Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 8/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Epekto ng Ingay
  • Pagkakawatak-watak ng Maulang Kagubatan
  • Mas Maliligaya ang Anak ng mga Amang Interesado
  • Pagbabasa sa Ilalim ng Kumot
  • Ang Pagbabalik ng Steam Locomotive?
  • Matutong Ngumiti
  • Naililigtas ang Buhay Kapag Natuklasan Agad
  • Mekanikal na Tagagatas
  • Pagbaba ng Bilang ng Ipinangangak sa Europa
  • Kumakaing Sama-sama
  • Ang Panahon ng Paggamit ng Singaw ay Nagpapatuloy
    Gumising!—1988
  • Kumusta Na ang Moral sa Ngayon?
    Gumising!—2000
  • Talaga Bang Magkakaisa ang Europa?
    Gumising!—2000
  • Ngiti—Makabubuti Ito Para sa Iyo!
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 8/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Ang mga Epekto ng Ingay

Ang populasyon ng India ay halos isang bilyon na. Ayon kay Dr. S.B.S. Mann, propesor sa Post Graduate Institute of Chandigarh, India, 1 tao sa 10, o halos isandaang milyon katao, ang may diperensiya sa pandinig. Nang nagtatalumpati sa pagbubukas ng taunang komperensiya ng Association of Otolaryngologists of India, ang pangunahing sakit na ito ay isinisi ni Dr. Mann sa polusyon ng ingay mula sa mga busina ng sasakyan, motor, makinarya, at mga eroplano. Ang malaking bahagi nito, sabi niya, ay maaari ring isisi sa mga paputok na napakapopular kapag pista. Halimbawa, noong pista ng Dasehra, pinunô ng daan-daang paputok ang katawan ng mga naglalakihang pigura ng maalamat na mga tauhang Hindu na kumakatawan sa masasamang puwersa sa lipunan at sinindihan, anupat lumikha ito ng pagkalalakas na putok. Ang okasyong ito ay sinundan ng limang-araw na pista ng Deepawali, kung saan milyun-milyong paputok ang pinasasabog.

Pagkakawatak-watak ng Maulang Kagubatan

“Hindi lamang pangangaso, pagkalbo sa kagubatan, at sunog ang panganib sa kaligtasan ng mga halaman at hayop,” pag-uulat ng Jornal do Commercio ng Brazil. Nalalagay rin sa panganib na malipol ang mga kaurian dahil sa pagkakawatak-watak ng kagubatan. Nagkakawatak-watak ang mga kagubatan kapag ang maliliit na bahagi nito ay nakaligtas mula sa pagkalbo sa mga ito. Ayon sa agronomong taga-Brazil na si Marcelo Tabarelli, marami sa mga lumiit na bahaging ito ay wala pang 10 ektarya ang sukat ng bawat isa. “Ang ganitong kaliit na lugar ay hindi makatutustos sa mga mamal,” sabi ni Tabarelli. Una sa lahat, ang pagkakawatak-watak ay “pumipigil sa proseso ng pangangalat at pangingibang-lugar.” Nagbubunga tuloy ito ng “pag-unti ng populasyon [ng mga halaman at hayop].” Kuning halimbawa ang mga ibon sa kagubatan na gaya ng toucan. Sinabi ni Tabarelli: “Masusumpungan pa rin ang mga ito, ngunit napakaliit na ng tsansa na sila’y magtagal.”

Mas Maliligaya ang Anak ng mga Amang Interesado

Ang mga ama na nagpapakitang sila’y personal na interesado sa mga álalahanín, gawaing pampaaralan, at pakikisalamuha ng kanilang mga anak ay lumilikha ng “masigla at optimistikong mga kabataan na lipos ng pagtitiwala at pag-asa,” iniulat ng The Times ng London. Sa pag-aaral sa 1,500 batang lalaki na may edad 13 hanggang 19 na isinagawa ng proyektong Tomorrow’s Men, mahigit sa 90 porsiyento ng mga batang lalaki na nakadamang may panahon sa kanila ang kanilang ama at ang mga ito’y totoong interesado sa kanilang pagsulong, ay kinakitaan ng “matinding paggalang sa sarili, kaligayahan at pagtitiwala.” Sa kabaligtaran naman, 72 porsiyento ng mga batang lalaki na nakadamang bihira lamang o ni hindi man lamang sila pinagpakitaan ng interes ng kanilang ama ay may “pinakamababang antas ng paggalang sa sarili at pagtitiwala, at malamang na madaling manlumo, ayaw mag-aral at nagiging problema ng mga pulis.” Nagkomento si Adrienne Katz, ng proyektong Tomorrow’s Men, na ang aktuwal na panahong ginugugol ng mag-ama sa isa’t isa ay hindi naman kailangang napakahaba. Sabi niya: “Ang mahalaga’y madama ng bata na siya’y kailangan, minamahal at pinapakinggan.”

Pagbabasa sa Ilalim ng Kumot

Ang pagbabasa sa dilim sa ilalim ng kumot ay maaaring hindi makabuti sa mga mata ng isang bata, pag-uulat ng babasahing Aleman tungkol sa kalusugan na Apotheken Umschau. Sa University of Tübingen, ang pag-aaral na isinagawa sa mga manok ay nagpapakita na maaaring maapektuhan ang paglaki ng balintataw kapag mali ang puwesto ng paningin at madilim. Kapag ang isang bata ay nagbabasa sa kama sa ilalim ng kumot, naririyan ang dalawang kalagayang ito: maling puwesto, yamang hindi makapokus nang tama ang mata kapag napakalapit ng aklat, at medyo madilim. “Ang mga henerasyon ng mga tin-edyer na may hawak na mga flashlight, ay sabik na nagbabasa ng kanilang paboritong mga kuwento nang nakatalukbong ng kumot, at dahil dito inilalatag nila ang saligan hindi lamang para matuto sa panitikan kundi para maging nearsighted,” sabi ng newsletter.

Ang Pagbabalik ng Steam Locomotive?

Sabik na naaalaala ng mahihilig sumakay sa tren ang kahanga-hangang steam locomotiive noong nakalipas na panahon. Bagaman halos alisin na ang matitibay na makinang ito dahil sa pagiging di-gaanong mahusay at pinagmumulan pa nga ng polusyon, naniniwala si Roger Waller, isang inhinyero na may pagawaan ng makina ng tren sa Switzerland, na may magandang kinabukasan ang enerhiya mula sa singaw. Walo sa pinaaandar-ng-singaw na cog-rail engine ng kaniyang kompanya ang nagseserbisyo na ngayon sa Alps, pag-uulat ng Berliner Zeitung, at kamakailan lamang ay muling inayos ni Waller ang isang mas lumang makina na pinaaandar ng singaw upang magamit sa karaniwang riles. Ang binagong makina ay ginagamitan ng magaang na langis bilang gatong sa halip na uling, anupat nabawasan ang polusyon. Ginagamitan din ito ng mga rodilyo upang mabawasan ang pagkikiskisan at may magandang insulasyon upang hindi maging aksayado sa enerhiya at hindi agad mag-init ang makina. Sabi ni Waller: “Mas mura ito at mas makabubuti sa kapaligiran kaysa sa anumang makinang diesel.”

Matutong Ngumiti

Sa Hapon, kung saan ipinagmamapuri ang mahusay na serbisyo, dumarami ang “mga empleadong pinapag-aaral [ng mga kompanya] upang matutong maging mas palakaibigan,” pag-uulat ng Asahi Evening News. “Itinuturing ng mga kompanya na ang pagngiti, pagtawa at pagbibiro ay isang di-magastos at epektibong paraan upang makabenta sa kabila ng pagiging matumal ang negosyo.” Sa isang paaralan, ang mga estudyante ay nakaupo sa harap ng salamin at nagsasanay ngumiti​—“anupat nagsisikap na makapagpakita ng pinakamagandang ngiti.” Sinabihan sila na isipin ang pinakamamahal nilang tao. Sinisikap ng guro na tulungan ang mga estudyante na maging relaks upang makangiti nang natural. Bukod pa sa paaralan, ipinadadala rin ng ilang bahay-kalakal ang mga empleyado upang kumuha ng mga order sa mga fast-food na mga restawran kung saan sinasanay ang mga empleyado roon na palaging ngumiti. Nakatutulong nga ba sa negosyo ang pagngiti? Ayon sa pahayagan, nakita ng isang kompanya sa kosmetiko na nagbigay ng kurso sa pagngiti sa mahigit na 3,000 empleyado nito na biglang tumaas nang 20 porsiyento ang benta nito noong taóng iyon. Isang empleyado ang nagsabi na nakatulong din ang kurso sa kanilang pagsasamahan sa opisina. “Nakatutuwang mapaligiran ka ng mababait na manedyer na laging nakangiti,” sabi niya.

Naililigtas ang Buhay Kapag Natuklasan Agad

“Ang susi para sa tamang pagkontrol at paggamot sa kanser ay kapag natuklasan agad ito,” sabi ng isang pag-uulat sa Times of Zambia. Nakalulungkot, sa ilang bahagi sa Aprika, di-mabilang na mga tao ang namamatay sa kanser na dapat sana’y natuklasan agad kung ang mga indibiduwal ay nasuri ng doktor. Para sa mga kababaihan, ang pinakakaraniwang uri ng karamdaman ay ang kanser sa matris at kanser sa suso. Sa mga kalalakihan naman, ito ay ang kanser sa prostate gland at kanser sa bituka. Kaya naman iminumungkahi ng Central Board of Health ng Zambia na pumunta ang mga tao sa ospital upang magpasuri kung sila’y may kanser. Sinasabi sa Times na kapag ito’y natuklasan agad, “nababawasan ang kirot at trauma kapuwa ng pasyente at ng kaniyang pamilya. Karagdagan pa, nakagagawa ang mga doktor ng paraan dahil may panahon pa.”

Mekanikal na Tagagatas

“Ang paggagatas nang dalawang beses sa isang araw ay hindi ayon sa likas na iskedyul ng mga baka,” sabi ni Sue Spencer, miyembro ng isang pangkat na gumawa ng isang robot na tagagatas. Ayon kay Spencer, kapag punung-puno na sa gatas ang mga nakaluyloy na suso ng mga baka, ito’y maaaring maging dahilan ng pagkapilay at iba pang karamdaman. Kaya, ano ang magagawa ng gatasáng baka kapag gusto na niyang magatasan siya ngunit hindi pa takdang oras para sa tagagatas na gawin iyon? Ang robot na tagagatas ang sagot! Ginagamit na ito sa isang bakahan sa Sweden, ayon sa magasing New Scientist. Tuwing kakailanganin, ang mga baka sa kawang ito sa Sweden ay basta papasok lamang sa bukás na kamalig na kinaroroonan ng robot. Bawat isa sa 30 baka sa kawan ay may suot na de-kuryenteng kuwelyo na siyang nagbibigay ng hudyat. Kapag panahon na para gatasan ang baka, nabubuksan ang pintuang papasók sa isang lugar na gatasán. Saka naman dahan-dahang hahanapin ng laser-guided na mekanikal na bisig ng makinang tagagatas ang utong ng baka at ikakabit ang mga cup na panggatas.

Pagbaba ng Bilang ng Ipinangangak sa Europa

“Noong isang taon, ang bilang ng ipinanganganak sa European Union (EU) ay bumaba nang pinakamababang antas mula pa nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II,” pag-uulat ng Süddeutsche Zeitung. Ipinatalastas ng Eurostat, ang ahensiya ng EU may kinalaman sa estadistika, na noong 1998 mga apat na milyong bata ang ipinanganak sa EU, kung ihahambing sa anim na milyon taun-taon noong kalagitnaan ng dekada ng 1960. Sa katamtaman, sa mga bansa ng EU ay may ipinanganganak na 10.7 sa bawat 1,000 katao bawat taon. Aling bansa ang may pinakamababang bilang ng ipinanganganak? Ang Italya, sa kabila ng paninindigan ng Simbahang Romano Katoliko laban sa birth control. Mayroon lamang itong 9.2 pag-aanak sa bawat 1,000 mamamayan. Ang Ireland ang may pinakamalaking bilang ng ipinanganganak, anupat 14.1 sa bawat 1,000.

Kumakaing Sama-sama

Sa maraming lupain, nalulungkot ang mga magulang dahil sa bihira nang makisalo sa kanila sa pagkain ang kanilang mga anak, na kadalasa’y mas gusto pang kumain sa mga fast-food. Ngunit ibang-iba naman sa Pransiya. Ayon sa pahayagang Pranses na La Croix, isiniwalat ng isang pag-aaral kamakailan na 84 na porsiyento ng mga pamilya sa Pransiya ang sama-samang kumakain ng hapunan. Sa katunayan, natuklasan ng pag-aaral na 95 porsiyento sa 12- hanggang 19-na taóng-gulang na mga kabataan ang nakadama na naging mahusay ang pagsasamahan ng pamilya sa oras ng pagkain. Idiniin ng mga eksperto ang kahalagahan ng palaging sama-sama sa pagkain bilang isang pamilya. Ganito ang sabi ni Dr. François Baudier, ng French Center for Health Education: “Ang oras ng pagkain ay hindi lamang para kumain kundi lalo na para mag-usap-usap.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share