Peanut Butter—Istilong Aprikano
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CENTRAL AFRICAN REPUBLIC
SA Kanluraning mga lupain, ang peanut butter ay karaniwan nang itinuturing bilang isang bagay lamang na ipinapahid sa isang piraso ng tinapay. Gayunman, sa ilang lupain sa Aprika, ito ay aktuwal na gumaganap ng mas mahalagang papel sa araw-araw na buhay. Paano?
Sa sentral Aprika, maraming popular na pagkain ang inihahanda na may peanut butter. Dito, gaya sa ibang papaunlad na mga lugar, ang harina at gawgaw—mga sangkap na ginagamit upang palaputin ang nilaga at ang sarsa—ay karaniwan nang mahirap makuha. Kaya naman ang peanut butter ang madalas ihalili.
Gayunman, hindi lamang ito basta pagbili ng isang garapon ng peanut butter sa isang lokal na tindahan ng mga groseri. Doon, ito ay ibinebenta ng tig-isang kutsarita, at may kamahalan ito. Kaya naman mas gusto ng maraming Aprikana na sila na lamang ang gumawa nito. Totoong nakawiwili kung paano ginagawa ang nakapapagod na trabahong ito. Ang sumusunod na impormasyon ay nakalap sa pakikipag-usap sa ilang Aprikana.
Pagtatanim ng Mani
Maliwanag, ang mga mani ay hindi mahirap alagaang tanim. Ang pinakamahirap na bahagi ay ang paghahanda sa lupa. Ito ay ginagawa sa pagsisimula ng tag-ulan kapag ang lupa ay tuyo pa at matigas. Tuwing Abril, ang mga binhi ay inihahasik sa pamamagitan ng kamay, at kung umulan nang maaga, ang “mga nuwes” ay maaari nang anihin sa katapusan ng Agosto o sa pasimula ng Setyembre.
Ang totoo, ang mani ay hindi isang nuwes kundi isang gulay na buto—kabilang sa pamilya ng mga gisantes. Ang mga mani ay hindi lumalaki sa mga puno, gaya ng inaakala mo; sa halip, lumalaki ang mga ito sa mabababang palumpong, na may kakaibang paraan ng pagbubunga sa ilalim ng lupa. Kaya naman ang mga mani ay karaniwan nang tinatawag na mga nuwes sa lupa o nuwes sa luwad.
Sa sentral Aprika, ang katamtamang laki ng bukid para sa pagtatanim ng mga mani ay maaaring mga 300 por 150 piye. Itinatanim naman ng ilang tao ang mga ito sa isang maliit na sukat ng lupa malapit sa kanilang bahay. Isang asarol na may maliit na hawakan at isang gulok ang karaniwang ginagamit sa paglinang sa bukid. Nakangangawit ng balakang ang trabahong ito! Ang mga tanim ay nangangailangan ng maraming pangangalaga, kahit sa pasimula pa lamang. Ang bukid ay kailangang bantayan upang ang mga binhi ay hindi hukayin at kainin ng mga daga. At ang lupa ay kailangang panatilihing nabubungkal at walang damo.
Lalo nang kailangang bantayan ang bukirin kapag malapit na ang anihan. Ang mga bata ay maaaring pagbantayin habang papalapit na ang anihan. Isang babae ang nag-ulat na ang kaniyang mga palumpong ng mani ay natagpuan ng isang kapitbahay doon sa itaas ng kalapit na mga punungkahoy. Ang mga ito ay iniakyat ng mga unggoy at pinagpistahan ang pinagpaguran niya!
Ang pag-aani ay karaniwan nang isang gawain ng pamilya. Bawat isa ay nagtutungo sa bukid upang tumulong. Ang mga halaman ay binubunot nang manu-mano at pinatutuyo, at pagkatapos ay pinipigtal ang mga mani at iniuuwi sa nayon na nasa malalaking mangkok, na sinusunong ng mga mang-aani.
Ano ang nangyayari sa mga mani pagkatapos? Pagkahugas, ang mga ito ay pinakukuluan sa tubig na may asin. Ang ilan ay kinakain karaka-raka ng pamilya, ngunit ang karamihan ay itinatabi para magamit sa pagluluto sa ibang pagkakataon. Ang mga ito ay ikinakalat sa lupa malapit sa bahay at hinahayaang matuyo nang lubusan. Kailangang may magbantay sa mga ito upang maingatan ang mga ito mula sa gumagalang mga kambing na gustong kumain ng mga ito.
Pagkatapos mapatuyo ang mga mani, ang mga ito ay iniimbak sa isang bahay na yari sa banig na dayami at putik at itinayo sa ibabaw ng mga poste. Pinananatili nitong tuyo ang mga mani, at naiingatan din ito laban sa mga daga at sa mga bata na maaaring naghahanap ng makakain samantalang nagtatrabaho pa si Inay sa bukid.
Mga Mani na Ginawang Peanut Butter
Ang mga nuwes ay kailangang balatan bago magagawang peanut butter ang mga ito. Pagkatapos ay isinasangag ang mga ito, karaniwan na sa isang malapad at patag na kawali na nakapatong sa mahinang apoy ng gatong na kahoy sa lupa. Ito ang nagpapatingkad sa lasa ng mga ito at nagpapadali sa pagtalop sa mga ito. Ang mga mani ay pinalalamig, at tinatalupan ang mga ito sa pamamagitan ng pagkikiskisan. Pagkatapos ay ginagamit ang isang makinang panggiling upang durugin ang sinangag na mga mani para maging isang makremang mantikilya. Kung walang magagamit na makina, ang mga ito ay ilalatag ng isang maybahay sa isang malaki at patag na bato at dudurugin ang mga ito sa pamamagitan ng isang bote o ng isang bilog na bato.
Di-magtatagal at gagamitin na ang peanut butter bilang isang pampalapot sa sarsa, kadalasan ay sa isang pagkain na inihahanda sa isang palayok at inihahain kasama ng balinghoy, saging na saba, o kanin. Kung gusto mong malaman kung ano ang lasa ng pagkain na hinaluan ng peanut butter, bakit hindi mo subukang maghanda?
Maaari mong sundin ang isang karaniwang resipe at maghanda ka ng nilagang karne, sibuyas, bawang, at pinalapot na sarsa ng kamatis (tomato paste). Iluto ito hanggang sa ang karne ay lumambot, at haluan ng pinagputul-putol na spinach kung gusto mo. Habang niluluto ito, ihalo ang kaunting tubig sa kaunting peanut butter hanggang sa lumapot ito—humigit-kumulang isang tasa sa bawat dalawang libra ng karne—at ihalo ito sa nilaga. Lutuin ito nang sampung minuto o higit pa sa matinding init upang hindi masyadong maging malasa ang peanut butter. Kung sa tingin mo’y hindi pa gaanong malapot ang sarsa, dagdagan pa ng kaunting peanut butter. Timplahan ng asin. Kung gusto mo ng maanghang-anghang, maaari kang maghalo ng maanghang na sili.
Nasasarapan ang marami sa gayong pagkain kapag inihain ito na may kasamang kanin! At bagaman ang ginawa mo ay maaaring hindi kasinsarap ng tunay, sa paano man ay mararanasan mo mismo ang paggamit ng peanut butter—istilong Aprikano!
[Mga larawan sa pahina 26]
Inaani ang mga mani, pagkatapos ay iniuuwi upang balatan at durugin