Kung Paano Maiiwasan ang Isang Pangglobong Trahedya
TINATAWAG ITO NG UNITED NATIONS NA ISANG “PANGGLOBONG TRAHEDYA”—AT ANGKOP NAMAN. SA BUONG DAIGDIG, ISANG BABAE ANG NAMAMATAY BAWAT MINUTO BUNGA NG PAGDADALANG-TAO AT PANGANGANAK.
Karamihan sa mga namamatay ay nasa papaunlad na mga bansa. Bagaman 1 lamang sa 10,000 babae ang namamatay sa Europa dahilan sa mga sanhing kaugnay ng pagdadalang-tao at 1 sa 12,500 sa Estados Unidos, ang proporsiyon ay umabot sa 1 sa 73 sa Latin Amerika, 1 sa 54 sa Asia, at nakapanlulumong 1 sa 21 sa Aprika!
Yamang marami sa 600,000 kamatayang ito taun-taon na kaugnay ng pagdadalang-tao ay nahadlangan sana sa tulong ng mga bihasang tagapagpaanak, idiniriin ngayon ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) at ng World Health Organization (WHO) ang pagsasanay sa mga babae (at mga lalaki) bilang mga propesyonal na komadrona.
Sa mga bansang kakaunti ang mga doktor, malaki ang magagawa ng mga sinanay na komadrona upang maiwasan ang kamatayan. Sinabi kamakailan nina Dr. France Donnay ng UNICEF at ng tagapayong si Anne Thompson ng WHO sa UN Radio na ang pagbibigay ng higit na awtoridad sa mga sinanay na komadrona ay mayroon nang magagandang resulta. Halimbawa, sinabi nila na sa ilang bansa sa Aprika, bumaba nang malaki ang bilang ng namamatay na mga ina nang tumanggap ng pahintulot ang mga komadrona na alisin ang mga inunan na hindi nailabas pagkatapos ng pagsisilang. Gayunding pagsulong ang nagaganap sa Indonesia, kung saan nagkaroon ng isang proyekto na magsanay ng dalawang komadrona sa bawat nayon. Hanggang sa kasalukuyan, 55,000 sinanay na mga komadrona ang naipadala na.
“Maging sa mauunlad na bansa, nagpapatuloy ang gawain ng mga komadrona,” ang sabi ng programa sa UN Radio na Perspective. Ang mga bansang gaya ng Pransiya, ang Netherlands, Sweden, at ang United Kingdom ay hindi tumalikod kailanman sa tradisyon ng pagkokomadrona, at sa Estados Unidos naman, ito ay nanunumbalik. Pinahahalagahan ng mga bansang ito ang mga komadrona, ang sabi ni Anne Thompson, na isa mismong sanáy na komadrona, dahil nagbibigay sila ng personal at patuloy na pangangalaga. “Tutal ang panganganak ay tumatagal ng hanggang 24 na oras at ang mga doktor ay walang panahon na basta magbantay lamang ng 24 na oras.” Subalit, idinagdag niya na ang isa sa mga salik na nakatutulong sa ligtas na panganganak ay “ang pagkanaroroon ng isang tao na madamayin, may kabatiran, maunawain at makapagbibigay ng katiyakan sa babae.”
Isinusog pa ng Perspective na “taun-taon ay 60 milyon ang nagsisilang na kung saan ang babae ay inaalagaan lamang ng isang miyembro ng pamilya, isang di-sinanay na tradisyonal na hilot—o kaya’y wala pa ngang nag-aalaga.” Sinisikap ng UN na baguhin ito. Bilang pasimula, itinampok ng WHO sa World Health Day ng 1998 ang temang “Ligtas na Pagiging Ina.” “Alam namin na hindi ito matatamo sa susunod na 2 o 3 taon,” ang sabi ni Dr. Donnay. Gayunman, ang kanilang tunguhin ay ang magkaroon ng “isang propesyonal na titingin sa bawat babae sa panahon ng panganganak.”
[Picture Credit Line sa pahina 31]
UN/J. Isaac