Mga Pananggalang at Panganib
Ang Sistema sa Imyunidad ng Tao Lagi tayong sinasalakay ng milyun-milyong mikrobyo, tangkang salakayin ang ating mainit at mamasa-masang katawan. Kung makapasok sila, magugulat sila. Sila’y haharapin ng hindi kapani-paniwalang masalimuot na sistema ng imyunidad—milyun-milyong pantanging mga selula na inaaayos ng maraming proteina. Ang magasing Time ay nagsasabi: “Ang sistema ng imyunidad ay maihahambing sa pinakamasalimuot sa lahat na sangkap, ang utak.” Saka nito sinisipi ang imyunulogong si William Paul: “Ang sistema ng imyunidad ay may pambihirang kakayahang pakitunguhan ang impormasyon, para sa pagkatuto at memorya, sa paglikha at pag-iimbak at paggamit ng impormasyon.” Ganito pa ang papuri ni Dr. Stephen Sherwin: “Isa itong hindi kapani-paniwalang sistema. Nakikilala nito ang mga molekulang hindi pa nakapasok sa katawan noon. Nakikilala nito kung ano ang kabilang doon at kung ano ang hindi kabilang doon.” At kung hindi ito kabilang doon, digmaan na, ganap na digmaan.
Pagmimirienda ng Carbohydrates Ang pagkaing mayaman sa carbohydrate ay maaaring maging sanhi ng pag-aantok at pagod pagkatapos, sa kabila ng mataas na antas ng glucose sa dugo ng isang tao. Ipinahihiwatig ng mga pag-aaral na ang pagtutuon ng isip at ang mga puntos sa pagsusulit ay mas mababa pagkakain ng pagkaing mayaman sa carbohydrate. Mas gusto ng marami na labis kumain ang mga carbohydrate kaysa mirienda hindi lamang dahil sa nananabik sila sa matatamis kundi dahil sa gusto nila ng tinapay at pasta. Ang mga maninigarilyong huminto ng paninigarilyo ay nananabik sa pagkaing mayaman sa carbohydrate, at ang dahilan kung bakit sila ay tumataba kapag inihihinto nila ang paninigarilyo ay sapagkat kumakain sila ng mas maraming matamis, mga pagkaing mayaman sa carbohydrate.
Panganib sa Pagtaba Pinalalaki ng mga babaing nasa katanghaliang-gulang at nakababata ang panganib sa sakit sa puso dahil sa pagtaba sa anumang antas. Ayon ito sa isang walong-taóng-pag-aaral ng 116,000 mga nars mula sa edad na 30 hanggang 55 taon. Pitumpong porsiyento ng sakit sa puso sa mga babaing mataba at 40 porsiyento sa karaniwang mga babae ay dahil sa labis na timbang. Ang ulat ng balita tungkol dito sa The New York Times ay nagpapatuloy: “Ipinakikita ng dating mga pag-aaral sa mga lalaki na ang pagiging labis sa timbang ay nagdaragdag sa panganib ng sakit sa puso. Subalit ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang panganib ng bahagyang pagtaba ay pinatutunayan sa mga babaing nasa kalagitnaang-gulang, sabi ni Dr. Charles H. Hennekens, isang epidemiologo sa Brigham and Women’s Hospital sa Boston at isang autor ng pag-aaral. Ipinakikita ng mga resulta na ang ‘pagtaba ay naroon kasama ng paninigarilyo at malakas na pag-inom ng alak bilang pangunahing sanhi ng labis na sakit at kamatayan sa Estados Unidos,’ sabi niya.”
Kamatayan ng mga Sanggol Kaugnay ng Paninigarilyo Pagkatapos ng tatlong-taóng pag-aaral, nasumpungan ng dalawang doktor sa Sweden ang matibay na kaugnayan sa pagitan ng paninigarilyo at ng sudden infant death syndrome, kilala bilang SIDS—isang kataga para sa mga kamatayan ng mga sanggol mula isa hanggang anim na buwan ang edad na di-alam ang dahilan. Tinipon nina Dr. Bengt Haglund at Sven Cnattinguis ang impormasyon ng 280,000 mga sanggol na ipinanganak nang buháy sa Sweden. Sa pangkat na ito, 190 ang namatay dahil sa SIDS, at sinisisi ng mga doktor ang paninigarilyo ng mga ina sa 50 mga kamatayan. Ang mga inang nanigarilyo nang katamtaman sa panahon ng pagbubuntis—isa hanggang siyam na sigarilyo sa isang araw—ay dalawang ulit na malamang na mamatayan ng kanilang sanggol dahil sa SIDS kaysa hindi naninigarilyo. Ang malakas manigarilyo—sampu o higit pang sigarilyo isang araw—ay tatlong ulit ang panganib. Sabi ni Dr. Haglund: “Mula sa pansawatang punto de vista, ang paninigarilyo ang iisang pinakamalaking dahilan ng SIDS.” Gayunman, sinabi niya na ang iba pang salik na panlipunan at pangkabuhayan ay maaaring kasangkot: edad ng ina, katayuan sa lipunan, at kung baga ang ama ay namumuhay na kasama ng ina at ng bata. Ang ulat sa The New York Times ay naghinuha: “Ipinakikita ng pag-aaral na ang insidente ng SIDS ay mas mababa sa mga bansa sa Scandinavia kaysa iba pang industrialisadong mga bansa na gaya ng Estados Unidos.”