Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 7/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sampung Pangunahing Nakahahawang Sakit na Nakamamatay
  • Pag-aabuso sa Alkohol sa Venezuela
  • May Problemang Katubigan
  • Nakalilibang at Magaan na Pagbabasa
  • Kapaki-pakinabang na mga Larong Video
  • Lumalaganap at Namiminsala ang AIDS
  • Katesismo​—Isang Malaking Kabiguan
  • Nanunumbalik nga ba ang Moralidad?
  • Pagsusuot ng Di-Pormal na Damit Kapag Nagsisimba
  • Tanggap na ang Pagdadalantao ng mga Tin-edyer
  • Tinatala sa Tsart ang Kabaitan
  • Ang Salot sa Ika-20 Siglo
    Gumising!—1997
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1990
  • Nanganganib ba ang mga Naglalaro?
    Gumising!—2002
  • Mga Sakit na Nakahahawa—Mapanganib Ngunit Maiiwasan
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 7/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Sampung Pangunahing Nakahahawang Sakit na Nakamamatay

Sa buong daigdig, milyun-milyong tao ang namamatay taun-taon dahil sa mga nakahahawang sakit. Ayon sa magasing Natural History, ang sumusunod na mga nakahahawang sakit ang nakapatay nang napakarami noong 1997. Nangunguna sa talaan ang malulubhang impeksiyon sa ibabang bahagi ng sistema ng palahingahan, tulad ng pulmonya, anupat nakapatay ito ng 3.7 milyong tao. Pangalawa rito ang tuberkulosis, na naging sanhi ng 2.9 milyong kamatayan. Pangatlo naman ang kolera at ang iba pang mga uri ng diarrhea, na siyang dahilan ng 2.5 milyong kamatayan. Ang AIDS ay pumatay ng 2.3 milyon. Nasa pagitan naman ng 1.5 milyon at 2.7 milyong tao ang namatay sa malarya. Nagdulot ng 960,000 kamatayan ang tigdas. Ang Hepatitis B ang sanhi ng 605,000 kamatayan. Kumitil naman ng 410,000 buhay ang tusperina. Ang tetano ang siya namang ikinamatay ng 275,000. At 140,000 ang namatay sa dengue/dengue hemorrhagic fever. Sa kabila ng malaking pagsisikap ng tao, ang mga nakahahawang sakit noong nakalipas ay nagbabanta pa rin sa kalusugan ng tao sa kalakhang bahagi ng daigdig ngayon.

Pag-aabuso sa Alkohol sa Venezuela

Mas maraming alkohol ang iniinom ng bawat tao sa Venezuela kaysa sa bawat tao sa alinmang bansa sa Latin Amerika, ang ulat ng pahayagang El Universal ng Caracas. Tinataya na bawat tao sa Venezuela ay umuubos ng mga 60 hanggang 70 litro ng alak sa isang taon. Tinataya ng Ministri ng Kalusugan na 50 porsiyento ng lahat ng pamamaslang at pagpapatiwakal na nangyayari sa mga lunsod ng Caracas ay may kaugnayan sa alkohol. Subalit sinasabi ng isang pagsusuri na isinagawa ng Central University of Venezuela, ng Center for Peace, at ng Judicial Police na mahigit sa 9 sa bawat 10 mararahas na kamatayan na nagaganap sa lugar na iyon ay may kaugnayan sa alkohol. Upang makatulong sa pagsugpo sa pag-abuso sa alkohol, nagtayo ng mga workshop upang turuan ang mga estudyante kung paano lalabanan ang panggigipit ng mga kasamahan na uminom at kung paano makahahanap ng mapagpipiliang makabuluhang gawain at mapasisigla ang mabisang pag-uusap ng mga magulang at mga anak.

May Problemang Katubigan

Sa buong daigdig, ang hanay ng mga korales ay nasisira dahil sa mga tumor, pinsala, impeksiyon, at iba pang mga banta, ang ulat ng Science News. Sinabi ng biyologong pandagat (marine biologist) na si James Cervino na di-kukulangin sa 15 bagong pumapatay-ng-korales na syndrome ang lumitaw sa nakalipas na 20 taon. Kasali sa iba pang uri ng buhay-dagat na nanganganib ay ang damong-dagat, shellfish, mga pawikan, at mga manatee. “Siyamnapu’t limang porsiyento ng biosphere​—ang lugar na doo’y nagkakaroon ng buhay​—ay karagatan,” ang sabi ng oceanographer na si Sylvia Earle. “Kung may problema ang karagatan, may problema rin tayo. At talagang may problema ang karagatan.”

Nakalilibang at Magaan na Pagbabasa

Hindi lahat ng may mga istanteng punô ng mga aklat ay mahilig magbasa. Halimbawa, inamin ng may-ari ng tindahan na si Chris Mattheus: “Gusto ko na ako’y napalilibutan ng mga aklat, pero madalang akong magbasa.” Ngayon ay nag-aalok si Mattheus ng matipid na solusyon sa problema. Siya, kasama ang kaniyang kasosyo, ay nagbukas ng kauna-unahang tindahan ng mga replikang aklat sa Alemanya, ang ulat ng pahayagang Weser-Kurier. Mga 2,800 “ginayang mga pabalat ng aklat” mula sa mga larangan ng sining, pilosopiya, at siyensiya ang ipinagbibili. Ang mga replikang aklat ay may iba’t ibang disenyo, mula sa simpleng mga aklat na karton hanggang sa mamahaling mga replika na yari sa de-kalidad na teak. Ang kaakit-akit na mga replika ng mga aklat ng sining, na karaniwan ay napakamamahal, ay nagkakahalaga lamang ng $10 hanggang $15. Ganito ang sabi ni Mattheus: “Ang halaga ay ibinabatay sa sukat, hindi sa nilalaman.”

Kapaki-pakinabang na mga Larong Video

Banggitin mo ang salitang “mga larong video” at maraming tao ang makaaalaala ng mga laro na punô ng karahasan. Gayunman, natuklasan ng mga mananaliksik na “maituturo ng angkop na mga laro sa mga batang may diyabetis at hika kung paano pananatilihing kontrolado ang kanilang kalusugan,” ang ulat ng Technology Review. Nagsagawa ng pagsusuri ang Stanford University Medical Center sa mga 60 batang may diyabetis na nasa pagitan ng 8 hanggang 16 na taóng gulang. Karaniwang larong video ang nilaro ng kalahati sa mga bata. Ang natitirang kalahati ay naglaro naman ng Packy & Marlon, isang laro na may animo’y buhay na mga elepante na tumutulong sa mga manlalaro na piliin ang tamang mga pagkain, suriin ang dami ng asukal sa kanilang dugo, at gamitin nang wasto ang insulin. Pagkalipas ng mahigit na anim na buwan, “nabawasan ng 77 porsiyento ang apurahang pagkonsulta sa doktor o pagpapagamot sa emergency room” ng mga naglaro ng Packy & Marlon kaysa sa mga bata na naglaro ng karaniwang larong video, ang sabi ng Technology Review. Nahahawig na mga larong video ang dinisenyo upang tulungan ang mga bata na mapangasiwaan ang hika at maiwasan ang paninigarilyo.

Lumalaganap at Namiminsala ang AIDS

Sa timugang bahagi ng Sahara sa Aprika nitong nakalipas na dekada, ang haba ng buhay mula pagkasilang ay bumaba ng halos anim na taon, at inaasahang bababa pa ito. Bakit nagkaganito? Dahil “lumalaganap ang Aids” sa mga bansa sa lugar na ito, ang ulat ng The UNESCO Courier. Sa kasalukuyan, mahigit sa 10 porsiyento ng populasyon sa rehiyong ito ang nahawahan ng HIV, ang virus na nagiging sanhi ng AIDS. Malubhang sinalot ang mga bansa ng Botswana, Malawi, Mozambique, Namibia, Timog Aprika, Zambia, at Zimbabwe. Bukod dito, sinasabi ng United Nations na “araw-araw ay may 5,500 inililibing sa Aprika dahil sa AIDS,” ang ulat ng The New York Times.

Katesismo​—Isang Malaking Kabiguan

Sa isang liham pastoral kamakailan, sinabi ng arsobispo ng Siena, si Gaetano Bonicelli, na kahit na pagkatapos mag-aral ng katesismo, “hindi alam [ng mga nasa 20 taóng gulang] ang kaibahan ng Trinidad at ni Birhen Maria.” Ang gayong kawalang-alam sa mga Katolikong doktrina ay nagpapaaninaw sa tinukoy ng isa pang preladong may mataas na tungkulin, si Cardinal Ratzinger, na “ang malaking kabiguan ng kasalukuyang katesismo,” ang ulat ng Corriere della Sera, ng Milan, Italya. Inirerekomenda ni Arsobispo Bonicelli na muling ibalik ang pag-eebanghelyo. “Ang misyon, alalaong baga’y ang pag-eebanghelyo, ang tanging nagiging posibleng pampasigla sa simbahan sa ikatlong milenyo.”

Nanunumbalik nga ba ang Moralidad?

Isinisiwalat ng isang surbey kamakailan sa Tsina na “bagaman nagiging higit na mapagkunsinti ang mga adultong Tsino sa pakikipagtalik sa hindi asawa, karamihan sa mga tin-edyer ay tutol pa rin sa gayong paggawi,” ang ulat ng magasing China Today. Ang mga konklusyong ito ay batay sa isang surbey sa mga 8,000 tao. “Tatlong-kalima ng mga tin-edyer ay sumang-ayon na ang mga taong sumisira sa pagsasamang mag-asawa ng ibang mga tao dahil sa pakikipagrelasyon ay dapat na parusahan sa pamamagitan man ng multa o ng iba pang paraan,” sang-ayon sa ipinakita ng surbey, “samantalang 70 porsiyento ng mga tao na nasa edad na 37 hanggang 45 ay hindi nag-aakalang nararapat ang anumang parusa sa gayong mga gawain.”

Pagsusuot ng Di-Pormal na Damit Kapag Nagsisimba

Sa Estados Unidos, dumarami ang mga taong nakasuot ng di-pormal na damit kapag nagsisimba, ang ulat ng Associated Press. Nababagabag ang ilang ministro na makita ang mga nagsisimba na nakakorto, nakapantalon, o nakasuot ng iba pang di-pormal na damit kapag nagsisimba. Ang mga opisyal ng simbahan ay nag-aatubili​—ayaw nilang itaboy ang mga bagong miyembro o palayuin ang mga regular na nagsisimba na ayaw magbihis nang pormal. Ayon sa isang surbey, “mas gusto ng mga 30 porsiyento ng mga Amerikano ang di-pormal at makabagong mga serbisyo sa simbahan,” kung ihahambing sa 21.5 porsiyento na pabor sa mas tradisyonal na mga serbisyo.

Tanggap na ang Pagdadalantao ng mga Tin-edyer

“Ang isang malaking dahilan sa patuloy na pagdami ng mga walang-asawang ina [ay] ang pagtanggap ng lipunan,” ang sabi ng The News, ng Mexico City. “Waring ang lipunan ay nakikipagkompromiso upang pagtakpan ang kahihiyan na dulot ng pagdadalantao ng mga tin-edyer na walang-asawa. Sa paggawa nito, baka mauwi pa ito sa pagpapasigla sa gawaing iyon.” Mapauunti kaya ang pagdaming ito? Ganito ang sabi ng artikulo: “Kung nagawa ng mga ahensiyang nagbibigay ng publisidad na pasamain ang dati’y itinuturing na matalinong anyo ng isang naninigarilyo, kung ang karaniwang pagkain ng mga Amerikano ay maaaring mabago mula sa maraming taba tungo sa maraming hibla, ang mga ideya ng mga tin-edyer ay maaari ring mabago upang ituring na kamangmangan at di-kapaki-pakinabang ang pagkakaroon ng anak samantalang nasa haiskul pa.”

Tinatala sa Tsart ang Kabaitan

“Likas sa mga bata na maging makaako hanggang sa sumapit sa edad na 4, na siyang pasimula ng pagkakaroon nila ng kakayahang makiramay,” ang sabi ng isang ulat sa The Toronto Star. Upang matulungan ang mga bata na malinang ang pagmamalasakit sa iba, iminumungkahi ang pagsasanay sa pagpapakita ng kabaitan sa tahanan. Marahil ay makapagtatala sa isang tsart ang mga miyembro ng pamilya ng di-kukulangin sa dalawang mabuting gawa na kusang ginawa sa bawat araw. Ang nakita ng mga magulang na kabaitang ginawa ng kanilang anak ay maaaring idagdag sa tsart. Ginagamit ng ilang paaralan ang ganitong mga tsart upang hadlangan ang pananakot. Inaanyayahan ang mga estudyante na itala ang kanilang nasaksihang kabaitan na ginawa ng ibang bata. Ayon sa ulat, “tumutulong ito sa mga bata na makilala ang pagkamadamayin, na isang mahalagang hakbangin sa pagkatutong madama ito at maisagawa ito sa iyong sarili.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share