Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 11/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Snow-Conditioning”
  • Nakamamatay na Tuberkulosis na Lumalaban sa Gamot
  • Mapanganib ba ang Edad na 49?
  • May Kaugnayan ba ang Pagkamalilimutin sa Teknolohiya?
  • “Isang Malubhang Problema sa Kalusugan ng Bayan”
  • Kawalang-Alam sa Bibliya
  • Katas ng Grapefruit at mga Gamot
  • Memoryang Gaya ng Isang Elepante?
  • Numero Unong Mamamatay-Tao
  • Kung Paano Magiging Maligaya
  • Tagumpay at Trahedya
    Gumising!—1997
  • Isang Bagong Depensa sa Pakikipagbaka sa Tuberkulosis
    Gumising!—1999
  • Sumalakay Na Naman ang Tuberkulosis!
    Gumising!—1996
  • Isang Nakamamatay na Pagsasanib
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 11/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

“Snow-Conditioning”

Ang niyebe ay ginagamit ngayon bilang isang bagong pinagmumulan ng enerhiya sa panahon ng tag-init, ulat ng Asahi Evening News ng Hapón. Ang lunsod ng Bibai sa Hokkaido, gawing hilaga ng Hapón, ay may maiikli at maiinit na tag-init at maraming niyebe sa taglamig. Sa halip na itapon ang niyebe, iniimbak ito ng mga manggagawa sa mga bodega. Pagkatapos, sa panahon ng tag-init, ang “hangin ay pinaiikot sa isang malaki at puno-ng-niyebeng imbakan ng yelo bago ibuga bilang malamig na hanging gaya ng ginagamit sa repridyeretor,” sabi ng pahayagan. Ang malamig na hanging ito ay ginagamit upang palamigin ang mga gusali na nasasangkapan ng mga “snow conditioner,” na pantanging dinisenyong mga sistema ng air condition na gumagamit ng niyebe. Ang isa pang karagdagang pakinabang ay na ang mga bodegang punô ng niyebe ay may matataas na antas ng halumigmig, na tumutulong upang dalisayin ang hangin sa pamamagitan ng pagsipsip sa mga alikabok at amoy.

Nakamamatay na Tuberkulosis na Lumalaban sa Gamot

“Isang nakamamatay na multi-​drug-resistant tuberculosis (MDRTB), na dumarami sa ngayon, ang may kakayahang lipulin ang pami-pamilya,” ulat ng pahayagang Star sa Johannesburg. “Sa susunod na ilang taon ay mauunahan nito ang bilang ng mga kaso ng karaniwang tuberkulosis (TB)” sa Timog Aprika. Ayon sa South African National Tuberculosis Association, ang mga pasyenteng may TB ay maaaring magkaroon ng MDRTB kung hihinto kaagad sila sa pag-inom ng kanilang gamot o kung hindi nila iinumin ito nang tuluy-tuloy. Dahil dito ay maaaring maipasa ang mas mapanganib na TB na lumalaban sa gamot sa mga taong hindi kailanman nagkaroon ng TB. Ang paggamot sa TB na lumalaban sa gamot ay 20 ulit na mas magastos kaysa sa paggamot sa normal na TB at hindi gaanong matagumpay​—kalahati ng mga pasyenteng may uri ng TB na lumalaban sa gamot ang namamatay. Ang krisis sa TB sa Timog Aprika, sabi ng ulat, “ay hindi makontrol ang pagdami sa kabila ng bagay na makukuha nang libre ang paggamot sa TB.” Dalawang-katlo ng populasyon ang may di-aktibong TB na maaaring madaling maging aktibo sa pamamagitan ng virus ng HIV.

Mapanganib ba ang Edad na 49?

‘Mag-ingat, mga 49-anyos,’ ang babala ng Asahi Shimbun. Mas maraming lalaki sa edad na ito kaysa anumang ibang edad ang naaaresto sa Hapón sa salang pagpaslang at tangkang pagpaslang. Ang mga 49-anyos ay nangunguna rin sa pagdudulot ng pinsala sa katawan. Kasunod nito ang mga 47-anyos, na sinusundan ng mga 48-anyos at pagkatapos ng mga 45-anyos. Bakit napakarami mula sa pangkat na may ganitong edad? Ang mga lalaking malapit nang mag-50 ay dumating na sa sangandaan ng buhay, ang sabi ng isang saykayatris sa Tokyo. “Nagsarili na ang kanilang mga anak, kailangan nilang alagaan ang kanilang tumatanda nang mga magulang at nagiging mahirap na ang kanilang kaugnayan sa kani-kanilang kabiyak,” aniya. “Nasa yugto sila kung kailan mahina na ang kanilang pagsupil sa mga bugso ng damdamin, at ang iba ay kumikilos nang pabigla-bigla kapag nakikini-kinita nila ang panganib.” Ayon sa pahayagan, ang mga utang sa pabahay, bayad sa edukasyon, panggigipit sa trabaho, pagkaalis sa trabaho, at di-matatag na hanapbuhay ay pinagmumulan din ng kaigtingan sa buhay ng mga lalaking mahigit nang 45.

May Kaugnayan ba ang Pagkamalilimutin sa Teknolohiya?

Sinimulang sisihin ng ilang doktor sa Hapón, Estados Unidos, at Britanya ang teknolohiya sa computer, gaya ng mga electronic organizer at mga car navigation system, dahil sa matinding pagkamalilimutin ng mga kabataang adulto, ang ulat ng The Sunday Times ng London. Sinasabi ng mga doktor na dahil sa mga makabagong aparato, dumalang ang paggamit sa utak upang lutasin ang mga problema, anupat ang mga manggagawa, pati na yaong mga nasa edad 20 at 30, ay hindi makatanda ng mga pangalan, nasusulat na mga salita, o mga tipanan. Ganito ang sabi ni Dr. David Cantor ng Psychological Services Institute sa Atlanta, Georgia, E.U.A.: “Maraming dalubhasa ang naniniwala na ang labis-labis na impormasyon ay nagpapahirap sa ilang tao na tumanggap ng bagong impormasyon . . . Nalilimutan ng mga taong ito ang mga bagay-bagay sapagkat masyado silang abala upang tandaan ang mga ito sa pasimula pa.” Sinasabi ni Dr. Takashi Tsukiyama ng Tokyo na ang mga problemang ito ay “walang kaugnayan sa edad kundi nauugnay sa [iyong] istilo ng pamumuhay, gaya ng hindi sapat na paggamit sa iyong utak.”

“Isang Malubhang Problema sa Kalusugan ng Bayan”

Ayon sa mga estadistika ng pamahalaan, ang pagpapatiwakal ang ikawalong pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga Amerikano. Mahigit na 30,000 Amerikano ang nagpapatiwakal taun-taon, at bawat taon mahigit na 650,000 ang nagtatangkang magpakamatay. May mahigit na tatlong pagpapatiwakal sa bawat dalawang pagpaslang, sabi ng serbisyo sa pagbabalita ng Reuters. Tinutukoy kapuwa ng pampubliko at pribadong mga grupo ang pagpapatiwakal bilang “isang malubhang problema sa kalusugan ng bayan.” Si David Satcher, ang U.S. surgeon general, ay nagsabi: “Iilan ang hindi naaapektuhan ng trahedya ng pagpapatiwakal sa kanilang buong buhay.” Kabilang sa ilang sanhing nauugnay sa pagpapatiwakal ang “panlulumo, damdamin ng kawalang-pag-asa at kawalang-kaya, at pag-abuso sa alkohol at iba pang droga,” ang ulat ng Reuters.

Kawalang-Alam sa Bibliya

Bagaman ang Bibliya ay karaniwan nang pinagpipitaganan sa Estados Unidos, natuklasan ng isang pagsusuri kamakailan na 16 na porsiyento lamang ng mga nag-aangking Kristiyano roon ang nagsasabing binabasa nila ang Bibliya araw-araw. Gaya ng iniulat sa The Sun Herald ng Biloxi, Mississippi, E.U.A., ipinakikita ng isa pang pagsusuri na 2 lamang sa 10 katao ang nakakakilala sa taong nagpahayag ng Sermon sa Bundok. Karagdagan pa, tatlo o apat lamang sa Sampung Utos ang kayang banggitin niyaong mga tinanong.

Katas ng Grapefruit at mga Gamot

Ang pag-inom ng mga iniresetang gamot kasama ng katas ng grapefruit (kapamilya ng suha) ay maaaring makaragdag sa “panganib ng masasamang epekto at, sa ilang kaso, ay [maging dahilan] ng malulubhang reaksiyon,” ang ulat ng UC Berkeley Wellness Letter. Pangunahin nang kabilang sa mga gamot ang ilan na nagpapababa ng kolesterol, mga gamot sa alta presyon na kilala bilang mga calcium channel blocker, at ilang gamot na pampakalma. Subalit kapuna-puna, hindi lahat ay nagkakaroon ng negatibong reaksiyon sa pagsasamang ito, ni lahat man ng katas ng grapefruit ay nagiging sanhi ng problema. “Kung ikaw ay naggagamot at umiinom ng katas ng grapefruit,” ang sabi ng Wellness Letter, “alamin sa inyong parmasiyutiko ang hinggil sa posibleng reaksiyon.”

Memoryang Gaya ng Isang Elepante?

Natuklasan ng mga mananaliksik na gumagawa sa Amboseli National Park sa Kenya na ang isa sa mga susi sa kaligtasan ng isang pangkat ng mga elepante ay ang memorya ng pinakamatandang babaing elepante. “Ang pinakamatatanda sa matriyarka ng mga elepante, mga babaing hindi kukulangin sa 55 taóng gulang, ay lumalabas na mas nakakakilala sa kaibahan ng mga kaibigan mula sa mga estranghero kaysa sa . . . mga 35-taóng-gulang,” ulat ng Science News. Sa pamamagitan ng pagtanda sa mga pag-atungal, o mga ugong na may mababang frequency, nakikilala ng matatandang matriyarka ang di-pamilyar na mga pag-atungal at tinitipon ang pangkat bilang depensa. Sinasabi ng ulat na “karaniwang nakikilala ng isang babae ang humigit-kumulang 100 kasama sa pamamagitan ng kanilang mga pag-atungal.” Kaya kapag pinapatay ng ilegal na mga mangangaso ang isang mas matandang elepante, nangangahulugan ito ng pagkawala ng isang malaking imbakan ng impormasyon para sa buong kawan.

Numero Unong Mamamatay-Tao

“Ang inuming de-alkohol ay pumapatay ng 55,000 kabataan sa bawat taon,” ulat ng pahayagang Pranses na Le Figaro. Ayon sa World Health Organization (WHO), ang inuming de-alkohol ang numero unong mamamatay-tao sa mga lalaking Europeo na ang edad ay 15-29 at isang sanhi sa 25 porsiyento ng lahat ng namatay. Kasali rito ang mga namatay dahil sa “pagkalango, mga aksidente sa trapiko, mga pagpapatiwakal, at mga pagpaslang,” ang sabi ng pahayagan. Ang situwasyon ay lalo nang masama sa ilang bansa sa Silangang Europa, kung saan “sangkatlo ng mga kabataang lalaki ay agad na namamatay bunga ng labis-labis na pag-inom ng inuming de-alkohol.” Sa isang komperensiya sa Stockholm, Sweden, tinuligsa ni Dr. Gro Harlem Brundtland, panlahat na patnugot ng WHO, ang agresibong pagbebenta ng mga gumagawa ng inuming de-alkohol, na nagpapahirap para sa mga kabataan na itaguyod ang “isang timbang at mabuting saloobin may kinalaman sa inuming de-alkohol.”

Kung Paano Magiging Maligaya

“Ang susi sa kasiya-siyang buhay ay hindi nakasalalay sa maraming pera sa bangko. Sa katunayan, ang pagiging mayaman, popular at maimpluwensiya ay malamang na hindi siyang paraan upang makasumpong ng kasiyahan,” ayon sa bagong pananaliksik ng mga sikologo. Si Kennon Sheldon ng University of Missouri-Columbia, sa Estados Unidos, ay nagsasabi: “Sa Kanluraning mga kultura, ipinahihiwatig ng maraming anunsiyo na dapat tayong maging maganda, popular at mayaman. Maaari nitong palaguin ang negosyo, subalit yaong nasisilo rito ay hindi siyang pinakamaliligayang tao.” Gaya ng iniulat sa The Independent ng London, isinisiwalat ng isang pagsusuri sa mahigit na 700 estudyante sa kolehiyo na ayon sa mga estudyante, ang “paggalang sa sarili” at ang “pagiging malapít sa iba” ang pinakamahalagang mga salik sa kanilang kaligayahan. Ang salapi ang pinakabihirang banggitin bilang isang sanhi ng kaligayahan. Sinabi ng pahayagan na “naglaho na [ang paniniwalang] ‘ang mga nag-aakalang hindi mabibili ng salapi ang kaligayahan ay hindi lamang nakababatid sa mga kapakinabangan ng salapi.’”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share