang 332-pahinang ulat ang siyang kauna-unahang kumpletong pag-aaral sa pandaigdig na epekto ng ilegal na mga droga. Ipinakikita nito na halos 2.5 porsiyento ng populasyon ng daigdig—mga 140 milyon katao—ang naninigarilyo ng marihuwana o ng nakukuha ritong hashish. Tatlumpung milyon ang gumagamit ng amphetamine-type na pampasigla, 13 milyon ang gumagamit ng ilang uri ng cocaine, at 8 milyon naman ang gumagamit ng heroin. Bagaman nakasamsam na ng libu-libong tonelada ng marihuwana, cocaine, heroin, at morpina ang mga ahensiyang nagpapatupad ng batas, marami pa rin ang nakatatakas sa pagmamanman. Ang nahaharang na cocaine ay mga 30 porsiyento at 10 hanggang 15 porsiyento lamang para sa heroin, ayon sa ulat. Napakasopistikado ng internasyonal na mga operasyon sa droga. “Ang problema ay naging pangglobo na anupat hindi na ito kaya ng indibiduwal na mga bansa,” sabi ni Giorgio Giacomelli, direktor-heneral ng programa ng UN sa pagsugpo sa droga.
Lumalaganap ang Nakahahawang Sakit
“Sa loob ng 20 taon, 30 bagung-bago at madaling makahawang sakit ang sumipot,” ayon sa ulat ng Nassauische Neue Presse. Karamihan sa mga sakit na ito—gaya ng Ebola, AIDS, at hepatitis C—ay wala nang lunas. Bukod diyan, ang mga nakahahawang sakit gaya ng malaria, kolera, at tuberkulosis ay lumalaganap din. Bakit? Ayon sa World Health Organization (WHO), “maraming sakit ang bumabalik dahil padami nang padami ang mga virus na hindi na tinatablan ng mas maraming uri ng antibiotic. Iilang bagong antibiotic lamang ang ginagawa dahil sa napakamahal ang paggawa nito.” Sa pagsisikap na mabaligtad ang takbo ng pangyayari, nananawagan ang WHO sa mga pamahalaan at sa mga kompanya ng gamot na “mamuhunan pa ng higit upang makagawa ng mga bagong antibiotic at pinagbuting paraan ng pagsuri sa mga sakit na nakahahawa.” Ang kabuuang bilang ng namatay sa nakahahawang sakit sa buong daigdig noong 1996 ay mga 55 milyon katao.
“Ang Nakararami ang Naghahari”
Sa ilalim ng pamagat na ito, si Haim Shapiro, isang miyembro ng mga kawani ng editoryal sa The Jerusalem Post, ay nagsabi ng tungkol sa isang pangyayari noong nakaraang Marso na doo’y sinalakay ang mga Saksi ni Jehova na may dalang mga bato at ladrilyo, pinasok ang kanilang bulwagan at winasak, at sinunog ang kanilang mga literatura. Ganito ang kaniyang komento: “Nang salakayin ang Simbahang Katoliko sa Jaffa noong isang taon, nagkaroon ng bigla—at makatuwirang—daluyong ng protesta kapuwa sa Israel at sa ibang bansa. Nang salakayin ang bulwagan sa Lod, ni wala man lamang narinig tungkol dito.” Bagaman siya mismo’y ‘naiinis at sumasalungat’ sa mga Saksi ni Jehova, nagunita ni Shapiro na ang mga ito’y “isa sa mga grupo na pinag-usig at ipinadala sa mga kampong piitan sa Nazi Alemanya.” Isinulat niya: “Kung gugunigunihin na sinuman ay maaaring sumalakay sa mga taong ito, sumira sa kanilang dako ng pagsamba, at sumunog sa kanilang mga aklat nang hindi napaparusahan, ito’y nakapanghihilakbot, at nakapagpapaalaala sa kahindik-hindik na nakakatulad na kasaysayan.”
Ang Humihinang Debosyon sa “Banal na Lunsod”
Bagaman ang tawag dito’y banal na lunsod at ang obispo rito’y ang ulo ng Simbahang Katoliko, ang Roma ay hindi ganoong karelihiyoso gaya ng maaaring akalain ng ilan. Ayon sa isang pambansang surbey na ginawa ng Third University ng Roma, mga 10 porsiyento ng lahat ng Italyano ay nagsasabi na sila’y “hinding-hindi” interesado sa Kristiyanismo, ngunit sa Roma ang bilang na ito’y umabot ng 19 na porsiyento. Karagdagang 21 porsiyento ng mga Romano ang may “kaunting” interes sa Simbahang Katoliko, sabi ng pahayagang La Repubblica. Sa kabilang dako naman, 10 porsiyento lamang sa kanila ang totoong interesado sa relihiyon. Ayon sa sosyologong si Roberto Cipriani, 1 lamang sa bawat 4 na Romano ang sumusunod sa utos ng simbahan hinggil sa saloobin at gawi.
Sinalot ng TB ang India
Sa kabila ng malawakang pagsisikap na makontrol ang baktirya ng tuberkulosis (TB), sinabi ng World Health Organization (WHO) na 1 sa bawat 2 adulto sa India ang mayroon nito. Sa mahigit na 900 milyong mamamayan sa India, mahigit na 2 milyon ang nagkakaroon ng nakahahawang TB bawat taon at hanggang 500,000 ang namamatay dito, ayon sa ulat ng pahayagang The Asian Age. Ayon sa WHO, ang bilang ng mga taong mayroon nito at ang resultang panganib na mahawahan ng sakit ay lubhang napakalaki. Ang mga may TB ay hindi lamang napapaharap sa kung paano makakayanan ang karamdamang dulot nito; kailangan ding mamuhay na taglay ang kahihiyan na karaniwan nang kaakibat ng sakit. Dahil dito’y maaari kayong iwasan ng mga kapitbahay, ng pinagtatrabahuhan, at ng mga kamanggagawa. Ang mga kabataang nobya na natuklasang may TB ay karaniwan nang ibinabalik sa kanilang mga magulang dahil sa sila’y di-nararapat mag-anak.
Mabait na Daga?
“Halos lahat ng daga ay kilalang masama,” sabi ng The Wall Street Journal. “Ang mga ito’y di-tapat na mga kasamahan sa barko at mga residente ng mga bunton ng basura.” Ngunit iba si Rattie, isang dagang panlaboratoryo na pag-aari ng biyopisistang si Judy Reavis. Si Rattie ay tumulong upang ihanay ang libu-libong piyeng kawad ng computer sa mga paaralan upang ang mga computer network ay maikabit. “Habang kagat ang tali, si Rattie ay lumulusot sa mga biga at tubo sa loob ng mga dingding, sa ilalim ng sahig at sa mga panel ng kisame,” ang paliwanag ng Journal. “Siya’y inaakay tungo sa paglalabasan sa pamamagitan ng pagkatok at isang pinggang masarap na pagkain ng pusa. Paglabas niya, ang taling hila niya ay ginagamit upang ihanay ang kawad ng computer sa pasikut-sikot na pinagdaanan niya.” Si Rattie ay naging sikat at may sariling pitak at awit “mula” sa kaniya sa Internet. Kung sakaling ito’y mamatay, “magsasanay uli kami ng iba,” sabi ni Dr. Reavis. “Kung sa bagay, daga lang naman ito.”
Mga Tuling Batang Babae, Pag-aanak ng mga Tin-edyer
“Halos 2 milyong batang babae ang tinutuli taun-taon,” sabi ng 1996 edisyon ng The Progress of Nations, isang publikasyon ng United Nations Children’s Fund tungkol sa kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga bata. “Pitumpu’t limang porsiyento ng lahat ng ito ay nangyayari sa Ehipto, Etiopia, Kenya, Nigeria, Somalia, at Sudan. Sa Djibouti at Somalia, 98% ng mga batang babae ang tinutuli.” Bukod pa sa kirot, ang paraang ito ay maaaring magdulot ng impeksiyon, matagal na pagdurugo, pagkabaog, at kamatayan. “Ang pagtutuli (mutilation) ay hindi iniuutos ng alinmang relihiyon. Ito’y isang tradisyon sa layuning maingatan ang pagkabirhen, matiyak na puwede nang mag-asawa, at makontrol ang seksuwalidad,” sabi ng ulat. Ang mga grupo at organisasyong nagmamalasakit sa mga karapatan ng mga babae at sa kapakanan ng mga bata ay pumipilit sa mga pamahalaan na ipagbawal ang gawaing ito.
Ang ikalawang ulat ay nagpapakita na ang pag-aanak ng mga tin-edyer ay isang namamalaging problema sa maraming lupain. Halimbawa, ang Estados Unidos ang may pinakamalaking bilang sa buong industriyalisadong daigdig: 64 na pag-aanak bawat taon sa bawat 1,000 batang babae na may edad 15 hanggang 19. Ang Hapón ang may pinakamababang bilang na apat na pag-aanak sa isang taon. Hindi lamang dahil sa pag-aanak ng mga tin-edyer naaapektuhan ang pagsulong, edukasyon, at oportunidad ng mga kabataang babae kundi ang mga ito’y maaari ring magdulot ng suliranin sa mga sanggol, gaya ng di-mahusay na pag-aalaga, karalitaan, at isang mabuway na kapaligiran.