Pagmamasid sa Daigdig
Pinakamahusay ang Gatas ng Ina
“Pinakamahusay sa lahat ng medisina ang gatas ng ina,” sabi ng Newsweek. “Nakukuha ng mga sanggol na umiinom nito ang sustansiyang kailangan nila para sa tamang paglaki ng utak, samantalang binabawasan ang panganib sa lahat ng bagay mula sa mga alerdyi at mga impeksiyon hanggang sa diarrhea, eksema at pulmonya.” Kaya hinihimok ng American Academy of Pediatrics at ng American Dietetic Association ang mga ina na pasusuhin ang kanilang bagong silang na sanggol sa loob man lamang ng isang taon. “Subalit bihirang gamitin ang katangi-tanging pinagmumulan na ito,” ang sabi ng Newsweek. Bakit? Kadalasan nang dahil sa maling impormasyon. Nag-aalala ang ilang ina na wala silang sapat na gatas upang panatilihing malusog ang kanilang mga sanggol. Inaakala naman ng iba na kailangan nang maaga ang iba pang pagkain. “Ang totoo, matutugunan ng karamihang ina ang lahat ng nutrisyonal na pangangailangan ng bata hanggang 6 na buwan, kung kailan unti-unting idinaragdag ang matitigas na pagkain sa diyeta ng bata,” sabi ng artikulo. “At ano man ang kinakain nila, ang mga batang 2 taóng gulang ay maaaring makinabang sa mga antibody at fatty acid sa gatas ng ina.” Kapaki-pakinabang din ito sa mga ina: Binabawasan ng pagpapasuso ang panganib ng kanser sa suso at pinabibilis ang pagbawas ng timbang pagkatapos manganak.
Karalitaan—Walang Pinipiling Bansa
Ayon sa International Herald Tribune, isinisiwalat ng isang ulat kamakailan ng United Nations na lumalaganap ang karalitaan, kahit sa pinakamayayamang bansa sa daigdig. Maraming tao sa industriyalisadong mga lupain ang napagkakaitan ng “pangunahing mga pangangailangan ng tao,” gaya ng trabaho, edukasyon, at pangangalaga sa kalusugan. Ayon sa ulat, 16.5 porsiyento ng populasyon sa Estados Unidos ay namumuhay sa karalitaan. Sa Britanya ang bilang ay 15 porsiyento. Sa industriyalisadong mga bansa, 100 milyon ang walang tirahan, 37 milyon ang walang trabaho, at halos 200 milyon ang may “haba ng buhay na wala pang 60 taon.”
Hindi Talaga Kanais-nais Yapusin
“Kung inaakala mong ang leon o ang cape buffalo ang pinakamapanganib na hayop sa Aprika, mag-isip kang muli,” ang sabi ng The Wall Street Journal. “Ito’y ang hippopotamus.” Bagaman itinatampok ng mga cartoon at mga kuwentong pambata ang palakaibigan at masasayang hippo at ang mga ito’y popular na mga stuffed toy, ang mga hippopotamus ang sanhi ng mas maraming kamatayan sa Aprika kaysa sa anumang ibang hayop. Sinasabi ng mga giya na ang pinakamapanganib na dako sa kontinente ay “sa pagitan ng isang hippo at ng ruta nito sa tubig” at ang “susunod marahil ay sa pagitan ng isang inang hippo at ng kaniyang guya.” Bagaman ang mga hippo ay tila tahimik na sama-samang nagpapahinga malapit sa malalim na tubig ng gitnang-ilog, binabantayan nilang mabuti ang kanilang teritoryo at kadalasang napakaagresibo kapag ginulat o hinamon. Napakalakas ng mga ito. “Maaaring kagatin at hatiin ng isang galit na hippo ang isang buwaya. At pira-pirasuhin ang isang bangka,” sabi ng isang giya. Kung gayon, bakit pa namamangka sa lugar ng mga hippo? Napakaganda ng tanawin ng ilog at ng mga hayop sa pampang, sabi ng giya, at “malamang na hindi gaanong mapanganib kaysa ilan sa ibang ginagawa ng mga turista sa dakong ito: halimbawa, ang bungee-jumping sa tulay ng Victoria Falls na 110 metro ang taas.”
Muling Lumitaw ang Nagbababalang Tanda Noong Panahon Bago ang Holocaust
“May nagbababalang mga parisan ng mga pag-abuso sa karapatang pantao ngayon, anupat nakatatakot na nagpapaalaala sa malagim na panahon ng dekada ng 1930 nang ang katulad na mga gawain ay humantong sa Holocaust,” sabi ni Irwin Cotler, isang propesor sa batas sa McGill University at kasamang tagapamanihala ng Canadian Helsinki Watch Group, ayon sa The Toronto Star. Sinabi niya na itinatampok ng isang pag-aaral na isinagawa ng Helsinki Federation for Human Rights sa 41 bansa ang isang maliwanag na nagbababalang tanda—ang mabilis na pagdami ng pananalitang may pagkapoot laban sa mga minorya. Kadalasan ay sa anyo ng pagsulsol sa galit ng mga brodkaster at mga publikasyon ng estado, ito’y nagbunga ng pag-uusig sa mga minorya. Ganito ang sabi ni Cotler may kinalaman sa kausuhang ito: “Ito ang leksiyon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na hindi natin natutuhan.” Isa pang limot na leksiyon, aniya, ay “ang krimen ng kawalang-malasakit, ang sabuwatan ng pananahimik.”
Mga Bata—Mga Biktima ng Digmaan
“Ayon sa pantanging kinatawan ng United Nations na si Olara Otunnu, ang mga digmaan at alitan sa nakalipas na dekada ay kumitil sa buhay ng dalawang milyong bata, inulila ang mahigit isang milyong bata, at malubhang sumugat o puminsala sa anim na milyon pa,” ulat ng pahayagang Aleman na Grevener Zeitung. Tinuligsa ng UN Security Council ang lahat ng gawain na nagpapangyaring maging tudlaan ng pagsalakay ang mga bata. Lalo nang nakababahala ang mahigit na 300,000 bata sa buong daigdig na ginagawang mga sundalo. Marami sa kanila ang umano’y pinipilit magsundalo, at sangkatlo sa kanila ay mga babae. Kadalasang ginagamit ang mga sundalong bata bilang mga mamamaslang na malamang na mamatay samantalang nakikipagbaka. Hinihiling ng isang bagong nabuong samahan ng mga organisasyong hindi pampamahalaan ang isang internasyonal na protokol na magtatakda sa pinakamababang edad para sa mga sundalo sa 18 anyos.
Nasa Internet Na ang Vatican
Noong 1994 ang Vatican ay lumagda ng kontrata upang magbukas ng isang Web site sa Internet. Makukuha na ngayon sa Internet ang mga relihiyosong serbisyo, gaya ng tuwirang pangungumpisal at pagsangguni sa mga pari tungkol sa “anumang pag-aalinlangan” hinggil sa relihiyosong mga bagay, ulat ng pahayagang El Financiero. Sa isang site, makahihiling ang “mga cybercatholic” (Katolikong gumagamit ng Internet) na sila’y ipagdasal. Maaari ring mapanood ang brodkast ng pagbasbas ng papa kung Linggo. Mayroon ding anunsiyo na nag-aalok ng “mga pagkakataon upang bumili at magbenta ng relihiyosong mga bagay.” “Ang problema ay bihirang buksan ang pang-Katolikong web page,” sabi ng El Financiero. “Ang page ng Vatican ay wala pang 25 ulit na binubuksan sa isang araw, at karamihan sa mga gumagamit ay mula sa pamahayagang Katoliko.”
Mas Gustong Manatiling May Sakit
“Nananatiling Numero 1 mamamatay-tao ang TB,” ang ulat ng pahayagang Cape Times. Palibhasa’y mabilis na kumakalat sa mga naghihikahos sa Timog Aprika, kumikitil ito ng mahigit na 13,000 roon taun-taon at napakarami ang malubha upang makapagtrabaho. Sa mga huling banggit, ang pamahalaan ay nagbibigay ng sustentong pangkapansanan at may nakukuhang mga paggamot para sa TB. Subalit palibhasa’y kakaunti ang trabaho at kadalasang maliit ang sahod, ang ilang pasyente ay nagpapasiyang ihinto ang kanilang pagpapagamot ng TB upang magpatuloy ang kanilang sustentong salapi. “Ang salapi ay halos 10 ulit na mas malaki kaysa sa kanilang tinatanggap para sa mga trabahong di karaniwan na kanilang ginagawa,” paliwanag ni Ria Grant, isang patnugot ng organisasyong TB Care sa Timog Aprika. “Naniniwala sila na mas mabuting maysakit kaysa maging malusog minsang makita nila kung gaano karaming salapi ang kanilang makukuha.”
Inaantok na mga Drayber
“Sinasabi ng ilang eksperto na ang inaantok na mga drayber ay mapanganib din na katulad ng mga lasing na drayber,” ulat ng The Journal of the American Medical Association. “Lubhang ipinagwawalang-bahala ang nagagawa ng pag-aantok sa mga banggaan [ng mga sasakyan], at ang inaantok na mga drayber ay malaking panganib sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.” Ayon sa The Toronto Star, nasumpungan ng mga pag-aaral na hindi masabi ng mga tao kung kailan sila makakatulog o matantiya man ang kanilang pag-aantok. “Ang tulog ay isang pangangailangan na gaya ng gutom at paghinga,” sabi ni Stephanie Faul, isang tagapagsalita para sa American Automobile Association Foundation for Traffic Safety. “Kapag kailangan ng iyong katawan na matulog, basta ka nakakatulog.” Ano ang dapat gawin ng mga drayber kapag nasumpungan nilang sila’y paulit-ulit na humihikab o pumipikit ang kanilang mata o lumilihis ang kanilang kotse? “Ang karaniwang pagsisikap na gumising, gaya ng pagbubukas ng bintana o pagpapatugtog ng radyo, ay talagang hindi uubra,” sabi ng The Toronto Star. “Nakatutulong ang caffeine para sa panandaliang pagkaalisto subalit hindi ito nakababawas sa pangangailangan ng katawan ng tao na matulog.” Ang inaantok na mga drayber ay pinapayuhang tumabi at huminto sa isang ligtas na dako at saka umidlip.
Gaano Karaming Baktirya?
Ang baktirya ay karaniwang anyo ng buhay sa lupa. Umiiral ito sa pinakasahig ng pinakamalalim na karagatan at 60 kilometro sa itaas sa atmospera. Mas mabigat ang kabuuang timbang nito kaysa sa anumang iba pang anyo ng buhay. Ang malamang na unang masikap na pagtatangkang tantiyahin ang kanilang dami ay inilathala na ngayon ng mga siyentipiko sa University of Georgia, E.U.A. Ang kanilang tantiya ay lima na sinusundan ng 30 sero. “Inaakala ng karamihan ng mga tao na ang baktirya ang sanhi ng sakit,” sabi ng The Times ng London. “Subalit kaunti lamang ang nagdadala ng sakit. Kahit na pagsamahin pa ang lahat ng baktirya na nabubuhay sa lahat ng hayop, aabot ito sa halos 1 porsiyento ng kabuuang bilang. Ang karamihan ay hindi lamang di-nakapipinsala kundi mahalaga rin, anupat tumutulong sa mga gawain na gaya ng pagtunaw ng pagkain.” Nakapagtataka, 92 hanggang 94 na porsiyento ng lahat ng baktirya ay masusumpungan sa banlik na mahigit sa sampung centimetro sa pinakasahig ng dagat at sa ilalim ng lupa sa lalim na mahigit sa 9 na metro. Ang mga dakong ito ay inaakala noon na talagang walang buhay. Halos kalahati ng tuyong timbang ng baktirya ay binubuo ng kanilang nilalaman na carbon, isang elemento na mahalaga sa buhay. “Ang dami ng carbon na nakaimbak sa baktirya ay halos katumbas ng nakaimbak sa lahat ng halaman sa daigdig,” sabi ng The Times.