Sibád ang Pangalan—Sumisibád Kung Lumipad
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA
SA PAKIKIPAG-UNAHAN SA HANGIN sa pamamagitan ng kaniyang hugis-karit na mga pakpak lumilipad ang isa sa pinakamabilis na nabubuhay na kinapal sa ibabaw ng lupa. Ito ay isang maliit na ibon na tumitimbang lamang ng ilang gramo, pero nakalilipad ito sa himpapawid nang ubod-bilis. “Ang mga sibád (swift) ay pinaniniwalaang may tulin na mahigit sa 160 kilometro (100 milya) bawat oras,” sabi ng The Encyclopedia Americana. Hindi nga kataka-taka na ang mga mabalahibong kaskaserong ito ay angkop na tawaging sibád!
Ang paglipad ng mga sibád ay parang walang kahirap-hirap habang sila ay pumapailanlang sa ibabaw ng lupa, lumiliko at humihilig nang patagilid sa nakababaling-leeg na bilis sa paghahanap nila ng mga insekto. Ang mga sibád ang pinakanagtatagal sa himpapawid sa lahat ng mga ibon, humuhuli ng pagkain, kumakain, umiinom, nag-iipon ng magagawang pugad, at nagpaparami habang lumilipad. Gumugugol sila ng napakaraming panahon sa paglipad anupat naniniwala ang mga tagapagmasid noong sinaunang panahon na ang mga sibád ay namumugad sa langit, sa isang dako sa mga ulap na hindi nakikita. Ang ilang sibád ay nakatatagal sa paglipad hanggang siyam na buwan sa isang taon. Ang kahanga-hangang maliliit na ibong ito ay malamang na natutulog pa nga habang sumasalimbay sa paglipad!
Dinisenyo Upang Lumipad
Ang mga sibád ay kahanga-hangang disenyo ng aerodynamics. Taglay nila ang mahusay na hugis-suklay na mga pakpak na nakabaluktok nang patalikod at nag-aalis ng paghatak na nagpapabagal sa paglipad ng karamihan sa mga ibon. Kapag nasa himpapawid, sila ay tumutulin sa pamamagitan ng mabibilis at maliliit na pagaspas ng pakpak na may pailan-ilang maiikling pagsalimbay.
Ang kanilang di-pangkaraniwang kakayahan na magmaniobra ay medyo dahilan na rin sa kanilang kakayahan na ipagaspas nang mas mabilis ang isang pakpak kaysa sa isa habang lumilipad. Ang bahagyang di-pagkakasabay ng pagaspas ng pakpak ay nagpapangyari sa mga sibád na lumikong bigla nang hindi bumabagal. Ito’y nagpapangyari sa kanila na bumilis nang husto habang paikut-ikot nilang nilalampasan ang mga lumilipad na insekto at sinasagap ang mga ito ng kanilang nakangangang mga bibig. Kailangang kumain ang mga sibád ng napakaraming insekto upang masustentuhan ang kinakailangang dami ng enerhiya para sa kanilang mabilis na uri ng buhay. At ang maliliksing manlilipad na ito ay nakapaglalakbay nang daan-daang kilometro sa isang araw sa kanilang paghahanap ng masisilang insekto.
Ang hamak na anyo ng sibád ay nagbibigay ng maling akala sa kanilang natatanging kahusayan sa paglipad. Kapuwa ang lalaki at babae ay hindi pansinin, anupat karamihan sa kanila ay kulay-abong mapusyaw o kulay-kape. Ang maraming uri ng sibád ay matatagpuan sa buong mundo at maaaring mapagmasdan pangunahin na sa tropikal at sub-tropikal na mga lupain. Kung taglamig, yaong mga nakatira sa Hilagang Hemispero ay nandarayuhan sa may maiinit na klima na libu-libong kilometro ang layo.
Mga Pugad na Pandikit
Gumagawa ang mga sibád ng kanilang pugad na ginagamit ang isang kakaibang materyales sa pagbuo—ang kanilang sariling laway! Palibhasa’y may natatanging glandula ng laway, maaari silang maglabas ng maraming laway na nagsisilbing pandikit ng mga materyales sa paggawa ng pugad.
Madalang lumapag sa lupa ang mga sibád, at hindi sila makadapò na gaya ng ibang ibon. Ang kanilang mga binti ay may maliliit na tila-kalawit na mga paa at napakaikli anupat hindi nito masyadong maiangat ang ibon upang makagawa ito ng isang kumpletong pagkampay. Gayunman, ang kanilang mga paa ay angkop na angkop sa pagkapit sa mga patayong panig, tulad ng mga talibis, mga kuweba, at pader ng mga gusali. Kapag panahon na ng paggawa ng pugad, hindi makapagtipon ang sibád ng mga dahon, mga patpat, o putik mula sa lupa, na karaniwan sa ibang mga ibon. Kailangang humanap ito ng ibang paraan.
Ang chimney swift ay nagtitipon ng maliliit na sanga sa pamamagitan ng mabilis na paglipad sa mga sanga ng isang punò, sinusunggaban ang isang maliit na sanga, at binabali ito sa pamamagitan ng puwersa ng pagsalida nito. Pagkatapos ay pinagdidikit niya ang maliliit na sanga, anupat ipinapasta ang mga ito sa isang patayong panig sa pamamagitan ng kaniyang malagkit na laway. Ang American palm swift ay maliksing lumilipad sa hangin na sinusunggaban ang mga buhok, mga balahibo, at mga piraso ng bulak at iba pang magagaan at lumulutang na materyal, na ginagamit nito sa paggawa ng pugad kasama ng kaniyang laway.
May isa pang sibád na angkop na tinatawag na edible nest swiftlet. Ang pugad nito ay halos gawa sa sarili nitong pinatigas na laway. Sa maraming siglo, ang laway na bumubuo sa mga pugad na ito ay pangunahing sangkap ng masarap na sopas na gawa sa pugad ng ibon na gustung-gusto sa Oryente. Iniuulat na milyun-milyong pugad ang ginagamit bawat taon para sa pang-ekspertong pagkaing ito.
Isa sa pinakakapansin-pansing mga pugad ay gawa sa tulad pandikit na laway ng African palm swift. Idinidikit ng maliit na ibong ito ang isang maliit na pantay na latag ng balahibo sa ilalim ng dahon ng palma. Palibhasa’y nakabitin nang patiwarik, ang pugad ay madalas na hinahangin nang malakas. Paano nakapananatili ang maliit na itlog sa pugad? Si David Attenborough, sa kaniyang aklat na Trials of Life, ay nagpaliwanag: “Halos imposible na ang isang itlog ay makapananatili sa maliit na pugad. Ang totoo, ito ay tiyak na mahuhulog kung hindi dahil sa bagay na hindi lamang idinikit ng ibon ang pugad sa dahon, kundi pati ang itlog sa pugad.” Yamang kapuwa ang pugad at itlog ay matibay na nakadikit sa dahon ng palma, nakahahawak ang mga magulang sa mga gilid ng pugad sa pamamagitan ng kanilang mga kuko at nagpapalitan sila sa paglimlim sa itlog. Pagkatapos mapisa ang inakáy, ito’y kumakapit sa hinahangin nitong pugad hanggang sa tubuan ito ng mga pakpak at makalipad.
Isang nakalulugod na tanawin na mapagmasdan ang libu-libong sibád na napakabibilis lumipad nang paikot, habang buong-ingay na humuhuni na parang nagkakatuwaan. Sa pagmamasid sa kanila mula sa ibaba, ang isa ay nakadarama ng paghanga sa kanilang kalayaan sa paglipad at gayundin ng pagpapahalaga sa ganda ng matalinong pagkakadisenyo sa kanila. Tunay, madaling makita kung bakit ang mga sirkerong ito sa himpapawid, pati ang kanilang liksi at bilis, ay tunay na karapat-dapat sa pangalang sibád!
[Mga larawan sa pahina 17]
Alpine swift
Common European swift
[Credit Line]
Animals/Jim Harter/ Dover Publications, Inc.
[Larawan sa pahina 17]
Chimney swift
[Credit Line]
© Robert C. Simpson/ Visuals Unlimited
[Picture Credit Line sa pahina 16]
© D. & M. Zimmerman/VIREO