Gaano Kaligtas ang Iyong Pagkain?
KUMAKAIN ka ba nang tatlong beses sa isang araw? Kung gayon, pagsapit mo ng edad 70, mahigit na 75,000 beses ka nang kumain. Para sa isang karaniwang Europeo, iyan ay nangangahulugan ng pagkain ng—kalakip ang iba pang mga bagay—mga 10,000 itlog, 5,000 tinapay, 100 sako ng patatas, 6 na hati ng baka, at 2 tupa. Ang lahat ba ng pagkaing iyon ay isang pabigat? Malayung-malayo! Tunay na kalugud-lugod sa atin na marinig ang mga kapahayagang tulad ng “kumain kayong mabuti” o “guten Appetit” o “bon appétit”! Ang nangangasiwa sa isang paaralan ng pagluluto ay nagsabi pa nga: “Ang pagkain ang pinakamahalaga sa buhay.”
Kadalasan nang may hilig tayo na ipagpalagay na ang ating kinakain ay kapaki-pakinabang at nakapagpapalusog. Ngunit kung isa lamang sa 75,000 pagkaing iyon ay naglalaman ng isang bagay na nakapipinsala, maaari tayong magkasakit nang malubha. Makasisiguro ba tayo na ang ating kinakain ay ligtas? Sa mga panahong ito, tila dumarami ang mga taong nagkakaroon ng mga pag-aalinlangan hinggil sa paksang iyan. Sa ilang bansa, ang pagiging ligtas ng pagkain ay nagiging isang pangunahing pagkabahala. Bakit?
Mga Dahilan ng Pagkabahala
Taun-taon, naaapektuhan ng sakit na mula sa pagkain ang mga 15 porsiyento ng populasyon ng Europa. Halimbawa, noong unang mga taon ng dekada ng 1980, ang nakalalasong mantika sa Espanya ay pumatay ng mga 1,000 katao at nagdulot ng malubhang pagkakasakit sa 20,000 iba pa. Noong 1999, natakot ang populasyon ng Belgium nang iulat na ang mga bagay na tulad ng itlog, manok, keso, at mantikilya ay posibleng nadumhan ng isang lason na tinatawag na dioxin. Nitong kamakailan lamang, nagitla ang mga mamimili ng Britanya—at ang industriya ng karne nito ay nasira—nang mahawa ang mga baka ng bovine spongiform encephalopathy (mad cow disease). Pagkatapos ay nariyan ang paglitaw ng foot-and-mouth disease, na nangailangan ng pagpatay at pagtatapon ng milyun-milyong baka, tupa, baboy, at kambing.
Bagaman malubha ang gayong mga panganib, may iba pang mga salik na ikinababahala ang mga tao hinggil sa pagkain. Nababahala ang mga mamimili sa bagong mga pamamaraan na ginagamit ngayon sa pagpaparami at pagpoproseso ng pagkain. Sumulat ang European Commission noong 1998: “Ang mga bagong teknolohiya tulad ng paggamit ng radyasyon sa pagkain at henetikong inhinyeriya sa mga pananim na pagkain ay nagdulot ng maraming kontrobersiya.” Mapabubuti ba ng gayong makabagong mga makasiyensiyang pamamaraan ang ating pagkain o dudumhan lamang nito ang kinakain natin? At ano ang magagawa natin upang maging mas ligtas ang ating sariling pagkain?