Ipagsanggalang ang Iyong Sarili sa mga Parasito!
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HONDURAS
NAGISING ka na para kang nasusuka. Madali kang mapagod. Medyo malaki ang iyong tiyan. Mga sintomas ng pagdadalang-tao? Marahil. Pero kung nakatira ka sa tropikal o sa mga hangganan ng tropikal na bahagi ng daigdig, ang kalagayang ito ay maaaring isang anyo ng pagkakaroon ng mga parasito sa bituka. Ano ba ang mga parasito sa bituka, at paano mo masasabing mayroon ka ng di-kanais-nais na mga panauhing ito?
Sa simpleng pananalita, ang isang parasito ay isang buháy na organismo na nakikinabang sa tinitirahan nito, sa isang buháy na organismo sa labas o loob na kinaroroonan nito. Dalawang uri ng mga parasito sa bituka ang tinatawag na protozoan, na dito’y kasali ang mga amoeba, at mga helminth, o mga bulati. Ang pinsalang dulot sa nagkaroon nito ay depende sa uri at dami ng mga parasito at sa edad at kalusugan ng taong mayroon nito.
Halimbawa, ang babaing roundworm ay maaaring maglabas ng 200,000 itlog sa isang araw. Gayunman, ang mga itlog ay kailangang limliman sa lupa upang mabuo. Ang dami ng mga roundworm sa isang tao ay depende sa dami ng nabuong itlog o ng uod na pumasok sa katawan. Maraming tao ang nagkakaroon ng ilang roundworm nang hindi man lamang namamalayan ito. Ngunit kung marami ang mga roundworm, maaaring maging sanhi ito ng malubhang pagbabara sa bituka.
Ang ilang pangkaraniwang mga sintomas ng mga parasito sa bituka ay pananakit ng tiyan, pagsusuka, pagkawala ng ganang kumain, malaking tiyan, pagkahapo, at malalang di-pagkatunaw ng kinain, diarrhea, o hindi pagdumi. Maaari ring magpahiwatig ng pagkakaroon ng mga parasito ang pagbaba ng timbang, di-mahimbing na pagtulog, pangangati, pangangapos ng hininga, at lagnat. Sabihin pa, ang mga sintomas na ito ay maaaring magpahiwatig ng ilang karamdaman. Ngunit maaaring marekunusi kung mayroon ngang mga parasito sa pamamagitan ng ilang pagsusuri sa dumi.
Kailangan ang wastong diyagnosis. Halimbawa, kung mayroon ngang mga roundworm o ibang uri ng parasito, kailangan munang gamutin ang roundworm. Bakit? Sapagkat ang ilang gamot ay hindi pumapatay sa mga bulati kundi maaaring inisin lamang ang mga ito, kung kaya lumilipat sila sa ibang bahagi ng katawan at maaaring maging sanhi ng malubhang pinsala.
Mas Maigi ang Pag-iingat Kaysa sa Paggamot
Bagaman napatunayang epektibo ang gamot sa pagsugpo sa mga parasito, mas mabuti na antimano’y iwasang magkaroon ng mga ito. Kaya paano mo maipagsasanggalang ang iyong sarili sa mga parasito?
Kalinisan ang pinakamahusay na proteksiyon. Hindi dapat hayaang nakalantad sa hanginan ang dumi. Ang mga palikuran ay dapat na malayo sa pinagkukunan ng tubig. Hindi dapat gamiting abono ang dumi ng tao. Mahalaga rin ang wastong kalinisan. Karagdagan pa, huwag hayaang kumain ng alikabok ang mga bata. Kung matuklasang may parasito ang isang bata, makabubuti na ipasuri ang lahat ng miyembro ng pamilya.
Dapat ding mag-ingat sa pagbili at paghahanda ng pagkain. Sikaping bumili ng mga produktong galing sa isang lugar na kilalang malinis. Dapat na lutuin ang karne hanggang sa gitnang bahagi nito. Huwag kailanman kakain ng hilaw na karne. Dapat na hugasang mabuti ang hilaw na prutas at gulay. Subalit huwag nang gamitin pa ang tubig na pinaghugasan yamang maaaring may parasito na ito.
Dapat pakuluin nang husto ang tubig na iinumin. Kapag malamig na ang tubig, maaari itong pahanginan upang manumbalik ang oksiheno. Karamihan ng mga pansala sa bahay ay hindi sapat para maalis ang lahat ng parasito. Ang pagiging dalisay ng ipinagbibiling tubig sa bote ay nakasalalay sa antas ng pag-iingat sa kalinisan na ipinatutupad sa planta kung saan inihahanda ito.
Mangangailangan ng karagdagang pag-iingat kapag naglalakbay o kumakain sa labas. Karaniwan nang ligtas ang mga inuming nasa bote o nasa karton kung ihahain na walang yelo. Yamang natatagalan ng ilang parasito ang temperaturang sinlamig ng yelo, ang yelo ay kasindalisay lamang ng tubig na pinanggalingan nito. Maaaring naisin mong mag-ingat kung tungkol sa mga pagkaing ipinagbibili sa kalye. Mukhang katakam-takam ang hiniwang pinya o melon, pero kadalasang pinasasariwa ito sa pamamagitan ng pagwiwisik dito ng tubig—tubig na maaaring may parasito. Mag-ingat, ngunit huwag magpakalabis anupat hindi ka na masiyahan sa iyong biyahe. Sa pamamagitan ng makatuwirang pag-iingat, marami kang magagawa upang ipagsanggalang ang iyong sarili sa mga parasito.
[Larawan sa pahina 14]
Kalinisan ang pinakamahusay na proteksiyon
[Larawan sa pahina 15]
Ang yelo ay kasindalisay lamang ng tubig na pinanggalingan nito
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang mga amoeba at bulati ay dalawang uri ng mga parasito
[Credit Line]
DPDx, the CDC Parasitology Website