Mula sa Aming mga Mambabasa
Pangglobong Halamanan Salamat sa inyong magandang serye na “Isang Pangglobong Halamanan—Panaginip ba o Panghinaharap na Katotohanan?” (Abril 8, 1997) Oo, nakaaapekto sa ating kalusugan ang mga halamanan at ang mga kulay at ito’y nakapagpapagalak sa atin. Gustung-gusto ko ang bahaging may pamagat na “Ang Daan Pauwi sa Paraiso.” Ang maiigsing salitang iyan ay nakapagpapatibay-loob—gaya ng paanyayang nagsasabing, “Ito ang daan.” Tunay na isang malaking kaluguran balang araw na magtrabaho mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito na tumutulong upang baguhin ang lupa tungo sa pagiging paraiso! Kung paanong nagustuhan ko ang mga larawang-guhit, dibuho, at mga gawang pangkasanayan, nasiyahan din ako sa lahat ng mga gawang-sining na nasa mga magasin.
V. R., Australia
Nais kong purihin kayo dahil sa mga artikulo. Nasiyahan akong lubos sa mga ito. Ako’y halos 80 taóng gulang na at gusto ko pa ring maghalaman sa aming bakuran. Maaaring hindi makakuha ng unang gantimpala ang aking mga bulaklak at gulay, pero tuwang-tuwa ako kung ako’y nasa labas at inaayos ang mga ito. Mula nang mabasa ko ang mga artikulo, lalo kong naunawaan kung bakit gusto ng mga tao na magtrabaho sa halamanan.
R. R., Estados Unidos
Masasagip Pa Kaya ang Pagsasama? Nang mabasa ko ang artikulong “Masasagip Pa Kaya ang Pagsasama Pagkatapos ng Kataksilan?” (Abril 8, 1997), pakiwari ko’y nagpadala sa akin ng sulat si Jehova. Tamang-tama sa aking naranasan at nadama ang sinabi nito. Nagtaksil ang aking asawa, ngunit taos sa puso ang kaniyang pagsisisi. Gaya ng binanggit ng artikulo, para bang ako’y nasa buhawi. Minabuti kong patawarin siya, ngunit paminsan-minsan ay nahihiya ako sa aking iniisip. Natulungan ako ng artikulo na maunawaang normal at nararapat lamang ang lahat ng aking mga reaksiyon. Labis na pinagpala ni Jehova ang aming mga pagsisikap, at nailigtas ang aming pagsasama.
L. P., Pransiya
Bagaman hindi na maililigtas pa ang aking pag-aasawa, ang artikulong ito ay tunay na isang pagpapala sapagkat inilarawan nito ang eksaktong nadama ko. Talagang naiuugnay ko ang aking sarili sa lahat ng nasa artikulo. May ilang kilala ako na nakinabang din mula rito. Marami ang nahihirapang maunawaan kung ano ang nadarama ng isa, kaya malaki ang maitutulong ng artikulong ito, anupat nagbibigay sa kanila ng malalim na unawa.
M. C., Ireland
Siyam na taon na akong kasal sa isang di-kapananampalataya na hindi naging tapat na asawa. Ngunit nang mabasa ko ang mga parapo sa ilalim ng subtitulong “Maisasalba Pa Kaya ang Pagsasama?” Guminhawa ang pakiramdam ko. Gusto ng asawa kong ipagpatuloy pa ang aming pagsasama ngunit tuloy pa rin ang pakikipagrelasyon niya sa iba. Kaya, natutuwa ako’t pinutol ko na rin ito. Ngayon ay kailangan kong magsimulang muli at maging isang nagsosolong ina.
M. S. B., Trinidad
Salamat sa maganda at sensitibong artikulo. Napakahusay ng payo na magagamit upang malaman kung magtatagumpay ang pakikipagkasundo. Palagi kong naiisip noon na kung magtataksil ang aking asawa, hindi ko siya kailanman patatawarin. Napagtanto ko ngayon na hindi pala laging tama ang gayong saloobin. Nakalulungkot isipin na talagang ito’y patuloy na nagiging malaking problema, subalit salamat sa malalim na unawa mula sa Kasulatan hinggil sa kung paano namin matutulungan ang aming sarili. Ang aking pananalig kay Jehova ay tumulong sa akin upang maharap ang matinding panlulumo at tumulong sa akin upang makasumpong ng lakas para magpatawad, yamang ang aking asawa ay matinding nagsisi noon (at hanggang sa ngayon).
S. N., Estados Unidos
Pinupuri si Jehova ng mga May Kapansanan sa Pandinig Habang binabasa ang artikulong “Pinupuri si Jehova ng mga May Kapansanan sa Pandinig” (Abril 8, 1997), tumigil ako upang tingnan ang larawan ng lahat ng naroroon. Talagang nakapagpapatibay-pananampalataya na makita ang napakaraming kapatid na gumagamit ng sign language upang purihin si Jehova! Ilang ulit akong napaiyak, habang gayon na lamang ang aking pagpapahalaga sa kanilang sigasig, determinasyon, at dedikasyon. Salamat sa ganitong mga artikulo.
R. H., Estados Unidos