Hindi Siya Sumuko
NOONG Oktubre 5, 1995, ang 14-na-taong-gulang na si Matt Tapio ay inoperahan dahil sa isang tumor sa pinakasanga ng kaniyang utak. Napatunayan na malubha na ang tumor. Ang operasyong ito ang una sa marami pang operasyon na isinagawa sa kaniya sa sumunod na dalawa at kalahating taon. Sinundan ito ng chemotherapy at ang paggamot sa pamamagitan ng radyasyon.
Si Matt ay nakatira sa Michigan, E.U.A., kung saan siya ay pumapasok sa isang pampublikong paaralan at dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Sinamantala niya ang mga pagkakataon upang makipag-usap sa mga guro at mga kamag-aral tungkol sa kaniyang paniniwala at upang makibahagi sa pagdalaw sa iba sa pangmadlang ministeryo. Sa kaniyang madalas na pamamalagi sa ospital—ginugol niya sa mga ospital ang 18 buwan ng huling dalawa at kalahating taon ng kaniyang buhay—nakapagpasakamay siya ng daan-daang kopya ng mga literatura sa Bibliya sa mga nakakatagpo niya roon.
Maraming beses na wari ay hindi na magtatagal si Matt, subalit tuwing nagkakagayon ay bigla na lamang siyang nakakabawi. Minsan, habang patungo sa ospital, bigla siyang sinumpong at hindi na huminga. Sinimulan ang cardiopulmonary resuscitation, at siya ay muling nagkamalay. Nang magkamalay siya, nagsimula siyang umiyak at sumigaw: “Lalaban ako! Lalaban ako! Hindi ako susuko!” Marami ang nagsabi na ang pananampalataya ni Matt sa Diyos ang nagpanatili sa kaniyang buháy nang gayon katagal.
Nakamtan ni Matt ang isang inaasam-asam na pangarap noong Enero 13, 1996, nang siya ay mabautismuhan bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay sa Diyos na Jehova. Naganap ang pagbabautismo sa isang pribadong pool upang maiwasan ang impeksiyon. Pagkalipas ng ilang araw, siya ay ipinasok muli sa ospital para sa karagdagang operasyon. Noong Agosto 1997, nagsuka nang nagsuka si Matt sa loob ng ilang linggo, subalit bumuti ang kaniyang kalagayan pagkatapos ng isa pang operasyon.
Bagaman dinaranas ang lahat ng ito, patuloy pa ring nagpapatawa si Matt, anupat nakikipagbiruan sa mga doktor at mga nars. Hindi nila maintindihan kung bakit siya ay may gayong palabirong saloobin. Sinabi sa kaniya ng isa sa mga doktor: “Matt, kung ako ang nasa kalagayan mo, ipasasara ko ang kurtina, tatakpan ko ang aking mukha, at palalayasin ang lahat ng nasa tabi ko.”
Noong Pebrero 1998, si Matt ay muling pinauwi mula sa ospital sa kahuli-hulihang pagkakataon. Tuwang-tuwa siyang mabuhay at makauwi sa bahay anupat nang sandaling pumasok siya sa pintuan ay sinabi niya: “Maligayang-maligaya ako! Manalangin tayo.” Kapagdaka ay ipinahayag niya ang kaniyang kaligayahan kay Jehova sa panalangin. Pagkalipas ng dalawang buwan, noong Abril 19, naigupo rin siya ng kanser.
Bago nito, isang inirekord na panayam kay Matt ang ipinarinig sa panahon ng pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Kingdom Hall doon. Siya ay tinanong: “Ano ang masasabi mo sa amin na may malulusog na pangangatawan may kinalaman sa ating ministeryo at mga Kristiyanong pagpupulong?”
Sumagot si Matt: “Gawin ninyo kung ano ang makakaya ninyo ngayon. . . . Hindi ninyo alam kung ano ang mangyayari. . . . Pero anuman ang mangyari, huwag kailanman hihinto sa pagpapatotoo tungkol kay Jehova.”