Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 8/8 p. 16-17
  • Mga Hiyas sa Himpapawid ng Aprika

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Hiyas sa Himpapawid ng Aprika
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kumikinang na mga Salamin
  • Masipag Ngunit Hindi Kaakit-akit
  • Nakabitin na mga Pugad
  • Magkakasamang Tagagawa ng Pugad
    Gumising!—1988
  • Ang Ibon na Humahalik sa mga Bulaklak
    Gumising!—1999
  • Pagpapalaki ng Anak sa Kagubatan
    Gumising!—2001
  • “Ang Pinakamagandang Tagagubat”
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 8/8 p. 16-17

Mga Hiyas sa Himpapawid ng Aprika

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Kenya

TIGANG at kulay-kape ang kapatagan sa Aprika, palibhasa’y pinatigas ng matinding init ng araw. Hirap na hirap kaming naglalakad sa gitna ng mga balikukong sanga ng mga punong wait-a-bit at matitinik na palumpong.

Biglang-bigla, napatigil kami. Nabihag ang aming pansin ng isang kislap ng nag-iiba-ibang kulay. Dumapo sa isang mabulaklak na sanga ng punong akasya ang isang munting ibon na may napakatingkad na kulay anupat parang ang araw mismo ay nakasuksok sa mumunting balahibo nito. Ang may-pakpak na hiyas na ito ay angkop na tawaging sunbird (pipit dapo).

Kumikinang na mga Salamin

May mahigit na sandaang uri ng pipit dapo. Ang karamihan ay matatagpuan sa tropikal na Aprika, pero makikita rin ang mga ito sa Asia, Australia, at maging sa mga isla sa Pasipiko. Sa ganda at pagkakasari-sari ng mga ito, maaaninaw sa mga pipit dapo ang araw gaya ng mumunting kumikinang na mga salamin, na nagtatanghal ng bahaghari ng mga kulay: nag-iiba-ibang pula, dilaw, bughaw, at berde gayundin ng iba’t ibang klase ng kulay tanso.

Ang mga pipit dapo ay karaniwan nang inihahambing sa mga hummingbird ng Amerika. Tulad ng mga hummingbird, ang mga ito ay may napakagagandang kulay at kumakain ng nektar. Gayunman, mas malaki ang mga ito sa mga hummingbird at hindi kasinggaling sa paglipad ng mga katumbas nila sa Hilagang Amerika.

Karaniwan, sinisipsip ng pipit dapo ang nektar sa pamamagitan ng pagdapo sa mismong nakabukadkad na bulaklak at paggamit ng mahaba at kurbadong tuka nito upang maabot ang malalim na lalamunan ng nakabukadkad na mga bulaklak. Ngunit kung napakahaba ng isang bulaklak na hugis-tubo, maaaring tusukin ng pipit dapo ang pinakailalim nito at ubusin ang napakahalagang laman nito. Ang mga ito ay kumakain din ng mga kulisap na nakukuha nila sa mga bulaklak at sa kalapit na mga dahon.

Magagaling din na mang-aawit ang mga lalaki. Ang mga piyesa nila ay mula sa mahina at matinis na tssp ng matingkad na pipit dapo hanggang sa magandang tsik-tsik-tsik-tsik-tsit tree-tree-turrrr na hinuhuni ng kulay matingkad-pula at berdeng pipit dapo ng Silangang Aprika. Kadalasan, ang awit ng mga ito ang nagpapahiwatig na sila’y naroroon sa makakapal na palumpong. Subalit minsang sila’y nasulyapan, madali silang mapansin sa tigang at kulay kapeng tanawin sa damuhan ng Aprika.

Masipag Ngunit Hindi Kaakit-akit

Bagaman nakasisiyang pagmasdan at pakinggan ang lalaking pipit dapo, ang babae ay mas maliit at hindi gaanong makinang ang kulay. Kaya naman madalas itong hindi mapansin ng mga tagapagmasid-ibon at potograpo. Sa katunayan, napapansin lamang ito kapag kasama ng isang lalaking ibon. Ngunit ang kakulangan ng babaing ibon sa kulay, tiyak namang pinupunan nito ng kasipagan.

Ang kababaihan ang siyang karaniwang gumagawa ng pugad at ng kalakhang bahagi ng pagpapalaki sa mga inakay. Habang abala ito sa mga gawain sa pugad, ang lalaki naman ay nakabantay, anupat handang magtaboy ng mga nanghihimasok sa pugad.

Nakabitin na mga Pugad

Gayunman, talagang hindi magaganda ang pugad ng mga pipit dapo. Kadalasang para lamang mga piraso ng basura ang mga ito na natipon dahil sa pagdaan ng hangin at nasabit sa tinik ng akasya. Kahawig ng isang nakabitin at hugis-hamog na medyas, ang pugad ng pipit dapo ay yari sa himaymay ng halaman na hinabi o binuhul-buhol at pinagdikit sa pamamagitan ng sapot ng gagamba. Ang labas ng pugad ay buong-husay na pinalamutian ng mumunting sanga, tuyong mga dahon, pira-piraso ng lumot, at kadalasan ay may isa o dalawang nakabiting balat ng buto bukod pa sa mga nabanggit.

Sa loob, ang pugad ay may sapin na yari sa mga himulmol ng halaman, malambot na damo, mga balahibo, at ibang pinong bagay. Ang pasukan ay isang maliit na butas sa isang gilid, malapit sa ibabaw. Madalas na ang babaing ibon ang lumililim na mag-isa. Habang nakaupo ito sa loob ng kaniyang pugad na hugis peras, ang mahaba at kurbadong tuka nito ay karaniwan nang makikitang nakausli sa butas ng pugad. Nangingitlog ito ng isa o dalawang itlog, na mapipisa sa loob ng mga 14 na araw. Kapag iniwan na ng inakay ang pugad, kadalasang hindi maganda ang kulay ng mga ito katulad ng kanilang ina. Subalit habang gumugulang ang mga kalalakihan, ang mga ito ay nagsisimulang tubuan ng matitingkad na balahibo na balang araw ay magpapakilala sa kanila bilang ang mga ibon ng araw.

Ang pipit dapo ay isa lamang halimbawa ng kasaganaan at pagkakasari-sari ng isang matalinong Disenyador. Ang ganda ng kulay at katutubong paggawi ng mga ito ay nagpapakilos sa atin na higit na pahalagahan ang Maylalang ng mga ito. Kaya naman kabilang ang mga pipit dapo sa mga inuutusan ng Bibliya: “Purihin ninyo si Jehova mula sa lupa, . . . kayong gumagapang na mga bagay at may-pakpak na mga ibon.” “Bawat bagay na humihinga​—hayaang purihin nito si Jah.” (Awit 148:7, 10; 150:6) Ang mga hiyas na ito sa himpapawid ng Aprika ay dapat magpakilos sa ating lahat na purihin ang maibiging Maylalang na nagdisenyo sa mga ito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share