Mga Zeppelin—Kagila-gilalas na mga Higante sa Himpapawid
“ANG tatay ko ay isang opereytor ng radyo na lulan sa isang zeppelin, at gustung-gusto niya ito,” ang sabi ni Ingeborg Waldorf sa Gumising! Sa katunayan, sa pagsisimula ng ika-20 siglo, humanga ang malaking bahagi ng daigdig sa mga higanteng sasakyang ito sa himpapawid. Saanman ito magtungo, ang mga ito’y pinagkakaguluhan.
Ang panahon ng mga higanteng sasakyan sa himpapawid ay lumitaw noong unang bahagi ng ika-20 siglo. Ang mga ito ay naging popular sa buong daigdig dahil sa kagila-gilalas na mga tagumpay nito—na tinimbangan naman ng kagila-gilalas ding mga sakuna. Nang bumagsak ang Hindenburg sa Lakehurst, New Jersey, E.U.A., noong 1937, biglang nagwakas ang panahong ito. Subalit may kapana-panabik itong kasaysayan.
Hot-Air Balloon na Naging Sasakyang-Panghimpapawid
Ilang siglo nang nagsisikap ang mga imbentor na makagawa ng paraan upang makalipad ang tao. Napansin ng ika-18 siglong mga Pranses na sina Joseph-Michel at Jacques-Étienne Montgolfier ang usok na pumapailanlang sa hangin at napag-isip-isip nila na ang usok ay may pantanging elemento na maaaring tumulong sa mga tao na makalipad. Dahil dito, gumawa sila ng isang pagkalaki-laking bag na yari sa papel at tela at itinapat ito sa mausok na apoy. Ang mga taganayon na nagkatipon upang saksihan ang eksperimentong ito ay nagimbal nang pumailanlang sa himpapawid ang bag. Noon ay Hunyo 1783, at naimbento ng magkapatid na Montgolfier ang hot-air balloon. Pagkalipas ng limang buwan, naganap ang kauna-unahang paglipad ng tao sakay ng isang lobo ni Montgolfier.
Gayunman, ang diperensiya sa mga lobo ay na ang mga ito’y natatangay ng hangin at hindi madala sa isang partikular na direksiyon. Para maidirihí ang lobo, kailangang may tumulak dito. Ang unang taong gumawa ng kombinasyon ng pag-angat at pagtulak ay ang Pranses na si Henri Giffard, na nagpalipad sa isang sasakyang-panghimpapawid sa pamamagitan ng singaw noong 1852. Sa halip na gumamit ng mainit na hangin upang magpaangat, gumamit si Giffard ng hidroheno, isang gas na mas magaan sa hangin. Palibhasa’y naididirihí na ang sasakyan ni Giffard, tinawag itong dirihible—mula sa salitang Latin na dirigere, na nangangahulugang “idirihí.”
Makalipas ang sampung taon, isang Alemang opisyal ng hukbo ang pumunta sa Hilagang Amerika upang magmasid sa Gera Sibil, kung saan ang magkabilang panig ay gumagamit ng mga lobo upang manmanan ang posisyon ng kaaway. Gayon na lamang ang paghanga ng opisyal sa kauna-unahan niyang paglipad sa ibabaw ng Mississippi River sakay ng lobo anupat ang kaniyang pangalan ay naging bahagi na ng mga sasakyang-panghimpapawid. Siya ay si Konde Ferdinand von Zeppelin.
Mga Higanteng Sasakyang-Panghimpapawid ni Konde Zeppelin
Ayon sa iba, nakuha ni Zeppelin ang disenyo ng isang sasakyang-panghimpapawid na may balangkas na aluminyo mula sa isang imbentor na taga-Croatia na nagngangalang David Schwarz. Nagustuhan ni Zeppelin ang ideya ng isang sasakyang-panghimpapawid na may sapat na laki na makapaglululan ng maraming pasahero o ng mabibigat na kargamento. Naiiba ang kaniyang mga sasakyang-panghimpapawid dahil sa napakalaking sukat at parang-tabakong hugis nito. Ang mga Zeppelin ay may balangkas na metal na nababalutan ng tela.a Nasa loob ng balangkas ang isang bagon, o gondola, na kinaroroonan ng mga tripulante. Ang mga pasahero naman ay nasa gondola o kaya ay nasa pinakatiyan ng sasakyang-panghimpapawid. Pinaaangat ito ng hidroheno, na nasa loob ng mga pitak—mga gas cell o mga bag ng gas—na nasa balangkas mismo. Itinutulak ito ng mga motor na nakakabit sa balangkas. Habang ineeksperimento ni Konde Zeppelin ang mga sasakyang-panghimpapawid, siya ay itinuring na isang pangahas na sintu-sinto. Subalit darating din ang araw na pinakahihintay ng konde.
Umalis si Konde Zeppelin sa hukbo at nagpakaabala sa pagdidisenyo at paggawa ng mga sasakyang-panghimpapawid. Sa kauna-unahang pagkakataon ay lumipad ang kaniyang unang zeppelin sa may Friedrichshafen, Alemanya, noong Hulyo 1900. Nakahanay ang mga tao sa pampang ng Lake Constance habang ang hugis-silindrong sasakyan, mga 127 metro ang haba, ay lumilipad sa ibabaw ng tubig sa loob ng 18 minuto. Isang kompanya ng pagawaan ng sasakyang-panghimpapawid ang itinatag, at gumawa ito ng iba pang mga sasakyang-panghimpapawid. Hindi na isang sintu-sinto ang konde; sikat na siya ngayon sa buong daigdig. Pinakadakilang Aleman ng ika-20 siglo ang tawag sa kaniya ng emperador.
Ang Kauna-unahang Serbisyo ng Pampasaherong Sasakyang-Panghimpapawid sa Daigdig
Nakita ni Konde Zeppelin na ang kaniyang higanteng sasakyang-panghimpapawid ang magiging tulay upang manaig sa himpapawid ang Alemanya. Noong Digmaang Pandaigdig I, ginamit ng sandatahang hukbo ng Alemanya ang mga zeppelin upang manmanan ang teritoryo ng kalaban at upang maghulog pa nga ng mga bomba. Sa katunayan, ang pinakagrabeng pagsalakay sa himpapawid sa digmaang ito ay gawa ng isang zeppelin na lumipad sa London.
Gayunman, nakita ng mga sibilyang mahilig sa sasakyang-panghimpapawid ang potensiyal sa pagkakaroon ng isang serbisyo ng pampasaherong sasakyan sa himpapawid. Kaya naman, noong 1909 ay itinatag ang German Airship Transport Company, ang kauna-unahang serbisyo ng pampasaherong sasakyan sa himpapawid. Makalipas ang mga taon, ang serbisyong ito ay umabot sa labas ng Europa. Ang mga zeppelin na Graf Zeppelin at Hindenburg ay gumawa ng balikang paglalakbay mula Alemanya patungong Rio de Janeiro at Lakehurst.
Sikat na sikat ang zeppelin sa Estados Unidos. Kasunod ng kauna-unahang pagtawid ng Graf Zeppelin sa Atlantiko mula Friedrichshafen hanggang East Coast ng Estados Unidos noong 1928—kung saan nasira ang sasakyang-panghimpapawid na ito—tumakbo si Presidente Coolidge sa bakuran ng White House para panoorin ang pagdaan ng higanteng sasakyan. Walang pagsidlan ang kasabikan ng New York; ang lunsod ay nagbigay ng isang parada sa mga tripulante ng Graf kasabay ng pagsasaboy sa kanila ng mga kumpites.
Pagsakay sa Hindenburg
Ang paglalakbay sakay ng isang sasakyang-panghimpapawid ay iba kaysa kung sakay ng modernong eroplano. Gunigunihin ang pagsakay sa Hindenburg, na tatlong ulit na mas mahaba sa isang jumbo jet at kasintaas ng isang 13-palapag na gusali. Paglalaanan ka, hindi ng isang upuan, kundi ng isang kamarote na may kama at paliguan. Kapag papalipad na ito, hindi na kailangang magsuot ng sinturong pangkaligtasan. Sa halip, puwede kang manatili sa iyong kamarote o maglibot-libot sa lugar ng pahingahan o pasyalan, habang nanunungawan sa mga bintanang nabubuksan. Lahat ng pasilidad na ito ng mga pasahero ay naroroon sa pagkalaki-laking tiyan ng sasakyang-panghimpapawid.
Ayon sa aklat na Hindenburg—An Illustrated History, 50 pasahero ang kumakain sa silid-kainan, habang nakaupo sa mga mesang may puting mantel at nakaayos na magagandang kubyertos at plato. Sa isang karaniwang paglalakbay sa Atlantiko, ang mga tauhan sa kusina ay gumagamit ng 200 kilong karne at manok, 800 itlog, at 100 kilong mantikilya, habang naghahanda ng pagkain sa pinakakusina na may de-kuryenteng kalan, oven, gawaan ng yelo, at repridyeretor. Isang maliit na piyano ang nakapalamuti sa lugar ng pahingahan, kung saan pinangangasiwaan ng isang istewardes ang mga pasahero.
Ang Hindenburg ay ginawa para sa kaalwanan, at hindi dahil sa bilis. Sa bilis na halos130 kilometro bawat oras at sa taas na 200 metro, nagawa ng Hindenburg ang pinakamabilis na pagtawid nito sa Hilagang Atlantiko noong 1936 sa halos 43 oras. Karaniwan nang banayad ang paglipad nito. Sa isang paglipad nito mula Lakehurst, isang babaing pasahero ang pagod na pagod nang sumakay siya sa sasakyang-panghimpapawid anupat tumuloy siya sa kaniyang kamarote para matulog. Pagkaraan, tinawag niya ang isteward at inalam kung kailan lilipad ang sasakyang-panghimpapawid. Ipinaliwanag ng nagtatakang isteward na dalawang oras na silang nasa himpapawid. “Hindi ako naniniwala sa iyo,” sigaw niya. Nakumbinsi lamang ang babae nang pumunta siya sa lugar ng pahingahan at masilip sa bintana ang baybayin ng New England ilang daang talampakan mula sa ibaba.
Ang Pinakasikat na Sasakyang-Panghimpapawid na Lumipad Kailanman
Sumapit ang pinakasukdulan ng panahon ng zeppelin noong 1929 nang lumibot sa daigdig ang Graf Zeppelin. Mula sa opisyal na pasimula nito sa Lakehurst, ang sasakyang-panghimpapawid ay lumipad sa palibot ng daigdig mula kanluran patungong silangan sa loob ng 21 araw, na lumapag sa Friedrichshafen, sa Tokyo—kung saan sangkapat ng isang milyon katao ang nagkatipon upang salubungin ito—at gayundin sa San Francisco at Los Angeles. Pagkalipas ng dalawang taon, muling gumawa ng kasaysayan ang Graf, anupat lumipad ito sa Artiko upang makipagtagpo sa barko ng mga Ruso. Ang Hindenburg—An Illustrated History ay nagsabi: “Ang Graf Zeppelin ay halos ituring na isang himala. Pinagkakaguluhan ito saanman pumunta. Marahil ay walang tatanggi na ito na nga ang nag-iisang pinakasikat na sasakyang-panghimpapawid na lumipad kailanman—kabilang na ang modernong Concorde.”
Nakikini-kinita rin ng ibang bansa ang isang napakagandang kinabukasan para sa mga sasakyang-panghimpapawid na may patigas. Nagplano ang Britanya ng isang plota ng kulay-pilak na mga higanteng ito upang pag-isahin ang magkakalayong sulok ng imperyo nito sa pamamagitan ng regular na paglipad sa India at Australia. Sa Estados Unidos, ang Shenandoah ang kauna-unahang sasakyang-panghimpapawid na may patigas na gumamit ng helium upang magpaangat sa halip na yaong nasusunog na hidrohena. Ang Akron at ang Macon ay kapuwa may kapasidad, habang nasa himpapawid, na magpalipad at magpabalik ng maliliit na sasakyang-panghimpapawid na naroon sa pinakatiyan nito. Dahil sa radio-homing na aparato nito, ang Macon ay naging kauna-unahang aircraft carrier sa daigdig na napakinabangan nang husto.
Nakagigimbal na Sakuna
“Oo, talagang gustung-gusto ng tatay ko na maglakbay sa himpapawid,” ang sabi ni Ingeborg Waldorf, na nabanggit sa pasimula. “Pero nababahala siya sa dulot nitong panganib.” Naglakbay sa himpapawid ang tatay niya noong Digmaang Pandaigdig I, subalit kahit walang digmaan, ang pagsakay sa sasakyang-panghimpapawid—sa kabila ng lahat ng napabalitang mga tagumpay nito—ay isang mapanganib na gawain. Bakit?
Isa sa pinakamatinding kalaban ng zeppelin ay ang lagay ng panahon. Sa unang 24 na sasakyang-panghimpapawid na ginawa ni Konde Zeppelin at ng kaniyang kompanya, 8 ang napabagsak ng masamang lagay ng panahon. Noong 1925, ang sasakyang-panghimpapawid ng Estados Unidos na Shenandoah ay nawasak habang lumilipad dahil sa pagkalalakas na bugso ng hangin. At nang bumagsak din ang dalawa pang sasakyang-panghimpapawid dahil sa masamang lagay ng panahon—ang Akron noong 1933 at ang Macon makalipas ang wala pang dalawang taon—sa wakas ay ibinalita ang pagtatapos ng panahon ng mga higanteng sasakyang-panghimpapawid na may patigas ng Amerika.
Nasa R 101 ang pag-asa ng Britanya. Sa kauna-unahang paglipad nito noong 1930 mula Britanya patungong India, hanggang Pransiya lamang ang narating ng R 101, kung saan nasagupa nito ang masamang lagay ng panahon at ito’y bumagsak. Isang manunulat ang nagsabi na “wala pang sakuna mula nang lumubog ang Titanic noong 1912 ang nakagimbal nang ganito sa mga taga-Britanya.” Nagwakas na ang maliligayang araw ng mga sasakyang-panghimpapawid na may patigas ng Britanya.
Magkagayunman, para sa industriya ng zeppelin sa Alemanya, malaki pa rin ang tiwala nila rito. Hanggang sa dumating ang sakunang yumanig sa daigdig. Noong Mayo 1937, ang Hindenburg ay kasalukuyang lumilipad noon mula Frankfurt patungong New Jersey at nagmamaniobra para sa paglapag sa Lakehurst Naval Air Station. Biglang-bigla, isang maliit na buga ng apoy ang lumitaw sa ibabaw ng takip, malapit sa pinakabuntot nito. Agad na naglagablab ang sasakyang-panghimpapawid dahil sa hidrohenong nasa loob ng mga gas cell. Tatlumpu’t anim katao ang namatay.
Sa kauna-unahang pagkakataon, naroroon ang mga cameraman sa pagbabalita upang kunan ang sakuna habang ito’y nagaganap. Ang kuha sa 34-na-segundong sakuna—mula sa unang buga ng apoy hanggang sa pagbagsak ng higanteng ito sa lupa—ay ipinalabas sa buong daigdig, pati na ang makabagbag-damdaming komentaryo ng brodkaster: “Nasusunog, naglalagablab . . . Paano na ang sangkatauhan at ang lahat ng pasahero!” Ang panahon ng mga higanteng sasakyang-panghimpapawid ay tumagal nang mahigit na 30 taon; sa diwa, nagwakas ito sa loob ng 34 na segundo.
Isang Bagong Henerasyon ng mga Zeppelin
Hindi kailanman nawala ang pagkagusto ng Friedrichshafen sa mga zeppelin. Ang mga bumibisita sa Zeppelin Museum ay naibalik sa nakaraan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkakataong makaakyat sa isang binuo-muling bahagi ng Hindenburg. Ganito ang sinabi sa Gumising! ng isang guide sa museo, na nakakita mismo sa tunay na Hindenburg noong 1936 Berlin Olympics: “Hindi ninyo mailalarawan ang inyong damdamin kapag nakita ninyo ang zeppelin. Magigimbal kayo.”
Sinasabing malapit na ang isang bagong henerasyon ng mga zeppelin na ginagamitan ng makabagong teknolohiya. Bagaman mas maliliit ito kaysa sa naunang mga higante, ang mga bagong zeppelin ay dinisenyo para sa “eksklusibo, banayad at walang-polusyong turismo.” Maaabot kaya ng mga ito ang tagumpay ng kanilang mga ninuno, ang kagila-gilalas na mga higante sa himpapawid? Panahon lamang ang makapagsasabi.
[Talababa]
a Ang uring ito ay kilala bilang zeppelin, o sasakyang-panghimpapawid na may patigas yamang ito ay may matigas na balangkas, na nagpapanatili sa hugis ng sasakyan. Ang sasakyang-panghimpapawid na walang patigas—tinatawag kung minsan na blimp—ay walang balangkas kundi isa lamang bag na parang lobo na nagkahugis lamang dahil sa binugahan ito ng gas. Ang ikatlong uri ay ang sasakyang-panghimpapawid na may bahagyang patigas, na tulad din ng walang patigas ngunit kinabitan ng kilya sa ilalim ng bag ng gas. Ang karaniwang parte ng lahat ng sasakyang-panghimpapawid na kakaiba sa mga lobo ay ang motor nito, na magagamit upang maidirihí ang mga sasakyang-panghimpapawid.
[Larawan sa pahina 10]
Konde Ferdinand von Zeppelin
[Credit Line]
Mga larawan sa pahina 10: Archiv der Luftschiffbau Zeppelin GmbH
[Mga larawan sa pahina 11]
Boeing 747
Hindenburg
Titanic
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Mula sa kaliwa pakanan: Ang “Graf Zeppelin” sa Philadelphia; ang “control room”; ang lugar ng pahingahan ng mga pasahero
[Credit Line]
Archiv der Luftschiffbau Zeppelin GmbH
[Mga larawan sa pahina 14]
Ang sakuna ng “Hindenburg” sa Lakehurst noong 1937 ay nakatulong upang biglang matapos ang panahon ng mga higanteng sasakyang-panghimpapawid
[Credit Line]
Mga Larawan: Brown Brothers