Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagtataksil Salamat sa Abril 22, 1999, na serye ng Gumising! na “Kapag Nagtataksil ang Isang Kabiyak.” Ako ay biktima ng pagtataksil. Bagaman tatlong taon na ako ngayong hiwalay, matindi pa rin ang kirot. Tinulungan ako ng mga artikulo na makilalang kailangan ko nang iwan ang nakalipas, bumalik sa normal na rutina, at ipagpatuloy ang aking buhay.
V. B., Trinidad
Nagsaliksik na ako tungkol sa paksang ito noon, ngunit hindi ito naipaliwanag nang husto. Mula nang una kong narinig ang mensahe ng Bibliya, naunawaan ko na ito ang katotohanan. Ngayon ay binigyan ako ni Jehova ng isa pang dahilan upang paniwalaan ito.
G. B., Italya
Ang aking diborsiyo ay naging dahilan upang dumanas ako ng matinding panlulumo, mababang pagtingin sa sarili, at walang-katapusang talaan ng mga suliranin sa kalusugan. Bagaman patuloy pa rin ang pagdurusa, ako’y lubos na inaliw ng aking pananampalataya sa mga pangako ni Jehova at ng pag-ibig at emosyonal na tulong mula sa aking kongregasyon!
A. B., Canada
Siyam na buwan pagkatapos mahiwalay sa aking asawang lalaki, binabata ko pa rin ang hapdi ng pamumuhay nang mag-isa. Paano ako maglalakad sa lansangan ng walang sinumang humahawak sa aking kamay? Sino ang uupong katabi ko sa Kristiyanong mga pagpupulong? Sino ang makakasama ko sa pagpunta sa doktor? Salamat sa pagpapaalaala sa akin na hindi pinababayaan ni Jehova ang walang-kasalanang mga kabiyak.
E. S., Brazil
Ang kahong “Sino ang may Pananagutan?” ay malaking kaaliwan sa akin. Pinili kong makipagdiborsiyo pagkatapos magtaksil ng aking asawang lalaki. Gaya ni Job, kung minsan ay nais ko nang mamatay. (Job 17:11-13) Ngunit ang alalay ng mga miyembro ng pamilya at ng Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae ay nagpalakas sa akin.
M. O., Argentina
Hindi ko lamang basta binasa ang serye—ako’y lubos na nasiyahan dito! Naranasan ko na ang makipag-diborsiyo, at tinalakay lahat ng artikulong ito ang mga tanong at mga kabalisahan na ibinabangon nito. Salamat sa pagmamalasakit sa amin.
E. L., Pransiya
Ako’y pitong taong gulang nang iwan ng aking ama ang aming pamilya. Ito’y isang matinding dagok. Pagkalipas ng ilang taon, hiniling ni Tatay na tanggapin namin siyang muli. Kaming magkakapatid na lalaki ay buong higpit na tumutol sa ideya, ngunit pumayag si Nanay. Pagkatapos mabasa ang inyong mga artikulo, naiintindihan ko na kung bakit niya ginawa ang mahirap na pagpapasiyang iyon.
A. A., Brazil
Salamat, salamat, salamat sa serye! Nakaaaliw na malaman na ang damdamin at emosyon ng isa ay katulad niyaong sa iba na napaharap sa gayunding problema. Gayunman, sinabi ninyo: “Baka hindi mo naibibigay ang sapat na pag-ibig, pagmamahal, papuri at paggalang na kailangan ng iyong asawa.” Ang pananalitang ito ay nakasasakit sa amin na nagsikap upang malutas ang mga suliranin sa isang pag-aasawa. Kapag ang isang tao ay nagbabalak mangalunya, siya’y nagiging lubhang kasuklam-suklam, at napakahirap na maging maibigin sa gayong tao.
L. W., Estados Unidos
Ikinalulungkot namin kung nakasakit ang mga komentong ito sa sinuman sa aming mga mambabasa. Ngunit hindi namin nilayon na ipahiwatig na maisisisi ng isang mangangalunya ang kaniyang pagkakasala sa kaniyang kabiyak. Sa kahong “Sino ang may Pananagutan?” idiniin namin na ang nangalunya ang may pananagutan sa kaniyang pagkakamali, anuman ang “mga pagkukulang ng pinagkasalahang asawa.” Ang pananalitang pinag-aalinlanganan ay bahagi ng isang pagtalakay sa pagbabalikan. Idiniriin lang namin ang pangangailangan para sa mabuting pakikipagtalastasan, anupat pinatitibay ang nagbabalikang mga mag-asawa na kilalanin kung nasaan ang suliranin sa kanilang pag-aasawa na maaaring nangangailangan ng agad na pansin. Maaaring mayroon ding itinatagong sama ng loob na kailangang pag-usapan. Kadalasan, ang gayong pag-uusap ay nagiging dahilan upang aminin ng mag-asawa ang ilang pagkukulang. Tutal, “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Santiago 3:2) At bagaman ang gayong mga pag-uusap ay kadalasang napakasakit, ito ay, gaya ng sinabi ng aming artikulo, “isang mahalagang bahagi upang maisauli ang pagtitiwala.”—ED.