Pagmamasid sa Daigdig
Kapaki-pakinabang ang Pagbabasa ng Bibliya
Ang mga Amerikanong nagbabasa ng Bibliya nang di-kukulangin sa minsan sa isang linggo ay mas masaya at kontento at nakadarama ng higit na layunin sa buhay kaysa sa mga mas bihirang magbasa ng Bibliya, ayon sa isang pag-aaral na iniulat ng Associated Press. Sa isang pasumalang surbey ng mga Amerikanong nasa hustong gulang, na isinagawa ng Market Facts, Inc., ng Illinois, halos 90 porsiyento ng mga palabasa ng Bibliya ang nagsabi na nakadarama sila ng kapayapaan sa lahat o sa halos lahat ng panahon, kung ihahambing sa 58 porsiyento ng mga nagbabasa ng Bibliya nang wala pang minsan sa isang buwan. Karagdagan pa, 15 porsiyento ng mga regular na bumabasa ng Bibliya ang nagsabi na ikinababahala nila ang pagtanggap sa kanila ng iba, kung ihahambing sa 28 porsiyento ng mga di-palagiang nagbabasa. Labindalawang porsiyento lamang ng mga palabasa ang nagsabi na nababahala sila kung minsan o nang labis tungkol sa kamatayan, kung ihahambing sa 22 porsiyento ng mga bihirang bumasa.
Kung Ano ang Naririnig ng mga Sanggol
Tiniyak ng pananaliksik kamakailan na ang dami at tono ng mga salita na naririnig ng isang sanggol ay nakaaapekto sa kakayahan nitong mag-isip nang mahusay, makalutas ng mga suliranin, at mangatuwiran nang ayon sa kuru-kuro, ang ulat ng The New York Times. Natuklasan sa isang pag-aaral sa University of Iowa na ang mga batang may mga magulang na propesyonal ay nakarinig ng aberids na 2,100 salita bawat oras, samantalang yaong may mga magulang na suwelduhan ay nakarinig ng 1,200 salita at yaong may mga magulang na umaasa sa kawanggawa, 600 lamang. Ang tono ng boses ng mga magulang—nagpapatibay-loob, nagagalit, magiliw, o pautos—ay inobserbahan din. Ipinakita ng dalawa-at-kalahating-taong pag-aaral na ang iba’t ibang dami ng naririnig “ay may matinding epekto sa kakayahan ng bawat bata na mag-isip ng mga kuru-kuro sa edad na 4.” Ang isa sa mga mananaliksik, si Dr. Betty Hart, ay nagsabi na ang unang tatlong taon ay walang kaparis sa buhay ng mga tao sapagkat ang mga sanggol ay lubhang nakadepende sa mga nasa hustong gulang para sa lahat ng pangangalaga sa kanila at sa kanilang pagsasalita.
Pambihirang mga Hanip
Ang balinghoy ay pangunahing pagkain ng mga 200 milyon katao sa Aprika. At ngayon, dahil sa isang maliit na maninilang hanip na tinatawag na Typhlodromalus aripo, marami na ngayong balinghoy na makakain. Ayon sa magasing New Scientist, ang T. aripo ay inangkat mula sa Brazil upang sugpuin ang isa sa pinakamapaminsalang peste sa balinghoy, ang berdeng gagambang hanip, na sumisira sa halos sangkatlo ng ilang pananim na balinghoy sa Aprika. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang hilagang-silangang Brazil, na may maraming balinghoy, ay may kakaunting suliraning dulot ng berdeng gagambang hanip. Natuklasan na ang mga maninilang hanip, ang T. aripo, ay pumupuwesto sa dulo ng halaman habang hinihintay na lumitaw ang mga berdeng hanip at saka kakainin ang mga ito. Hindi lamang pinapatay ng T. aripo ang hanggang 90 porsiyento ng berdeng gagambang hanip, sabi ng magasin, kundi tinutulungan din ng mga ito ang mga magsasaka na maiwasan ang paggamit ng pestisidyo, na hindi kayang bilhin ng marami.
Ang Dalawa ay Mas Mabuti sa Isa
Mas matagumpay ang mga tao sa pagsisikap na magkaroon ng mas mabuting istilo ng pamumuhay kapag may kapareha sila na gayundin ang ginagawa, ayon sa magasing New Scientist ng Britanya. Ito ang konklusyon na nabuo mula sa isang surbey sa 1,204 mag-asawa, na iniulat sa Archives of Family Medicine. Ganito ang sabi ni Stephen Pyke, ng London School of Hygiene and Tropical Medicine: “Ang mga tao ay mas malamang na huminto sa paninigarilyo, mabawasan ang kanilang kolesterol at bumaba ang timbang kung ang dalawa ay kapuwa susunod sa payo.”
Pangangalaga sa Boses
Sinumang madalas na gumamit ng kaniyang tinig, gaya ng isang guro, ay nanganganib na mapuwersa at mawalan ng kaniyang tinig, ulat ng pahayagang The Toronto Star. Gayundin naman, ang palaging pagsigaw upang marinig sa isang maingay na kapaligiran ay maaaring makapinsala sa kuwerdas bokales. Nakapipinsala rin sa iyong tinig ang pagbulong at palaging pagdahak, sabi ng patologo sa pagsasalita at sa wika na si Bonnie Mann. Ipinapayo niya na huwag nang maghintay na lumala ang problema bago kumilos at pinasisigla niya ang mabuting postura upang lumuwag ang tensiyon sa leeg at balikat. Sinabi pa niya: “Higit sa lahat, mahalaga na panatilihing basa ang inyong lalamunan.” Kung lagi mong ginagamit ang iyong tinig, inirerekomenda ni Mann ang pag-inom ng tubig sa maghapon.
Pagsubaybay sa Klima ng Tibet
Sampung bansa sa rehiyon ng Asia-Pasipiko ang nagsaayos ng mga eksperimento upang pag-aralan ang mga hanging habagat, ulat ng magasing New Scientist. Ang pagsasaka sa malalaking lugar sa Asia ay nakasalalay sa mga ulan na dala ng mga hanging habagat, ngunit maaaring magpabagu-bago nang husto ang mga ito sa taun-taon. Naniniwala ang mga meteorologo na ang talampas ng Tibet ang isang pangunahing sanhi ng mga pag-ulang dala ng hanging habagat, ngunit hindi makakuha ng impormasyon mula sa Tibet upang masuri ang mga ito. Pagkatapos ng pakikipagnegosasyon sa Tsina, naglalagay ngayon ng di-pinaaandar-ng-taong kasangkapan sa Tibet upang subaybayan ang temperatura, halumigmig, hangin, at iba pang salik ng klima sa Himalaya. Umaasa ang mga mananaliksik na ang makukuhang impormasyon ay aakay sa higit na pagkaunawa sa mga hanging habagat sa Asia.
Nahukay sa Israel ang Isang Lokasyon ng Pamahalaang Romano
Natuklasan ng mga arkeologo sa Israel ang isang gusali ng pamahalaang Romano sa Caesarea na maaaring ang palasyong pretorio kung saan nabilanggo si apostol Pablo, sabi ng ulat ng Reuters. Sinabi ni Yosef Porath, pinuno ng mga gawain ng Israel Antiquities Authority sa Caesarea, na ang mga arkeologo sa lugar na iyon ay nakahukay ng isang mosaic na may inskripsiyong Latin na nagpapahiwatig na ang isa sa mga tanggapan doon ay maaaring ginamit bilang isang kawanihan para sa panloob na seguridad. “Nakatutulong ang inskripsiyong ito na masagot ang tanong tungkol sa kung saan naganap ang paglilitis kay San Pablo sa harap ng Romanong gobernador na inilarawan sa Bagong Tipan,” sabi ni Porath. Sinabi niya na ang dakong iyon ang tanging luklukan ng pamahalaang Romano na nahukay sa Israel at ang isa sa iilan sa sinaunang Romanong daigdig.
Mga Langgam Bilang Gamot
Sa isang labanan noong 1947, kinailangan ng Tsinong siruhano ng militar na si Wu Zhicheng na sugpuin ang impeksiyon sa mga nasugatan, ngunit naubos na ang kaniyang mga gamot. Palibhasa’y nawawalan na ng pag-asa, bumaling siya sa lokal na doktor, na nagrekomenda ng kinagisnang gamot ng mga Tsino—pinakuluang tubig na may mga langgam upang linisin ang mga sugat at gamot na gawa sa pantanging uri ng mga langgam. Ayon sa China Today, gayon na lamang kabuti ang resulta anupat sinimulan ni Dr. Wu ang isang mahabang karera ng pananaliksik sa paggamit ng mga langgam bilang gamot. Naniniwala siya na ang mga gamot mula sa langgam ay nakatutulong upang patatagin ang sistemang imyunidad at ang sabi: “Ang langgam ay isang munting nutrisyonal na kamalig. Taglay nito ang mahigit sa 50 sustansiya na kailangan ng katawan ng tao, 28 amino acid at iba’t ibang mineral at kemikal na kombinasyon.”
“Sakit sa Opisina”
Mahigit na 80 porsiyento ng mga Italyano ang nakararanas ng mga suliranin sa postura dahil sa palaging nakaupong istilo ng pamumuhay, ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ni Propesor Maurizio Ricciardi, direktor ng posture center ng Unibersidad ng Siena. Mahigit sa kalahati ng mga dumaranas ng “sakit sa opisina” ay dumaraing ng mga bagay tulad ng pananakit ng likod, sakit ng ulo, pagkalula, pagkahilo at mga suliranin sa panimbang, pabagu-bagong presyon ng dugo, diarrhea, hindi mapadumi, pamamaga ng kolon, at gastritis, ang ulat ng pahayagang Il Messaggero. “Pagkatapos ng bawat oras sa trabaho, ang mga Hapon at Tsino ay gumagawa ng ilang simpleng ehersisyo” upang labanan ang mga suliraning ito, sabi ni Ricciardi, “samantalang tayo ay humihinto lamang para magkape.”
Mga Kabataang Mambabasa sa Brazil
Kapuwa dumarami ang marurunong bumasa’t sumulat at ang bilang ng mga taon na ginugugol ng mga estudyante sa paaralan sa Brazil, sabi ng magasing Exame. Bagaman marami pa ring dapat pasulungin, sa pagitan ng 1991 at 1995, may 36-na-porsiyentong pagbaba sa bilang ng mga hindi marunong bumasa’t sumulat sa grupo ng mga may edad na 7-hanggang-14 na taong-gulang, ayon sa Brazilian Institute of Geography and Statistics. Ang katamtamang bilang ng taon na ginugugol sa paaralan ay tumaas nang 10 porsiyento sa pagitan ng 1990 at 1995. Ang lumalagong interes sa pagbabasa ng mga kabataang taga-Brazil ay maaaring masalamin sa halos 40-porsiyentong pagtaas sa bilang ng mga estudyante na dumalo sa isang kamakailang eksibisyon ng mga aklat sa Rio de Janeiro. Ang mga pinakamabiling aklat sa eksibisyon—bumubuo sa 24 na porsiyento ng lahat ng benta—ay ang mga aklat na isinulat para sa mga kabataan, ang ulat ng pahayagang O Estado de S. Paulo.
Ang mga Taga-Punjab at ang mga Bato sa Bato
Ang mga tao sa estado ng Punjab at sa nakapalibot na mga lugar sa India ay mas malamang na magkaroon ng bato sa bato kaysa sa anumang iba pang komunidad sa daigdig, ulat ng India Today International. Kilala ang mga taga-Punjab sa pagtatrabaho ng mabigat at sa hilig kumain, ngunit malimit na hindi sila umiinom ng sapat na tubig sa panahon ng nakapapasong mga buwan ng tag-init, sabi ng ulat. Dahil dito, ang kanilang pook ay inilarawan sa isang kamakailang internasyonal na komperensiya sa urology bilang ang “sentro ng bato sa bato” sa daigdig. Ang katamtamang sukat ng bato sa bato roon ay sa pagitan ng dalawa at tatlong centimetro [mga isang pulgada], kung ihahambing sa isang centimetro [wala pang kalahati ng isang pulgada] sa Europa at sa Estados Unidos. Ipinatutungkol ng ulat na ito ay dahil sa hilig ng maraming taga-India na huwag pansinin ang bahagyang kirot o ipagpaliban ang paggamot. Sinasabi ng mga urologist na ang malulusog na tao ay dapat uminom ng di-kukulangin sa dalawang litro ng malinis na tubig araw-araw.