Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 3/8 p. 22-24
  • Mahiwagang mga Bolang Bato sa Costa Rica

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mahiwagang mga Bolang Bato sa Costa Rica
  • Gumising!—1999
  • Kaparehong Materyal
  • Costa Rica—Maliit na Bansa, Sagana sa Pagkakasari-sari
    Gumising!—1995
  • Sino ang Gumawa ng mga Batas ng Uniberso?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Ginawa ba ng Siyensiya na Lipas Na ang Bibliya?
    Gumising!—1990
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 3/8 p. 22-24

Mahiwagang mga Bolang Bato sa Costa Rica

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA COSTA RICA

LABING-ANIM na siglo na ang nakararaan, ang mga katutubo sa timog-kanluran ng Costa Rica ay gumawa ng iba’t ibang solidong bolang bato, ang ilan ay may diyametro na apat na pulgada lamang at ang iba naman ay umaabot ng walong talampakan. Napakahusay ng pagkakagawa sa mga ito anupat ang isa ay mauudyukang mag-isip, ‘Paano ginawa ang mga ito? Ano ang gamit ng mga ito?’

Ang malalaking bolang bato ay natagpuan sa marami pang bansa, kasali na ang Chile, Mexico, at Estados Unidos. Subalit namumukod-tangi ang mga bolang bato na granito sa Costa Rica. Napakahusay ng kalidad ng mga ito, anupat ang ilan ay bilog na bilog at makikinis. Kadalasan ay natatagpuan ang mga ito na nakatumpok nang tig-20 o mahigit pa. Lalo nang kawili-wili ang bagay na marami sa mga ito ay nasumpungang nakaayos sa iba’t ibang heometrikong hugis, gaya ng tatsulok, parihaba, at tuwid na mga linya. Ang mga ayos na ito ay karaniwang nakaturo sa magnetikong hilaga ng lupa.

Maraming bolang bato ang natuklasan sa Diquis River Delta. Ang iba naman ay natagpuan malapit sa mga timugang lunsod ng Palmar Sur, Buenos Aires, at Golfito gayundin sa lalawigan ng Guanacaste hanggang sa hilaga at sa gitnang libis. May ilang bagay na natagpuang kasama ng mga bolang bato na nagbigay ng mahahalagang pahiwatig para sa pagpepetsa sa mga ito. Tinataya ng mga arkeologo na ang ilan sa mahihiwagang tipak ng batong ito ay noon pang 400 C.E. Ang pinakamarami sa mga ito ay lumitaw sa pagitan ng 800 at 1200 C.E. Ang ilan ay natagpuan malapit sa waring mga tirahan o halos katabi ng mga libingan. Sa nagdaang mga taon, ang ilan sa mga bolang bato ay sinira ng mga tao na umaasang makasusumpong ng mga kayamanang nakatago sa loob ng mga ito. Gayunman, ang National Museum of Costa Rica ay may isang katalogo ng mga 130 umiiral na mga bolang bato. Subalit marami pa ang wala sa katalogo. Mahirap bilangin ang sinaunang mga bolang bato na ito dahil marami sa mga ito ang inalis sa kanilang orihinal na kinalalagyan at ginawang mga palamuti sa mga pribadong dako, gaya sa mga hardin at simbahan. Walang alinlangan na marami pa ang hindi natutuklasan​—ang ilan ay nasa ilalim ng lupa, ang iba ay nasa makakapal na kagubatan.

Paano ginawa ang mga ito? Ito ay isang misteryo. Ang ilang pamamaraang mekanikal ay waring kinailangan upang makagawa ng gayon kaeksakto. Kung ibabatay sa maraming istatuwa noong panahong iyon, alam natin na ang mga gumawa sa mga bolang bato na iyon ay bihasang mga eskultor. Bukod dito, ang mga ginintuang bagay na mula pa noong 800 C.E. ay nagpapatunay na sila’y makaranasan sa paggawa sa pamamagitan ng matataas na temperatura. Ang isang teoriya sa paglilok sa mga bolang bato ay na maaaring ginamitan ang mga ito ng matataas na temperatura at pagkatapos ay pinalamig ang mga ito upang tanggalin ang panlabas na suson ng bato. Ang trabaho ay maaaring tinatapos sa pamamagitan ng pagpapakinis sa mga bolang bato na ginagamit ang buhangin o katad.

Ipinaliwanag ng isang siyentipiko na ang mas malalaking bolang bato “ay produkto ng pinakamahuhusay na manggagawa, at [ang mga bolang bato ay] halos bilog na bilog anupat ang mga sukat ng diyametro sa pamamagitan ng medida at panghulog ay hindi nagsisiwalat ng depekto.” Ipinakikita ng pagkaeksaktong ito na ang mga katutubo ay may kakayahan sa matematika, makabagong kaalaman sa paglililok ng bato, at gumamit sila ng mga kasangkapan. Gayunman, yamang ang mga taong ito ay waring walang nakasulat na wika, walang mga rekord kung paano nila eksaktong ginawa ang mga bolang bato.

Karamihan sa mga bolang bato na ito ay yari sa tulad-granitong tipak ng bato. Ang pinakamalapit na kilalang tibagan ng granito ay naroon sa itaas ng bundok mga 40 hanggang 50 kilometro mula sa Diquis River Delta. Paano inilipat ng mga eskultor ang gayong kabigat na mga bato? Kung ang mga bolang bato ay nililok sa tibagan, kinailangang buong-ingat na kontrolin ng mga eskultor ang pagbababa sa mga ito. Naguguniguni mo ba ang hamon ng paglilipat ng isang napakabigat na bagay sa gayon kalayong distansiya nang walang modernong kagamitan? Gaano ba talaga kabigat ang mga bolang bato? Ang ilan ay tumitimbang ng 16 na tonelada!

Kung ang granito ay tinibag at inilipat bago ito nililok, ang siyam-na-talampakang kubiko na kakailanganin para sa isang bola na walong talampakan ang diyametro ay titimbang ng mahigit na 24 na tonelada! Malamang, upang makagawa ng isang maluwang at patag na daanan para maging posible ang paglilipat, ang mga katutubo ay kinailangang magtabas sa makapal na kagubatan. Talagang malaking trabaho! Ang ibang bolang bato ay yari sa coquina, isang materyal na katulad ng batong-apog, na matatagpuan sa mga dalampasigan malapit sa bibig ng Diquis River. Maaari nitong ipahiwatig na ang bato ay ibiniyahe ng mga 50 kilometro sa pamamagitan ng balsa na pasalungat sa agos. Ang ilang bolang bato ay natagpuan sa Caño Island, mga 20 kilometro sa laot ng baybaying Pasipiko.

Walang sinuman ang makapagpapaliwanag nang may katiyakan sa orihinal na layunin sa mga bolang bato na ito. Ang mga ito ay maaaring tanda ng ranggo o kahalagahan para sa isang pinuno ng tribo o ng isang nayon. Posible rin na ang mga ito ay mga simbolong panrelihiyon o panseremonya. Maaaring balang araw ay isiwalat ng panghinaharap na mga pag-aaral sa arkeolohiya ang misteryo ng mga bolang bato sa Costa Rica.

[Mapa sa pahina 22, 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Costa Rica

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 23]

Ang lokomotura sa likod ng bolang bato ay nagpapahiwatig ng sukat

[Credit Line]

Courtesy of National Museum of Costa Rica

[Mga larawan sa pahina 24]

Mga bolang bato sa bakuran ng National Museum of Costa Rica

Pinakamalaking bolang bato na natagpuan hanggang sa ngayon, na 8.5 talampakan ang diyametro

[Credit Line]

Courtesy of National Museum of Costa Rica

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share