Mula sa Aming mga Mambabasa
Bakit Dapat Supilin ang Galit? Salamat sa artikulong “Bakit Dapat Supilin ang Iyong Galit?” (Hunyo 8, 1997) Ako’y galing sa isang malaking pamilya, at sa aking pagkabata ay nakita ko ang sunud-sunod na awayan sa aming bahay. Nagdiborsiyo ang aking mga magulang, at mula noon ay nakararanas ako ng paminsan-minsang bugso ng galit. Araw at gabi akong nananalangin kay Jehova na tulungan ako sa suliraning ito. Nagulat ako nang mabasa ko ang artikulong ito, na wari’y patungkol sa akin! Isinasaalang-alang ko ang binanggit na mga kasulatan—halimbawa, Efeso 4:26, na ang sabi: “Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.” Ikinapit naming mag-asawa ito. Dahil kay Jehova at sa artikulong ito, napaglabanan ko ang aking problema.
A. R. S., Estados Unidos
Pagharap sa mga Sumpong ng Pagkataranta Buong-puso akong nagpapasalamat kay Jehova dahil sa artikulong “Pagharap sa mga Sumpong ng Pagkataranta.” (Hunyo 8, 1996) Kamakailan lamang ay nagkaroon ng nervous breakdown ang aking ate. Hindi namin alam kung ano ang nangyayari sa kaniya, yamang walang masabi ang mga doktor sa kalagayan niya. Sa dakong huli, siya’y naospital at nakitang siya’y may nervous breakdown at sinusumpong ng pagkataranta. Tamang-tama ang pagdating ng artikulo, anupat nadama naming kami’y pinagmamalasakitan ni Jehova. Umiiyak si ate sa upuan habang binabasa niya ito, sapagkat nang sandaling iyon ay tunay na napag-alaman niyang lubusang nauunawaan ni Jehova ang kaniyang dinaranas. Ang mga salita ng sister na sinipi sa artikulo, na nagsasabing paulit-ulit niyang namalas na si Jehova ang tunay na pinagmumulan ng lakas at kaaliwan, ay nagpapakita kung gaano talaga kahanga-hanga ang ating Diyos na si Jehova.
A. E. W., Timog Aprika
“Sa Pakinig ng Isang Paslit” Labis akong nabagbag sa artikulong ito (Hunyo 8, 1997). Sa ministeryo sa larangan, palagi akong nakasusumpong ng mga bata. Palibhasa’y ayaw ko silang ipagwalang-bahala o maliitin, palagi kong ipinakikipag-usap sa kanila ang tungkol sa Paraiso. Maraming salamat sa paglalathala ninyo ng karanasang ito, sapagkat napalakas nito ang aking loob na ipagpatuloy ang pamamaraang ito. Malay natin kung kanino naman ang susunod na “pakinig ng isang paslit”?
M. O. U., Nigeria
Napakatindi ng naging epekto ng artikulong ito sa akin! Nang nasa bahagi na ako hinggil sa “Pagkatuto ng Katotohanan ng Bibliya” at mabasa ang pagkagulat na nadama ni Louise nang makita niya ang Awit 37:9 tungkol sa pagmamana ng lupa—at naroroon mismo sa kaniyang King James Version!—tumulo ang aking luha. Salamat sa mga kuwentong ito ng buhay, at pakisuyong ipagpatuloy ninyo ang regular na paglalathala sa mga ito sa Gumising!
P. C., Inglatera
Mula sa Aming mga Mambabasa Pinakaiingatan ko ang lahat ng mga magasing tinatanggap namin. Partikular na nasiyahan ako sa mga komento mula sa mga mambabasa sa Hunyo 8, 1997, ng Gumising! tungkol sa pagtitiwalag. Ako’y natiwalag at pagkatapos ay nakabalik-muli noong sumunod na taon. Napakarami ang nag-iisip na ang ginawang ito ay masakit. Subalit sa totoo’y hindi naman. Ang disiplinang ipinataw sa akin ay mahirap tanggapin ngunit tiyak na hindi naman masakit. Alam kong ibig lamang akong matulungan ng matatanda. Ang pagtanggi ko sa kanilang tulong ang naging dahilan ng aking pagkakatiwalag. Nang ako’y matiwalag, napagtanto ko kung gaano kalungkot ang buhay nang wala si Jehova. Nagkaroon ng napakalaking guwang ang aking buhay na hindi mapunan hanggang sa baguhin ko ang istilo ng aking buhay at magbalik-loob kay Jehova. Naging mapagpakumbaba ako bunga ng pagkakatiwalag at ipinakita nito sa akin na kailangan ko si Jehova at ang kaniyang organisasyon.
A. C., Canada
Gumising! Patawarin ninyo ako’t nalimutan kong ipa-renew ang suskrisyon para sa mahusay na magasing Gumising! Ito’y isang impormatibo, edukasyunal, at batay sa katotohanang magasin na may nagpapasigla at nakapupukaw na mga paksa. Nais kong makakuha ng mga nagdaang isyu na hindi ko natanggap. Ayaw kong magkaroon ng kulang kahit isa. Salamat sa matiyaga ninyong pagtulong upang malabanan ang kamangmangan.
N. S., Sri Lanka