Mula sa Aming mga Mambabasa
Relihiyon at Digmaan Sumulat ako upang magpasalamat sa nakapagtuturong serye na tumatalakay hinggil sa relihiyon sa digmaan. (Abril 22, 1997) Ang unang artikulo, “Pagpatay sa Ngalan ng Diyos,” ay tunay na nakatawag ng aking pansin. Maigsi lamang ito at deretso sa punto, lalo na sa paghaharap ng katuwiran kung bakit sinang-ayunan ng Diyos na Jehova ang pagpatay ng mga sinaunang Israelita sa mga Canaanita.
S. J., Estados Unidos
Ang Kasaysayan ni Ginger Klauss Nais kong sabihin sa inyo kung gaano ako napatibay ng karanasan ni Ginger Klauss na, “Ngayon ay Natutuwa Akong Ako’y Buháy!” (Abril 22, 1997) Gaya niya, nawala nang lahat ang pagtitiwala ko sa aking sarili, anupat pakiramdam ko’y wala na akong halaga at walang nagmamahal. Palibhasa’y hindi ko na makayanan ang gayong damdamin, lumuluha ako sa pagsasabi sa Diyos araw-araw na gusto ko nang mamatay. Inakala kong kamatayan lamang ang makapagpapaginhawa sa akin. Subalit isang araw ay nanalangin ako, “Kung kalooban po ninyo, pakisuyong patibayin ang aking loob na mabuhay.” Pagkatapos na pagkatapos na manalangin nang ganoon, natanggap ko ang isyung ito ng Gumising! Nang makita ko ang artikulong ito, nadama kong sinagot ng Diyos ang aking panalangin. Natutuhan ko kay Ginger na ang pagpapatawa at ang hindi pagtutuon ng labis na pagpansin sa sarili ay tutulong sa akin upang mapanatili ang positibong saloobin. Tahasan kong masasabi na nabigyan ako ng magasing ito ng inspirasyon upang mabuhay.
M. K., Hapón
Katatapos ko lamang sa pagbabasa ng artikulo sa ikaanim na pagkakataon, at hindi pa ito ang huli! Ako’y 21 taóng gulang at isang pambuong-panahong ebanghelisador. Hangang-hanga ako kay Ginger Klauss dahil sa sigasig na taglay niya sa gawaing pangangaral sa kabila nang siya’y nakabilanggo sa isang silyang de-gulong. Ang kaniyang karanasan ay nag-udyok sa akin na gawin ang lahat ng aking magagawa sa paglilingkod kay Jehova.
S. Z., Italya
Walang-katapusang pasasalamat sa makabagbag-damdaming karanasan. Dahil sa dystrophy sa kalamnan, halos maghapon ako sa higaan, at napakahirap para sa akin na mangaral habang nasa silyang de-gulong. Napakalaking pampatibay ang naibigay sa akin ng karanasan ni Ginger at natulungan akong harapin ang mga sandaling iyon na ako’y nasisiraan ng loob dahil sa aking karamdaman.
M. R., Italya
Bakit Nagkakasakit Nang Malubha? Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kailangang Magkasakit Ako Nang Malubha?” (Abril 22, 1997) Ako’y 21 taóng gulang at may sakit na sickle-cell anemia. Nauunawaan ko ang damdamin ng mga kabataan sa artikulong ito. Madalas na iniisip ko kung may magmamahal pa kaya sa akin at magpapakasal sa akin sa kabila ng pagkakaroon ko ng ganitong karamdaman. Ngunit ang inyong artikulo ay nakatulong sa akin sapagkat ngayon ay napag-alaman kong hindi pala ako nag-iisa na nakadarama ng ganito.
D. R., Estados Unidos
Magkaibigang Di-Mapaghihiwalay Salamat sa karanasan ni Anne-Marie Evaldsson. (Abril 22, 1997) Nadama ko ang paghanga sa naging paraan ng kapatid na ito sa pagpapatuloy sa espirituwal na paraan sa kabila ng kaniyang kapansanan. Nag-isip-isip ako dahil sa salaysay na ito. Marami sa atin ang hindi nagpapahalaga sa ibinigay sa atin upang gamitin sa paglilingkod kay Jehova. Nais kong purihin ang kapatid na ito at ang kaniyang tapat na kaibigan. Anong inam na halimbawa!
R.A., Ecuador
Tunay na nakapagpapatibay na malaman na may isang bulag na tumutupad, nagsasagawa ng ministeryo sa bahay-bahay, nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, at dumadalo sa pulong linggu-linggo. Nadama ko tuloy na ang paggawa ng aking pinakamagaling na magagawa sa ministeryo, ang paglalagay rito sa unahan, ay nararapat lamang. Ang halaga ng paningin sa espirituwal ay tunay ngang nakahihigit. Aalalahanin ko si Anne-Marie Evaldsson na taglay ang pagmamahal at pagpapahalaga.
J. O., Nigeria