Paano Dapat Matulog ang Isang Sanggol?
MARAMING sanggol sa buong daigdig ang namatay dahil sa Sudden Infant Death Syndrome (SIDS). Sa Estados Unidos, ito ang pinakamadalas na sanhi ng pagkamatay ng mga sanggol na ang edad ay sa pagitan ng 1 buwan at 12 buwan. Mayroon bang paraan upang mabawasan ang panganib? Ayon sa The Journal of the American Medical Association (JAMA), ipinakikita ng pananaliksik sa nakaraang mga taon na ang panganib ng SIDS ay waring nababawasan nang malaki kapag ang mga sanggol ay natutulog nang nakatihaya sa halip na nakadapa. Ang ilang bansa ay nagsimula ng mga programa upang bigyang-babala ang mga magulang tungkol sa kaugnayan ng posisyon sa pagtulog at ng SIDS. Sa Australia, Inglatera, Denmark, New Zealand, at Norway, nabawasan ng di-kukulangin sa 50 porsiyento ang SIDS matapos ng isa o dalawang taon ng kampanya sa publiko upang idiin ang pagpapatulog sa mga sanggol nang nakatihaya.
Hindi pa alam kung ano ang eksaktong kaugnayan ng SIDS sa pagtulog ng bata nang nakadapa, ngunit iminumungkahi ng ilang mananaliksik na ang ganitong nakadapang posisyon ay maaaring humantong sa muling paglanghap ng sanggol sa ibinuga nitong hangin, sa gayo’y tumataas ang antas ng carbon dioxide sa dugo nito. Maaari ring uminit nang labis ang katawan ng sanggol dahil hindi nito nailalabas nang husto ang init kapag nakadapa ito. Sa paano man, ang mga sanggol na inihihiga nang patihaya o padapa ay malamang na manatili sa gayong posisyon. Ipinahihiwatig din ng mga pag-aaral na mas mabuti kung ihihiga nang patihaya sa halip na patagilid ang isang normal at malusog na sanggol.
Bakit pinipili ng mga ina ang isang posisyon sa pagtulog kaysa sa iba? Sinabi ng JAMA na kadalasa’y sumusunod lamang ang mga ina sa kaugalian—pinatutulog nila ang kanilang mga sanggol sa paraan na kinaugalian na ng kanilang mga ina mismo o ng iba pa sa kanilang lugar. O maaaring gayahin nila ang nakita nila sa ospital. Inaakala rin ng ilang ina na mas gusto o mas masarap ang tulog ng kanilang sanggol sa isang partikular na posisyon. Kadalasa’y inihihiga ng maraming ina nang patihaya ang sanggol sa unang buwan nito ngunit sa kalaunan ay pinadadapa ito. “Nakababahala ang kaugaliang ito,” sabi ng JAMA, “dahil sa pinakamalaki ang panganib ng SIDS sa mga sanggol na ang edad ay nasa pagitan ng 2 hanggang 3 buwan.” Sinisikap ng mga doktor na ipaalam sa mga magulang ng mumunting sanggol ang tungkol sa sinasabi nilang isang simple at mabisang hakbang para mabawasan ang panganib ng SIDS—ang patulugin nang nakatihaya ang malulusog na sanggol.a
[Talababa]
a Kung ang sanggol ay pinahihirapan ng sakit sa palahingahan o di-normal na paglalaway, isang katalinuhan na kumonsulta sa isang doktor tungkol sa pinakamabuting posisyon sa pagtulog.