Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 4/8 p. 13-16
  • Mga Kulog at Kidlat—Kagila-gilalas na Hari ng mga Ulap

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kulog at Kidlat—Kagila-gilalas na Hari ng mga Ulap
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Nabubuo ang mga Kulog at Kidlat
  • Mga Pagtatanghal ng Kuwitis sa Himpapawid
  • Ang Pinakamalaking Pakinabang sa Bagyo
  • Ano Naman ang Granizo?
  • Ang mga Buhawi at ang Pagkulog at Pagkidlat
  • Kahindik-hindik na Pagtatanghal sa Langit
    Gumising!—1989
  • Kidlat
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ingatan ang Sarili Mula sa Kidlat!
    Gumising!—1996
  • Graniso
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 4/8 p. 13-16

Mga Kulog at Kidlat​—Kagila-gilalas na Hari ng mga Ulap

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia

MARAMING tao ang naaakit sa mga ulap mula pa nang sila’y mga bata. Nagunita ng isang 80-anyos na noong batang-bata pa siya, lagi siyang nahihiga sa damuhan habang pinagmamasdan ang mga ulap “na nagpaparada sa kalangitan,” gaya ng sabi niya. Naalaala niya na lagi niyang tinatanong kung ano kaya ang mga ulap. Iyon kaya ay bulak? Bakit iba-iba ang hitsura ng bawat isa? Ang isang iyon ay mukhang barkong de-layag, ang isa naman ay parang dumadambang kabayo. At hayun naman ang isang umiindayog na kastilyo. Patuloy na nilalaru-laro ng mga ito ang kaniyang musmos na imahinasyon habang lumulutang ang mga ito sa langit sa pabagu-bagong hugis at laki. Hanggang ngayon, sabi niya, tuwang-tuwa pa rin siyang pagmasdan ang mga ulap na para bang “naglalaro ng hulaan” sa kalangitan. Marahil ay naranasan mo na ang simpleng kasiyahang ito.

Gayunman, malamang na ang pinakakahanga-hanga at kagila-gilalas sa mga ulap ay yaong “nakapagsasalita.” Ang pangalan ng mga ito ay cumulonimbus, o ulo ng kulog. Palibhasa’y madilim at mukhang nagbabanta, ang mga ulap na ito sa kalangitan ay maaaring umabot sa taas na mahigit sa labing-anim na kilometro o higit pa, at dala nito ang mga kulog at kidlat (thunderstorm). Ang mga ulap ng bagyo ay maaaring mangislap dahil sa kidlat at magpadagundong ng sunud-sunod na babalang kulog habang kumakapal ang mga ito sa himpapawid. Sa gabi naman ay maaaring magtanghal ang mga ito ng maningning na palabas ng mga tunog at liwanag na nakahihigit sa anumang gawang-taong pagtatanghal ng mga kuwitis. Ang mga ito’y bumubuga at nagbubuhos ng ulan at granizo at saka humahayo, anupat nag-iiwan ng amoy ng sariwa at malinis na ulan, kadalasa’y sa isang dating tigang na lupa.

Kung Paano Nabubuo ang mga Kulog at Kidlat

Kamakailan ay nagawang pagmasdan ng tao ang planetang Lupa mula sa kalawakan. Nakita niya ang isang mistulang alpombra ng ulap na lumulutang sa ibabaw ng malaking bahagi nito. Ipinabatid sa atin ng awtor na si Fred Hapgood na “sa anumang espesipikong sandali, ang kalahati ng ibabaw ng globo, na 250 milyong kilometro kudrado, ay natatakpan ng [mga ulap]​—tulad-sapin, pabilog, parang kubrekama, mahimaymay, parang leis, matambok, sa sari-saring antas ng liwanag at kapal, namumukadkad, nakalatag, naglalayag, at naglalaho sa buong daigdig.” Mga kulog at kidlat ang bumubuo sa bahagi ng namuong ulap na ito​—sa katunayan, hanggang 15,000,000 kulog at kidlat ang nagaganap sa lupa bawat taon, at mga 2,000 kulog at kidlat ang aktibo sa lahat ng panahon.

Nagkakaroon ng pagkulog at pagkidlat kapag ang makapal na hanging malamig ay nasa ibabaw ng mamasa-masang hangin na mas manipis. Isang tagapagpasimula, gaya ng init ng araw, frontal weather (lagay ng panahon sa hangganan sa pagitan ng dalawang magkaibang hangin), o pataas na kalupaan, ang siyang sanhi ng pag-angat ng mainit at mamasa-masang hangin na tumatagos sa malamig na hangin. Nagkakaroon ng mga daloy ng hangin, at pagkatapos ay nagiging hangin at kuryenteng enerhiya ang init na enerhiyang naimbak sa hangin at ang singaw ng tubig.

Ang mga kalagayan ng atmospera na kailangan upang mabuo ang mga kulog at kidlat ay pinakakaraniwan sa mas mabababang latitud. Ipinaliliwanag nito kung bakit ang Timog Amerika at Aprika ang mga kontinenteng pinakamadalas na makaranas nang pagkulog at pagkidlat at kung bakit matagal nang itinuturing na sa Sentral Aprika at Indonesia ang may pinakamadalas na pagkulog at pagkidlat. Ang tinatanggap na rekord ay 242 araw ng mga pagkulog at pagkidlat bawat taon, na napaulat sa Kampala, Uganda. Gayunman, nagkakaroon din ng pagkulog at pagkidlat sa marami pang bahagi ng lupa.

Mga Pagtatanghal ng Kuwitis sa Himpapawid

Ang dalawang pagkakakilanlan ng thunderstorm na kitang-kita ng lahat ay ang mga kulog at kidlat. Ngunit ano ba ang dahilan ng ganitong pambihira, ngunit kadalasa’y nakatatakot na pangyayari? Ang kidlat ay isa lamang pagsabog na nalilikha kapag sapat ang laki ng mga pagkakaiba ng mga karga ng kuryente sa dalawang lokasyon upang mahigitan ang pananggalang na epekto ng hangin. Maaari itong maganap sa isang ulap, sa pagitan ng mga ulap, o sa pagitan ng mga ulap at ng lupa. Karaka-rakang pinaiinit ng kidlat ang hangin sa napakataas na temperatura​—na umaabot sa 30,000 digri Celsius sa sandaling ang mga pagsabog ay maglabas ng karga ng kuryente.

Ang kidlat ay maaaring uriin bilang alinman sa streak lightning, forked lightning, o sheet lightning. Kung ang pagsabog ay nakikita na gaya ng isang maliwanag na linya, ito ay streak lightning. Kung ang linya ay nakikitang nahati o nagsanga, kung gayo’y tinatawag itong forked lightning. Kung ang kislap ay sa loob ng ulap, o sa pagitan ng mga ulap, iyon ay kilala bilang sheet lightning. Sinasabi sa atin ng mga awtoridad na ang karamihan sa nakikita nating kidlat ay ulap-sa-lupa na kidlat.

Ang kidlat ay nagdadala ng pinsala sa mga nabubuhay na bagay​—maging ng kamatayan at ng pinsala pa nga sa mga tao at mga hayop. Lubhang nanganganib ang mga tao sa mga dalampasigan at laruan ng golf at ang mga nasa labas sa kabukiran dahil sila ay nakahantad sa karga ng kuryente.​—Tingnan ang kahon sa pahina 15.

Mga 30 porsiyento lamang ng mga taong tinatamaan ng kidlat ang aktuwal na namamatay, at mababa ang insidente ng pangmatagalang pinsala kapag nalapatan kaagad ng wastong lunas. Subalit salungat sa popular na alamat, ang kidlat ay maaari at kadalasang tumatama nang hindi lamang minsan sa iisang lugar!

Ang pagtama ng kidlat ay pinagmumulan ng maraming sunog. Maaari nitong pinsalain ang malalawak na lupain. Humigit-kumulang na 10 porsiyento ng mga sunog sa kagubatan ng Estados Unidos ay bunga ng kidlat. Humahantong ito sa pagkasunog ng mahigit sa 35 porsiyento ng kabuuang kagubatan at mga kakahuyan na tinupok ng apoy sa bansang iyan.

Ngunit kapaki-pakinabang din ang pagtama ng kidlat. Halimbawa, nakikinabang ang mga gubat sa ilang paraan. Binabawasan ng mga sunog na likha ng kidlat ang palumpong sa kagubatan dahil sa maliliit na sunog. Ito ay nakababawas sa panganib na maabot ng mas nakapipinsalang sunog na naglalagablab sa init ang tuktok ng mga punungkahoy. Ang kidlat ay nagpapangyari rin ng kapaki-pakinabang na pagbabago sa nitroheno, na bilang isang gas ay hindi maaaring gamitin ng mga halaman. Binabago ng kidlat ang gas na ito tungo sa mga kombinasyon ng nitroheno, na mahalaga sa pagbuo ng mga himaymay ng halaman at pagbuo ng mga binhi, na naglalaan ng mga protinang mahalaga sa mga hayop. Tinataya na 30 hanggang 50 porsiyento ng mga nitrogen oxide na nasa ulan ay likha ng kidlat at na sa buong daigdig, 30 milyong tonelada ng kemikal na nitroheno ang nagagawa sa ganitong paraan bawat taon.

Ang Pinakamalaking Pakinabang sa Bagyo

Naglalabas ng napakaraming tubig ang pagkulog at pagkidlat. Ang pangunahing dahilan ng malalakas na ulan sa loob ng maikling panahon ay ang bagay na pinipigil ng matinding pagtaas ng hangin sa malakas na bagyo ang napakaraming tubig at saka biglang pinakakawalan ito. Ang gayong ulan ay nasukat na pumapatak sa bilis na hanggang walong pulgada bawat oras. Sabihin pa, may negatibong bahagi ang gayong malakas na pag-ulan.

Kapag mabagal ang bagyo, maliit na lugar lamang ang nauulanan, at maaari itong humantong sa biglaang pagbaha. Kapag may ganitong bagyo, ang pagdaloy ng tubig ay nagiging dahilan ng pag-apaw ng mga sapa at ilog. Tinataya na mga sangkatlo ng kabuuang pinsala ng baha sa Estados Unidos ay dahil sa biglaang pagbaha na bunga ng mga pagkulog at pagkidlat.

Gayunman, nagdudulot ng maraming pakinabang ang mga pag-ulan na sanhi ng bagyo. Maraming tubig ang napupunta sa lupa at sa mga imbakan at mga prinsa. Ipinakikita ng pananaliksik na mga 50 hanggang 70 porsiyento ng lahat ng pagbuhos ng ulan sa ilang lugar ay galing sa mga pagkulog at pagkidlat, kaya ang ulan na dala ng bagyo ay mahalaga sa mga nabubuhay sa mga lugar na ito.

Ano Naman ang Granizo?

Isang lubhang nakapipinsalang katangian ng mga kulog at kidlat ang bagay na kadalasang kasabay nito ang maraming granizo. Nabubuo ang granizo kapag nagyeyelo ang patak ng ulan at saka lumalaki habang dumaraan ito sa siklo ng mga pagtaas at pagbaba ng hangin. May ilang salaysay tungkol sa mga granizo na may pambihirang sukat at bigat. Isang batong-granizo na ang sukat ay 26 na centimetro por 14 na centimetro por 12 centimetro ang iniulat na bumagsak sa Alemanya noong 1925. Ang bigat nito ay tinatayang mahigit sa dalawang kilo. Ang isa sa pinakamalaking batong-granizo na naiulat kailanman sa Estados Unidos ay bumagsak sa estado ng Kansas noong 1970. Ang batong-granizong ito ay may sukat na 44 na centimetro sa pinakamalaking kabilugan nito at tumitimbang ng 776 na gramo. Ang ganiyan kalaking batong-granizo na bumabagsak mula sa mga ulap ay sapat na upang makamatay ng isang tao.

Mabuti na lamang, ang granizo ay karaniwan nang medyo maliit kaysa rito at mas malamang na maging sanhi ng abala kaysa kamatayan. Gayundin, dahil sa kalikasan ng mga kulog at kidlat na lumilikha ng granizo, medyo maliliit na lugar lamang ang apektado ng nakapipinsalang granizo. Gayunman, tinatayang daan-daang milyong dolyar taun-taon ang nalulugi sa mga pananim sa daigdig sanhi ng granizo.

Ang mga Buhawi at ang Pagkulog at Pagkidlat

Marahil ang buhawi ang siyang pinakamapanganib na resulta ng pagkulog at pagkidlat. Halos lahat ng buhawi ay kaakibat ng pagkulog at pagkidlat, ngunit hindi lahat ng pagkulog at pagkidlat ay may kasamang buhawi. Kapag nabuo, ang isang buhawi ay isang napakabilis umikot at makitid na haligi ng hangin, karaniwan nang ilang daang yarda ang diyametro, na umaabot sa lupa mula sa ulap na ulo ng kulog. Ang bilis ng hangin sa pinakamalalakas na buhawi ay maaaring mahigit sa 400 o 500 kilometro bawat oras. Ang pinagsamang aksiyon ng malalakas na umiikot na hangin at ng pagtaas ng hangin sa sentro ay maaaring gumiba sa mga gusali at maghagis ng nakamamatay na mga wasak na labí sa himpapawid. Nangyayari ang mga buhawi sa maraming bansa sa daigdig.

Hindi gaanong nakikita ang epekto ngunit mapanganib pa rin ang tuwid-linyang mga hangin na kasabay ng mga downdraft (pababang daloy ng hangin) at mga microburst. Ang mga downdraft ay maaaring lumikha ng nakapipinsalang mga hangin sa lupa o sa malapit dito na maaaring umabot sa 150 kilometro bawat oras ang bilis. Mas matindi ang mga microburst at maaaring umabot sa 200 kilometro bawat oras.

Maliwanag na dapat isaalang-alang ang mga kulog at kidlat at na dapat nating mabatid ang mga panganib nito. Isa lamang ang mga ito sa maraming pitak ng paglalang na tungkol dito ay marami pa tayong dapat malaman.

[Kahon/Larawan sa pahina 15]

Pag-iingat Laban sa Pagtama ng Kidlat

Iminumungkahi ng Emergency Management Australia ang sumusunod na pag-iingat kapag kumukulog at kumikidlat.

Proteksiyon Kapag Nasa Labas

◼ Manganlong sa isang sasakyan na may matigas na bubungan o sa isang gusali; iwasan ang maliliit na istraktura, mga toldang yari sa tela, at nakabukod o maliliit na grupo ng mga punungkahoy.

◼ Kung nasa labas at malayo sa kanlungan, yumukyok (nang isahan), mas mabuti sa isang hukay, na magkadikit ang mga paa, at alisin mula sa ulo at katawan ang mga metal na bagay. Huwag humiga, ngunit iwasang maging pinakamataas na bagay sa kapaligiran.

◼ Kung tumatayo ang iyong mga buhok o nakaririnig ka ng hugong mula sa mga bagay sa di-kalayuan, gaya ng mga bato at bakod, agad kang lumayo tungo sa isang bagong posisyon.

◼ Huwag magpalipad ng saranggola o laruang eroplano na may control wire.

◼ Huwag humawak ng mahahaba o metal na mga bagay, gaya ng pamingwit, payong, at pamalo sa golf kapag nasa labas.

◼ Huwag humipo o lumapit sa metal na mga istraktura, alambreng bakod, o alambreng sampayan.

◼ Huwag sumakay sa kabayo o bisikleta o magmaneho ng sasakyang walang bubong.

◼ Kung nagmamaneho, magmabagal o pumarada nang malayo sa matataas na bagay gaya ng punungkahoy at mga linya ng kuryente. Manatili sa loob ng mga sasakyan at trailer na may matigas na bubong, pero huwag humawak o sumandal sa metal na bahagi ng katawan nito.

◼ Kung lumalangoy o nagsu-surfing, umahon kaagad at manganlong.

◼ Kung namamangka, magtungo kaagad sa dalampasigan kung maaari. Kung hindi ligtas na gawin iyon, magkubli sa ilalim ng mataas na istraktura, gaya ng isang tulay o isang daungan. Tiyakin na ang palo at tukod ng bangkang de layag ay nakakonekta sa tubig.

Proteksiyon sa Loob ng Bahay

◼ Lumayo sa mga bintana, kagamitang de-kuryente, tubo, at iba pang metal na kasangkapan.

◼ Iwasang gumamit ng telepono. Kung kailangang-kailangang tumawag, gawin iyon nang madalian hangga’t maaari.

◼ Bago dumating ang bagyo, bunutin ang koneksiyon ng radyo at telebisyon sa antena sa labas at sa saksakan ng kuryente. Idiskonekta ang mga computer modem at pinagmumulan ng kuryente. Pagkatapos ay lumayo sa mga kasangkapang de-kuryente.

[Credit Line]

Mula sa publikasyong Severe Storms: Facts, Warnings and Protection.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share